“`NAY…” alanganing tawag ni Patrice sa kanyang ina. Nagtitiklop ito ng mga damit. Kauuwi lang niya mula sa gubat at kanina pa siya hindi mapalagay. Buo na ang pasya niya na sabihin sa ina ang relasyon nila ni Ezekiel subalit hindi pa rin niya maiwasang makaramdam ng bahagyang nerbiyos sa gagawing pagtatapat dito. Pinagsabihan na siya nito minsan na huwag niyang hahayaang mahulog ang loob niya sa binata. Pero hindi lang basta nahulog ang loob niya, boyfriend pa niya ito ngayon.
Huminto ito sa pagtitiklop ng damit. “Akala mo ba, hindi ko napapansin na parang may bumabagabag sa iyo? Hinayaan lang kita na kusang magbukas sa akin. Ngayon, ano ang gusto mong sabihin sa akin?” mahinahong tanong nito.
Napayuko siya. “`Nay, k-kami na po si Ezekiel…”
Natigilan ito. “A-anong kayo na ang ibig mong sabihin, Patrice?” tanong nito.
“M-magnobyo na po kami.”
Nalaglag ang mga balikat nito na tila nanlumo. Tumayo ito at nagtungo sa harap ng bintana.
“`Nay…”
Lumingon ito. Nilapitan siya at hinawakan ang mga kamay niya. “Patrice, napakabata mo pa. Nagkulang ba ako sa paalala sa `yo?”
Umiling siya. “Hindi po, `Nay. Kaya lang… m-mahal ko po si Zeke at ang sabi niya ay mahal din niya ako.”
Bumuntong-hininga ito. “Patrice, hindi sa ayaw ko siya para sa `yo. Kahit sinong lalaki basta mahal mo, walang kaso sa akin iyon. Pero, anak, nakalimutan mo na ba na isa siyang Moreno? At anak pa ni Señor?” anito na halatang nag-aalala.
Nakagat niya ang ibabang labi niya. “M-mabait po si Zeke, `Nay. Hindi siya katulad ng daddy niya. Isa pa, mahal niya ako.”
“Naroon na ako, Patrice. Pero, anak—”
Nagpapaunawang tiningnan niya ito.
Bumuntong-hininga uli ito. “Patrice, nasaan man ang iyong ama, sana ay gabayan ka niya. Sana ay huwag kang mapahamak dahil sa pagmamahal mo kay Ezekiel.”
Niyakap niya ito. Kahit siya ay natatakot din pero nangingibabaw ang pagmamahal niya sa binata.
“HAPPY birthday,” malambing na bati ni Ezekiel sa kanya. Nasa loob sila ng isang simbahan sa Kidapawan. Tanghali na kaya iilan lang ang tao sa simbahan, lalo na at wala pang misa. Iyon ang unang pagkakataon na lumabas sila ng binata sa bayan. Napapayag siya nitong lumabas kahit nag-aalala siya na makarating sa señor ang tungkol sa kanila. Ayon dito, malabong mamukhaan ito ng mga tao sa bayan bilang si Ezekiel Moreno na anak ni Señor Artemio Moreno. Paslit pa lang ito nang manirahan sa Maynila at kalaunan ay mag-aral sa ibang bansa. Ang malalapit na kamag-anak naman daw nito ay bibihirang umuwi roon at ang mga kaibigan nito ay hindi na nakatira sa Kidapawan. Nagpahinuhod na siya dahil gusto rin niyang maging espesyal ang araw na iyon dahil sa kaarawan niya. Mabuti na lang at mayroon siyang magandang bestida na binili para sa kanya ng nanay niya noong nakaraang JS prom nila kaya may naisuot siya.
Kinuha nito ang kamay niya at ginagap iyon, pagkatapos ay sinalubong nito ang mga mata niya. “Gusto kong bigyan ka ng singsing at isuot sa daliri mo. Isang singsing na magbibigkis sa ating dalawa. May pera ako, puwede akong bumili ng mamahaling singsing…”
“Zeke…”
“Pero espesyal ka sa akin, Patrice. Gusto ko na pinaghirapan at pinagtrabahuhan ko ang perang ibibili ko ng singsing at hindi galing sa daddy ko o kay Tito Andrew.” Ngumiti ito. “I promise, I’ll buy you a ring on my first million. Pero habang wala pa akong trabaho, sa `yo muna ang singsing ng mommy ko,” anito. Hinugot nito mula sa bulsa ang isang singsing. Napasinghap siya. It was a simple yet elegant.
Gusto niyang maiyak. Kung totoo na singsing iyon ng mommy nito, para sa kanya ay isa iyong malaking patunay na totoo ang nararamdaman nito para sa kanya. Subalit nahaluan ang kasiyahang iyon ng pag-aalala dahil sa naisip. “Paano kung hanapin ito ng señor at malaman na nasa akin? Siguradong hindi niya iyon ikatutuwa…”
“Ibinigay na sa akin `yan ni Mommy. Isa pa, walang pakialam diyan ang daddy ko. Huwag kang mag-alala, ang singsing na iyan ay galing sa angkan ng mommy ko. Hindi iyan mula sa pera ni Daddy.”
“P-pero…”
“Ayaw mo ba nito?” malungkot na tanong nito.
“Hindi sa ganoon,” umiiling na wika niya. “Ang totoo…” Nag-init ang sulok ng mga mata niya hanggang sa manlabo iyon dahil sa mga luhang namuo. “Zeke, isang malaking karangalan na sa akin mo ibinibigay ang singsing na iyan. Hindi mo lang alam kung gaano mo ako napasaya. Ito ang pangalawang pinakamagandang regalo na natanggap ko sa buong buhay ko. Ikaw ang una at pinakamahalaga.” Tuluyan nang nalaglag ang mga luha niya.
Lumambot ang ekspresyon ng mukha nito. “Then accept this ring…”
Lumuluha man ay nagawa pa rin ni Patrice na ngumiti at tumango nang sunod-sunod. Nakangiting isinuot ni Ezekiel sa daliri niya ang singsing, pagkatapos ay masuyong dinampian nito ng halik ang palasingsingan niyang kinasusuotan ng singsing. Lalo siyang napaiyak sa ginawa nito.
“Ang iyakin mo naman,” nangingiting sabi nito. Ikinulong nito ang mukha niya sa mga palad nito at tinuyo nito ng halik ang mga luha niya sa mga mata. Pagkatapos ay marahang ipinaloob siya nito sa mga bisig nito. Gumanti siya ng yakap.
Saglit na nagdasal sila bago ito nagyayang mamasyal sa Kidapawan Mall.
Hindi iilang mga mata ang napansin niya na sumusulyap sa nobyo niya nang may paghanga. She felt so proud and secured dahil hindi kailanman ipinaramdam nito sa kanya na may dapat siyang ipag-alala. Mayamaya ay hinila siya nito sa isang cell phone store.
“Patrice…”
Nahulaan agad niya ang binabalak nito. “Ayoko,” mariing tanggi niya. She knew he wanted to buy her a cell phone.
Pumalatak ito. “Pambihira! Wala pa nga akong sinasabi, ayoko na agad ang sagot mo?” anito.
Hinarap niya ito. “O, bakit? Mali ba ako sa iniisip ko na gusto mo akong ibili ng cell phone?” nakataas ang isang kilay na tanong niya rito.
Ezekiel chuckled. “Oh? Ganoon ba kadaling hulaan na gusto kitang regaluhan ng cell phone?”
“O di umamin ka rin?” nakataas ang isang kilay na wika niya.
Humawak ito sa batok bago nagpapa-cute na ngumiti sa kanya. Despite herself, she couldn’t help but smile. Napakaguwapo nito lalo kapag ganoong umaabot sa mga mata nito ang ngiti nito. “Oo na, tama ka. Pero sige na, pumayag ka na. Malaking tulong ang cell phone. Magkakaroon ako ng contact sa `yo kahit anong oras. Just think of the gadget’s purpose.”
Umiling uli siya kahit alam niyang may punto ito.
Sa pagkamangha niya ay bigla na lang itong lumuhod sa harap niya. “Please? Just this one, please?” anito at pinagsalikop pa ang mga kamay na parang batang nagmamakaawa para regaluhan ng pinakamimithi nitong laruan.
“Zeke, tumayo ka riyan!” natatarantang wika niya. Nilinga niya ang paligid. Lalo na siyang nataranta nang makitang nakakatawag na sila ng atensiyon. Subalit tila wala itong pakialam sa mga taong nag-uusyoso.
“Please?” sabi uli nito.
“Sige na. Oo na!” Halos hilahin na niya ito patayo.
Ngising-ngisi ito. Larawan ng tagumpay ang guwapong mukha nito. “Great! Let’s go!”
Inirapan niya ito. Tatawa-tawang kinabig siya nito bago siya niyaya sa ibang cell phone store. Wala na nga siyang nagawa nang bilhan siya nito ng cell phone.
Mayamaya ay nagyaya na siyang umuwi. Magkahawak-kamay na tinungo nila ng nobyo ang sakayan. Nag-commute lang kasi sila.
Hustong nakatawid sila ng kalsada nang may humintong sasakyan sa gilid nila. Bumaba ang bintana ng backseat niyon. Ganoon na lang ang pamumutla niya nang makita niya kung sino iyon.
“S-Señor…” halos bulong lang na sambit niya. Nanginig ang mga tuhod niya at namawis ang palad niya dahil sa kaba. Bahagyang pinisil ni Ezekiel ang kamay niya na hawak nito para marahil ipabatid sa kanya na wala siyang dapat ipag-alala.
“Sino ang babaeng `yan, Ezekiel?” tila kulog ang tinig na tanong ng señor dito na muntik nang magpatalon sa kanya. Naniningkit ang mga mata na hinagod siya ng tingin ng señor mula ulo hanggang paa na tila inuuri siya. Tumigil ang tingin nito sa magkasalikop na mga daliri nila ng anak nito. Tinangka niyang bawiin ang kamay niya pero hindi iyon pinakawalan ni Ezekiel. Mabuti na lang at bahagyang nakakubli ang suot niyang singsing kaya tila hindi iyon nakita ng señor. Dumako rin ang tingin ng señor sa hawak niyang paper bag. Halatang cell phone ang laman niyon dahil nakatatak sa paper bag ang manufacturer ng cell phone na binili nila.
“Siya si Patrice, girlfriend ko,” sagot ni Ezekiel.
Napatingin siya rito. Ipinakilala ba talaga siya nito bilang girlfriend? Magkahalong saya at takot ang naramdaman niya dahil doon lalo na at dumilim ang anyo ng matanda sa isinagot ng nobyo niya. Diniinan nito ang button para muling tumaas ang bintana sa backseat. Habang tumataas ang salamin ay hindi iniaalis ng Señor ang tingin nito sa kanya na tila kinakabisa nito ang hitsura niya. Lalong nagdulot iyon ng takot sa kanya. Kahit paano ay nakahinga siya nang maluwag nang umandar na ang sasakyan at tuluyan nang umalis.
“Oh!” bulalas ni Patrice. Humawak siya sa braso ni Ezekiel para kumuha ng suporta dahil tila bibigay ang nanginginig na mga tuhod niya.
“Hey, easy. Wala kang dapat ikatakot,” pag-a-assure nito sa kanya.
“Wala?” Tumawa siya nang pagak. “Kilala mo ang daddy mo, Zeke. Hindi niya ako kailanman magugustuhan para sa `yo. Tingin pa lang niya sa akin kanina, nakakapanginig na.”
Umiling-iling ito. “Hindi ko kailangan ang approval niya.”
“Zeke, p-paano kung paghiwalayin niya tayo?”
“Ako lang ang makapagpapasya tungkol sa bagay na iyan, Patrice,” seryosong sabi nito, saka nakangiting idinagdag. “Hihiwalayan lang kita kapag ayoko na sa iyo.”
“Zeke!” nakasimangot na sita niya rito sabay hampas sa dibdib nito.
Humalakhak ito. “Nagbibiro lang ako,” anito, bago siya kinabig at maingat na ipinaloob sa bisig nito. Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam niya sa pagyakap nito sa kanya.
“`AYUN, ZEKE, sa bandang kanan mo! Mukhang hinog na ang mga manga,” malakas na wika ni Patrice habang itinuturo ang mga mangga na tinutukoy niya. Katulad dati ay nasa tagpuan nila uli sila. Kinagabihan ng kaarawan niya ay t-in-ext siya nito na magkita sila sa gubat. Wala raw ang ama nito at lumuwas uli ng Maynila.
“Nasaan?” tanong nito habang palinga-linga sa bandang kanan nito.
Kinabahan siya nang medyo gumiwang ito sa kinatutuntungang sanga. “Zeke!” nag-aalalang wika niya.
Ngumisi lang ito. “Biro lang,” anito.
Umirap siya. “Hindi nakakatawa ang biro mo! Bumaba ka na nga riyan at nagdidilim na ang langit. Mukhang uulan na…”
“Sandali, kukunin ko lang ang mangga mo.”
“Huwag na. Baka abutan pa tayo ng ulan. Puwede namang balikan na lang iyan bukas at—hayan na nga ang ulan!” bulalas niya nang magsimulang lumakas ang kanina ay mga ambon lang.
Pero sa halip na mabahala, mukhang tuwang-tuwa pa ito. Mabilis na bumaba ito ng puno at hinawakan ang magkabilang kamay niya. He looked excited. “Hindi ko pa nararanasan na maligo sa ulan, Patrice. This is my chance!” Idinipa nito ang mga kamay at pagkatapos ay nakapikit na tumingala. Hinayaan nitong mapatakan ng ulan ang mukha nito. Gusto niyang sawayin ito dahil baka magkasakit ito pero nagbago ang isip niya nang makita ang katuwaan sa mukha nito. Nangingiting napailing na lang siya. Kung minsan ay astang-bata pa ito kaysa sa kanya. Nevertheless, she loved the playful boyish side of him.
“Come on, samahan mo ako, Patrice!” nang-eengganyong wika nito.
Sinamahan na nga lang niya ito sa paliligo sa ulan. Tila nabalik sila pareho sa pagkabata. Humahalo sa maingay na buhos ng ulan ang mataginting na halakhak nito. He played, he danced, and sang under the rain. He was so adorable.
Mayamaya ay unti-unting humina ang ulan hanggang sa maging ambon na lang iyon. Ngiting-ngiti pa rin ito kahit basang-basa na sila pareho. “Oh, Patrice! Isa ito sa pinakamaligayang sandali ng buhay ko. Alam mo—” Huminto ito sa pagsasalita. Nakatitig lang ito sa bandang dibdib niya.
Nakakunot-noong yumuko siya para tingnan ang sarili. Nag-init ang mga pisngi niya nang makitang hakab na hakab sa katawan niya ang manipis na kamiseta na suot niya. Hindi nakatulong ang manipis ding lacy bra niya para maikubli ang dalawang dunggot na ngayon ay nakabakat na dahil sa lamig. Gusto niyang takpan ang sarili pero hindi niya magawang kumilos. Nakatingin lang siya kay Ezekiel at pinapanood ang pagdaan ng iba’t ibang emosyon sa mga mata nito habang nakatitig sa kanya.
Lumunok ito. Kapagkuwan ay hinubad nito ang suot na polo. Isinuot nito iyon sa kanya. “Giniginaw ka na,” anito habang isinusuot sa kanya ang polo.
Nahigit niya ang kanyang hininga nang sumayad ang mainit na balat nito sa balat niya habang isinusuot nito ang polo sa kanya. Hindi siya makakilos. Ramdam niya ang mainit na singaw ng katawan nito. Hindi maalis ang mga mata niya sa nakahantad na katawan nito. Hindi ito masyadong ma-muscle pero hindi rin ito payat. She had no idea why his bared chest was giving her random thoughts.
“Let’s go, Patrice…” wika ng binata.
Napatingin siya sa mga mata nito dahil may nahimigan siyang kung ano sa tinig nito. Tila may tinitimpi ito na kung ano.
“Patrice, huwag mo akong tingnan nang ganyan.” Wala sa loob na napaawang ang mga labi niya sa sinabi nito. “Close your lips, damn it!” maigting na wika nito.
Napapitlag siya sa pagtaas ng tinig nito. “B-bakit ka nagagalit?”
Napabuga ito ng hangin. “God, Patrice! Aren’t you aware? Tinitingnan mo ako na parang nag-aanyaya ka ng isang halik! And believe me, kaunting kontrol na lang ang meron ako.”
Hindi niya alam kung bakit sa halip na sundin ang sinabi nito ay lalo pa niya itong tinitigan at nakagat pa niya ang ibabang labi. Tila iyon na ang naging hangganan ng pagtitimpi nito. Sa isang iglap ay nakabig na nito ang batok niya at inangkin ang mga labi niya. Saglit lang siyang natigilan at tinugon niya ang halik nito ng kaparehong init at intensidad. Umungol ito at dumako ang isang braso nito sa likod ng baywang niya para hapitin pa siya lalo palapit dito. Raw heat surged through her body. Basang-basa sila at malamig ang dapyo ng hangin pero pakiramdam niya ay nag-aapoy sila.
Mayamaya ay kusang naglakbay ang kamay ni Patrice at marahang humaplos iyon sa dibdib nito. Umungol ito at pinakawalan ang mga labi niya. Akmang magpoprotesta siya nang maramdaman niya ang mga kamay nito na nasa laylayan ng suot niyang kamiseta. Ang sunod niyang namalayan ay nahubad na nito ang kamiseta niya. Bagaman may nararamdaman siyang takot sa napipintong maganap, alam niyang hindi niya iyon pagsisisihan. Nakahanda siya sa magaganap dahil kung may pagbibigyan man siya ng kanyang sarili, iyon ay si Ezekiel lang…