Sabi nila time heals all wounds.
Ang sabi ko naman, maari nga pero mag-iiwan pa rin ito ng marka, ng peklat na makapagpapaalala sayo ng nakaraan.Maaring may natutunan ka at naging matatag ka dahil doon pero handa na ba ang puso mo kapag nakita mo na uli ang taong naging dahilan ng iyong kasawian?
Nangako siya na maghihintay siya ngunit bakit sa pagbabalik ko ay tila wala na pala akong babalikan.Lalaban pa ba ako dahil sa karapatan o susuko na lang ako kahit ang puso ko ay patuloy pa ring nagmamahal at umaasam?
Laine Guererro-Mercado
Gaano katagal ba akong maghihintay?
Gaano katatag pa ba ako para tiisin ang paghihirap at lumbay.
At kapag napagod na, titigil na ba ako?
At kapag tumigil na ako, tapos na ba?
At kung sa huli wala na pala akong hihintayin, makakaya ko ba?
Kahit pagod na ang puso ko ay wala itong balak na magpahinga na maghintay at umasa.
Ipaglalaban ko ang karapatan ko sayo kahit ano pa ang kahihinatnan nito.
Dahil alam ko, sigurado ako na pag-ibig ang magiging gabay mo para magbalik ka, dito sa piling ko kung saan ka nararapat...
Nhel Mercado
******
Manila, Philippines
A year and a half later
" Manong, pakihatid na lang po ako sa Sto. Cristo." sabi ko sa driver ng taxi na sasakyan ko. Mag-aalas tres na ng madaling araw, kailangang makarating ako ng Sto. Cristo ng maaga para maabutan ko si Nhel. Alam kong kapag ganitong Sabado ay lumalabas siya ng maaga para magpunta sa gym sa kabayanan.
" Po? Sto. Cristo po? Eh ma'am napakalayo po ng Sto.Cristo. Mga tatlo hanggang apat na oras ang biyahe doon. Sigurado po ba kayo ma'am? Malaki po ang aabutin ng singil ko sa inyo sa itatakbo ng metro. "
" Manong sige na po. Babayaran ko po kayo kung magkano man ang rumehistro diyan sa metro ninyo. Idagdag pa yung tip na makukuha ninyo sa akin sa oras na pumayag kayo na ihatid ako sa lugar na pupuntahan ko. Doble sa presyo ng nasa metro niyo. " pakiusap ko pa.
" Ay talaga po ma'am? Malaking tulong na sa akin yon dahil manganganak po ang asawa ko ngayong buwan. Tara na po ng makarating na tayo agad. " masiglang tugon ni manong driver.
Sumakay na ako at prenteng umupo sa likod. Wala akong dalang kahit anong gamit kundi ang hand bag ko lang. Ayoko na kasing magdala pa dahil may mga gamit at damit naman ako sa bahay namin ni Nhel. At isa pa, dalawang araw lang ang ibinigay ni Anton sa akin para tingnan lang ang kalagayan ni Nhel. Para alamin na rin kung maaari na ba kaming bumalik sa piling ng isa't isa.
Bago kami maghiwalay ay nangako akong babalikan ko siya kaagad at babawiin kay Marga. Mahigit isang taon na ang lumipas, naghihintay pa rin kaya siya? Tumupad kaya siya sa pangako niya?
Pasado alas sais ng marating ko ang baranggay namin. Sa kanto mismo ako nagpababa para agad kong makita si Nhel, doon din kasi malapit yung bahay nila Marga.
Gaya ng napagkasunduan namin ni manong driver, binayaran ko ang malaking halaga na inabot sa metro ng taxi at gayundin ang tip na ibinigay ko sa kanya.Umalis si manong na malaki ang ngiti sa labi.
Nagkubli ako sa may poste kung saan kitang-kita ang bakuran nila Marga. Maaga pa kaya bihira lang ang mga tao sa daan. Isa pa, walang makakakilala sa akin dahil mahaba at may kulay na ang aking buhok. Suot ko rin ang aviators ko kaya lalong hindi nila ako makikilala.
Napansin ko na may tao sa garden nila Marga. Lumipat pa uli ako ng pwesto para makita kung sino ang tao sa garden. Muli akong nagkubli, this time sa malaki at matandang puno ng mangga naman na nasa harapan ng kaharapang bahay nila.
Ngunit biglang gumuho ang mundo ko ng masaksihan ang tanawin sa garden nila na malinaw na nakikita ng aking mga mata. A picture of a perfect family. Marga is sitting on a garden chair with a baby in her arms while Nhel is beside her, smiling happily as he's gently stroking the baby's head. Tila masayang-masaya at kuntento.
Hindi agad ako nakakilos upang umalis sa punong kinukublihan ko. Nakapanghihina. Ang puso ko ay tila sinaksak ng paulit-ulit.
" Laine?" isang tinig ang narinig kong tumawag sa akin. Dahan-dahan akong lumingon.
" Oo Laine, ikaw nga!" masayang sambit niya. Si kuya Fredo ang nalingunan ko. Isa sa mga kagawad ng baranggay namin at kamag-anak nila mommy. Bakuran nila ang kinatatayuan ko at kaharapang bahay nila Marga.
Hindi ako kumibo. Muli kong tiningnan ang masayang tagpo ng isang pamilya na nasa harapan ko. Tinanaw din ni kuya Fredo ang tinatanaw ko.
" Ikinalulungkot ko ang nangyari sa relasyon ninyo ni Nhel. Simula ng maikasal siya kay Marga, hindi ko siya nakitang ngumiti man lang. Ngayon lang. Kapapanganak lang ni Marga sa panganay nila ni Nhel at marahil yan ang dahilan kaya ngumingiti na siyang muli. "
" Maraming salamat kuya Fredo. Pakiusap, huwag mo na lang banggitin kay Nhel na nakita mo ako dito. "
" Pero Laine— "
" Pakiusap kuya Fredo. " pagmamakaawa ko. Marahan siyang tumango at naaawang napabuntung-hininga na lang.
Mabilis akong tumalikod at nagmamadaling pumara ng tricycle sa kanto.Luluwas na akong muli pa-Maynila.
Nag-check in ako sa isang hotel malapit sa airport upang doon palipasin ang buong araw. Nagdesisyon akong bumalik na kaagad kay Anton kinabukasan.
Magdamag kong iniyak ang nasaksihan ko kanina. Nangako siya na hindi niya ibibigay kay Marga ang katawan niya pero bakit ngayon ay may anak na sila? Mabubuo ba yon kung si Marga lang mag-isa?
Ang daya mo Nhel. Tinupad ko ang pangako ko pero bakit hindi ka naghintay? Wala na ba akong puwang sa puso mo? Wala na ba talaga akong babalikan?
Bawat minutong lumilipas ay nagpapabalik-balik ang eksenang namalas ko kanina. Naaalala ko ang taong minahal ako ng buo. Ang taong ayaw akong nakikitang umiiyak at nasasaktan dahil doble ang sakit noon sa kanya. Ang taong ako ang unang minahal. At higit sa lahat, ang taong una at huli kong minahal at patuloy na minamahal.
Ngunit bakit ngayon tila may iba na?
Ang sakit naman nito Nhel. Kung durog na durog ako nung umalis ako ay mas lalo pa ngayon. Mas doble ang sakit na nararamdaman ko dahil gumuho ang malaking bahagi ng pag-asa sa puso ko sa tagpong nasaksihan ko.
Will our love lead you back to me or will I wait for nothing?
Muli kong hinamig ang sarili ko. Alam ko na may pag-asa pa na natitira sa puso ko kahit kaunti. At gagamitin ko ang kakaunting pag-asang iyon upang lumaban. Hindi ako susuko Nhel. Hindi ko isusuko ang karapatan ko sayo. Sisiguraduhin ko na kapag nagkita tayong muli, ikaw ang magkukumahog na bumalik sa akin.
And that's again a promise...