HINDI mapalagay si Patrice. Halos hindi rin siya nakatulog nang nagdaang gabi dahil buong araw na hindi nagpakita sa kanya si Ezekiel. Wala rin kahit tawag o text. Pumunta siya sa tagpuan nila kahapon sa pag-asang makikita niya ito pero ilang oras na siyang naroon pero hindi ito nagpakita. Ilang beses siyang nag-text dito pero wala siyang reply na natanggap. Sinubukan din niyang tawagan ito kahapon pero ring lang nang ring ang cell phone nito. Sinubukan uli niya itong tawagan ngayong araw pagkagising niya at pagkatapos niyang mananghalian pero hindi pa rin nito sinasagot ang cell phone hanggang sa voice prompt na lang ang naririnig niya. Nagsisimula na siyang kabahan. Mula kasi nang maging magkaibigan sila hanggang sa maging magkasintahan sila, hindi ito pumapalya sa pagpunta sa tagpuan nila, o kung hindi man ay dinadalaw siya nito sa bahay. Nang magka-cell phone naman siya, halos walang patid din ang pag-text at pagtawag nito sa kanya. Kahit may sakit ito ay nagagawan nito ng paraan na ipaalam iyon sa kanya kahit noong wala pa siyang cell phone. Ngayon ay magdadalawang araw nang ni ha ni ho ay wala siyang naririnig mula rito.
Noong isang araw, pagkatapos may mangyari sa kanila, tahimik sila hanggang sa maihatid siya nito sa bahay. Marahil ay pareho lang silang naiilang sa isa’t isa pagkatapos ng nangyari. Mabuti na lang at wala pa roon ang kanyang ina noon dahil siguradong uusisain siya nito.
Inalala niya ang namagitan sa kanila. Ezekiel whispered her name as he reached his climax. Paulit-ulit din nitong sinabi na mahal siya nito. Pero bakit kahapon pa ito hindi nagpaparamdam sa kanya?
“Hihiwalayan lang kita kapag ayoko na sa `yo.”
Tila umalingawngaw sa pandinig ni Patrice ang sinabi nito noong nasa Kidapawan Mall sila. Pero nagbibiro lang ito, hindi ba? O nagbibiro nga lang ba ito?
Hindi! Hindi ako magagawang lokohin ni Zeke! mariing wika niya bagaman kulang iyon sa kumbiksiyon. Unti-unti na kasi siyang kinakain ng kaba at pag-aalala.
Nanginginig ang mga kamay na tinawagan uli niya ito. Nag-ring na uli iyon pero mayamaya ay naputol iyon. She tried again, pero out of coverage area na ang number nito. Napaluha na siya.
Hindi gustong tanggapin ng puso niya ang posibilidad na pumapasok sa isip niya. Hindi siya niloloko ni Ezekiel. Mahal siya nito.
Kung mahal ka niya, bakit ni hindi siya nagpaparamdam sa iyo? Hindi kaya nakuha na niya ang gusto niya sa iyo kaya parang basahan na basta ka na lang niya itinapon?
Lalo siyang napaiyak dahil doon. Napatingin siya sa kalendaryo. Noon niya napagtanto na malapit na palang matapos ang summer vacation. Nagbabakasyon lang ito sa lugar nila. Ibig bang sabihin niyon ay hanggang doon na lang din sila? Pero ang sabi nito ay mananatili ito para sa kanya, hindi ba?
Pinahid niya ang luha at pinakalma ang sarili. Hindi siya matatahimik hangga’t hindi niya nalalaman ang totoo. Lumabas siya ng bahay at nag-abang ng tricycle. Pupuntahan niya ang nobyo sa mansiyon ng mga ito kahit malamang na hindi siya papasukin doon. Bantay-sarado ang mansiyon ng mga Moreno ng mga guwardiyang may mga Armalite bukod pa sa mga mababagsik na aso na sinanay para manghabol ng mga taong magtatangkang pumasok nang walang pahintulot.
Bahala na, ani Patrice sa isip. Nang may dumaang tricycle ay agad niyang pinara iyon. Pero hindi pa sila gaanong nakakalayo nang may masalubong silang isang kotse. Tumabi ang tricycle na kinasasakyan niya para paraanin ang kotse. Napaunat ang likod niya mula sa pagkakaupo nang makita niya ang lalaking nagmamaneho ng kotse. Nalubak ang isang gulong ng kotse kaya hindi agad nakaabante.
“Zeke…” kumakabog ang dibdib na sambit niya. Tila itinulos siya sa kanyang kinauupuan habang pinagmamasdan na umaahon ang kotse mula sa lubak na likha ng maputik na bahagi ng kalsada. Ang ingay ng makina ng tricycle na pinaaandar ng driver ang gumising sa kanya mula sa pagkakatulala. Mabilis siyang pumara at tumakbo pahabol sa kotse.
“Ezekiel! Zeke!” sigaw niya habang tumatakbo sa paghabol dito. Hindi gaanong mabilis ang pagmamaneho nito dahil bako-bako at malubak ang kalsadang iyon dahil sa pag-ulan uli kahapon.
“Ineng!” tawag sa kanya ng driver. Hindi niya ito pinansin sa halip ay tumakbo siya nang tumakbo. It felt like running in a threadmill for it was endless.
“Zeke, hintay!” garalgal na sigaw niya. Nanlalabo na ang mga mata niya dahil sa mga luha. Pinahid niya iyon dahilan para hindi niya mapansin nang tumama ang isang tsinelas niya sa nakausling bato dahilan para mawalan siya ng balanse at madapa. Bumagsak siya sa putikang kalsada.
Umiiyak na tumingin siya sa unahan ng kalsada. Nabuhayan siya ng pag-asa nang makita niyang lumiko pabalik ang kotse. Mabilis siyang tumayo. Napigtas pala ang isang tsinelas niya. Subalit hindi iyon naging hadlang para hindi niya ituloy ang pagtakbo para salubungin ang kotse.
Huminto ang kotse at bumukas ang pinto sa driver’s side. Bumaba si Ezekiel. Nginitian niya ito pero dagli ring naglaho ang ngiti niya nang makitang blangko ang ekspresyon nito.
“What are you doing, Patrice?” mahina ngunit mariing tanong nito.
“Zeke…” tanging nasambit niya.
“What?” singhal nito sa kanya na tila inip na inip.
Nakagat niya ang ibabang labi kasabay ng pamamasa uli ng mga mata niya. Tinatagan niya ang loob at tiningnan ito sa mga mata. “T-tinatawagan kita pero hindi ka sumasagot. H-hindi ka rin nagpakita sa akin kahapon at ngayon.”
“Bakit? Kailangan ba?” Nagbuga ito ng hangin na tila nauubusan ng pasensiya sa kanya. “Patrice, kung may kailangan ka, sabihin mo na at nagmamadali ako.”
“B-bakit? Saan ka pupunta?”
“Sa Manila. Tapos na ang bakasyon ko,” parang walang anuman na sagot nito.
Nagulat siya sa sinabi nito. Aalis na ito? Iiwan na siya? Paano na sila? Ilang beses siyang pumikit-pikit para pigilan ang mga luhang namumuo na naman sa mga mata niya. “A-at hindi ka man lang magpapaalam sa akin? A-at saka akala ko ba, mananatili ka na rito? I-iyon ang sinabi mo sa akin, Zeke…”
Tumaas ang isang sulok ng mga labi nito na tila nang-uuyam. “You’re so naïve, Patrice. Hindi mo pa rin ba naiintindihan? Nakuha ko na ang gusto ko sa `yo and it’s time to get rid of you. Didn’t you remember what I said? Hihiwalayan na kita kapag ayoko na sa `yo.”
Tila bombang sumabog sa pandinig niya ang mga sinabi nito. Pakiramdam niya ay may malaking kamay na lumalamukos sa puso niya kaya naninikip ang dibdib niya at hindi siya makahinga. The pain was so blinding. Nag-unahan sa pagpatak ang mga luha niya. Durog na durog ang puso niya.
“`S-sabi mo, m-mahal mo ako?” Halos hindi nanulas sa bibig niya ang mga salitang iyon. But she needed to know. Somehow, gusto niyang humanap ng kahit katiting na pag-asa para isalba ang kung ano mang mayroon sila.
Ngumisi ito. “Hindi mahirap pakawalan ang mga salitang iyon, Patrice, lalo na kung may nais kang makuha. But thanks to you, I had a fun summer vacation.”
Para siyang nakatikim ng mag-asawang sampal sa narinig na insulto. Isa lang pala siyang libangan para dito? Umiling-iling si Patrice. Nagsisinungaling ito. Ramdam niya ang pagmamahal nito tuwing magkasama sila. “Hindi ako naniniwala sa `yo, Zeke. Naramdaman ko! Ipinaramdam mo sa akin ang pagmamahal na iyon! Zeke, please, huwag mong gawin sa akin ito. Kung may nagawa akong mali sa iyo, I’m sorry. Nakikiusap ako, huwag mo naman gawin sa akin ito…” desperadong wika niya.
“Oh, that? Naging miyembro ako ng theatre club kaya marunong akong umarte, Patrice.”
“Hindi totoo iyan!”
Hinagod siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa. Nanghuhusga ang mga mata nito habang nakaukit sa mga labi nito ang isang nang-iinsultong ngisi. “Do you really think na seseryosohin ko ang isang tulad mo? Maganda ka, all right, sexy, that’s given. Pero maraming mas magaganda kaysa sa `yo hindi lang sa Manila kundi maging sa ibang bansa. In fact, kabi-kabila ang naging girlfriends ko sa England. Pinagtiyagaan lang kita, Patrice. You’re so young and gullible. Madali kang bolahin.”
Sobrang sakit ng mga salitang ibinato nito sa kanya. Hindi na yata mauubos ang mga luha niya. Kung sana ay kayang pawiin ng mga luhang iyon ang sakit na nararamdaman niya. Kung sana pagkatapos niyang umiyak ay mawawala rin ang sakit sa puso niya. “Z-Zeke…” impit na hagulhol niya.
“Señorito Ezekiel,” pagtatama nito.
“Nakuha mo na ang gusto mo, kaya ngayon ay parang basahan mo na akong iiwan sa isang tabi?”
“Thank God, nakuha mo rin ang punto ko. But you’re a good lay, I must admit.”
“Ang kapal ng mukha mo! Nagsisisi ako na minahal kita!” mariing sabi niya, sabay taas ng isang kamay niya para sampalin ito. For a moment, she thought she saw he offered his face to her. Sa huling sandali ay hindi niya itinuloy ang pagsampal dito.
“Hindi ko dudungisan ang palad ko ng isang basurang tulad mo! Humanda ka, Ezekiel Moreno, dahil mapaglaro ang tadhana! Isang araw, ikaw naman ang paglalaruan!” galit na sabi niya rito bago nagtatakbo palayo. Hindi pa siya nakakalayo ay tumigil siya sa pagtakbo at bumalik siya sa harap nito nang may maalala. Hinubad niya ang singsing na ibinigay nito, kinuha ang isang kamay nito at isinaksak iyon doon. “Hindi ko nakilala ang mommy mo pero naaawa ako sa kanya dahil may anak siya na katulad mo. At kung saan man siya naroroon ngayon, malamang na itinatakwil ka na niya bilang anak! Oo nga pala, anak ka ni Artemio Moreno! Bagay lang na naging mag-ama kayo. Pareho kayong walang puso!” Iyon lang at tuluyan na siyang umalis.
“PATRICE, anak, ano’ng nangyari?” nag-aalalang tanong ng kanyang ina nang pumasok siya sa bahay nila.
Huli na para itago niya rito ang mukha niyang puno na ng luha. Putikan din ang damit niya at pigtas ang isang tsinelas.
Tila nakakita ng kakampi na sinugod niya ito ng yakap. “`Nay!” Iyon lang ay tuluyan na siyang napahagulhol.
Mahigpit na niyakap siya nito at inalo-alo. Sa dibdib nito niya ibinuhos ang magkakahalong galit, sama ng loob, at pagkaawa sa sarili. Sa pagitan ng pag-iyak ay ikinuwento niya rito ang nangyari.
“Ang anak ko!” naiiyak ding sabi nito.
Natigil ang pag-iyak ni Patrice nang makarinig sila ng ugong ng mga humintong sasakyan sa labas ng bahay nila. Pareho silang sumungaw ng nanay niya sa bintana. Halos panginigan siya ng mga tuhod nang makita na nagsibabaan ang mga armadong kalalakihan na sakay ng dalawang owner-type jeep.
“`N-Nay…” mahinang usal niya na may kasamang takot. Kilala niya ang mga lalaking iyon. Mga tauhan ito ni Señor Artemio Moreno.
Kinuha ng nanay niya ang kamay niya at pinisil iyon. “Dito ka lang. Ako na ang haharap sa kanila. Huwag kang lalabas ng bahay,” bilin nito bago siya iniwan doon.
Napatango na lang siya. Lumabas na ang kanyang ina.
“Ano ang kailangan n’yo sa amin?” narinig niyang tanong ng nanay niya.
“Narito kami para magdala ng mensahe, Aling Rosa. Nais ni Señor Artemio na lisanin n’yo ang Cotabato ngayon din at huwag nang babalik dito o kahit saang sulok ng Mindanao kung ayaw n’yong mabaon sa ilalim ng hukay. Hayan ang pera. Sapat na siguro iyang kabayaran para sa maliit n’yong lupa.”
Nangilabot siya sa narinig. Malinaw na pagbabanta iyon sa kanilang buhay at pang-iilit sa kanilang lupa. Gusto niyang magsumbong, pero kanino? Sa mga pulis? Hawak ng mga Moreno ang buong Cotabato at wala silang kalaban-laban sa pera at kapangyarihan ng mga ito. Kumuyom ang mga kamay niya. Hindi na niya hinintay na makabalik ang nanay niya sa loob ng bahay. Noon din mismo ay isinilid niya sa isang malaking bag ang mga gamit na puwede nilang bitbitin. Lilisanin nila ang lugar na iyon kasabay ng isang pangako na isang araw ay babalik siya at sisingilin ang mga taong may pagkakautang sa kanila.