Chapter 6

2639 Words
LUISEE Mabilis na lumipas ang isang linggo. Naging maayos naman ang mga araw ko sa unibersidad. Medyo wala pa nga lang akong kilala bagamat may kumakausap naman sa akin. "Anak, ang bilin ko sayo ha," paalala sa akin ni nanay. Kasalukuyan kami nag-aabang ng taxi dahil uuwi na ito. "Kapag may problema ka sabihin mo lang sa amin. H'wag ka mag-aatubiling tumawag sa amin ng tatay mo." Tumango ako bilang tugon. Ayokong magsalita dahil oras na gawin ko iyon ay hindi ko mapipigilan ang umiyak. Mamimiss ko ng sobra si nanay. Ngayon pa lang namimiss ko na ito. Tumawa si nanay. Alam ko kahit hindi nito sabihin sa akin ay nalulungkot din ito na mawawalay siya sa akin. "Nay," gumaralgal ang boses ko. Tuluyan nang pumatak ang luha ko sa aking pisngi nang niyakap ako ni nanay. "Kailangan mo maging independent anak. Hindi habang buhay kasama mo kami ng tatay mo," payo nito sa akin. Suminghot ako at kumawala ako sa pagkakayakap nito. Gamit ang likod ng aking kamay ay pinunasan ko ang pumatak na luha sa aking pisngi. "Promise po, magpapakabait po ako. Mag-aaral po ako ng mabuti. Hindi ko po kayo bibigyan ng sama ng loob," pagbibigay ko ng assurance sa aking ina. "Alam ko anak. May tiwala kami sa'yo ng tatay mo," yumakap itong muli sa akin. May taxi na huminto sa harap namin. Bago ito sumakay ng taxi ay inulit nito ang mga payo sa akin. Nakatanaw pa rin ako sa papalayong sasakyan kung saan lulan niyon ang aking ina. Malalim akong bumuntong-hininga. Ngayon, mag-isa na lang ako. Nagsimula na akong maglakad pabalik sa dorm. Siguro sa una lang ako hindi masasanay na wala si nanay sa aking tabi. Hindi ko na naman napigilan ang paglandas ng aking luha. Wala na yata ako pakialam sa mga nakakakita sa akin. Basta gusto ko umiyak. Bata pa nga ako, hindi ko mapigilan ang aking emosyon. Araw ng lunes, unang araw na hindi ko kasama si nanay. Bago ako natulog kagabi ay tumawag muna ako kay tatay. Hindi kasi ako sinasagot ni nanay. Ayon kay tatay ay nakauwi na si nanay. Hindi lang ito nakatawag dahil nalobat ang cellphone nito. Tatawagan na nga raw sana ako, naunahan ko lang tawagan ang mga ito. Nagmamadali kong isinalansan ang mga gamit sa aking bag. Pagkatapos ko iyon gawin ay mabilis kong nilisan ang aking kwarto. Lakad takbo na ang ginawa ko para makarating sa school. Nasanay kasi ako na ginigising lang ng ni nanay kaya nakalimutan ko mag-alarm sa aking cellphone. Napuyat din ako sa pagbabasa ng The Notebook. Bago ako tumawid ay nagpalinga-linga muna ako sa daan. Baka may bigla na naman may humarurot na sasakyan at mapuruhan na ako. Nais ko muna na may marating at tulungan ang aking magulang bago ako mawala sa mundong ito. Nang makita ko na ligtas tumawid ay tinakbo ko papasok ng entrance. Habang naglalakad ay hinanap ko ang Identification Card sa aking bag. Dahil nakatuon ang atensyon ko sa paghahanap ng aking ID ay hindi ko napansin ang nasa unahan ko kaya bumangga ako roon. "Aray!" daing ko. Napahawak pa ako sa aking ilong dahil pakiramdam ko ay napisat iyon. Sumakit ang ilong ko sa matigas na bagay na bumangga sa aking mukha. Nahulog din ang bag ko at kumalat ang laman niyon sa daanan. Nag-angat ako ng mukha ngunit likod ang aking nakita. Tumingala ako dahil may katangkaran ang nasa aking unahan. Lalaki ang aking nabangga. Nanuot din sa aking ilong ang mabango nitong amoy. Para iyong nakahahalina at hindi mo pagsasawaan amoyin. Napapalatak ako. Ngayon pa talaga kung kailan nagmamadali ako. "Sorry, hindi ko sinasadya," hinging paumanhin ko sa lalaki ngunit hindi sa kan'ya nakatuon ang aking atensyon dahil dinadampot ko na ang mga gamit na nahulog. Sinipat ko ang relo sa aking palapulsuhan. Nanlaki ang mata ko ng makita ko kung anong oras na sa aking relo. Fifteen minutes pa naman bago magsimula ang unang klase. Maaga ako pumapasok ng mga nakalipas na araw dahil kasama ko pa si nanay. Pero ngayon kailangan ko pa talagang mag-adjust ng oras sa pagpasok. Pagkatapos kong ilagay sa bag ang gamit ay agad akong tumayo. "Pasensya na ulit," muli kong hingi ng paumanhin ng hindi pa rin tinitingnan ang lalaki. Nagmamadali akong umalis sa harap nito. Pagdating sa classroom ay nakahinga ako ng maluwag. Wala pa ang professor namin sa unang klase. As usual, dating gawi. Dahil wala pa akong kaibigan ay tahimik lang akong naupo sa aking upuan. Hinanap ko ang ID ko sa aking bag para sana isuot iyon ngunit nahalukay ko na yata ang laman ng bag ay hindi ko makita iyon. Inalala ko kung saan ko nailagay iyon. Sa pagkakaalala ko ay hinahanap ko iyon sa bag habang naglalakad kanina. Nanlaki ang mata ko ng mapagtanto ko na marahil kasama sa mga nahulog na gamit ang ID ko. Dahil sa nagmamadali ako ay hindi ko na napansin iyon. Nakagat ko ang ibabang labi. Napansin kaya ng nabangga ko ang ID? Kung nadampot nito iyon ay hindi ko naman kilala ang lalaki dahil hindi ko naman iyon tinapunan ng tingin. Isa pa, sa laki ng unibersidad na ito ay saan kong lupalop hahanapin ang lalaking iyon. Tsk! Problema 'to. Para hindi mapansin ng mga prof ko na wala akong suot na ID ay nilagay ko ang mahaba kong buhok sa unahan ng aking dibdib. Nilagay ko rin ang bag sa aking kandungan. Niyakap ko iyon para hindi halata na wala akong suot na ID. Mamaya, kapag tapos na ang klase ay hahanapin ko ang nawawalang ID. Kung hindi napansin ng lalaki na iyon, kahit yung mga ibang estudyante na lang ang makakita. I'm sure, maibabalik sa akin iyon dahil nakalagay naman doon ang information ko. Nagpasalamat ako dahil natapos ang buong subject ko na hindi napapansin ng mga prof ko na wala akong suot na ID. Mabilis akong lumabas ng classroom at tinungo agad ang lugar kung saan ko nahulog iyon. Nagbakasakali ako na sana ay nadoon pa ngunit namumuti na yata ang mata ko sa kahahanap ay wala akong nakitang ID. Tinungo ko ang department ng lost and found ng mga nawawalang gamit ngunit ang sabi ng nakausap ko ay wala raw nagsurrender sa kan'ya. Wala din daw ni-turn over sa kan'ya ang naunang nakaduty doon. Laglag ang balikat ng lumabas ako ng silid na iyon. Para akong naglalakad sa kawalan habang binabagtas ang pasilyo palabas ng building. May nakita akong isang bench sa lilim din iyon ng puno ngunit walang nakaparadang mga sasakyan doon. Tinungo ko iyon at pasalampak akong naupo. Nanggigigil na sinabunutan ko ang sariling buhok. "Argh! Luisee, ano ba naman. Umayos ka nga. Nawawala ka sa katinuan," sermon ko sa sarili. Napabuga ako ng hangin. Paano na 'to? Ilang araw pa lang ako pero problema na agad. Tumayo ako ngunit kalauna'y umupo rin akong muli. "Naman, nakakapraning! Nasaan na ang ID ko? Pakiusap naman, kung sino ka man na nakadampot, please pakibalik na sa akin." Dalangin ko kahit wala akong ideya kung sino ang nakakita niyon. Inayos ko ang nagulong buhok. Pagkatapos ay tumayo ako. Minabuti kong pumunta na lamang ng library. Kaysa masira ang utak ko kahahanap ng ID ko ay magmumukmok na lang ako maghapon sa library. Wala naman ako gagawin sa dorm dahil mag-isa lang ako sa kwarto. Ang mga kapwa ko naman estudyante na naroon ay hindi rin lumalabas sa kan'ya-kan'ya nilang mga kwarto. Lalo lang akong mag-iisip kapag umuwi ako. Pagdating sa library ay dumiretso ako sa shelvings ng mga books of History. Nang makita ko ang hinahanap ay tinungo ko ang bakanting mesa. Wala pa masyado tao sa loob. Marahil siguro ay tanghali ang iba ay kumakain, ang iba naman ay umuwi na. Kinuha ko ang notebook at ballpen sa bag. Binuklat ko ang libro at nagbasa muna ako. Nasa kalagitnaan na ako ng aking pagbabasa ay narinig ko ang bulungan at hagikgikan lalo na ng mga kababaihan. Base sa mga bulungan ng mga ito ay kinikilig ang mga ito. Ipinagwalang bahala ko ang mga naririnig kong iyon. Mga wala lang naman kakwenta-kwenta. Nahagip pa ng tainga ko ang usapan ng dalawang babae sa kabilang mesa na nasa aking harapan. "Shocks! Nandito sila. Ang popogi talaga nila, girl. Yung panty ko nahulog na," sabi ng isa na halata sa boses na kinikilig. "Bet ko silang lahat. Sana kahit isa man lang sa kanila maka-date ko. Ako na yata ang pinakamasayang babae sa balat ng lupa," mahinang wika naman ng isa at impit na tumili. Natatawa ako sa mga pinag-uusapan ng mga ito. Anong mayroon sa pinag-uusapan ng mga ito at ganoon na lang sila magsalita? Itinuon kong muli ang atensyon sa binabasa. Nag-take note na rin ako ng mga importante para sa lecture. May isang babaeng impit na tumili. Napabuga ako ng hangin dahil nagsisimula nang parang tila may mga bubuyog sa loob ng library. Tumayo ako at tinungo ko naman ang Filipiniana Section. Hindi ko makita ang hinahanap ko kaya nagpatulong ako sa tagapangasiwa ng library. Tiningnan ko ang ID nito. Melissa Salazar ang pangalan nito. Siguro ay part-timer ito dahil parang ka-edad ko lang ito. Siguro kapag may bakanting oras ako ay maghahanap din ako ng mapapasukang trabaho kahit part-time lang. Pandagdag allowance na rin. "Anak ng pating. Sino kaya ang magaling na estudyante hindi nag-silent ng cellphone?" mahinang turan ni Melissa at sinulyapan ako. "Miss, sandali lang ha. Magpapalabas lang ako ng estudyante," sabi nito. "Ako nga pala si Luisee. Madalas mo ako makikita rito kaya nagpakilala na ako," nakangiti kong turan sa kan'ya. Ngumiti ito at tinalikuran na ako. May narinig kasi itong tumutunog. Marahil cellphone ng isa sa mga nasa loob. Sinabayan ko pa ang kanta dahil kapareho iyon ng ringtone ng cellphone ko. Nang bigla akong natigilan. Nanlalaki ang mata nang mapagtanto ko kung kanino ang tumutunog na cellphone. "Shocks! Cellphone ko iyon. Sino naman ang tumatawag sa akin? Gabi pa ako tatawagan ng mga magulang ko." Wika ko sa aking sarili. Dahil baka mapalabas ako ng library ay mabilis ko tinungo kung saan nakalagay ang aking gamit. Nakita ko roon nakatayo si Melissa. Alanganin akong ngumiti nang makalapit ako sa kan'ya. "Pasensya na. Wala naman ako ini-expect na tawag kaya hindi ko na ni-silent. Hindi na mauulit," hingi kong paumanhin at kinuha ang cellphone sa loob ng bag kahit tumigil na iyon. Sinilip ko ang screen para alamin kung sino ang tumatawag. Unregistered number iyon. Kumunot naman ang aking noo. Wala naman ibang nakakaalam ng number ko kung hindi ang aking magulang pati mga kaklase ko ng High School pero naka-save lahat ang mga iyon sa aking cellphone. Sinulyapan kong muli si Melissa. "Hindi mo naman ako palalabasin 'di ba? Hindi pa kasi ako tapos mag-research eh," nakikiusap ang tinging ipinukol ko rito. Bumuntong-hininga ito. "Sa susunod paki-silent na lang bago pumasok," paalala nito sa akin. "Salamat Melissa," tila nagulat pa ito dahil binanggit ko ang pangalan nito. Tinuro ko ang ID nito. Ngumiti siya sa akin at tinalikuran na ako. Umupo ako at tinuon ko na ang atensyon sa aking ginagawa. Magsusulat na sana ako ng mapapikit ako. Nasamyo ko na naman ang mabangong amoy. Iminulat ko ang mata. Amoy iyon n'ong lalaking nabangga ko kanina. Nagpalinga-linga ako. Baka kasi ito ang nakakuha ng ID ko. Nadismaya naman ako ng maalala ko na hindi ko naman pala nakita ang mukha niya. Hindi naman pwede na amoyin ko isa-isa ang mga lalaki na nandito. Mapagkamalan pa akong nasisiraan ng ulo. Bahala na bukas. Hindi pa naman mahigpit ngayon ang guard sa pag-check ng mga pumapasok sa loob ng Unibersidad. Muli kong tinuon ang atensyon sa pagsusulat. Ngunit natigilan naman ako ng may mga boses na nagbubulungan sa likuran ko. Tsk! kahit pabulong mag-usap ang mga ito ay dinig pa rin dahil sa laki ng mga boses ng mga ito. "Dude, she's the ow--" "Will you please quite Drixx," putol sa sinasabi ng baritonong boses. "What's your plan, Dude?" tanong naman ng isa pa. "What the? Don't call her again, Dude. She's studying," pigil ng isa pang boses. Marahil may pinagdidiskitahan ang mga ito sa loob ng library. Kung sino iyon ay napakamalas nito dahil mapapalabas din ito ng library kasama ng mga maiingay na estudyante mula sa aking likuran. Puro baritono at maawtoridad ang mga boses ng mga ito na kapag inutusan ka ay hindi ka maaaring tumanggi. Kahit mahina ang usapan ng mga ito ay dinig pa rin iyon dahil sa naglalakihang boses ng mga ito. Hinayaan ko na lang na mag-usap kung sino man ang mga ito. Tutal hindi naman ako ang mapapalabas kung hindi sila. "I'll talk to her," sabi ng isa pang boses. Hindi ko na alam kung sino-sino sa kanila ang nagsasalita. pero sa tingin ko ay apat sila dahil na rin sa iba't-ibang boses na narinig ko. "Dammit, Syke. Not now!" bahagyang tumaas ang boses ng isang baritonong boses. May narinig akong tumikhim. Marahil si Melissa iyon. Naririnig na rin nito ang usapan ng mga lalaki. Napapangiti na lamang ako. Kahit kailan sa library hindi nawawalan nang maingay. "What are we doing here if you're not going to talk to her?" tanong ng isa. Sino kaya pinag-uusapan ng mga ito? "This is not the right time. I have a plan. So, please be quite, you three moron," iritableng wika ng isa. Ang kulit nila mag-usap. Kalauna'y tumahimik na ang mga ito. Ngunit ilang segundo palang ang nakalipas ay nagsimula na naman mag-usap na ang sa tingin ng mga ito'y bulungan. "You coward. What are you doing?" sita ng isa na tila hindi nagustuhan ang gagawin ng kasama. "What? I just want to sit next to her. Don't worry I won't talk to her," sagot nito. "You bastard. Don't you dare do what you think Zick, or else, I will kick you out in this School," mahinang wika ng sumita ngunit may diin iyon at may halong pagbabanta. "You always say that," kalmadong wika nang sinabihan. "I can do that," maawtoridad nitong wika at mahinang tumawa ang mga kasama. Napabuga ako ng hangin. Siguro bukas ko na lang itutuloy ito. Next week pa naman ang pasahan. Kung ganito kaingay ang mga kasama ko sa library ay hindi ako makakapag-concentrate ng maayos. Pinasok ko na ang notes at ballpen sa loob ng bag. Kinuha ko ang bag at sinukbit ko iyon sa aking balikat. "f**k! I told you, you idiot," narinig ko pang sabi ng lalaki. Tinungo ko ang kinaroroonan ni Melissa. "Melissa, pwede mo ba itabi 'tong dalawang books. Babalik ako bukas," nakangiti kong turan sa kan'ya. Kinuha naman nito ang libro mula sa akin. "Pasensya ka na ha. Hindi ko sila masaway," hinging paumanhin nito. Ngumiti lang ako sa kan'ya. Sinulyapan ko ang mga maingay na lalaki. Nakaharap at nakatingin ang mga ito sa gawi namin. Isa-isa ko sila tiningnan. Kaya pala inglesero ang mga ito dahil hitsura pa lang ay mapaghahalataan na anak ito ng mga banyaga. Kaya naman pala kinikilig ang mga babae sa loob ng library dahil sa kanila. Wala akong masabi sa kanila kung hindi 'wow'. A perfect creature na n'ong magsabog ng kagwapohan ay sinalo lahat ng mga ito. Isa sa kanila ay nakangiti at lalong lumabas ang kagwapohan. Ang isa ay pilit na ngumiti ng makitang nakatingin ako sa kanila. Habang ang isa ay nakahilig ang ulo sa balikat ng isang lalaking hindi yata biniyayaan ng ngiti sa labi. Mahaba ang buhok nang nakahilig na lalaki at may hikaw sa bandang kaliwang tainga. Ayon sa nabasa kong rules and regulations ay bawal ang magpahaba ng buhok ang mga lalaki. Ngunit hindi yata marunong sumunod ang isang ito. Sa kanilang apat ay isa sa kanila ang pumukaw ng aking atensyon. Hindi dahil sa gwapo ito kung hindi dahil sa paraan ng pagtitig nito sa akin. Para akong matutunaw sa titig nitong iyon kaya ako na ang unang umiwas ng tingin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD