MAX
Nang makaalis na si Warren ay nanghihinang napaupo ako sa pang-isahang sofa na nasa apartment ko. Hindi ko alam kung anong katangahan ang sumapi sa akin para pumayag sa gusto niya. Kilala ko naman nang mambubudol ang lalaking iyon. Mula nang makilala ko siya ay wala na siyang ginawa kundi ang ibudol ako. Akala ko nga hindi na kami magkikitang muli dahil mula nang umalis ako sa probinsya namin ay hindi ko na siya nakikita pero nagulat na lang ako na kilala pala niya ang mismong may-ari ng kompanya na pinagtatrabahuhan ko ngayon. Ibig sabihin, mayaman pala talaga ang bugok na iyon.
Mukha naman talaga siyang mayaman. Kahit na napakadami niyang tattoo sa magkabilang braso ay ang linis pa rin niyang tingnan. Saka mabango siya kahit pinagpapawisan, kasi naalala ko dati na nagbabasketball siya sa court namin sa probinsya dati at lahat ng babae at mga pusong babae ay parang mga kinakatay na baboy kapag siya ang nakikita. Naririndi na nga ako, palibhasa gwapo lang kung makatili na sila sa lalaking iyon akala naman nila kung sino ng diyos na bumaba mula sa olympus. Kaya mas lalong yumayabang, e. Kasi alam niyang maraming nagkakagusto sa kaniya.
Hinawakan ko ang labi ko. Hindi naman pwedeng lumambot ako dahil lang sa malambot na labi niya kaya ipinilit ko ang ulo ko at muling tumayo. Kailangan ko nang magsaing.
May maliit akong rice cooker dito sa apartment, may isang din stove dahil kapag sa labas naman ako kakain ay mas mahal. Kailangan kong magtipid para may maipadala ako sa mga kapatid ko dahil kong ang tatay lang namin ang aasahan ay wala siyang maibibigay dahil mas priority ni Tatay ang sugal at bisyo niya kaysa sa pamilya.
Nang maisalang ko na ang kanin ay lumabas ulit ako para bumili ng isang sardinas sa tindahan sa may kanto. Dalawang bahay lang naman ang layo noon mula sa apartment ko. Hindi naman masusunog ang sinaing ko dahil rice cooker naman ang gamit ko, kusang magtu-turn off iyon kapag luto na.
Pero paglabas ko pa lang ng pinto ay hinarang na agad ako ni Suzy, ang kalapit ng pinto ko. Tatlong pinto ang meron dito sa second floor at ako ang nasa dulo, then si Suzy at sa may hagdan pababa ay ang mag-inang sina Aling Lani at Sander.
“Max, hindi mo ba talaga alam ang number ni Pogi?” tanong sa akin ni Suzy. Alam ko na agad kung sino ang poging tinutukoy niya. Si Warren. Isa pa itong babaeng ito. Parang linta palagi kung makalingkis kay Warren kapag nakikita niyang pumaparito ang bugok na iyon.
Tiningnan ko siya. Kulang na lang ay maging parang bra na lang ang suot niyang damit. Sobrang iksi noon may hikaw siya sa pusod at ang short na suot naman niya, kapag tumalikod ito sure akong kita na ang pisngi ng pwet niya. Ang alam ko isa itong magdalena kaya hindi na ako nagtataka sa ayos niya. Madalas ay gising sa gabi at tulog ito sa umaga. Ngayong malapit na maggabi, sigurado akong pupunta na naman siya sa trabaho niya na maraming ilaw.
“Hindi,” walang ganang sagot ko.
“Sure ka?”
“Alam mo, Suzy, bakit hindi na lang ikaw ang magtanong sa kaniya? Sure ako ibibigay niya iyon sa iyo.”
Sumimangot siya sa sinabi ko.
“Ilang beses ko nang hiningi pero wala raw siyang phone. Ang ganda-ganda ng kotse niya tapos walang phone, sure ako ayaw niyang ibigay kaya sa'yo ko na lang hinihingi,” paliwanag nito.
Kung ganoon dapat alam na niya na ayaw ni Warren na ibigay sa kaniya ang numero nito.
Actually, hindi ako nagsisinungaling sa kaniya. Wala talaga akong number ni Warren. Hindi ko hinihingi at mas lalong wala akong balak na humingi ng number niya dahil hindi ko naman kailangan.
“Kung ganoon huwag ako kulitin mo,” pabalang na sagot ko sa kaniya.
“Hindi na nga kita kinukulit, hindi ba? Ayaw mo kasi sa akin kaya kay Pogi na lang sana ako.”
Ngumuso ito sa akin. Pulang-pula ang labi niya na halatang pinaturukan niya para kumapal at lumaki. Hindi ko na lang pinansin ang sinabi niya. Dati talaga ay ako ang tinatarget niya, pero hindi ko naman siya type. Ayaw ko sa mga babaeng naging sawsawan na ng bayan o mas tamang sabihin na ayaw ko sa kaniya. Magkapitbahay kaming dalawa, mabait naman siya, iyon nga lang, may kalandian minsan.
Nilampasan ko na siya at bumaba na ako para bumili ng sardinas na kulay pula. Kailangan makabalik din agad ako dahil nakasaksak pa ang rice cooker ko.
“Ate Jess, isang pulang sardinas nga po,” saad ko habang nakasilip sa isang square na parang bintana kung saan isinusuot ang bayad.
“Alam mo Max, kung nagpakababae ka at ako ang shinota mo. Baka nilagang pata ang ulam mo ngayon at hindi lang sardinas,” mayabang na saad ni Marky.
Nakita ko siyang nakangisi nang lingunin ko. Labas ang dilaw na dilaw niyang ngipin. Maitim pa naman ito kaya mas lalong ang pangit tingnan. Hindi ba uso ang toothbrush sa kaniya? Ang dami niyang kinukupit kay Aling Lina tapos pinag-aadik lang ata niya.
Siya ang anak ng may-ari ng apartment na nirerentahan ko. Nakatambay siya ngayon sa may harap ng tindahan ay may hawak na isang bote ng softdrink.
Gusto kong masuka sa sinabi niya. Kahit siya na ang huling lalaki sa mundo hindi ko siya papatulan. Una, mama's boy siya, mayabang pa. Malaking lalaki ito, mataba at maitim ang batok, idagdag pang puro taba ito pero wala namang utak. Parang bonjing.
Kahit habang buhay akong mag-ulam ng sardinas, ayos lang sa akin. Huwag lang siya mapangasawa ko.
“Naku, chicks lang ang pinapatulan ko, hindi kasama ang baboy ramo,” sarcastic na saad ko sa kaniya.
Feeling gwapo rin ang isang ito. Kung si Warren matatanggap ko pa kasi may itsura naman talaga ang bugok na iyon pero itong si Marky nakakasura lang.
“Aba ang yabang mong tomboy ka!” pikon na saad nito.
Nginisihan ko lang siya at hindi na ako sumagot. Siya iyong lalaki na palaging pumoporma sa akin pero kapag nilalait ko ay nagagalit pero paulit-ulit namang nangungulit. Akala yata niya magagawa niya akong tunay na babae dahil sa kaniya. Naku, kung siya din lang papatulan ko na lang si Warren.
Agad na inabot ko ang singkwenta pesos kay Ate Jess at nang makuha ko na ang sukli ay agad na bumalik ako ng apartment. Hindi ko namalayan na wala na pala akong de-latang pang-ulam. Sa next sweldo ko na lang ako bibili, malapit na naman na kinsenas. De-lata at noodles na nga lang yata ang laman ng tiyan ko, at kapag walang-wala na ay soy sauce na talaga with mantika. Sanay naman ako sa hirap ng buhay, kaya walang problema sa akin. Kaya nga nagsisikap ako para makapagtapos ang mga kapatid ko, para sana kahit sila lang ay hindi nila maranasan ang buhay na dinanas ko.
Minsan nakakapagod maging Ate at magulang na rin sa mga kapatid ko. Kasi wala naman akong ibang aasahan na susuporta sa kanila dahil sa akin na iniasa ng ama ko ang lahat. Minsan gusto kong magreklamo, kasi anak din naman ako, pero bakit kailangang akuin ko ang lahat ng responsibilidad na dapat ay ang ama ko ang gumagawa. Malakas ang kita ng ama ko, pero malakas din ang bisyo niya kaya walang natitira, madalas ay may utang pa. Mahina naman na si nanay, kaya ayaw ko nang magpakahirap pa siya.
Mag-isa akong kumakain sa maliit kong apartment, nakakalungkot ang buhay ko dito sa Maynila. Hindi ako sanay noong unang beses na pumarito ako pero para sa pamilya ko, wala akong karapatan na magreklamo.
Matapos kong kumain ay may natira pang dalawang pirasong sardinas at inilagay ko iyon sa isang tupperware. Uulamin ko iyon bukas ng umaga. Mabuti na lang at may ref ako kahit na maliit. Napanalunan ko ito sa raffle sa dating trabaho ko pero umalis na ako doon dahil walang bayad ang overtime. Hindi gaya sa bagong trabaho ko bilang janitress sa Gallado Corp. Tamang oras lang ang trabaho, may incentives pa at madaming benefits. Saka ang bait ang pinakang Boss namin, mas nakakatakot pa si Miss G., iyong secretary niya na maganda pero hindi ngumingiti. Noong una nagtataka pa ako kung bakit parang mas takot pa sa sekretarya niya si Bossing noong bago pa lang ako, pero nagulat kaming lahat nang i-announce ni Sir na kasal na pala sila.
Matapos kong kumain at mahugasan ang pinagkainan ko ay mabilis na akong naglinis ng katawan ko. pagkatapos ay nilabahan ko ang mga hinubad ko. Araw-araw akong naglalaba ng damit ko dahil wala naman akong washing machine at gamit lang ang maliit na palanggana sa cr ko na maliit din ako naglalaba. Kailangan lang na hindi ako matambakan ng labahan dahil busy ako.
Nang matapos ako ay agad na akong nahiga sa kama ko. May manipis na foam lang iyon, sapat na para hindi sumakit ang likod ko.
Kinuha ko ang cellphone ko na de-keypad. Sabi ng mga kasamahan ko sa trabaho ay bumili na raw ako ng kahit mumurahin na touch screen dahil pang sinaunang panahon pa raw ang cellphone ko. Burado na rin ang mga letter sa pindutan noon pero hindi kasi ako pwedeng magsayang ng pera. Kailangan kong mag-ipon para sa mga kapatid ko at kay nanay. Lahat ng pagtitipid na ay ginawa ko. Dito lang sa montly ng apartment na tinutuluyan ko ako gumagastos ng medyo malaki dahil ayaw kong may kasama ako sa kwarto. Kaya kahit medyo mahal ay pinatiyagaan ko na.
Walang akong mensaheng natanggap mula sa pamilya ko kaya mapait na napangiti ako. Nagte-text lang naman ang kapatid ko kapag may kailangan na sila sa akin pero sa mga normal na araw, parang hindi nila ako naaalala minsan kaya hindi ko maiwasang magtampo minsan. Pero hindi ko naman sila masisi, alam kong busy din sila sa pag-aaral nila at sa mga gawaing bahay. Basta naibibigay ko sa kanila ang kailangan nila. Iyon ang mahalaga sa akin ngayon.
Ibinalik ko na lang ang cellphone ko sa ibabaw ng maliit na table at natulog na ako. Maaga pa ang gising ko bukas dahil maaga ang pasok.
Pero kapipikit ko pa lang ng may malakas na tumunog ang phone cellphone ko kaya naasar na kinuha ko iyon.
Napakunot ang noo ko nang makita kong numero lang iyon. Sino naman ang tatawag sa akin ng ganitong oras?
“Hello?”
“Hello, Princess—” Hindi ko na tinapos ang sasabihin niya at pinatay ang tawag. Isang tao lang ang tumatawag sa akin ng pangalan na iyon.
Ang mambubudol na si Warren. Hindi ko alam kung paano niya nalaman ang numero ko at kung bakit tumatawag siya sa akin ngayon.
Biglang may text naman akong natanggap.
09**********: Max may pickup line ako.
Mas lalong kumunot ang noo ko. Ano na naman bang kababawan ang pinagsasabi nito. Anong pakialam ko sa pickup line niya?
Hindi ako nagreply sa kaniya dahil una sa lahat wala akong load.
09**********: MAx!!!!
09**********: hello?
09**********: Gising ka pa ba?
09**********: Bakit hindi ka nagre-reply?
09**********: Max, ice candy ka ba?
09**********: Sabihin mo bakit.
09**********: Princess Hannah Mae!
09**********: Kapag tomboy ba talaga tamad mag-reply?
09**********: Bukas ka sa akin.
Napipikon na ako sa kaniya dahil tunog nang tunog ang selpon dahil wala siyang tigil sa pag-text. Nilagay ko iyon sa silent mode bago ako muling bumalik sa plano kong matulog.
Bahala siya. Inaantok na ako.