DALAWANG linggo na silang nandito sa bahay pero pakiramdam ko ay mas maganda pang hindi na lang sila umuwi rito sa Pilipinas para lang maipakitang may kasamang iba ang ama niya.
Mas lalong hindi niya tanggap na ang ninang niya ang ipinalit sa namayapa niyang ina.
Aaminin niya hindi na siya bata para umastang spoiled brat at isa pa teacher na siya. Pero anong magagawa niya kung mismong 'yong 'defense mechanism' niya ang nagdesisyon na ipakita kung anong tunay niyang nararamdaman.
Naalala niya noong ikalawang araw na nakasalubong niya ang kanyang ninang sa hallway sa 2nd floor.
"Good morning Chastain, papasok ka na ba? Mag-ingat ka pagpasok mo." Nakangiting sabi pa nito.
Imbes na batiin niya ay nakaramdam ulit siya nang pagbigat ng kanyang dibdib at nag-on ang kanyang 'maldita mode'.
"Siyempre naman mag-iingat ako at isa pa hindi na ako bata para paalalahanan pa." Nakataas ang kilay na sagot niya habang mahigpit na nakahawak sa kanyang itim na shoulder bag.
"Ahhh... Oo nga pala. Pasensya na nasanay na kasi ako," sagot ng kanyang ninang. Alanganing ngumiti na lang sa kanya. "Mabuti't gamit mo pa 'yang niregalo ko sa 'yong shoulder bag noong twenty years old ka."
"Ahh...Etong bag?" Itinaas niya para ipakita sa kanyang ninang. "Papalitan ko 'to mamaya pag-uwi ko galing sa trabaho. Hindi ko na 'to gagamitin kasi ang baduy na. Hindi bagay sa suot ko. Sige kailangan ko nang magmadali." Masungit na sagot niya. Naglakad na siya pababa ng hagdan para pumasok sa trabaho.
Mukhang magsasalita pa sana ang ninang niya dahil muling bumuka ang kanyang bibig ngunit tinalikuran niya na dahil ayaw niyang makipag-usap pa dahil baka ma-brainwash din siya katulad ng papa niya.
Hinding-hindi siya papayag na ito ang papalit sa puwesto ng kanyang ina. Dahil walang kahit sino ang kayang pumalit sa kanyang ina.
Habang naglalakad palabas ng kanilang bahay ay nag-aalalang nakatingin lang sa kanya si Yaya Medy. Bago siya sumakay sa kotseng maghahatid sa kanya papasok sa kanyang trabaho ay pinaalalahanan pa siya nito.
"Iha, sana pagbigyan mo muna ang ninang mo. Simula pagkabata ay kilala mo na siya dahil palagi siyang dumadalaw sa inyo ng pamilya mo. Mabait ang ninang mo kaya dapat huwag mo siyang pag-isipan nang masama." Nagpapaunawang sabi pa nito.
"Alam ko yaya. Pero hindi ko siya kayang tanggapin bilang step-mother ko. Alam niyang ninang ko siya at kaibigan siya ni mama pero bakit si papa pa ang napili niyang maging karelasyon? Sige yaya baka mahuli pa ako sa trabaho ko."
Pagkasakay niya sa likod ng kotse ay pinaandar na agad ito ng kanyang driver. Habang papalayo ang sasakyan ay nakita niya sa side mirror na malungkot na nakatanaw sa kanya ang kanyang yaya.
IPINILIG na lang niya ang kanyang ulo para mawala na sa isip niya 'yong naalala niya kanina.
Itinuloy na lang niya ang paggawa ng Powerpoint Presentation niya na gagamitin para sa susunod na Linggo. Dahil araw ng Miyerkules at wala silang pasok dahil Independence Day ay naisipan niyang gawing abala ang sarili.
Alam niya kasing nasa bahay lang ang papa niya pati ang ninang niya dahil holiday ngayon, at sarado ang munisipyo para asikasuhin ang mga papeles para sa mga kailangan nila sa nalalapit nilang pagpapakasal.
Habang tumitipa siya sa keyboard ng kanyang laptop ay biglang may kumatok sa kanyang pinto.
"Hay naku... Istorbo naman sa may ginagawa," nakasimangot na sabi niya pagkatapos ay itinigil ang ginagawa para buksan ang kanyang pinto.
Nakita niyang ang kanyang ama ang nasa labas ng pinto katabi ang ninang niya. Napayuko siya, at napatingin sa magkahawak na kamay nito.
Napansin siguro ng ninang niya na nakatingin siya ro'n kaya bigla nitong kumalas sa pagkakahawak sa kamay ng papa niya.
"Pa... Anong kailangan mo?" sabi niya habang pinipilit ang ngumiti.
"Ahh... Wa-la naman, gusto ka lang sana ayaing lumabas para naman makapag-bonding naman tayo. Lagi ka kasing abala sa trabaho mo nitong mga nakaraang araw kaya naisipan naming imbitahin ka." Nakangiting sabi ng kanyang ama.
Napahigpit ang hawak niya sa seradura ng pinto dahil sa tanong na 'yon ng kanyang ama. Gustuhin man niyang sumama ay pinipigilan siya ng isip niya na huwag sumama dahil kasama ang ninang niya.
Pilit muna siyang ngumiti bago nagsalita. "Pasensya na papa kasi kailangan kong tapusin 'yong Powerpoint kong ipapasa bukas. Maybe next time po."
Nakita niyang nawala saglit ang ngiti sa mga labi ng kanyang ama. Nakaramdam siya ng pagka-guilty dahil sa pagtanggi niya sa paanyaya ng ama.
"Si...sige siguro sa susunod na mag-aya ako makakasama ka na. At sana wala ka nang maisip na idadahilan."
KINABUKASAN pagkarating niya sa paaralang kanyang tinuturuan ay huminga siya nang malalim saka tinanggal ang mabigat na tinik sa kanyang dibdib para makapagturo nang maayos. Ayaw niyang pati ang trabaho niya ay madamay sa problema niya.
God knows how she missed her mom. Gustong-gusto niya ulit 'tong makasama, makausap at masabihan ng kanyang mga hinaing sa buhay pero wala na siyang magagawa dahil binawi na ito sa kanya ng Panginoon.
Sa kabila ng pagngiti niya habang nagtuturo ay. Nakatago sa kaibuturan ng puso niya ang pangungulila sa ina.
"Sana habang bata pa kayo pahalagahan niyo ang magulang niyo habang kasama niyo pa sila. Dahil baka dumating ang oras na wala na sila ay saka niyo lang maramdaman ang halaga nila sa buhay niyo." Makahulugang sabi niya sa kanyang mga mag-aaral pagkatapos nilang talakayin ang tungkol sa kahalagahan ng magulang. "May mga katanungan pa ba?"
"Wala na po Ms. Chastain." Sabay-sabay na sagot ng mga estudyante.
"Sige kung wala na ay maghanda na kayo para sa susunod ninyong asignatura." Nakangiting paalala niya pagkatapos ay kinuha na ang kanyang pencil case na dala at hinugot na ang kanyang "flash drive" sa laptop.
"Paalam na po Ms. Chastain." Masayang bati nila sa kanya.
Tumango na lang siya't kumaway sa kanila bilang sagot.
Mamaya ay mag-uuwian na naman. Pagkatapos ng trabaho ay diretso na siya sa bahay. Kung puwede lang na hindi na siya umuwi sa bahay nila ay ginawa na niya. Kaso ayaw naman niyang sumama pang lalo ang loob ng ama niya ng tuluyan sa kanya. Dahil nga sa hindi magandang pinapakita niya sa kanyang ninang.