Nang marating ang opisina, agad namang bumaba ng kotse si Alex at hindi na niya nilingon pa si Mark.
"Alex, in my office," buo ang boses na utos nito habang nakasunod sa kanya.
Napatigil sa paglalakad si Alex at nakasimangot na lumingon siya sa binata.
"Sumunod ka sa akin," seryoso ang mukhang sabi nito.
Nagpatiuna nang maglakad si Mark, naiwan si Alex na nakatingin lang sa kawalan.
"My God, hindi pa siya tapos mag-sermon." Bagsak ang mga balikat na sumunod na lang siya kay Mark.
Nangagsipaghabaan ang leeg ng mga kaopisina nila nang mapansing madilim ang mukha ni Mark habang naglalakad papasok sa opisina na sinusundan naman niya.
"Hmmm...ano kayang nangyari?" sabi ng tsismosang si Tesie na agad nakipag-umpukan sa ilang kasamahan.
"Hoy, mga tsismosa. Balik sa pwesto," nakataas pa ang kilay na saway nang bumubungad na si Sally. Dahil head ng department si Sally agad namang nagpulasan ang mga ito. Tatawagin niya sana si Alex pero hindi na ito lumingon sa gawi niya."Hay, kawawa naman si Alex. Mukhang sablay na naman kay Boss," sabi ni Sally nang lapitan siya ni Albert.
"Ang cute nga nilang tingnan parang may LQ lang," nangingiting sabi nito.
"Sira ka talaga. Nakuha mo pang magbiro. Ikaw kaya doon sa posisyon niya," napaangat pa ang noong sabi ni Sally.
Sa opisina, tahimik na naupo sa sofa si Alex habang naghihintay sa sasabihin ni Mark. Maya maya pa narinig na niya ang boses nito na may kausap sa telepono.
"Hello, Nurse? Pakidalhan naman ako dito ng ice pack," narinig niyang sabi nito sa kausap.
Ilang saglit pa at narinig na niya ang mahihinang katok mula sa labas kaya tumayo na siya para buksan ang pinto. Pero sinaway siya ni Mark at ito na mismo ang naglakad papunta sa pinto. Sa pagbalik nito dala na nito ang ice pack na padabog pang idinikit sa noo niyang may bukol. Bahagya namang napakunot ang noo niya sa sakit.
"Yelohin mo muna 'yang noo mo bago ka lumabas," utos nito.
Hindi niya alam kung matutuwa ba siya dahil kahit papaano ay nag-effort itong gamutin ang bukol niya o maiinis siya dahil sa ginawa nitong pagduldol ng ice pack sa noo niya.
"Salamat, Boss," hindi tumitinging sabi niya.
"Next time pag sasakay ka sa kotse sisiguraduhin mong naka-seatbelt ka," sabi pa nito.
Napasimangot si Alex. Hindi pa pala tapos ang mahabang sermunan nila. "Ok na po ako. Pwede na po ba akong lumabas?" sabi niya habang inaayos ang sarili.
Tumayo si Mark at bahagyang lumapit sa kanya atsaka nito sinipat-sipat ang noo niya. Nang mapansing hindi pa ito okay kinuha nito ang hawak niyang ice pack atsaka nito itinapat sa bahagi ng noo niyang bahagya pang naka-alsa. "First time mo bang sumakay ng kotse kaya hindi ka marunong mag-seatbelt?" tanong nito habang dinadampian ng yelo ang noo niya.
Lalo namang naasar si Alex kaya inagaw niya ang ice pack na hawak nito atsaka siya tumayo. "Sa labas ko na lang po itutuloy 'to, Sir," madilim ang mukhang sabi niya.
"Hindi! Hindi ka lalabas hanggat hindi okay 'yan," mariing sabi nito.
Napabusangot na lang siya." As if naman concern siya. If I know natatakot lang siyang malaman ng iba na nabukulan ako dahil sa kanya."
Nang medyo humipa na ang bukol niya muli siyang nagpaalam sa binata."Sir, pwede na po ba akong lumabas?"
Muli nitong iniwan ang ginagawa sa computer atsaka sinipat-sipat ang noo niya.At nang masigurong hindi na masyadong halata ang bukol niya pinayagan na rin siya nitong lumabas.
Agad niyang napansin si Sally na nakatayo malapit sa opisina ni Mark na sadyang nag-aabang sa paglabas niya."Oh, girl, anong nangyari? Magkwento ka nga," tanong nito habang hinihila siya sa sulok malapit sa pwesto niya.
"As usual, bad shot na naman ako kay Boss," nakatulis pa ang ngusong sagot niya.
"Parang wala na akong ginawang tama sa kanya. Lahat na lang nang gawin ko mali," salubong ang mga kilay na sabi niya.
"Kaya nga siguro laging nagre-resign ang lahat ng Assistant niya dahil sa ganyang ugali niya," naiiling na sabi ni Sally.
"Akala ko pa naman promoted agad ako mas mahirap pa pala ang na-pwestuhan ko," dismayadong sabi niya.
"Don't worry girl, malay mo ma-develop sa'yo si Boss," nangingiting biro ni Sally.
"Pwede ba Sally, tigilan mo na nga ang kakatukso mo sa akin sa antipatiko mong amo. Hindi ko siya magugustuhan noh. Wala man lang kahit kaunting respeto sa girls. Sobrang sama ng ugali. Ni hindi marunong mag-sorry," masama ang loob na sabi niya.
Napaawang ang mga labi ni Mark nang marinig ang lahat ng mga binitiwan niyang salita.
"Good morning, Boss," bati ng janitor na noo'y nagpupunas ng sahig.
Napalingon ang dalawa at doon lang nila napansin si Mark na halos ilang dangkal na lang ang layo mula sa pinagkukublihan nila. Napapikit na lang si Alex sigurado kasi siyang narinig lahat ni Mark ang mga pinagsasabi niya.
Naglakad si Mark papunta sa direksiyon kung saan naroon ang mesa niya kaya agad niya itong sinundan.
"Boss, may kailangan po kayo?" kinakabahang tanong niya.
"Tapos ka na bang makipag-tsismisan?" madilim ang mukhang tanong nito.
Napayuko na lang si Alex. Caught in the act siya kaya anong ikakatwiran niya? Kahit anong palusot niya hindi na uubra sa matalino niyang amo.
"Mula ngayon, doon ka na pupuwesto sa loob ng office ko. Ilipat mo na ang mga gamit mo sa receiving table malapit sa pinto," blanko ang mukhang sabi nito.
Napasulyap siya kay Sally na noo'y nag-aalalang nakatanaw sa kanya.
"Lagot!" nabakas niya sa bibig na sabi nito.
Agad niyang iniligpit ang mga gamit niya at dali-dali siyang sumunod kay Mark.
"Hay, Alex ano na naman itong napasok mo."
Mula nang lumipat siya ng pwesto mas lalo pang naging masungit sa kanya si Mark. Lahat na lang halos ng gawin niya ay hinahanapan na nito ng mali.
"Alex, come here," narinig niyang tawag nito.
"Yes, Boss?" sabi niya na tumayo na sa harapan ng mesa ni Mark.
"Bakit hindi pa tumatawag sa'kin si Mr. Ching? Hindi ba sinabi ko sa'yo na mag-iwan ka ng message sa secretary niya? Hindi mo ba kayang gawin ng tama ang trabaho mo?" halos pasigaw nang tanong nito.
"Boss ang sabi po ng secretarya niya out of the country daw po siya ngayon. Hindi rin daw po siya ma-contact dahil kasalukayan daw po itong nagbabakasyon kasama ang pamilya".
Salubong ang kilay na napatayo si Mark. "Pwes! Tawagan mo ulit ang secretary niya at alamin mo kung kailan siya babalik. Kailangan ko pa bang ulit-ulitin sa'yo 'yan?! Wala ka bang sariling utak?!" nanggigigil pang sabi nito.
Halos lumubog sa kinatatayuan niya si Alex. Walang ibang tao doon pero pakiramdam niya babang baba na ang pagkatao niya sa pagkapahiya.
Sa loob ng Comfort Room, doon na niya inilabas ang sama ng loob niya. Kasabay ng paghihilamos niya ang pagbagsak ng mga luha niya na kanina pa niya pilit pinipigilan. Sobrang bigat ng loob niya. Mabuti na nga lang at nauna nang nag-break ang mga kasamahan niya kung hindi ay mas lalo pa siyang naging kahiya-hiya sa mga ito.
Sa araw-araw na sermon na natatanggap niya mula kay Mark unti-unting nawawala ang kompiyansa niya sa sarili. Pakiramdam niya tuloy hindi na siya magaling at hindi na siya karapatdapat sa posisyong iyon. Nang mailabas na niya ang lahat ng sama ng loob niya,inayos na niya ang sarili atsaka siya lumabas.
Sa hallway, nasalubong niya si Mark na noo'y papapunta sa Men's Room. Napakunot pa ang noo nito nang mapasulyap sa kanya. Bahagya naman siyang yumuko para maikubli ang namumula niyang mga mata.
Nang muling makabalik sa opisina si Mark. Naramdaman niya ang pagtigil nito sa harap ng desk niya pero hindi siya nagtataas ng ulo.
"Alex, umiiyak ka ba?"narinig niyang tanong nito.
Nagtaas siya ng ulo at tumingin kay Mark kaya nakita nito ang namamaga niyang mga mata.
"Kung hindi mo na kaya pwede ka namang mag-resign," bigla na naman tumaas ang tono ng boses nito.Nagulat si Alex. Akala pa naman niya ay magso-sorry na ito.
"Kaya ko po, Boss. Kahit ano pa pong ipagawa niyo," matapang na sagot niya.
"Kung ganoon, ayusin mo 'yang sarili mo. Huwag mo akong dinadaan sa iyak. Hindi uubra a akin 'yan."mariing sabi nito.
Naiwang nakaawang ang mga labi ni Alex. Alam niyang galit pa rin sa kanya si Mark dahil sa mga sinabi niya. Sinasadya nitong pahiran siya bilang ganti.