Prologue
“‘Tay?!”
Napasigaw ako nang malakas sabay hagulgol sa iyak nang maabutan ko si tatay na nakahiga sa sahig at duguan. Nanlalabo ang paningin ko at tila basang basa ang mukha ko ng luha kakaiyak.
Karumaldumal ang pagkamatay na sinapit niya, bali bali ang kaniyang mga buto at duguan ang ulo. Ang pader namin sa may sala ay may biyak at puro din ito dugo na para bang dito siya iniuntog nang maraming beses. Ngunit sino ang may gawa nito? Napakabuti ng tatay ko at lahat ng nandito sa lugar namin ay kasundo niya. Hindi din naman kami mayaman para nakawan!
Tumingin ako sa paligid, wala si nanay at ronron…walang kahit sino.
Lumapit ako at napaluhod sa harapan niya habang umiiyak at kinapa ko ang pulso niya, tumitibok pa ito! Dali dali kong binuhat si tatay para dalhin sa ospital pero dumilat siya at hinawakan ang kamay ko nang madiin, dahilan para mapahinto ako at mapatingin sa kanya.
“A-anak, p-palagi kang mag-iingat. Ihanda mo ang sarili mo s-sa pagdating ng tamang panahon. Ang kwintas a-ay...”
Bigla akong napadilat, nasa kwarto ako ng ospital kung saan naka confine si Tyronne at nakahiga sa maliit na sofa malapit sa kama niya.
Isa na namang panaginip.
Lagi kong napapanaginipan ang pangyayaring iyon simula nang mamatay ang tatay, napakabigat sa puso na para bang ayaw ipakalimot sa akin ang bawat detalye na nangyari. Napakaraming beses ko na ito napanaginipan pero hindi pa din natutuloy ang sinasabi ni tatay tungkol sa kwintas. Umaasa ako na matutuloy na ito sa daming ulit ng panaginip dahil sobra sobra na akong nacucurious kung ano ang kwento sa kwintas na ito.
~~~~
"What's done cannot be undone."
-William Shakespeare
Kung minsan, may mga nagagawa tayo na agad din nating pinagsisisihan, marami tayong "sana".
Pero paano kung isang aksidenteng pagkakamali ang magdala sa'yo sa katotohanan?
Aksidente nga ba talaga? O sinadya ito para may makinabang?