Raven's
Sa aking Matia sight ay napakaokupado ng paligid. May kani-kaniyang pinagkakaabalahan ang bawat tao, samantalang ang mga sasakyan naman ay dumadaan sa iba't-ibang direksyon. Ngunit, ang lahat ng ito — ang mga kumpol ng tao at ang pagdagsaan ng mga sasakyan ay nababalot ng kulay abo. Ang kulay na ito ay ang palatandaan na hindi tunay na nangyayari ang mga bagay na ito sa kasalukuyan, bagkos ang simbolo ng mga kaganapan sa lugar na ito sa mga nagdaang oras.
Sa madaling sabi, nagbabalik-tanaw ako sa kaganapan sa lugar na ito. Posible lamang ang pangyayaring ito dahil sa kapangyarihan ko bilang Historic attribute na mata at sa Level 6 Gathering na The Walk of History. Ngunit ang kulay abo na mga bagay sa aking paligid ay nangyayari lang sa aking Matia sight, dahil normal pa rin ang nasa aking kapaligiran na kung saan madilim ang paligid at halos kami lang ang sasakyan sa kalsada.
Kasalukuyan naming binabaybay ang kahabaan ng kalsada. Matiwasay at tahimik ang paligid habang sakay kami ng isang trak, na taliwas sa aking Matia Sight na kung saan okupadong-okupado ng tao at sasakyan ang paligid. Kaya ay pinag-igihan ko ang ginagawa kong pagsunod sa isang sasakyan ng pulisya na nasa aking Matia Sight. Halos hindi na ako kumurap at baka malingat ako gaya ng intruksiyon ni executive. Ang trabaho ko ay ang bigyan ng direksiyon ang executive, habang siya ay nagmamaneho.
Kasalukuyang seryosong-seryoso ang mukha ni Executive Edran, na siyang bihira lang makita ng kahit na sinomang miyembro ng organisasyon. Kilala kasing masiyahin at matulungin na tao ang executive na siyang dahilan kaya gustong-gusto siya ng karamihan sa mga miyembro ng organisasyon. Ang makitang ganito ang estado ng executive ngayon ang isang palatandaan na hindi biro ang sitwasyon ng kanyang kasintahan at mahal na mahal nga niyang talaga ito.
"Liko sa kaliwa," pagbibigay ng impormasyon ko kay executive Edran nang mapansin kong nag-iba ng direksyon ang sasakyan sa aking Matia Sight. Hindi siya tumugon, ngunit sinunod naman niya ang instruksiyon ko.
Patuloy pa rin kami sa pagsunod sa sasakyan ng pulisya at hinuha ko ay mag-iisang oras na rin kami sa ginagawa namin. 'Di ko maiwasang magtaka kung saan nga ba nila dinala ang kasintahan ni Executive Edran at nasobraan naman sa layo. Sa kabilang banda, nararamdaman ko na ang pananakit ng kaliwang mata ko. Alintana ko na rin ang unti-unting pagkaramdam ko ng pagod. Ito ang senyales na malapit ko na maabot ang limit ng aking pag-ga-gathering ko.
Sasabihin ko sanang hinto muna kami ni executive sa pagsunod sa sasakyan nang mapansin kong unti-unting bumabagal ang takbo ng sasakyan. Kaya naman ay inabisuhan ko ang Executive Edran, "Executive, paunti-unting bumabagal ang pagtakbo ng sasakyan."
Upang mas magkaideya si executive sa kung ano ang nangyari ay hinawakan ko ang kamay niya at ibinahagi ang nakikita ko gamit ang aking Matia Sight. Nakakatutok ang aming paningin sa paghinto ng kotse sa tapat ng isang pasilidad. Mukhang ito na ang lugar na pinagdalhan nila sa kasintahan ng executive. Maya-maya pa ay may mga tao nang lumabas sa sasakyan at hawak-hawak nila ang isang lalaking nakapiring at nanghihina. Puwersahan din nila itong pinasok sa pasilidad.
Hindi maitatago ang galit na mababakas sa mukha ng executive ngayon. "Puwede mo na itigil ang paggamit mo ng kapangyarihan mo, Raven."
Nakahinga naman ako nang maluwag at sa wakas ay tapos na rin ang trabaho ko. Matapos ang ilang oras na paggamit ng Level 6 na gathering ay naging magaan na rin ang aking pakiramdam. Ubos na ubos ang enerhiya ko at gusto ko nalang magpahinga. Eksaktong pagtigil ko sa pag-ga-gathering ay ang mata naman ng executive ang umiilaw nang matindi. Basi sa kung gaano katindi ang pag-ilaw na nangyayari sa kaliwang mata niya ay sigurado akong nasa Level 4, 5, o 6 na gathering ang gusto niyang gamitin.
Hinawakan ko ang kamay ng executive bilang tanda ng paghiningi ng access sa kanyang Matia Sight. 'Di naman niya ako binigo at ibinahagi nga niya sa akin ang nakikita niya. Sa kasalukuyan normal pa naman ang paligid at wala pang nangyayari sa kanyang paningin. Sa tingin ko ay mamaya-maya pa siguro magiging aktibo ang gathering ng Executive Edran. Ginugugol pa niya ang kanyang oras sa pag-iipon ng liwanag sa kanyang kaliwang mata.
Habang naghihintay sa gathering ni Executive Edran ay tinuon ko muna ang atensiyon ko sa imprastrakturang nasa harapan namin. Normal lang siya kung titingnan, ngunit tiyak kong may kakaiba sa lugar na ito't dito nila nilagay ang kasintahan ng executive. Pamasid-masid lang ako nang mapansin kong parang nakikita ko na ang materyales ng imprastraktura — ang metal, ang hollowblocks, pati na rin ang kabilya ng gusali. Lahat ng mga bagay na ito ay kulay berde sa Matia Sight ng executive.
Kung hindi ako nagkakamali ay kasalukuyang ginagamit ng Executive Edran ang Level 5 Gathering na Structure Analysis. Ang mekaniks ng gathering na ito ay ang pagbibigay sa isang Naked attribute na Matia ng kakayahan na makita ang komposisyon ng mga bagay, sasakyan, at gusali. Gamit ang gathering na ito ay parang isang nakahubad na tao ang kahit na anomang imprastraktura na nasa harapan ng isang Matia.
"Sa ibaba ka tumingin," sambit pa ng executive.
Sinunod ko naman ang bilin nito at ibinaling ko ang aking atensiyon sa ibaba. Ginabayan pa ako ni Executive Edran at tinagos ang paningin namin sa lupa. Gulat ang mababakas sa aking mukha dahil sa dami ng kulay berdeng mga metal, kabilya at hollowblocks sa ilalim ng lupa — napakasimple lang titingnan ng imprastraktura sa aming harapan, ngunit may nakatayo palang ibang gusali sa ilalim nito! At sa paraan ng kung paano nagtuloy-tuloy ang berdeng mga kabilya pailalim, mukhang hindi lang isang palapag ang gusali sa ilalalim ng lupa.
Nang tinagos ko ang aking paningin sa berdeng semento ay bumungad sa aking mata ang isang silid. Ang unang nakakuha ng aking pansin ay ang isang taong nakaupo sa kama ng kwarto nito. Idinayo ko pa ang aking paningin sa ibang dako gusali at kaparehong sitwasyon lang ang aking nakikita. Ngunit sa kasunod na paglipat ko ay hindi na isang tao ang aking nakikita, bagkos mayroong apat na tao sa silid. Hawak-hawak ng dalawang ang isang babaeng nagpupumiglas at kaharap naman nito ang isang taong may itinurok sa babae bago ito tumigil sa kakagalaw.
"Nakikita mo ang babaeng 'yan? Isang Matia 'yan, kagaya ng mga tao na nakikita mo kanina. at 'yang mga taong may hawak sa babae? Mga tauhan 'yan ng gobyerno na pinag-eeksperimentuhan ang mga Matia," sambit ni Executive Edran dahilan para mapalunok ako.
Mas nagkaideya na ako sa kung ano ang puwede kong sapitin sa kamay ng mga awtoridad kapag nagkataong nahuli nila ako. Noong una, akala ko ay pagmamalabis lang ang turo ng organisasyon tungkol sa kung gaano kasama ang awtoridad sa lahi ng mga Matia at paraan lang ito para takutin ang kapwa ko Matia. Ngunit totoo pala ang lahat ng iyon at ganito kawalang-hiya ang ginagawa mga nasa kapangyarihan sa mga tulad namin. Ano bang ginawa namin para ganitohin kami?
Bilang isang Matia na sangkot sa maraming pagnanakaw, maraming beses na akong pinaghabol ng mga pulis. Maraming beses na kamuntikan din akong mahuli, Mabuti nalang at may taglay akong liksi at talino kaya nababaligtad ko ang sitwasyon ay sila'y naiwasan at naligaw. Kaya naman ay hindi ko sila masyadong pinagtutuunan ng masyadong pansin. Ngunit sa tingin ko ay kailangan ko na seryosohin ang mga pulis simula sa araw na ito, dahil ganitong-ganito ang sasapitin ko sa oras na mahuli nila ako.
"Kung tama ang naaalala ko, mental facility ang lugar na 'to. Pero tingnan mo naman ang bahong tinatago nila sa ilalim nito," dagdag pa niya at saka bumalik na ulit sa normal ang nakikita ko. "Magbabayad kayo sa ginawa niyo kay Dean. Raven, ituro mo sa akin ang direction ng bahay ng tangka mong nakawan."
ISANG ORAS NA lang at papasikat na rin ang araw. Sa kasalukuyan, nasa harap namin ni Executive Edran ng isang engrandeng mansyon. Sa disenyo palang ng bahay, alam mo nang gawa ang gusali ng isang arkitekto. Kapansin-pansin din ang nakatayong poste ng ilaw sa pintuang-daan na nagsisigaw na ng karangyaan. May pera talaga ang may-ari ng tahanan nito. Siguradong hindi rin mabilang ang salaping nakakubli sa loob ng bahay. Lola, may pera na tayo sa operasyon pagkatapos nito.
"Executive, patingin kung may tao ba," ani ko sa kanya habang mapanuri kong siniyasat ang paligid kung may gising na ba sa kahit-bahay.
Pinailaw niya ang kanyang kaliwang mata kasabay ng paghawak sa aking kamay. Sa isang saglit, naging berde ang mansiyon sa kanyang Matia Sight at kitang-kita ko na ang kabuuan ng mansiyon. Malaya kong ininenspeksiyon ang kabuuan ng bahay. Kagaya ng inaasahan, wala ngang katao-tao ang bahay. Alam na alam kong blangko ang mansiyon na ito sapagkat nagsagawa na ako ng masusing imbestigasyon bago pa man ang itinakdang araw ng aming pagnanakaw.
Ang stratehiya ko para makahanap ng mananakawan ay ang pagpunta sa mga pampublikong mall o kaya ay maglakad-lakad sa mga subdivision at villa tapos maghahanap ng may kayang mga tao. Kapag may nakakuha na ng aking atensiyon ay babanggain ko ang taong iyon at palihim na gagamitin ang Level 1 Gathering na Flashback sa kanya. Ang gathering na ito ay tumutulong sa akin upang malaman ang laman ng wallet, ang bilang ng credit cards, at ang lokasyon ng bahay binangga ko. Ito ang magsasabi sa akin kung may mapapala ba ako 'pag ninakawan ko sila.
Ito rin ang istratehiyang ginamit ko sa pagnanakaw sa mansiyon na ito. Nakuha ng may-ari ng bahay ang aking atensiyon nang minsang mag-shopping sila ng pamilya nila sa mall. Sa kay dami ba namang pinamili nila, tiyak na hindi biro ang kanilang pera. Nang binangga ko ang matabang lalaki na siyang padre de pamilya ay doon ko nakompirma ang luho nila. Sa aking Flashback ay nakita ko ang pag-withdraw nito ng pera sa ATM, ang pagkuha nila ng passport, at ang pagparada ng isang mamahaling sasakyan sa isang garahe.
"Tara na executive," pabuling na sabi ko rito sabay alalay sa kanya para makaakyat sa bakod. Bagama't bakas ang pag-alinlangan sa kanyang mukha ay sumunod pa rin siya.
Sa totoo lang, wala naman akong pakialam nang aksidente kong narinig ang problema ng executive sa pag-uusap nila ng chief noong nakaraang araw. Nagkataon lang na kailangan ko talaga ng Naked attribute na Matia na makakasama sa pagnanakaw, kaya naisip ko makipagnegosasyon sa kanya. Sinubukan ko lang kung puwede ba dahil taliwas talaga sa ugali ng executive ang pagnanakaw. Sa kabutihang palad, nang sinamantala ko ang pagkakataon, umayon sa akin ang swerte.
Sa normal na okasyon, kaya ko namang magnakaw mag-isa. Ngunit, hindi ko naman itatangging mas magiging epektibo at magiging madali ang isang pagnanakaw, kapag may kasama ka talagang Naked attribute na Matia. Ang magiging trabaho ng Naked attribute na kasama ko ay ang pagpapadali ng paghahanap sa mga alahas at safe, habang ang pagiging isang Historic attribute ko naman ay gagamitin ko para malaman kung ano ang password ng mga safe at kung saan tinatago ang mga susi.
Ang kaibahan lang talaga ngayon ay ang bahay na tinatangka kong nakawan ay isang mansiyon, sapagkat mas nangangailangan ako ng malaking pera. Magiging mahirap ang paghahanap sa mga safe o pera kapag mansiyon ang nanakawan kaya importante talaga ang presensiya ng isang Historic attribute na Matia. Sakto talaga ang tiyempo ng pagkahanap ko kay Executive Edran. Bukod sa pagiging Level 6 Matia ng Executive, isa siya sa mga kilalang gamay na gamay ang Structure Analysis na Level 6 Gathering ng isang Naked attribute na Matia.
"Paano naman tayo makakapasok nito? May susi ka ba?" 'di makampanting tanong ng executive.
Nasa harapan na kami ng pintuan ng mansiyon matapos akyatin ang bakod. Ang inosenteng tingnan ng Executive Edran at wala talaga siyang alam sa pagnanakaw. Nagmumukhang tinuturuan ko pa siya kung paano magnakaw sa lagay na ito. Ngunit, hindi naman ako nakokonsensya kahit na kaunti dahil parte ito ng kasunduan namin. Naglabas ako ng alambre at 'saka nagsimulang kalikutin ang busol ng pinto. Ilang kalikot pa at narinig ko na ang "click" na tunog. Tanda na nakabukas na ang pinto.
"Paano?" gulat niyang saad.
"Itaas mo lage ang hoodie mo at 'wag na 'wag mong tanggalin ang face mask mo, executive. 'Di natin alam kung may CCTV camera ba ang lugar, pero mas mainam na ang mag-ingat," paalala ko ulit sa kanya. Binigyan niya naman ako ng tango bilang sagot.
Muli ay ginamit ni Executive Edran ang Structure Analysis para magkaroon kami ng pananaw sa kabuuan ng bahay. Unang leksiyon sa pagnanakaw, punteryahin kaagad sa master's bedroom. Kadalasan sa mga pagkakataon, nandoon matatagpuan ang yaman ng isang pamilya. Para matukoy naman kung alin ang master's bedroom ay maging mapanuri at pagtuunan ng pansin ang espasyo ng bawat silid; mas malaki ang kwarto ng master's bedroom kumpara sa ibang silid.
Mahirap na kung magnanakaw ka at iisa-isahin mo pa buksan lahat ng pinto. Mas maraming oras ang igugugol mo sa pagkalikot sa mga busol kaysa sa pagkulimbat ng yaman. Ang ibang alternatibo kapag nahihirapan sa pagtantiya sa espasyo ng silid ay magpokus sa karangyaan ng pinto, dahil 'di hamak na mas maganda ang disenyo ng pinto ng master's bedroom kaysa sa iba. Ngunit sa sitwasyon ko ngayon, mas maliit lang ang oras na ilalalaan ko sa mga bagay na ito, dahil madali ko lang nakakalkula ang espasyo ng bawat silid sa tulong ng Structure Analysis ng executive.
Palagay ko ay nasa kanang bahagi ng ikalawang palapag ang master's bedroom. Ito lang ang kwartong may pinakamalaking espasyo ayon sa Structure Analysis. Kaagad kong hinatak si Executive Edran patungong ikalawang palapag at d'on ko nakumpirmang tama ang pagsusuri ko. Dahil ang ganda ng disenyo ng pinto. Palatandaancna ito na ang master's bedroom. Inilabas ko ang alambre at sinubukang kalikutin ang busol, ngunit bukas na pala ito kaya mabilis kaming nakapasok.
"Sino ba naman ako para tanggihan ang pagpapadali nila sa aking trabaho," wika ko sabay tulak ng pinto para makapasok.
Wala akong sinayang na oras at kaagad na iginala ang aking paningin upang mahanap ang safe. Dahil sa aktibo ang Structure Analysis ng executive ay madali ko itong nahanap na nakatago sa isang sekretong kompartamento sa loob ng aparador. Kung wala ang executive, tiyak na problema ko ang paghahanap sa safe. Hindi mo talaga matatago ang kahit na ano at kahit na sino sa mga mata ng isang Naked Attribute na Matia.
Bumitaw muna ako saglit sa kamay ni Executive Edran, dahil kailangan ko gumamit ng sarili kong gathering. Hindi puwedeng nakikisilip ka sa Matia Sight ng iba habang nag-ga-gathering ka ng sarili mo. Hindi gagana ang kapangyarihan mo sa gan'ong sitwasyon. Plano kong gamitin Level 1 gathering na Flashback ngayon. Hindi pa kasi masyadong nanumbalik ang aking enerhiya dahil sa The Walk of History ko kanina, kaya umaasa akong swertehen ako sa Flashback.
Ang mekaniks ng Flashback ay may pinapakita itong mga imahe ng nakaraan sa isipan mo. Ang problema nga lang ay walang katiyakan ang mga imahe na ito; kumbaga random lang. Sinimulan ko na ang magpa-ilaw at ilang saglit pa ay may mga larawan nang nagsisulputan sa aking isipan. Sa kasamaang palad, hindi umayon sa akin ang swerte. Pawang pagpuslit at pagkuha ng pera lang ang nakita ko sa Flashback. Wala akong choice kung hindi gamitin ang The Walk of History.
"'Di na masama sa kalusugan mo ang masyadong paggamit ng kapangyarihan mo, Raven?" mababakas sa boses ng executive ang pag-aalala. Napansin niya 'ata na mas naging matindi ang pag-ilaw ng kaliwang mata ko; siyang palatandaan na gumagamit ako ng mas mataas na lebel ng gathering.
Ginamit ko ang aking kamay para sensyasan siya na 'wag mag-ingay. Nadidisturbo ang pokus ko dahil sa pagtalak niya. Sa pag-ga-gathering, nakapakalaking bagay ang ginagampanan ng konsentrasyon. Bawat segundo ng gathering, gumagamit ka ng enerhiya. Kapag nadisturbo ang gathering mo, ibig-sabihin kailangan mong magsimula ulit sa pag-ga-gathering na katumbas ng pagtatapon ng enerhiya. Sa ngayon, ang talak ng executive ang gusto kong pinakahuling mga salitang maririnig ko sa araw na ito.
Sa pagsimula kong magbalik-tanaw ay naging kulay abo ang aking paligid kasama na ang safe at umaandar ang oras pabalik. Sa kasamaang palad, ilang oras na ang nagdaan sa aking Matia Sight, pero wala pa ring gumagalaw sa safe; nanghihina na ako. Pero akong pagpipilian ngayon, kung hindi ay puwersahin ang sarili na mas gumamit pa ng enerhiya. Ilang saglit pa ay sa wakas ay may lalaking lumapit dito kaya pinabagal ko na ang oras sa aking pagbabalik tanaw at 1976 ang password.
Kaagad kong tinigil ang aking gathering at masayang binuksan ang safe. Parang hindi ko na ramdam ang aking pagod nang makita ko kung gaano kakapal ang mga salaping nasa loob ng safe. Siyempre, i-in-inspeksyon ko muna ang mga ito kung totoo ba, bago ako tuwang-tuwa na isinilid ang kumpol ng pera sa bag na dinala ko. Lola, kaunti nalang at kayang-kaya na natin ang colonoscopy na, nang malaman na din natin kung ano nga bang sakit mo. Sabi ng doktor, nasa isang daang libo ang colonoscopy. Mukhang kukulangin pa 'tong pera sa safe.
"Pasensiya na, executive at mukhang hindi kita mahahatian. Pero mabibigyan kita ng kaunti," alok ko rito.
Mabilis pa sa kidlat siyang humindi sabay sambit, "Ayos na ako, Raven."
"Labag talaga sa executive ang pagnanakaw," sagot ko nalang sa aking sarili.
Marami man akong nakuhang salapi sa safe, ngunit tingin ko ay kulang pa talaga ito. Hindi pa umabot sa isang daang libo itong nakulimbat namin. 'Tsaka, mahigit isang daang libo ang nanakawin ko ngayon. Hindi lang colonoscopy ang kailangan kong bayaran. Dahil ibang bayarin sa pananatili sa hospital pati na rin ang mga gamot na irereseta. Pero tiyak naman akong hindi lang ang safe na ito ang nakatago sa mansiyon na ito. Dahil ang ganito kayaman na mga pamilya, hindi lang isang safe ang itinatago.
"Executive, paganahin mo ulit ang Structure Analysis," utos ko na siyang naging dahilan para bumakas ang pag-alinlangan sa kanyang mga mata.
"Sapat na siguro 'yan, Raven," pagtutol niya pa.
"Executive, gawin mo nalang ang iniutos ko. Wala kang narinig sa 'kin kanina n'ong ilang oras kong ginamit ang The Walk of History," sumbat ko. Wala siyang karapatang sabihan akong sapat na itong nanakaw namin.
Napabuntomg hininga nalang siya at pinailaw ulit ang kanyang mata. 'Wag ka nalang makialam executive at 'di mo alam ang sitwasyon ko. Sa paghawak ko sa kanyang kamay ay nakikita ko na ulit ang istruktura ng bahay. Sinuri ko nang maiigi ulit ang kwarto, para makasigurado kung wala nga ba talaga rito ang isang safe — at wala nga. Iniisa-isa pa namin ang bawal kwarto: ang kwarto ng mga anak ng may-ari, ang mga CR, ang bodega ang sala, ngunit wala talaga.
N'ong binisita namin ang kusina ay 'di ako gaanong umasa na nand'on nga ang safe, ngunit nahagip ng Structure Analysis ni executive ang isang kakaibang nakapuwesto sa ilalim ng lababo. Nang tinagos ko ang paningin ko sa loob ng box ay nakapaloob doon ang sandamakmak na salapi. Nasa ilalim ng lababo ang safe! Matalinong matsing ang may-ari ng bahay na ito. Ito ang kauna-umahang pagkakataon na nakatagpo ako ng safe na itinago sa ilalim ng lababo. Isang henyo!
"Walang makakaisa sa isang Naked attribute na Matia," ani ko at pinuntahan ang safe.
Gagamit na sana ako The Walk of History nang bumulong ang executive sa akin. "Ah, Raven, mukhang 'di lang tayo ang tao sa bahay na ito."
Napantig ang tainga ko sa narinig at agad na lumingon sa direksiyon ng executive na may nagtatakang mukha. Balisa siya habang ngumuso sa direksiyon na tinitingnan niya, kaya napalingon din ako. May matabang babaeng galit at balisa na nakatingin sa amin at nakabihis ng pangkasambahay na kasuotan habang may hawak-hawak itong telepono sa tainga niya. Ang teleponong hawak niya ang siyang nakakuhang pansin ko. Hindi puwedeng matawagan niya ang mga pulis, dahil hindi pa ako tapos magnakaw.
Tumakbo palayo ang yaya, kaya mabilis akong kumilos at hinabol siya. Mukhang balak nitong tumakbo papalabas ng bahay. Buti nalang at may taglay akong liksi at nahihirapan din siyang tumakbo dahil sa taba niya, kaya naman ay mabilis ko lang nasara ang distansya sa pagitan namin. Nang abot ko na siya, sinunggaban ko at itinapon ang bigat ko sa kanya. Dahil sa ginawa ko, natumba nga kami pareho. Pero dahil alam kong matutumba kami ay ako ang unang nakatayo at dinaganan siya. Isang malakas na neck chop ang ginagawa ko para mawalan siya ng malay.
Ngunit nang agawin ko ang telepono siya ay huli na ang lahat dahil nakatawag na pala siya ng pulis. Isang nababahalang tingin ang ipinukol ko sa executive. "Kailangan nating makaalis dito ngayon din, Executive Edran."