Raven's
"APO, SIGURADO KA ba na 'di utang ang pinambayad mo para sa operasyon?" paninigurado ng aking lola.
Nang ipinagtapat ko kay lola na nakalikom na ako ng salapi para maipatuloy ang operasyon sa breast cancer niya, tuwang-tuwa siya. Kanina pa may nakapaskil na ngiti sa labi niya. Kasabay naman nito ay kanina pa niya ako binabaha ng tanong ng lola kung paano ako nakalikom ng kaylaking halaga para maituloy ang lampectomy ba 'yon? Hindi ako sigurado sa ngalan, pero sabi ng doktor tatanggalin ang cancer sa s**o ng lola. Ang mga ngiti sa labi ng lola ngayon ay siya ring dahilan ng bawat ngiti ko ngayon.
"Oo naman, La. Alam kong magagalit ka na naman 'pag nalaman mong nangutang ako," kantiyaw ko pa at tinugunan niya ako ng isang matamis na ngiti.
Sa mga nakaraang buwan, ngayon lang ulit nangiti nang ganito ka-totoo ang lola. Mag-iilang buwan na rin siyang namamalagi sa hospital at iniinda ang sakit niya. Sa katunayan, pahirapan pa kami na malamang breast cancer ang kanyang dinadala, dahil n'ong unang buwan na ni-admit ko siya dahil sa pananakit sa dibdib, sa isang public hospital 'yon. Ngunit napakaraming pasyente ng ospital at hirap makahanap ng libreng doktor, kaya hindi gaanong napagtuunan ng atensiyon ang lola.
Pero n'ong naasikaso naman kami, sabi n'ong isang doktor, sakit sa puso ang dinadamdam ng lola. May inabiso itong mga mga resita at kung ano-ano pang operasyon kay lola, ngunit 'di man lang bumuti ang kalagayan niya. Pinatingin ulit namin ang lagay ni lola sa isang doktor at ang sabi naman ay sakit sa baga. Magkaibang bayarin ulit para sa mga test at medisina. Lubog na lubog kami sa utang n'on, ngunit hindi man lang bumubuti ang lagay ng lola kahit na kaunti. Tingin ko pa nga ay lumalala lang ang kanyang lagay.
Bawat hirap na pinagdadaanan ng lola habang nakaratay siya sa kamay ng ospital, ramdam ko lahat ng iyon. Doon na sumagi sa isip ko na ipalipat siya sa isang pribadong hospital. Sa puntong 'yon din, wala nang balak magpautang sa amin, ngunit kailangan ko ng malaking halaga ng salapi para mabayaran ang lahat ng bills namin sa pampublikang ospital at para malipat na rin si lola. Kaya naman napadpad ako landas ng pagnanakaw. Sa paglipat lang din ng ospital nalaman talaga namin na may breast cancer pala ang lola; stage 3A.
"Marami akong nahingan ng tulong, La. Alam mo 'yong social media 'di ba? Galing sa kanila ang kadalasan sa perang naipon ko ngayon," panggatong ko pa sa aking pagsisinungaling.
Ayokong ipagtapat kay lola na nakaw ang ang perang ginamit namin para maituloy ang operasyon niya. Ayoko na dumagdag pa sa sakit na nararamdaman niya ngayon. Hindi ko man siya masasaktan sa pisikal na aspeto, alam kong masasaktan ang puso't isipan niya, kapag naibulgar sa kanya ang katotohanan. Tiyak na mapapa-isip ang lola na 'di niya ako napalaki nang tama kapag nagkataon. Napakabuting tao kasi niya. Kagaya ni Executive Edran, hindi siya sang-ayon sa ideya ng pagnanakaw.
"Siguraduhin mo lang na hindi 'to utang, apo, ah. Ang dami na nating utang. Kapag ako'y namatay, magiging utang mo na 'yon. Kapag nagkataon, aba'y parang ninanakaw ng lola ang hinaharap mo kababayad ng utang," ani niya sabay bitiw ng malungkot na ngiti.
Taliwas sa kaalaman ng lola, bayad na lahat ng utang namin dahil sa pagnanakaw ko. Ang problema nalang talaga namin ay ang bayarin araw-araw sa ospital, pati na rin ang operasyon niya. Down payment palang ang nagagawa namin, hindi pa bayad ang kabuuan. Ang kabuan ng perang ninakaw ko ay nasa higit walompong daang libo. Ngunit ang bayarin para sa operasyon ay isa at limanmpong daang libo. Kulang na kulang ang perang nanakaw ko sa totoo lang. Sabi pa ng doktor, may iba pang mga operasyon na gagawin.
"La, kahit mabaon pa ako ng kahit gaano kalaking utang, gagawin ko para lang mapagamot ka. Wala akong pakialam kung buong buhay ko 'yong pagbabayaran. Wala akong 'di kayang gawin para sa 'yo," pagbibigay ko ng kasiguradohan sa kanya.
Kung may mauutangan lang talaga ako, kahit pa ay maging laman ng kontrata namin ay magiging alipin niya ako sa oras na bigo akong mabayaran ang utang, taos puso kong pipirmahan ang kontrata talaga. Hindi na sana ako magnanakaw pa, lalo na at 'di pabor ang lola rito. Sa kasamaang palad, wala gan'on sa mundong ito, kaya wala akong ibang pagpipilian. Pero sa totoo lang, wala naman akong pinagsisihan sa pagiging magnanakaw ko. Immoral man at walang konsensiya sa paningin ng iba, basta ay natutustusan ko ang pagpapagaling ni lola, wala akong pakialam.
"Nako, apo 'yan ang huwag na 'wag mo gagawin. Ako, matanda na ako at masaya na akong napalaki kita para maging isang mabuting bata." Sinenyasan niya akong ibigay ang kamay ko sa kanya at nang magawa ko ay hinimas-himas niya ito. "Ayos na sa akin ang mamatay sa lagay na ito. Kaya ikaw, 'wag kang mangungutang nang malaki para sa pagpapagamot mo sakin, dahil walang patutunguhan 'yan sa matandang tulad ko. Isa pa, ayoko mamaalam na may hinahabiling bagahe sa 'yo. 'Di gan'on ka makasarili lang lola."
Itong lola talaga, lagi nalang inuuna ang kapakanan ko kaysa sa sarili niya. Ang 'di niya alam gan'on din ang nararamdaman ko para sa kanya. Hinding-hindi ako papayag na walang gagawin para mapagaling siya. Dahil sa totoo lang, hindi ko magawang maisip ang buhay na wala ang lola. Paano nalang ako kapag nawala siya? Hindi ko alam ang gagawin ko kung nagkataon nga. Siya nalang ang nagbibigay rason sa akin para mabuhay. Hinding-hindi ako kailanman magiging handa sa pagpanaw niya. Mawawalan ng saysay ang buhay ko.
"Lola, naman," tanging naitugon ko nalang.
"Huwag na seryosohin, apo. Nagbibiro lang ang lola." Nabasa niya 'atang nalulungkot ako sa pinagsasabi niya
KASALUKUYAN AKONG NAKAUPO sa isang bangko sa loob simbahan habang nagsesermon ang pare. Hindi naman matatawag na makapal ang mukha ko dahil sa pagpunta rito matapos ang malaking pagnanakaw na ginawa ko kahapon lang, dahil unang-una hindi ako naniniwala sa Diyos. Kung totoo nga na may Diyos, hindi sana maghihirap ang lola. Napakabait niyang tao para parusahan ng isang nakakamatay na sakit. Nandirito ako para kay lola dahil nakiusap siyang ipagdasal ko siya habang sumasailalim siya sa isang operasyon.
"Hesus, kung totoo ka man, sana matagumpay ang operasyon ng lola. 'Di ba sabi nila mabuti sa mga naniniwala sa 'yo? Ako na magsasabing taos puso ang pananampalataya niya sa 'yo. Mabuti rin siyang tao alam mo 'yon, kaya sana maging magaling na rin siya sa kanser niya," dasal ko.
Sa mga oras na ito, paningin ko ay nagsimula na ang operasyon ni lola, kaya 'di maiwasang mabalot ako ng pangamba. Bagama't sabi ng doktor ay mababa lang tsansang mabigo ang operasyon, 'di ko mapigilan nag mag-isip ng negatibo lalo pa at ang lola ang pinag-uusapan dito. Napupuno ang isipan ngayon ng kay daming mga paano. Paano kapag nagkaaberya sa operasyon ng lola? Paano kung mayroong mangyaring masama sa kanya? Pagiging paranoid 'ata ang tawag nila rito na siyang nararanasan ko ngayon.
"Bff, alam mo ba. May chika ako sa 'yo. Si Kiara, 'yong social climber nating classmate sa senior high, nag-story na nasa Sevendes Villa tapos nahagip ng camera na may kasamang matandang lalaki. Dinelete naman kaagad ang vid, pero guess what? May mga taong nakascreenrecord," rinig ko sambit ng katabi ko sa kasama niya. Kakarating lang nila at naupo sa tabi ko.
"Ay, weh?" tugon pa ng kausap niyo.
"It is what it is. True na true, bff. Check mo 'to." Sa gilid ng mata ko kitang-kita ang paghablot ng babae ng selpon mula sa kanyang bag. Maya-maya pa ay rinig na rinig ko ang mahinang halakhalakan ng dalawa.
Kakaiba para sa akin ang paninira ng dalawang babae na 'to sa kapwa nila, dahil sa loob pa mismo ng simbahan nila ginagawa. Sa obserbasyon ko, karamihan sa mga kakilala kong palasimba ay mga hipokrito. Parang ang naging layunin nalang ng nalang ng pagsimba sa kanila ay mapatawad sila, pagkatapos ay gagawa ulit ng parehong kasalanan. Walang saysay kung tutuusin ang ginagawang pagsimba nila. Pero, buhay naman nila 'yan; hindi rin ang isang magnanakaw na tulad ko ang tamang tao na nararapat na magbigay sa kanila ng leksiyon patungkol sa pagiging hipokrito nila.
Matapos ang aking munting dasal — na inutos ng lola, napagdesisyunan ko na umalis ng simbahan at ayaw ko makarinig pa ng kahipokritohan ng kasalo ko sa bangko. Tingin ko ay kahipokritohan lang din ang mahihita ko sa pag-uusap nila. Gan'on nga talaga at galit ang hipokrito sa mga kapwa nila hipokrito. Pero naisip ko rin na sa halip na makisawsaw ako sa usapin nilang hindi naman ako apektado, ilalaan ko nalang ang atensiyon ko sa pag-iisip kong saan ako kukuha ng isang daang libong pera ulit para sa iba pang bayarin kanina.
Sa madaling sabi, kailangan kong mag-isip ng lugar na mananakawan. Dapat kagaya n'ong bahay na ninakawan namin ng executive kahapon. Sapagkat kulang talaga ang perang pinambayad namin para sa operasyon; down payment lang ang nagawa ko sa bayarin ng lola. Ang down payment ay paghulog lang ng parte, maaaring kalahati o tatlong kapat ng kabuung bayad ng operasyon, dahil wala talagang operasyon na mangyayari kapag wala kang nilalabas na pera. Polisiya ito ng ng mg hospital lalo na kapag pribado.
Ang down payment ang magsisilbing katiyakan ng ospital na may kakayahan na magbayad ang pasyente para may kitain sila. Hindi puwede na patuloy sa pagsasagawa ng operasyon ang mga hospital na wala silang perang kinikita. Ipinaliwanag ito sa akin ng lola nang minsan magalit ako sa ospital sa pagiging makasarili. Sabi niya na kailangan din bilhin ng hospital ang mga gamit para sa operasyon, ang bayarin sa kuryente, pati na rin pinapasahod ng ospital ang kanilang mga doktor at nurse na pamilyang binuhay.
Kailangan maging patas din ang mga pasyente sa kanila, dahil hindi lang naman ang buhay nila ang pinag-uusapan. Ang ganda talaga ng pananaw ng lola sa mga bagay-bagay. Marami akong natutunan at mas lumalawak ang aking mga pananaw sa buhay. Balik sa sitwasyon ni lola, ang sabi ng doktor ay matapos ang operasyon para matanggal ang cancer kay lola, may radiation theraphy na gagawin na susundan ng chemotherapy. Nangangailangan din ang mga operasyon na ito ng malaking halaga.
Ang naalala kong bilin ng doktor ay gagawin ang radiation therapy matapos ang tatlong linggo ng lampectomy. Kaya kailangan kong mabayaran ang natitirang halaga para sa lampectomy o kung ano man ang tawag sa operasyon na ginagawa nila kay lola ngayon. Sa parehong pagkakataon, kailangan ko rin makapaglabas ng down payment para sa radiation therapy. Tingin ko at mahigit isang daang libo ang kailangan ko ulit na manakaw. Ang iniisip ko ngayon ay saan magnanakaw ulit ng gan'ong kalaking halaga.
Kung hindi lang sana dumating 'yong kasambahay, may sapat na salapi na sana kami para mabayaran ang lahat ng bayarin. Ang daming laman n'ong safe sa kusina; sayang talaga. Ang tanga ko sa parte na 'di ko nakalkula na may kasambahay palang maiiwan. Pero huli na ang lahat para balikan ko pa ang mga pangyayaring iyon. Wala nang mangyayari dahil imposibleng makabalik pa ako roon. Tiyak na balot na ng kapulisan ang buong bahay. Pansin ko ring naging aktibo ang mga pulisya sa mga checkpoints kahapon at sigurado akong kagagawan namin ng Executive Edran iyon.
"Isip, Raven. Saan ba pupuwedeng makakuha kaagad ng malaking pera?" mahina kong bulong habang naglalakad sa daan.
Mag-abang kaya ulit ako ng tao sa mall? Pero, tingin ko ay mukhang magiging mahirap dahil bantay sarado at mahigpit pa ang seguridad ng mga pampublikong mall ngayon dulot ng pagnanakaw na ginawa namin kahapon. Siguradong magiging aktibo ang mga lighttrackers ng kapulisan. Tiyak ko na kahit Level 1 na gathering lang ang gagamitin ko, hinding-hindi na ako masisilayan ng araw pa kinabukasan. Imposibleng magagamit ko ang normal kung istratehiya. Paano kaya ito ngayon? Kailangan ko mag-iba ng pamamaraan.
"Saan ba ako puwede magnakaw." Pinipiga ko na ang utak ko sa kakaisip.
Biglang sumagi sa isipan ko ang pag-uusap ng dalawang babae sa simbahan kanina… villa. Ang mga bahay na ito ay pagmamay-ari ng mga mayayamang tao. Ang villa ay kilala bilang lugar ng pagbabakasyonan at hindi ito tinuturing bilang isang na tunay na tahanan. Kaya naman hindi masyadong mahigpit o wala ngang seguridad ang mga bahay na ganito. Dahil bihira lang ito tirhan ng mga nagmamay-ari, hindi na sila pa nagdadala ng mga security guard. Tiyak na magiging madali lang para sa akin ang magnakaw. Bakit hindi ko kaya ito naisip noon pa?
Sa pagkakaalam ko, kilala ang lungsod ng Quezon sa mga lugar na may pinakamaraming villa. Kung hindi ako nagkakamali, nasa Quezon lang din matatagpuan ang isa sa mga pinakamahal na villa sa buong Pilipinas. Green Villa ba iyon? Hindi ako sigurado sa pangalan, pero tiyak ako na sa Annapolis lang ito naitayo. Isang biyahe lang mula rito sa kasalukuyan kung destinasyon. Hindi na masama at puwede kong subukan ang ideyang magnakaw sa isang villa ngayon din.
Wala man silang safe, tiyak akong maraming credit cards na dala ang mga may-ari. Para sa ibang magnanakaw, hindi nila pagkakainteresan ang credit cards, dahil hindi nila ito magagamit. Pero sa kaso ko, may kilala akong puwede kong pagbentahan nito. Ang presyo nga lang ay walangpong porsyento ng perang nasa credit card. Pero pera na rin iyon, 'di na ako dapat mag-inarte pa. Nitong mga nagdaang araw rin, mas nagiging maayos na ang paggamit ko sa Remember, kaya puwedeng-puwede kong gamitin ito sa mga kasong armado o may laban ang may-ari mananakawan kong villa.
WALANG KATAO-TAO ANG Annapolis. Hindi literal na walang tao talaga, dahil may mga tao pa rin naman akong nakakasalamuhat — pero wala pa akong mayamang tao na nadadaanan talaga. Totoong maraming villa ang nakatayo rito, ngunit nagkamali ako sa aking espekulasyon na maraming tao ang magpapakalat-kalat dito. Ngayon ko lang nahinuhang mananatili lang pala sa kani-kanilang villa itong mga mayayamang ito at magsasaya. Mukhang bigo itong naisip ko at hindi nga opsyon ang pagnanakaw sa mga villa.
"Miss, magkano ka?" may biglaang bumulong sa akin at kasunod nito naramdam ko ang paglapat ng mabibigat na kamay sa aking balikat.
Ang higpit ng ginagawang pag-akbay ng kong sinomang manyakis na ito na kasalukyang nasa aking tabi ngayon. Dahilan ito upang magsitindigan ang aking mga balahibo sa katawan. Ngunit, 'di lang doon nagtatapos ang kabastusan niya, dahil hindi pa man tapos ang aking pagkabigla sa kanyang nga aksiyon ay narinig ko ang mahihina niyang pagsinghot sa aking buhok. Doon na ako natauhan at naglakas ng loob upang sikuhin ang lapastangang lalaki na ito nang buong lakas. Sa aking ginawa ay nakawala ako sa kanyang pagkaka-akbay.
Nang maging malaya ang dalawa kong mga kamay ay doon ko na siya itinulak nang napakalakas na naging dahilan para madapa siya sa lupa. Kitang-kita sa ekspresyon ng kanyang mukha na masakit ang biglaan niyang pagbagsak. Ngunit 'di roon nagtatapos ang galit ko sapagkat hindi ko na siya binigyan pa ng pagkakataong makabangon, bagkos ay pinaulanan ko siya ng mga tadyak sa tagiliran at tiyan. Hindi ako tumigil bagaman ay daing siya nang daing. Walang mapaglagyan ang pagkamuhi ko sa kaniya dahil sa pambabastos na ginawa niya sa akin.
"Aray! Tang-ina mo!" namimilipit sa sakit niyang bulyaw.
Hinuha ko ay adik ang lalaking ito dahil sa itsura niya. Pulang-pula at dilat na dilat ang mga mata, tapos ay sabayan pa ng paminsanang pagsinghot niya sa ere. Parang nakahithit nga talaga ng shabu ang lalaking ito. Sa puntong ito ay hindi ko pa rin siya tinigilan sa mga tadyak at sipa ko. Hindi mawala-wala ang galit ko dahil sa pangmamanyak at pangbabastos na ginawa niya sa akin. Kasalukuyan kong pinapamukha sa adik na ito na mali siya ng binangga, dahil marunong makipagbakbakan ang babaeng binastos niya.
"s**t! Ganyan ang gusto kong babae. Palaban na, sariwa pa. Sabihan mo ako 'pag tapos ka na, Miss. Mukhang bata ka pa. Masikip pa 'yan," dagdag pa niya habang namimilipit sa sakit ng pambugbog ko.
Hibang na ang lalaki 'to at sagaran na ang pagiging manyakis niya. Nagagawa pang maging malibog kahit na pinapahirapan ko na siya nang husto. Hindi magtatanda ang ganitong klase ng tao kapag hindi naturuan ng matinding leksiyon. Nagdesisyon ako mag-ipon ng liwanag sa aking mata. Alam kong kitang-kita na niya ngayon ang pag-ilaw ng aking kaliwang mata, pero wala na akong paki pa kung nakikita niya pag-ga-gathering ko at kung may iba pang makakita sa ginagawa ko. 'Di naman matao ang lugar na ito at paniguradong wala ring maniniwala sa adik na ito kapag may pinagsabihan siya.
Nang matiyak kong sapat na ang liwanag na naipon ko, inutusan ko itong mag-anyo bilang pagdurusa at sakit ng kahapon ng taong nasa aking harapan. Sa aking Matia Sight, nasaksihan ko kung paano ang mga masasalimoot na nakaraan ng lalaki ay pumupuno sa kanyang isipan. Mula sa pagkawalan ng kanyang trabaho, sa pag-aaway niya at ng kaniyang asawa, hanggang sa paghahagis nito ng mga pinggan sa kanya. Kitang-kita ang sakit sa kanyang mga mata.
"Ang pamilya ko…" malungkot niyang sambit.
Hindi ko na ituloy pa ang gathering at nagdesisyon na itigil na ito. Huminga ako ng malalim at pinaalala ko sa aking sarili na magnanakaw lang ako, pero mananatiling tao pa rin at may nararamdaman. Lahat tayo ay may kanya-kanyang istorya at wala akong karapatan ng ipaalala sa isang tao ang mga masasakit niyang nakaraan. Nang inihinto ko ang paggamit ng Remember sa lalaki ay bumalik na ito sa kanyang katinuan. Napupuno pa ng katanungan ang kanyang mukha at tila nagtataka kung ano ang nangyari na sinabayan pa ng marahang pag-iling.
Tumuloy na ako sa aking paglalakad at hindi na binigyan ng pansin pa ang lalaki. Medyo nanghina ako dahil sa paggamit ko ng Remember. Ito ay Level 7 na gathering na noong nakaraan ko lang natutunan. Ang mekaniks ng remember ay pinupuno nito ang memorya ng isang tao ng masasalimoot na nakaraan niya o mga paghihirap na dinanas nito sa mga nagdaang taon. Ang layunin ng gathering na ito ay puwersahin ang isang tao na malugmok sa kalungkutan. Mas kahawig ang gathering na ito ng Age Scratch ng mga Relate attribute na Matia.
Ang pagkatuto ko ng Remember ay isang palatandaan na ako ay ganap na Level 7 na Matia na. Ngunit lingid ito ay lingid pa sa kaalaman ng organisasyon. Wala rin akong balak na ipaalam pa. Isa na ako sa mga prodigies kung tutuusin. Kapag lumabas na natuto na ako ng Level 7 na Gathering, tiyak na maraming mga kapwa ko prodigies ang maiinggit at magdesisyon na sirain ako. Mabuti na ang tahimik na buhay. Hinuha ko ay nag-iisip ang mga 'yon na ako'y napaglumaan na dahil sa madalas kong pagliban sa mga ensayo ng prodigies. Ang 'di nila alam angat na ako sa kanila ng isang lebel.
Naputol ang aking pagmuni-muni ng may may isang babae ang pumukaw sa aking atensiyon. Datingan palang, alam mo nang mayaman ang taong ito. Bagama't kitang-kita ang kanyang yaman sa mga alahas na sinusuot niya, pero kahit wala ang mg ito, sa kay kinis ng malaporselana niyang kutis, sa pigura ng katawan, pati na pamamaraan niya ng paglalakad, malalaman mo kaagad ja sumisigaw siya ng karangyaan. Mukhang naninirahan itong babae na ito sa isa sa mga villa rito sa Annapolis. Tingin ko ay hindi masasayang ang punta ko sa Annapolis sa araw na ito.
Mababakas sa mukha ng babae ngayon na malalim ang kanyang iniisip. Mukhang may pinagdadaanan ang babae. Dahil sa lutang siya sa kasalukuyan, kaya naman ay wala na akong sinayang na oras at sinamantala ang pagkakataong ito. Pasimple ko siyang binangga at marahan na hinawakan ang kamay niya nang 'di niya namamalayan. Nakayuko lang ako habang ginagawa ito kasabay ng paggamit ko ng Level 1 na Gathering, Flashback.
"Ouch!" maarte nitong tugon kahit 'di naman malakas ang pagkabangga ko sa kanya.
Ang aking isipan ay kasalukuyang pinapaulanan ng mga larawan ng babaeng nasa isang silid na nakakatutok sa kanyang computer, larawan nito nasa isang gate na may kasamang lalaki na binubuksan ito, at larawan nito na nagbibilang ng credit cards sa kanyang wallet. Ngunit hindi larawan nito na may mga credit card niya ang nakakuha ng aking pansin, bagkos ang pangalawang larawan kung saan nakatayo siya sa isang gate kasama ng isang lalaki habang kinakalikot ang gate, dahil ang nakapaskil na ngalan sa gate ay walang iba kung hindi "Green Villa".
"Jackpot," ani ko sa aking isipan.