“Ate, okay ka lang ba? Namumutla ka,” tanong ni Tyronne na kakagising lang at nag-aalala.
“Gising ka na pala, kumusta ka na? May lugaw ka diyan at mga prutas, kumain ka para lumakas ka ha,” nakangiti kong sinabi sa malambing na tono sabay hinalikan ang kanyang noo.
“Napanaginipan mo na naman si tatay noh?”
“Hindi ah, pagod lang siguro ako. Huwag kang mag-alala sa’kin okay? Ang importante ay lumakas ka,” saad ko.
Kitang kita sa mukha ni ronron na nanghihina na siya, namumutla at lalong pumapayat. Ang mga mata niya na dati’y punong puno ng buhay ay malamya na tignan ngayon, ang mga buhok niya na dati ay kinaiinggitan ko pa dahil sa ganda ng pagkakakulot nito, ngayon ay nalagas na.
“Ate, baka ikaw naman ang magkasakit niyan. Buong araw ka nagtatrabaho at samantalang ako..wala manlang akong maitulong sa’yo, pasensya ka na. Kung pwede lang ay pabayaan mo na lang ako at huwag mo na alalahanin ang pampaospital ko. Wala na din namang lunas ang sakit ko, ‘di ba?” nanghihinang sinabi ni Tyronne.
“Ron, wag na wag kang magsasalita ng ganiyan. Hindi ka pabigat sa akin okay? ‘Di ba ang sabi nila nanay, huwag tayong susuko kahit anong ibato ng buhay sa atin? Kaya natin ‘to, hahanapin pa natin si nanay, at itutuloy mo pa ang pangarap mo na maging piloto balang araw. Nandito lang ako palagi para sa’yo, hinding hindi kita susukuan, bunso.”
“Iniwan na tayo ni nanay, ate,” nanlulugmok na sabi nito.
“Hey.” Lumapit ako sa kanya nang bahagya. “Huwag ka namang mag-isip ng ganiyan, magtiwala tayo kay nanay. Alam kong mahirap pero Ron, nararamdaman ko na hindi niya tayo iniwan. Kaya ‘wag kang mag-alala, babalik si nanay. Tayong pamilya niya ang pinaka-importante sa kanya, mahahanap natin siya. Alam kong miss na miss mo na din siya, kaya magpakatatag ka lang, hindi kita pababayaan,” malambing kong sinabi habang nakahawak sa pisngi nito.
Tumango at ngumiti si Tyronne habang tumutulo ang mga luha nito. Bakas pa rin sa kaniyang mga mata na gusto pa niyang mabuhay at lumaban kahit nanghihina na siya. To be honest, hindi kami ganito ni Tyronne dati, palagi kaming nag-aaway, lagi ko siyang pinapagalitan dahil sa pagiging pabaya niya sa gamit, hindi kami nagkakasundo kahit noong mga bata pa kami. Nabago lahat ‘yon nang mawala ang mga magulang namin, natuto kaming pahalagahan at mahalin ang isa’t isa lalo na’t siya na lang ang pamilya ko.
Kinuha ko ang pagkain niya at pinakain siya. Napakahina na niyang kumain, hindi kagaya dati na lagi akong inuubusan ng ulam. Mas okay na lagi niya na lang akong ubusan ng ulam, kaysa nakikita siyang ganito na kaunti na lang ang kinakain, minsan ay sinusuka niya pa.
Hindi ko pinapakita kay Tyronne na problemado na ako sa pera. Hangga’t kaya ko ay pinipilit kong maging masiyahin at laging naka-ngiti sa harap niya para kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam niya. Ayoko nang ipasa pa sa kanya ang negative energy ko.
Pagkatapos kumain ni Tyronne ay nilinisan ko ang kaniyang katawan sa pamamagitan ng pagpupunas ng basang bimpo na nilublob ko sa maligamgam na tubig.
Dali dali pero marahan ko itong ginawa dahil hindi ko napansin ang oras, kailangan ko na palang pumasok. Baka pagalitan ako ni ma’am Andrea, hindi pwedeng mawala ang trabaho ko.
“Bunso, aalis muna si ate ha. Magpakabait ka diyan habang wala ako at sumunod ka sa mga nurse ha.”
“Opo ate. ‘Wag ka mag-alala sa akin, ingat ka.”
Sa pagsara ko ng pinto sa kwarto ng aking kapatid ay napatulo agad ang luha ko. Hindi ko siya kayang makita nang ganito, hinaharap ang malubha niyang sakit na mag-isa at halos ospital na ang kanyang nakasanayang makita sa araw-araw. Gusto ko man samahan ang kapatid ko para kahit papaano ay malibang siya, hindi ko din magawa dahil kailangan ko magtrabaho araw-araw para sa pangangailangan namin at pampaospital niya.
Wala akong choice, kaming dalawa na lang ang magkasama sa buhay. Namatay na ang tatay namin at nawala si nanay noong nakatira kami sa probinsya, 16 yrs old ako no'n at 12 si Tyronne.
Apat na taon na ang nakalilipas simula nang mangyari ang insidenteng ito. Halos kasabay nito ang pag-usbong ng sakit ni Tyronne kaya naman napilitan kaming lumipat sa Maynila kasama si tita Baby na kapatid ni tatay para doon ipacheck si Tyronne dahil ayon kay tita ay mas magaling ang doctor na kilala niya sa Maynila na siya ring nagpagaling sa sakit ng asawa niya noon. Mas marami din daw akong mahahanap na trabaho do'n kaya naman pumayag ako at pansamantala muna naming iniwan ang maliit naming bahay na puno ng ala-ala. Advice din ng mga pulis na lumayo muna kami sa lugar na ‘yon hangga’t hindi pa nahuhuli ang may sala dahil baka balikan kami doon.
Makalipas ang dalawang taon namin sa Maynila ay kinailangan na ni tita na bumalik sa Japan at magtrabaho, nandon din ang pamilya niya na kailangan niyang uwian. Kaya naman naiwan kaming dalawa ni Tyronne dito, kaya ko naman na since legal age na din ako no'n at nakakahiya na kay tita.
Habang naglalakad ako ng ospital papunta sa trabaho ay may nakita akong matandang lalaki na sa tingin ko ay nasa edad 60 plus na mag-isang naglalakad, napansin ko na hindi siya makatawid dahil ang daming truck sa daan at mahina na ang kanyang buto, mabagal na siyang maglakad at may tungkod ito kaya naman tinulungan ko siyang makatawid.
“Maraming salamat hija, pagpalain ka ng diyos,” naka-ngiting sinabi ng matanda, ang cute ng smile niya, naalala ko si tatay.
“Walang anuman po ‘tay, mag-iingat po kayo ha,” mahinahong paalala ko.
Nagpaalam na ako kay tatay at nagpatuloy nang muli sa paglalakad papuntang trabaho, walking distance lang din naman kasi ‘to mula sa hospital. Nakita ko ang pamilya na magkakasamang namamasyal, naalala ko ang masasayang araw namin no'ng kasama pa si nanay at tatay. Simple lang ang buhay pero abot langit ang ngiti namin parati, nakatira kami sa probinsya ng Nueva Ecija, si tatay ay magsasaka, habang kami ni nanay ay nagtatahi ng damit at binebenta ito, ‘yon din ang naging bonding namin ni nanay noon. Habang si Tyronne naman ay nag-aaral pa lamang.
“Anak, lagi mong tatandaan na napaka halaga ng kwintas na iyan. Wag na wag mo ‘yang tatanggalin sa’yo. Ituring mo ‘yan na parang parte ng katawan mo na hindi dapat matanggal sa’yo.”
Yan ang laging sinasabi sa akin ni nanay.
Wala akong idea kung bakit pero noong bata ako ay aksidenteng natanggal ang kwintas habang naglalaro, hindi ko namalayan na nahulog pala ito at nawala, wala namang nangyari pero nakaramdam ako ng kakaibang kaba sa dibdib at bilis ng pagtibok ng puso. Agad kong hinanap at isinuot ito at tila nawala ang kakaibang nararamdaman ko. Mabuti na lang nakita ko agad bago pa man ako mahuli ni nanay.
Sa tingin ko ay proteksyon ang kwintas na ito pero proteksyon saan? Hindi ito sinasabi sa akin ni nanay. Sinasabi lang niya palagi na balang araw maiintindihan ko din ang lahat. Sinunod ko ang sinasabi ni nanay dahil na din sa karanasang iyon no'ng bata ako. Nagtitiwala din ako nang lubos kay nanay. Hanggang ngayon ay suot ko pa din ang kwintas na ito, simple lang naman itong tignan, parang clear na bato na may pagkaputi with a touch of aqua blue sa gitna at may kulay itim na kadena na siyang pumapalibot sa leeg ko. Bigay ito sa akin ni nanay at tatay bata pa lang ako.
Tila isang malaking katanungan pa din sa akin ngayon ang nangyari sa mga magulang ko. Wala kasi ako no'n sa bahay nang mangyari ‘yon, si Tyronne naman ay nasa klase.
Weird man pero..hindi ko maiwasang isipin na baka hindi tao ang may gawa nito. Hindi pa ako nakakakita ng kahit anong mga nilalang tulad ng mga multo o demonyo pero naniniwala ako na may mga ganitong nilalang na nag-eexist. Naniniwala ako dahil din siguro sa kakaibang naramdaman ko noong natanggal sa akin ang kwintas dati, sa totoo lang ay natatakot ako sa puwedeng mangyari sa amin kahit hindi ako sigurado sa mga naiisip ko. Kaya hindi din ako nagsasabi sa iba tungkol sa kutob ko ay dahil baka isipin lang nila na nababaliw na ko, ang tanging basehan ko lang naman ay ang naramdaman ko nang mga panahon na ‘yon at hindi ito sapat para may maniwala sa’kin.
Hindi ko din alam kung patay o buhay pa si nanay, ilang taon na ang nakalilipas pero walang mahanap na lead kung nasaan siya, kaya hanggang ngayon ay umaasa ako na buhay siya at makikita ko siya, kung saan saan na ko nanawagan pero wala. Kahit mga pulis ay walang nagawa sa kaso na ‘yon. Nawawalan na din ako ng oras gawin ito dahil mas nagfofocus ako sa trabaho ko ngayon at paano kikita ng pera para maisalba ang buhay ng kapatid ko dahil siya na lang ang pamilya ko at ayaw ko siya pabayaan.
Nandito na pala ako.
Saleslady ako sa isang department store. Gusto ko sana mag apply pa sa ibang trabaho na mas mataas ang sweldo pero hindi puwede dahil ‘di naman ako nakapagtapos. Grade 5 pa lang ay tumigil na ako mag-aral para makatulong sa nanay ko. Ibinigay ko na lang kay Tyronne ang opurtunidad na makapag-aral pero hindi din natuloy ito dahil nagkaron siya ng leukemia. Kaya naman pabalik balik kami sa ospital.
“Bituin Luna! Late ka na naman?” madiin na sinabi ng masungit naming manager na si ma’am Andrea.
“Pasensya na po ma’am, kinailangan lang po saglit sa bahay,” paliwanag ko.
“Nakakarami ka na ha, be responsible naman,” seryosong niyang sinabi.
“Opo, I’m really sorry po,” paawang sagot ko.
Paano ba namang hindi ako malelate palagi, sa gabi ay nagtatrabaho ako sa isang bar, waitress ako do'n. Pangdagdag na din sa gastusin namin. Mabuti na lang at nandiyan si tita Baby. Pinapadalhan niya kami ng pera tulong na din sa amin. Pero nahihiya na din ako na laging umaasa sa kanya dahil di din naman madali ang buhay do'n lalo at may pamilya siya, kaya hindi na ako humihingi ng tulong sa kanya, wala na din kaming contact sa kanya nang umalis siya sa Pinas. Kaya naman nagkakayod din ako dito para may pera kami.
Ganyan lang naman ang buhay ko sa pang araw-araw, pag maluwag ang oras ko ay si Tyronne ang kasama ko. Wala din akong kaibigan dito, wala din naman akong oras sa mga ganiyang bagay. Ang importante sa akin ay gumaling si Tyronne, mahanap si nanay at bigyang hustisya ang pagkamatay ni tatay.
‘Nay,’Tay…pangako, ipaghihiganti ko kayo. Hindi ako matatahimik hangga’t hindi napaparusahan ang may gawa nito sa inyo.
Makalipas ang ilang oras ay natapos na ang trabaho ko. Umuwi ako sa bahay para magbihis papunta sa isa kong trabaho pang gabi. Ang bar..
Sa totoo lang, nakakawala ng gana na mabuhay…pero kinakaya ko para sa pamilya ko. Alam kong hindi matutuwa sila tatay pag nakita nilang pinapabayaan namin ang isa’t isa. Kaya go lang, laban lang. Ipagpapatuloy ko pa ang clothing line na dapat ay itatayo namin ni nanay bago siya mawala.
Nang makarating na ako sa bar ay sumalubong sa akin ang mga babaeng sumasayaw sa stage at mga lalaking nanonood at umiinom ng alak. Madilim ang bar na ito at may disco lights sa paligid.
Agad akong nagpakita sa mga katrabaho ko at sa aming manager at nagsimula nang magtrabaho.
“Miss, paorder naman ng chicharong bulaklak oh,” sabi ng isang lalaki na sa tantsa ko ay nasa edad 30 plus na. Mukhang lasing na ang isang ito.
“Okay po,” sagot ko habang naka ngiti.
Agad ko namang kinuha ang chicharong bulaklak na order niya at inilapag sa mesa niya. Laking gulat ko nang hawakan at pisilin niya ang pwet ko.
“Ang sarap naman nito, pa isa naman sexy!” pamanyak na sinabi ng lalaki.
“manyak!” sigaw ko sabay sinuntok ang lalaki sa mukha na nagpatumba rito.
“aba lumalaban ka pa ah! Ibigay mo na lang sarili mo sa akin tutal mababang tao ka naman!” sigaw ng lalaki habang hinihila ang braso ko nang malakas.
Sumisigaw ako no'n at nagkakagulo na kami hanggang sa dumating na ang manager namin sa bar at inawat kami.
“Anong nangyayari dito?!” sigaw niya.
“‘Yang waitress niyo, pakipot at hindi ginagawa ang trabaho niya!” sumbong ng lalaking makapal ang mukha, waitress lang naman ako dito, bakit kailangang ibigay ang katawan ko sa kanya? Ang kapal!
“I’m very sorry sir, pagsasabihan ko po siya,” mahinahong sinabi ng manager namin na si mika…na dati ay miko.
Hinawakan ni Mika ang kamay ko papunta sa likod ng counter at kinausap ako.
“Star, ano na naman ang nangyari?” tanong nito na sa tono niya ay para bang na disappoint siya.
“Pero binastos niya ako, hinawakan ang pwet ko at pinapasama ako sa kanya para maka isa siya!” pangangatuwiran ko.
“Alam mo naman na parte ‘to ng trabaho mo, susundin mo ang gusto ng customer, pinag-usapan na natin ‘to, diba? Ngayon galit na galit ang customer, marami pa ang nakakita sa’yo. I’m sorry star pero you’re fired. Baka mabawasan pa ang customer ko dahil sa’yo,” galit na bigkas ni Mika. Akala ko naman no'ng una mabait ‘to, jusko. Magkapera lang wala ng pake sa trabahador niya.
Nakuha ko na ang last sweldo ko at umalis na ako sa bar na ‘yon at pumunta na sa ospital para bantayan si Tyronne. Bago pa man ako makapasok sa kwarto ay nasalubong ko si Doc Lozano, ang doctor ni Tyronne.
“Star, sakto at nandiyan ka na pala. Kailangan natin mag-usap,” seryosong sinabi ni doc.
“Bakit po doc?” nag-aalalang tanong ko.
“Lalong lumalala ang leukemia ni Tyronne, stage 3 na ‘to, we need to do more treatments at mas maraming tests. Star, I’ll be frank with you, malaki ang aabutin sa gagawin nating mga treatment, almost a million.”
Napatulala ako sa sinabi ni doc, imbes na gumaling siya ay mas lumalala pa ang sakit niya. Mas malaking gastusin, almost a million? Saan ako kukuha ‘non? Kahit pagsama-samahin ‘yong kita ko sa trabaho at padala ni tita, hindi namin maaabot ‘yon, natanggal pa ako sa isa kong trabaho kanina!
A week later…
Nagpaalam na ako kay Tyronne at umalis papuntang trabaho. Isang linggo mahigit na pala ang nakalilipas simula nang kausapin ako ni doc Lozano tungkol sa lumalalang sakit ni Tyronne at ang mga treatments na kailangan niyang pagdaanan, panibagong bayarin na naman. Ang dami pa naming utang sa ospital, bayad pa sa doctor at upa sa kwarto. Kapag hindi pa kami nakabayad within 2 weeks ay hindi itutuloy ang mga ongoing treatment niya. Isang linggo mahigit na din mula nang maghanap ako ng ibang pagkakakitaan para maisalba ang buhay ng kapatid ko. Pero wala, sablay palagi. Hays, kung nakapagtapos lang ako sa magandang unibersidad, malamang ay tanggap na ako at hindi mahirap kumita ng pera. Wala eh, pag mahirap ka, mahirap din humanap ng opurtunidad. Pag sumuko ka, talo ka. Pero hindi ako papayag na hanggang dito na lang kami…
Dating gawi, pagkatapos ng trabaho ay muli akong naghanap ng iba pang pagkakakitaan. Kung saan saan ako napupunta pero palagi akong nabibigo. Lumipas ang isang linggo, ganun pa rin ang aking ginagawa, nagtratrabaho, pagdalaw ko at pag-alaga kay Tyronne, at paghahanap ng panibagong trabaho.
"Paano ako makakakuha ng malaking pera pambayad sa ospital? Paano kami mabubuhay?" Ayan palagi ang laman ng isip ko kahit sa aking trabaho ay hindi mawala wala isip ko.
Gabi na nang makauwi ako kay Tyronne galing sa paghahanap ng pagkakakitaan, nagbihis ako at humiga na nang biglang mag ring ang phone ko. Si ma’am Andrea. Bakit tumatawag siya nang ganitong oras?
“Hello, ma’am?”
“Star, something happened.”
“Ano pong problema?” kabadong tanong ko.
Oh God, please wag naman po sana maging tama ang iniisip ko.
“Nalulugi na kasi ang store at kailangan muna magsara pansamantala. I just want to let you know,hindi ka na muna makakapagtrabaho dito.”
Sh*t.
Hindi na ako nakapagsalita at para bang nablanko ang utak ko. Hindi ko namalayan na nababaan ko na pala si ma’am. What did I do to deserve all of this? Para namang sinasadya ng tadhana mangyari lahat ng ‘to.
Umagos ang luha sa mga mata ko…
Pagod na pagod na ako. Kapos na nga kami, mawawala pa ‘tong kaisa-isang trabaho ko?
Humihikbi na ako kakaiyak at kinukurot ko na ang aking braso sa inis, pero pinipigilan ko ito dahil baka magising si ronron at makita pa ako. Nagpunta ako sa cr para doon umiyak.
Biglang lumabas sa isip ko ang mukha ni nanay at tatay..at ang mga ngiti ni ronron.
“No. This ain’t over yet. Bituin, remember, hindi susuko kahit anong ibato ng buhay, hindi ba? Pinalaki yata akong malakas nila nanay. Hindi ako susuko. Laban. Laban. Laban,” madiin kong sinabi habang nakaharap sa salamin at sabay sinampal ng palad ang aking magkabilang pisngi upang patatagin ang loob ko.
Naghilamos ako at ikinalma ang sarili sabay bumalik sa sofa.
Tuloy lang ang laban.
Habang nag-iisip kung paano ako magkakaroon ng pera ay bigla akong napatingin sa aking kwintas.
Eh kung isangla ko kaya ito? Ngunit bigay sa’kin ito ng nanay! Ito na lang ang huling ala-ala ko sa kaniya..isa pa, pinagbibilin niya itong huwag tanggalin…pero…sangla naman ‘di ba? Pwede ko pang tubusin, pero.. wala naman akong pantubos..
Maiintindihan niyo naman siguro, inay. Wala na akong choice, kailangang magamot ni ronron, kailangan naming mabuhay. Hindi ko na alam ang aking gagawin..
Ilang beses ko itong pinag-isipan hanggang sa namalayan kong hindi pala ako nakatulog at umaga na.
Bukas na ang schedule ng treatment ni Ronron
Patawad, ‘nay…’tay… pero sasagipin ko po ang kapatid ko…ito na ang napili ko.
Umalis ako at agad na nagtungo sa malapit na sanglaan..
Ilang minuto pa at nakarating na ako sa paroroonan ko, maganda tingnan ang pasanglaan na ito at mukhang mayaman ang may ari. Agad akong pumasok at dahan dahang tinanggal ang aking kwintas.
Masama ang loob ko sa pag tanggal ng aking kwintas dahil sa mga ala-ala ko dito. Nang matanggal ko ito ay hindi naman ako nakaramdam ng kakaibang pakiramdam kagaya nang nangyari no'ng bata ako. Mukhang kinabahan lang ako no'n dahil laging sinasabi ni nanay na 'wag ko daw itong tatanggalin.
"Pakitignan po ang aking kwintas at kung magkano po ang aabutin nitong halaga," paki-usap ko sa nagpapasangla na matandang babae na parang donya ang pormahan, marami siyang alahas na suot.
Agad namang kinuha ito ng matandang babae at tinignan. Bakas sa kaniyang mukha ang pagkagulat nang makita niya ito. Pangiti ngiti din ang matanda habang tinitignan.
“Hija, napakalaking halaga ng iyong kwintas dahil bihira ang bato na ‘to sa Pilipinas. 50 million ang halaga nito!” sambit ng matanda at tila nanlalaki ang mga mata nito habang nagsasalita.
Nanlaki din ang mga mata ko sa nalaman.
50 million?! Kayang kaya na ‘yon ipambili ng bahay at lupa! Naglalakad akong may bitbit na ganito kalaking halaga?! Mabuti at walang nagtangkang kumuha nito! Hindi siguro alam ito dito dahil isang maliit at lulumaing bato lang ito kung titignan…
“Isasangla ko na po!” mabilis kong sinabi. Tila naghalo ang saya at lungkot ko.
“Paki transfer na lang po sa bank account ko,” dagdag ko pa at ibinigay ang detalye ng bank account ko.
Agad namang tinransfer ito ng matanda gamit ang kanyang cellphone. Chineck ko ang aking account at confirmed na ito. Pagkatapos ay nagpasalamat na ako at umalis.
Mabuti at may ganon sila kalaking pera at nakuha ko ito agad..
Sa aking pag-alis ay wala namang kakaibang nangyari, hanggang sa makalayo na ako ng ilang metro, laking gulat ko nang tumaas muli ang aking balahibo at muling tumibok ng mabilis ang aking puso.. walang duda, ito ang naramdaman ko no'ng bata ako.
Sa pagtingin ko sa paligid ay nagulat ako sa aking nakita…
Alam kong hindi normal ang nakikita ko….