Ipinatunog niya ang daliri sa kamay. Ilang linggo na siyang naroon sa isla na iyon. Gabi gabi ay umiiyak siya at nagtatanong sa kalangitan kung sino siya. Puro buko at iba pang bungang kahoy ang nilalaman niya sa tiyan niya. Sawang sawa na siya sa ganoon. Malapit na ring maubos ang bunga ng mga niyog. Kailangan niyang matutunan ang panghuhuli ng mga isda upang patuloy siyang maka survive.
Hinawakan niya ang kanyang suot na damit, nangingitim na iyon. Bukas ay lalabhan niya iyon kahit walang sabon. Lagi lang niya iyong suot tuwing naliligo siya, nababasa at natutuyo iyon sa katawan niya dahil ayaw niyang talupan ang katawan. Pero bukas ay huhubarin niya iyon upang malabhan niyang mabuti. Mag isa lang naman siya sa isla na iyon kaya wala siyang dapat na ipag alala na baka may makakita sa kanya na nakahubad. Ganoon man ay magkukubli siya sa likod ng mga malaking bato habang pinatutuyo niya ang mga kasuotan.
Inatake siya ng ginaw nang dumampi sa katawan niya ang simoy ng hangin. Lalo siyang sumiksik sa batong pinagkukublian niya. Nagmistula na niya iyong bahay. Tinakpan niya iyon ng mga dahon ng niyog at iba pang klase ng dahon upang huwag siyang maulanan. Nang bigla siyang makaramdam na may gumagapang sa binti niya. Nang tingnan niya ay nanghilakbot siya.
"Ahas! " napalundag siya sa takot.
Nang gumapang na palayo ang ahas ay napaiyak na lang siya.
" Ha? " napadilat siya. Panaginip ba iyong mga eksenang nakita niya kanina o imahinasyon lang? Hindi niya matiyak. Pero malinaw sa kanya ang eksenang iyon. Isang babaeng nakagapos ang mga kamay ang nakita niya. May dalawang lalaking nakatayo sa harapan nito. Malabo ang mukha ng mga iyon, para lamang mga anino. Pilit niyang inaanalisa ang ibig sabihin ng eksenang iyon.
Malakas ang pakiramdam niya na may kaugnayan iyon sa kanya. Ngunit sumakit na lamang ang ulo niya ay wala siyang makapang conclusion. Nang bigla siyang matigilan. May natanaw siyang sasakyang pandagat sa malayo. Barko ba iyon? Hindi niya matiyak. Marahil ay yate. Tumindig siya at nagtatalon.
" Saklolo! Dito, tulungan ninyo ako! "
Panay ang sigaw niya kahit alam niyang hindi siya maririnig ng mga sakay niyon. Hinubad niya ang pang itaas niyang damit at iwinagayway. Pero napagod lang siya dahil walang nangyari. Papalayo ng papalayo sa kinaroroonan niya ang sasakyang pandagat.
Dumampot siya ng dalawang bato at kiniskis hanggang sa makalikha siya ng apoy. Tama, kailangan niyang gumawa lagi ng siga upang mapansin ng mga sasakyang pandagat. Iyon lang ang paraan para makaalis siya roon.
Ngunit ilang araw pa ang dumaan, wala pa ring saklolong dumarating. Ang mukha niya ay gumaling na sa tulong ng kung anu anong dahon ng halaman na pinipitas niya. Ngayon ay mga sariwang peklat ang makikita roon. Dispormado iyon sa tingin niya sa tuwing aaninawin sa tubig ang kanyang mukha. May mga bahagi ng mukha niya ang lumalalim sanhi ng laman na natanggal. Kinakain ba iyon ng mga isda sa dagat habang palutang lutang siya? Ganoon nga siguro ang nangyari. Isang malaking himala at nabuhay pa siya.
Umiyak na naman siya. Tuwing nakikita niya sa tubig ang mukha niya ay walang kasing sakit ang nararamdaman niya. Nakakatakot ang kanyang itsura. Nakakadiri. Paano siya makikisama sa mga tao?
" Siguro kaya ako napadpad sa lugar na ito ay dahil dito ako nababagay. " lalo siyang napaiyak. Kung pasahero siya ng isang barko na lumubog ay baka iniisip na ng pamilya niya na patay na siya. May asawa kaya siya? Hindi siya sigurado roon. Pero mas malaking porsiyento ng isip niya ang nagsasabing dalaga siya.
Pero bakit madalas niyang nararamdaman na may lalaki siyang pinanabikang makita. Pero hindi naman niya alam kung ano ang hitsura nito at kung sino ito sa buhay niya.
Sumakit ang ulo niya. Ang labo talaga ng kalagayan niya. Pakiramdam niya ay isa siyang buhay na patay.