CHAPTER 13

2167 Words
Napalingon ako sa aking likuran ng bumaha ang liwanag mula sa sasakyang huminto. Agad tinambol ng malakas ang aking puso ng makita ko si Andrie na bumaba ng sasakyan. Walang pag aalinlangan akong sumampa sa parapet wall at nang makita kong unti unti na siyang lumalapit sa akin ay agad akong tumalon. “Nikki!” Narinig ko ang pagtawag niya sa pangalan ko ngunit huli na. Pikit mata na akong nakatalon sa tulay. Sa pagbulusok ko paibaba ay siya namang pagbulusok ng libo libong alaala sa akin. “Tama na po! Tama na, ma!” pagmamakaawang sigaw ko habang wala pa ring tigil si mama sa paghampas ng hanger sa kahit saang parte ng kawatan ko. “Tama na! Tama na, ha! Napaka bobo mo! Simpleng gawain lang hindi mo pa magawa! Tatanga tanga ka talaga kahit kailan!” wika pa niya habang patuloy pa rin sa pagpalo sa akin. “Nelia!” Napahinto si mama at itinapon sa tabi ang putol na hanger. Parang walang nangyari na nilapitan niya si papa at kinuha ang dalang bag nito. “Ano naman ‘to?” tanong ni papa. “P’wede ba! ‘Wag mo nga akong umpisahan!” singhal ni mama dito. “Maawa ka naman sa anak mo-“ “Carlos, hindi ko anak ‘yan!” “Nelia!” saway nito kay mama at sumulyap sa akin. “Bakit? Alam naman n’ya ang totoo, ah! Hindi pa ba s’ya sanay?” Matalim akong nilingon ni mama. “Tama na, Nelia!” mariing saway ni papa. “Ewan ko sa ‘yo!” Padabog na iniwanan kami ni mama sa sala. Lumapit si papa sa akin at tinulungan akong tumayo. Nanginginig pa ang buong katawan ko at hindi ako makatayo ng maayos kaya inakay na lang ako ni papa palabas. Nagtungo kami sa likod bahay kung nasaan ang maliit naming kubo na pahingahan kapag mainit ang panahon. “Ano na naman ba ang nangyari?” tanong ni papa sa akin. Hinawi niya ang mga hibla ng buhok kong dumikit na sa aking mukha. Pinahid rin niya ang aking mga luha at pawis na naghalo na. “Hindi ko naman po sinasadyang malagyan ng zonrox ang pink na dress ni Nelsie, eh. Hindi n’ya po nasuot ngayon sa birthday party ng kaibigan n’ya kaya nagalit po si mama,” kwento ko. Bago rin umalis si Nelsie kanina ay nakatikim rin ako ng sabunot at sampal. Hindi ko na iyon ikinuwento kay papa. Naoabuntong hininga si papa at sinuyod ako ng tingin. “Kukuha lang ako ng gamot,” wika niya at napabuntong hininga ulit bago tuluyang umalis. Muling tumulo ang aking mga luha pag alis ni papa. Sa totoo lang hindi naman masakit ang mga galos at sugat sa katawan ko, eh! Mas masakit ang mga salitang laging binibitawan ni mama sa tuwing nagagalit siya sa akin. Bata pa lang ako ay alam ko na hindi ako tunay na anak ni papa. Anak ako sa pagkakasala. Pagkakasalang hindi naman ginusto ni mama. Dinukot si mama ng dati niyang nobyo at halos isang buwan siyang ikinulong sa isang liblib na lugar. Na-rescue si mama sa tulong ng isang kaibigan ng dati niyang nobyo. Ngunit nag bunga ang panggagahasa nito kay mama at ako iyon. Kwento ni lola na anim na buwan pa lang daw si Nelsie noon ng ipagbuntis ako ni mama. Kung ano ano na rin daw ang ginawa ni mama mawala lang ako pero hindi nangyari. Mas lalo niya akong kinamuhian dahil kamukhang kamukha ko ang totoong tatay ko. Simula ng magkaisip ako ay araw araw niyang ipinamumukha sa akin na hindi niya ako gusto. Na hindi niya ako mahal. Nakulong rin ang dating nobyo ni mama ngunit nagpakamatay sa loob ng kulungan. Na-diagnose rin daw ito na may sakit sa pag iisip. Na-trigger daw ang sakit nito ng iwanan siya ni mama at magpakasal noon kay papa. Masakit na araw araw ipamukha ni mama sa akin na hindi niya ako tanggap bilang anak. Malayong malayo ang pagtrato niya sa akin at kay Nelsie. Para nga akong si Cinderella, eh! Buhay prinsesa ang half sister ko at katulong naman ako. Ang kaibahan lang naming ay siya ang tunay na anak ni papa. Si papa naman ay mabait sa akin simula noon pa. Siya ang tagapag tanggol ko sa tuwing naabutan niyang inaapi ako ni mama. Pinagsasabihan rin niya si Nelsie. Ngunit mas lumalala lang ang lahat sa tuwing balik na sa trabaho si papa. Mas lalo akong pinahihirapan ni mama. Konting mali lang ay abot langit na agad ang galit niya sa akin. Na para bang wala na akong ginawang tama. Kay papa at lola ko naramdaman na hindi ako iba. Na kabilang pa rin ako sa pamilya. Kahit na nga hindi naman talaga si papa ang biological father ko. Si papa ang umaakyat stage sa bawat achievements na nakukuha ko sa school. Tuwing birthday ko ay pinag lalaanan talaga ni papa at lola ng oras para ipaghanda ako. Hindi man kasing garbo ng taon taong birthday celebration ni Nelsie pero sapat na sa akin iyon at kontento na ako basta kasama ko sina papa at lola. Wala mang regalo pero ‘yong makasama ko sila ay malaking regalo na iyon para sa akin. “Tapos na!” nakangiting sabi ni papa matspos lagyan ng band aid ang aking noo. “Ang bilis ng panahon. Isang taon na lang ga-graduate na kayo ni Nelsie. Ano ba ang kursong kukunin mo sa kolehiyo?” “Architecture po sana, pa. Kaso baka hindi po kayanin. Dalawa na kami ni Nelsie na magka-college,” malungkot na sagot ko. “Medyo mahal nga, anak,” kamot ulong ani papa. “P’wede naman po na education na lang. Saka p’wede naman po akong mag working student.” “Pasensya ka na, anak, ha. Mahirap lang tayo, eh!” malungkot na wika nito. “Hindi naman po ako nagrireklamo, pa. Mag aaral po ako ng mabuti at maghahanap agad ng trabaho para balang araw maging maganda na ang buhay natin.” “Makita ko lang na maging successful kayong magkapatid ay malaking kasiyahan na iyon para sa akin.” Humilig ako sa balikat ni papa at napatanaw na lang sa malayo. Gagawin ko ang lahat para masuklian lang ang kabutihan ni papa sa akin. Napaka swerte ko dahil isa ako sa mapalad na anak sa labas na may ganitong klaseng ama. Hindi man ako sa kanya galing pero itinuring niya akong sarili niyang dugo at laman. “Bespren!” Nagulat ako ng bigla akong akbayan ni Andrie at panggigilan pa ang aking pisngi. “Ano ba?!” Pinalo ko ang kanyang kamay sabay irap sa kanya. “Nakakahiya!” “Ito naman para na-miss ka lang, eh!” nakangusong anito na waring nagtatampo. “Hindi mo ba ako na-miss?” Two weeks silang nawala dahil sa volley ball games nila sa iba’t ibang school. Isa rin siya sa mga drummers ng band and lyre na ipinanlalaban din kaya ilang linggo rin kaming hindi nagkikita. Kahit magkapit bahay kami ay hindi rin kami nagtatagpo dahil halos gabi na rin s’yang umuuwi ng bahay nila. “Na-miss naman- ano ba?!” Natatawa ko siyang itinutulak palayo sa akin dahil bigla na lang niya akong niyakap na parang batang tuwang tuwa dahil sinabi kong nami-miss ko siya. “Ito naman!” Natatawa pang wika nito na patuloy sa pag-insist na yakapin ako. “Dati rati naman nagpapayakap ka sa akin, ah!” “Dati ‘yon! Hindi na tayo bata!” tugon ko. Inayos ko pa ang buhok kong nagulo na dahil sa kakulitan niya. “At saka malapit na kayong matusta dahil sa nagbabagang tingin ni ate n’yong Nelsie!” natatawang sabi ni Marie nang makalapit sa amin. “Selos na selos ang lola n’yo, oh!” kantyaw pa ni Jodi. “Si Bespren ba s’ya?” taas kilay na tanong ni Andrie na palipat lipat ang tingin sa dalawa. “Hindi!” sabay na sagot ng dalawa “Hindi naman pala, eh! Kaya wala s’yang karapatang mag selos!” “Kung hindi lang kayo kilala ng marami mapagkakamalan talaga kayong mag-jowa, eh! Bakit kasi ayaw n’yo na lang totohanin ng lalong mag-palpitate sa selos ‘yong isa d’on sa malayo,” natatawang ani Marie. “Grabe naman kayo. Kapatid ko pa rin, uy!” saway ko sa kanila. “Ang tanong kapatid ka ba?” Natahimik ako sa sinabing iyon ni Andrie. Alam ng lahat kung gaano kaayaw ni Nelsie sa akin. To the point na lagi niyang sinasabing hindi kami magkapatid. “Kung p’wede ka lang ngang ampunin ni mama, ginawa na n’ya,” ani Andrie pa. “Hayaan n’yo na. Okay lang naman ako. Saka mahal naman ako ni lola at papa, eh,” sagot ko. “Hay naku! Ano bang aasahan n’yo kay Nikki? Wala namang masamang tinapay sa kanya,” turan naman ni Jodi. Pagkatapos ng klase ay niyaya ako ni Andrie na kumain. Nadaanan pa namin ang grupo ni Nelsie habang sakay kami ng motor ni Andrie. Masama ang tingin nito sa akin at tiyak na pag uwi ko mamaya ay malalagot na naman ako. Elementary pa lang ay alam ko ng crush n’ya si Andrie. Hanggang ngayon na high school na kami ay mas lalo niyang nagustuhan ang best friend ko. Palagi niya akong inaaway sa tuwing nakikita niyang masaya kami o hindi naman kaya ay hinaharot ako ni Andrie sa school. Mas lalo siyang nagagalit kapag tinutukso kami ng mga kaibigan namin. “Sinabi ni mama na sinaktan ka na naman ni Aling Nelia.” Umpisa nito matapos ilapag sa harapan ko ang isang mangkok ng goto. “May bago ba d’on? Sanay naman na ako,” tugon ko at inumpisan ng kumain. “Hanggang kailan ka masasanay?” Napaangat ang tingin ko sa kanya. Umangat ang kamay niya at hinaplos ng kanyang hinlalaki ang magaling ng sugat sa aking noo. “Hindi matatapos ang pang aabuso nila sa ‘yo dahil nasanay ka,” seryosong sabi nito. Napahinga ako ng malalim at pilit na ngumiti. Kinuha ko ang kamay niya at hinawakan iyon ng mahigpit. “Kaya ko ‘to! Saka konting tiis na lang rin naman dahil balak ko kapag nag-college na tayo mag-wo-working student ako. Hahanap ako ng trabaho para hindi na nila ako makita araw araw.” “Paano ako?” malungkot na aniya. “Ano’ng paano ka?” natatawang sabi ko. “Kapag nangyari ‘yon hindi na tayo magkikita palagi. Paano kapag may nakilala kang iba? Paano na ako?” “Grabe naman! Advance mag isip yern!” Biro ko pa dahil seryosong seryoso talaga ang mukha n’ya. “Seryoso ako, Niks!” Unti unting napawi ang ngiti sa labi ko dahil nakikita kong seryoso talaga s’ya. “Palagi ko namang sinasabi sa ‘yo na mahal kita ‘di ba? Higit pa sa kaibigan-“ “At alam mo ang sagot ko-“ “Handa naman akong maghintay. Basta ‘wag kang lalayo. Sapat na sa akin na makita ka sa araw araw. Kahit ihatid sundo pa kita gagawin ko!” “H’wag na nga muna nating pag usapan ‘yan! Matagal pa naman. Saka hindi pa naman sure ‘yon. Plano ko pa lang din ‘yon incase na mahirapan si papa lalo na’t dalawa kami ni Nelsie na mag aaral ng college,” pahayag ko. “Ganito na lang! Kung saan ako magka-college doon ka na rin pumasok para magkasama pa rin tayo,” suhestyon niya. “Hindi ko afford ang private school. Kahit mag working student ako hindi ko pa rin kakayanin,” tanggi ko. “Papautangin kita!” Talagang seryoso ito. “Tama na nga!” natatawang sabi ko habang naiiling. “May isang taon pa naman.” Balak kong kumuha ng scholarship sa nag iisang university dito sa Malabon. Unti unti na rin akong nag iipon para sa posibleng gastusin ko. Mabuti na lang at napagkakakitaan ko ang talento sa pagdo-drawing kaya nakakaipon ako. “H’wag kang mag maganda! At wala ka n’on!” Napahinto ako sa pagbukas ng pintuan ng aking kwarto. “Naisakay ka lang sa motot akala mo kung sino ka na!” Pinagtaasan pa niya ako ng kilay. “Wala naman akong sinasabi. Saka best friend ko naman si Andrie. Bakit hindi ka rin umangkas sa motor n’ya ng hindi ka nagkakaganyan.” May sasabihin pa sana siya pero pinagsaraduhan ko na siya ng pinto. “Oh! Labhan mo pa ‘to!” Inihagis ni Nelsie sa akin ang kanyang school uniform. “Hindi pa ako tapos-“ “Pwes unahin mo ang damit ko!” Sabay kuha nito sa uniform ko at inihagis sa damuhan. Marumi na ulit ang blouse at palda ko. Iniingat ingatan ko pa naman ang uniform ko dahil isang pares lang iyon. “Wala ng laman ang batya! Labhan mo na!” Nanlalaki pa ang mga matang sabi nito. Dahil sa inis at pagod ay inihampas ko kay Nelsie ang basa niyang palda ng makailang ulit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD