Takbo Adity. Takbo...
Palinga-linga siya sa paligid. Sinusubukan niyang humanap ng matataguan pero wala siyang makita. Naririnig na niyang malapit na ang mga yabag ng humahabol sa kaniya. Wala na siyang magagawa kung hindi ang harapin ito ng buong tapang.
"Nahanap rin kita..."
Sinubukan niyang aninagin ang mukha nito pero dahil sa hooded jacket na suot nito ay hindi niya iyon makita. Kahit anong pilit niya ay wala siyang makita na pagkakakilanlan ng lalaking nakatayo ngayon sa harap niya. Pero ang boses nito. Alam niya na narinig na niya iyon. Hindi niya lang matandaan kung kailan ay saan pero hindi siya maaring magkamali. Kilala niya ang boses na iyon.
"Ano? Balak mo rin ba akong sunugin kagaya ng ginawa mo sa ate ko huh?" Matapang niyang tanong dito.
Tumawa lang ito. Iyong tawa na bigla nalang nakapagpatayo ng kaniyang mga balahibo. Mabagal itong lumapit sa kaniya. Sinubukan niya pang umatras pero napatigil siya ng mapansin ang mataas na banging nasa likuran niya. Alinman sa dalawa ang piliin niya ay tiyak na mamamatay siya nagsimula na siyang umiyak. Pero huli na ang lahat. Bago pa man siya makagawa ng desisyon ay para na siyang hinila ng bangin na nasa likuran niya. Wala na siyang ibang nagawa kung hindi sumigaw habang inililipad siya ng hangin paibaba.
Napabalikwas siya ng bangon. Ang akala niya ay totoong-totoo na ang lahat. Isa lang pala iyong napakasamang panaginip. Kaiintay niya kay Zygfryd ay hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya. Tumingin siya sa suot na relo. Alas-kwatro na ng hapon pero wala parin ito. Hindi naman siya nag-aalala dito pero gusto niya lang sana kasi ng makakasama. Pakiramdam niya ay naiinip siya kapag walang kausap.
Nang makarinig siya ng ugong ng sasakyan ay tila excited siyang dumungaw sa balkonahe. Nang makita na may kotseng pumarada sa tapat ng bahay ay napakunot ang noo niya. Motor kasi ang gamit ng binata. Kumuha na ba ito ng kotse gaya ng tinanong nito kanina?
Inintay niyang lumabas ito ng sasakyan. Bahagyang nangunot ang noo niya ng makita ang dalawang lalaki na umibis sa kotse. Hindi niya kilala ang mga ito. Nang makita niya na nagsenyasan ang dalawa na papasok sa bahay ay nakaramdam kaagad siya ng kakaiba. Lalo pa ng maglabas ng baril ang isa sa mga iyon. Alam niya may hindi tama kaya taranta siyang bumalik sa loob ng kwarto. Agad pumasok sa isip niya na tawagan si Zygfryd. Mabuti nalang at naibigay nito ang number kanina. Habang hinihintay ang pagsagot ng binata sa telepono nito ay nilakad niya ang pinto ay ni-lock iyon.
"Adity."
"May mga dumating kasi..."
"What? Nasaan ka ngayon?" Naramdaman niya kaagad ang mabilis na pagbabago sa mood nito. Kanina kasi ay para itong wala sa mood pero dahil sa sinabi niya ay bigla itong naging tense. Dapat narin ba siyang ma-tense?
"Nandito sa kwarto."
"Ok, listen to me. Lock your door. Sa ibabaw ng black na kabinet ay may baril. Go pick that up. Kung sakaling makita ka nila. Barilin mo sila. I knew it. f**k!"
B-baril? B-barilin?
"P-pero."
"Malapit na ako. Just hang on there, ok."
Hindi na niya nagawa pang makipag dialogo kay Zygfryd dahil agad na nitong ibinababa ang telepono. Mula sa kinatatayuan niya ay napagawi ang tingin niya sa itim na kabinet na sinabi nito. May baril daw sa ibabaw noon. Kailangan ko ba talagang kunin iyon?
"Doon ka sa kabila, dito ako." Rinig niyang sambit ng lalaking nasa labas na ng kwartong kinaroroonan niya.
Anomang oras ay makakapasok na ang mga ito sa kwarto. Kailangan niyang lakasan ang loob niya. Kinakabahan man ay nilapitan niya ang kabinet. Dahil hindi niya kita ang taas noon ay kinapa niya na lang ang sinasabing baril ni Zygfryd na naroon daw. Nanginginig niyang dinampot ang matigas na bagay na naroon. Nang makita niya ang isang maliit na baril ay bigla nalang lumakas ang kalabog ng dibdib niya. Diyos ko, alam kong mali ito pero meron ba akong choice?
"Pre, naka-lock itong pinto."
Napatingin siya sa may pintuan ng marinig iyon. Napapikit siya ng kumalampag ang pintuan. Pinipilit nilang buksan iyon. Nagpalinga-linga siya sa paligid para humanap ng pagtataguan. Wala na siyang maisip. Parang hindi na gumagana ng maayos ang utak niya. Masyado na siyang kabado para makapag-isip ng maayos. Ganoon siguro ang nararamdaman ng ate niya noon. Ayaw niya pang mamatay.
Pauulit-ulit niyang sinampal ng mahina ang pisngi niya. Kailangan niyang mag focus para hindi mangyari iyon. Parating na si Zygfryd. Dapat siyang magtiwala dito. Nilibot niya ang tingin niya sa paligid. Kahit naguguluhan ay tumakbo siya patungo sa banyo. Ni-lock niya ang pinto noon at isinara pagkatapos ay tumakbo siya pabalik sa itim na kabinet at doon siya sa loob nagtago. Isiniksik niya ang katawan niya sa mga naka-hanger na damit doon.
Nang marinig niyang bumagsak ang pintuan ay napatakip siya ng bibig. Wala siyang nakikita sa labas kaya umaasa nalang siya sa tainga niya.
"Hanapin mo siya!" Galit na utos ng isa.
Napalunok siya. Mukhang siya nga ang pakay ng mga ito. Sila ba ang pumatay sa pamilya ko? Papatayin rin nila ako?
"Nandito siya sa loob. Naka-lock ang pinto." Sigaw ng isa. Katulad ng ginawa ng mga ito sa pinto ng kwarto ay pinuwersa rin nilang buksan ang pinto ng banyo.
Mula sa pwesto niya ang dinig na dinig niya ang malakas na pag hampas ng mga ito ng kung anong matigas na bagay sa doorknob. Hanngang sa magkakasunod na putok ng baril ang bigla nalang umalingawngaw sa paligid. Agad siyang napadilat. Dumating na si Zygfryd.
"Labas na bilis!" Utos ng isang lalaki sa kasamahan nito.
Mula sa pinto ng banyo ay nagtakbuhan ang mga ito at nakipagsagutan ng putok sa labas ng kwarto. Kasunod noon ay marami pang putok ng baril. Napatakip nalang siya ng tainga. Takot na takot siya. Hindi niya inaasahan na maiipit siya sa ganoong klase ng sitwasyon. Hindi naman niya pinangarap na maging leading lady ng isang action star kaya hindi niya ikinatutuwa na naroon siya at parang ganoon ang nangyayari.
Ilang minuto ring naging maingay ang buong paligid. Dahil sa takot niya ay nanatili kang siya sa loob ng kabinet. Naupo siya roon at nakayuko. Ilang panalangin na ang naiusal niya. Umaasa na walang masamang nangyari kay Zygfryd. Nasa ganoon siyang posisyon ng bumukas ang pinto ng kabinet na pinagtataguan niya. Nang mag-angat siya ng tingin ay tumambad sa kaniya ang mukha ni Zygfryd. Iniunat nito ang kamay para ialok sa kaniya. Agad sumilay ang ngiti sa labi niya ng makita ito. Imbes na hawakan ang kamay nito ay sinalubong niya ito ng mahigpit na yakap. Nagulat pa ito sa ginawa niya pero niyakap rin naman siya nito pabalik.
"Ligtas ka na."