Buong maghapon na inabala ni Derrick ang sarili sa trabaho. Natapos nga niyang pirmahan ang dalawang tambak na papeles na tanging kape lang ang naging laman ng tiyan. Hindi na niya nagalaw ang pagkain na pina-deliver ng abuelo para sa selebrasyon ng kasal nila ni Anna. Napangiwi siya sa ideya na asawa na niya ang kanyang matapang at pilosopa na sekretarya. Kung paano nito takutin at kausapin si Stanley ay talagang napabilib siya sa tapang nito.
Umangat ang tingin ni Derrick nang tumunog ang orasan. Hudyat na iyon na tapos na ang maghapon na trabaho ng kanyang mga tauhan. Alas singko na ng hapon at ang mga nasa opisina ay uuwi na. Ang mga nasa production area lang sa baba ang hindi niya sigurado kung uuwi na. Madalas lang naman mag over time ang mga tauhan kapag may hinahabol na for shipment na furniture.
Malayo na rin ang narating ng Valderama Furnitures. Dati tanging mga rattan lang ang ine-export nila pero ngayon pati ibang hardwood ay gumagawa na rin sila. Buti na lang at nakumbinse niya ang kanyang abuelo na si Don Vicente na mas palawakin pa ang kanilang scope of business. Limitado lang kasi ang naging market nila sa pag-export ng mga rattan furniture.
Nang ipresenta niya ang kanyang Feasibility Studies at nag-trial ng anim na buwan, doon lang pumayag ang kanyang abuelo na sumubok sila sa ibang source ng materials. Syempre pa ay sinisigurado nila na nagco-comply sila sa mga environmental standards na itinakda ng gobyerno. Hindi sila bumibili ng mga materyales na galing sa mga illegal logging. Ayaw rin kasi ni Derrick na bigyan ng dahilan na masira sila sa kanilang kliyente lalo at kilalang masunurin sa batas ang kanyang abuelo. Kaya naman kinikilala at ginagalang ang kanilang angkan sa larangan ng pagnenegosyo dahil sa maingat nilang naalagaan ang kanilang pangalan sa loob ng halos kalahati ng sentenaryo.
Nangangawit na ang balakang ni Derrick kaya tumayo na siya at nag-unat ng kaunti. Niligpit na niya ang kanyang lamesa at in-off na rin ang kanyang desktop computer. Kapag nasa opisina siya ay mas gusto ni Derrick gamitin ang kanyang desktop lalo at malaki iyon kumpara sa kanyang laptop.
Kinuha na niya ang kanyang cellphone at lumabas na kanyang opisina. Wala na si Anna sa cubicle niya at hindi na nagtaka si Derrick. Wala naman siyang order for overtime kaya anytime kapag pumatak na ng alas singko ay pwede na itong umuwi.
Nag-iisa na lang si Derrick sa palapag na iyon. Mula sa paglabas niya ng kanyang opisina makikita niya ang nasa benteng cubicle na naroon. Nang ang abuelo pa ang namamahala ng negosyo nila, sampu lang ang tauhan nila. Ang ibang unit sa mismong building nila noon ay walang occupants. Noong siya na ang pumalit, ginawa niya ang lahat para walang masayang na resources ang kanilang kompanya. Kaya ang lahat ng mga bakanteng palapag ng Valderama ay pawang may mga tenant na. Tanging ang groundfloor lang ang nagsisilbing production area nila at nasa bente katao naman ang kanilang furniture maker.
Tumunog ang cellphone ni Derrick at tiningnan niya iyon. Si Chelsea ang tumawag sa kanya at kaagad na sinagot ang tawag.
“Hello, sweetie, how was your day?” bungad kaagad ng kabilang linya.
“I’m okay but tired. Can I come to your place tonight?” ani Derrick.
“Okay. Wala naman akong naka-schedule na photoshoot for the following two weeks. Ano kaya Derrick kung mag out of town tayo kahit dalawang araw lang?” paglalambing ni Chelsea.
“Yes. I have plans actually. I need to unwind at gusto kong kasama kita. Pack some clothes for two days at susunduin kita mamayang alas siete sa condo mo. Bye sweetie, I love you.”
Binaba na ni Derrick ang cellphone niya. Muntik na niyang makalimutan ang plano niya. Napa-reschedule na niya ang kanyang mga appointments sa dalawang araw na mawawala siya. Bahala na kung magsumbong ang kung sinong espiya na inatasan ng kanyang Lolo Vicente. Gusto niyang sumagap ng malamig na hangin at sandaling kalimutan ang sitwasyong kinasadlakan.
Bumaba na si Derrick sa building at dumiretso na siya sa basement parking kung saan nakaparada ang kanyang sasakyan. Sa mga ordinaryong pagkakataon, si Mang Lito talaga ang nagmamaneho para sa kanya. Pero dahil hinatid nito ang dating sekretarya na si Maria pabalik sa kanilang bayan, wala siyang choice kundi siya na magmaneho ng kanyang sasakyan.
*******
Samantala, ordinaryong araw lang para kay Anna ngayon, kahit pa ang totoo ay kasal na sila ni Derrick. Nang itaas niya ang kanyang kamay, naroon ang patunay: ang kanilang wedding ring. Hinubad niya iyon at naalibadbaran siya sa pagkakalagay nito sa kamay niya.Kaswal niyang nilapag iyon sa ibabaw ng kanyang vanity mirror na nasa tabi ng kanyang higaan.
Saglit niyang tiningnan ang singsing na nakalapag na sa ibabaw ng tokador. Yari iyon sa ginto at bagaman plain iyon at walang disenyo, halatang mamahalin iyon lalo at medyo mabigat iyon sa kanyang daliri.
Kaninang nasa seremonyas sila ng kasal nila ni Derrick ay pareho silang wala sa sarili. Hindi nila alam kung saan galing ang mga singsing at inabot lamang iyon ni Don Vicente sa kanila. Nang isuot iyon ni Derrick sa kanyangm palasingsingan ay napapitlag pa siya . Ang kanyang Tiyang Maria ay panay ang tingin sa kaniya at tila inaarok ang kanyang saloobin. Hindi rin naman ito nagkaroon ng pagkakataon na usisain siya lalo at pagkatapos ng seremonyas ay kaagad itong pinahatid pabalik ni Don Vicente sa kanilang bayan.
Ang kasal na yata nila ni Derrick ang pinaka boring na kasal na nasaksihan niya. Hindi niya maramdaman na kasal na sila lalo at pagkatapos na umalis ng hukom at ng mga kamag-anak nila ay parang wala lang ring naganap.
Hindi naman siya nangangarap ng maikasal ng bongga pero ang gusto niya ay ikasal sa lalaking mamahalin at iingatan siya sa habangbuhay. Simple at taimtim na kasal lang ang gusto niya na dadaluhan lang ng pinakamalapit niyang pamilya. Pero, mukhang hindi na iyon matutupad dahil sa kabulastugan ng kanyang amo na si Derrick.
Kung siguro ay hindi sila nahuli ni Don Vicente sa isang nakakahiyang sitwasyon ay hindi sila ikakasal ng sapilitan ni Derrick. Magiging tahimik sana ang kanyang buhay at matutupad niya ang kanyang pangarap.
Naglinis na ng katawan si Anna at nagluto lang ng pagkain na naroon. Pagkatapos kumain ay nilinis niya ang pinagkainan at naligo na. Kaagad naman siyang nakatulog dahil sa maghapon na pagiging abala sa trabaho.
Sa kabilang banda, nasa daan na sina Derrick at Chelsea at maghawak kamay sila kahit nasa loob ng sasakyan. Papunta na sila sa Bataan kung saan nagpa-book ng dalawang overnight vacation si Derrick sa isang private resort. Silang dalawa lang ni Chelsea sa naturang tagong resort na iyon. Excited na siya na marating ang kanilang pupuntahan at makapiling ang kanyang nobya.
Biglang sumagi sa kanyang isipan na honeymoon dapat nila ni Anna ngayon. Pero, may kasunduan naman sila ng sekretarya na walang pakialamanan sa personal na buhay. Wala rin siyang pakialam kung may nobyo o manliligaw si Anna. Basta ba maayos nilang maitawid ang pagpapanggap sa harapan ng kanyang abuelo ay wala silang magiging problema. At saka na niya poproblemahin ang pagpapa-annul ng kasal nila ni Anna. Kapag naging maayos ang pagpapagamot ng kanyang abuelo at maging maganda ang recovery nito ay kakausapin niya ng masinsinan ito.
Siguro naman ay matatanggap nito ang pasya niya na hiwalayan si Anna at tuluyan ng pakasalan si Chelsea. Para sa kanya, si Chelsea ang kabuuan ng babaeng nanaisin niyang makasama hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.
Kalahating oras pa, narating na nila ang kanilang destinasyon. Isang magandang floating cottage ang kanilang tutuluyan sa dalawang araw nilang pananatili doon. Madilim ang paligid ngunit nasasamyo nila ang amoy ng karagatan. Ang mabining hampas ng alon ay kaiga-igayang naririnig nila.
May tauhan na dumating at binigay sa kanila ang isang susi. Ayon dito, kompleto na ang cottage sa mga kagamitan na kailangan nila sa loob ng dalawang araw.