Chapter 5

2343 Words
LUISEE "Kuya Haru?" sambit ng aking kapatid. Inilahad nito ang kamay sa kaharap. "Ako po si Lance, little brother ni Ate Lui," pagpapakilala nito sa sarili kay Haru. Napangiti ako sa pagiging magalang nito. Hindi ko rin alam kung kanino nagmana nang katalinuhan ang kapatid ko. Alam nito ang mga do's and don't at kung paano makipagkapwa-tao. Inabot ni Haru ang maliit na kamay ni Lance. "Nice meeting you, Lance. I'm Haru Stevan, your sister's..." tumigil ito magsalita. Kinabahan naman ako sa maaari nitong sabihin. Sinulyapan niya ako. Nakikiusap naman ang tingin na ipinukol ko sa kan'ya. Muli nitong binalingan ang kapatid ko. "I'm your sister's long lost friend," anito na tila may laman ang binitawang salita. Nakahinga naman ako ng maluwag dahil iyon ang naging sagot nito kay Lance. Kilala ko si Lance. Matandain ito sa lahat ng bagay. Kahit sinabi na sa kan'ya ng ilang linggo ay naaalala parin nito. Kapag may sinabi si Haru tungkol sa aming dalawa tiyak na magtatanong ito. Binalingan ako ng kapatid ko. "Ate, friend din siya ni Kuya Earl?" tanong ni Lance. Hindi ako nakapagsalita sa tanong nito. Hindi ko alam kung ano ang isasagot. Ayoko magsinungaling sa kapatid ko. "No, Lance. Si Ate Lui mo lang ang kaibigan ko," sagot ni Haru. Pasimple akong bumuga ng hangin. Pakiramdam ko lalong sumikip sa bahay dahil sa presensya ni Haru. Binalingan ulit ito ni Lance. "Nice to meet you po Kuya Haru," sambit ni Lance. Then suddenly my heart stopped when he let out a smile at my brother. Bihira lang ngumiti ang lalaking ito pero sa pagkakataong ito ay walang kahirap-hirap na nagpakawala ito ng ngiti sa harap ng kapatid ko. "Nice meeting you too Lance," sagot ni Haru. Tumalikod na sa kan'ya si Lance at lumapit sa akin. "Ate, sleep na ako," wika nito. Nginitian ko siya at saka binuhat. Sumulyap ako kay Haru at nagtama ang aming mga mata. "Dadalhin ko lang sa kwarto si Lance," paalam ko sa kan'ya. Pauuwiin ko na rin siya kung saan siya tumutuloy ngayon. Hindi ko siya pwede patagalin dito. Baka may makakita pa sa kan'yang kapitbahay namin. Marami pa naman tsismosa sa lugar namin. Tumango naman ito bilang tugon. "Kuya Haru, balik ka?" tanong ni Lance. Nagkatinginan kaming muli. Nagtatanong ang paraan nang titig nito. "If your sister told me to come back," tugon nito. Nagsalubong ang kilay ko. So, nakasalalay pala sa akin ang sagot nito. Tiningnan ako ni Lance. I heaved out a deep sigh. "Si Kuya Haru kasi Lance, saglit lang siya rito sa ating lugar. Uuwi rin siya agad," paliwanag ko. Sana nakumbinsi ko ang kapatid sa paliwanag ko. Hindi ko rin matapunan ng tingin si Haru dahil hindi ako sigurado kung tama ba ang naging sagot ko para sa kan'ya. Tumango ang kapatid ko at muli nitong sinulyapan si Haru. "Good night po," wika nito. Dinala ko na ito sa kwarto. Buti na lang at tulog pa si Ate Isabel dahil kung hindi ay magtatanong din ito. "Ate sleep ka na rin. May pasok ka pa bukas," pagpapaalala sa akin ni Lance. Isa sa mga gusto ko sa aking kapatid ay sobra nitong maalalahanin sa akin. Parang ito pa ang nakatatanda sa amin sa pagpapa-alala. "Yes po. Sleep ka na, okay?" sabi ko sa kan'ya at hinalikan ko ito sa pisngi. Tumango ito at pinikit na ang mga mata. Palabas na ako ng kwarto ng magsalita itong muli na ikinalingon ko sa gawi nito. "Ate, gusto ko si Kuya Haru," sabi nito dahilan para matigilan ako. Hindi agad ako nakapagsalita. Isa sa ugali ng kapatid ko ay kapag hindi nito gusto ang kausap ay sandali lang ito nakikipag-usap. Minsan ay hindi talaga nito kinakausap. Pinayuhan ko rin ito sa ganoong asal. Hanggat maaari ay ayoko mawalan ng galang ang kapatid ko sa hindi nito gusto kausapin. Ngunit ang narinig mula sa bibig nito na gusto nito si Haru ay hindi ako lubos na makapaniwala. Unang beses palang naman nito nakita si Haru. Ngumiti lang ako sa kan'ya at saka lumabas na ako ng kwarto. Huminga muna ako ng malalim bago ko tinungo kung nasaan si Haru. Nakita ko itong nakatayo na at nakapamulsang nagmamasid sa loob ng bahay. Aminado naman ako na maliit lang ang bahay namin. Pero hindi iyon tulad ng ibang bahay na hindi maganda tingnan mula sa labas. Gusto ipaayos ni Earl ang bahay namin ngunit tumanggi ako. Pinili ko na lang na ako mismo ang magpaayos niyon. Isa pa, hindi ganun kalaki ang nagastos namin sa bahay dahil si Tatay na rin mismo ang nag-ayos niyon. Dahil nakatalikod ito ay nagawa ko siyang titigan. It's been ten years since the last time I saw him. Yung mga panahong nagdesisyon ako na lumayo sa kan'ya kahit pa nakasalalay doon ang pag-aaral ko at ang namumuo kong damdamin para sa kan'ya. Ngunit tila hindi yata nabago ng panahon ang paglayo ko ng matagal. Ganun pa rin ang epekto ng presensya niya sa pagkatao ko ngayon, nakakapanghina. "He's smart," anas nito na ikinaigtad ko. Sa laki ng boses nito nabubuhay pati ang natutulog kong kaluluwa. "Alam ko," tipid kong sagot. "Hindi ka pa ba uuwi?" tanong ko sa kan'ya. Pumihit ito paharap sa akin. "Where? Manila? At this hour?" pamimilosopo nitong sagot. Tumaas ang isang kilay ko. "Pwede rin naman," inis kong sagot sa kan'ya. "Hindi ako uuwi hanggat hindi ko nakukuha ang sagot mula sa'yo, Lui. Always remember why I'm here, Lui." Sabi nito. Hindi ko na nagawang magsalita dahil lumabas na ito ng bahay. Naiwan akong tulala. Ibig sabihin lang niyon ay desidido itong malaman kung bakit ako lumayo sa kan'ya. Kung bakit ako biglang nawala na lang na parang bula pagkatapos ng pangyayaring iyon. Sa tingin ko ay muling magugulo na naman ang tahimik kong buhay sa pagpapakita ni Haru. Humugot ako ng malalim na buntong hininga. Kinuha ko ang earphone na nakasabit sa salamin at naupo sa rocking chair. Kinuha ko ang cellphone mula sa aking bulsa ng short at naghanap ng kanta na makakatulong para makatulog ako. Nilapat ko ang aking likod at ulo sa likod ng rocking chair. Nilagay ko sa aking tenga ang earphone at sinimulang i-play ang musika na napili ko. Ipinikit ko ang aking mga mata. Ganito ako kapag alam kong mahihirapan akong makatulog. Subalit tila dinala ako sa nakaraan ng musika na aking napili. Sa panahong nakilala ko ang isang Haru Stevan... Ten years ago. . Nagmamadali kong tinungo ang entrance ng University na aking papasukan. Hahanapin ko pa ang room sa una kong minor subject. Isa pa, wala pa akong kilala sa Unibersidad dahil freshman palang ako. Malapit na ako sa entrance ng hindi ko napansin ang isang parating na puting sasakyan. Mabuti na lamang at may isang kamay ang mabilis na humila sa akin para makaiwas sa sasakyan na iyon. Huminto sandali ang sasakyan ngunit umalis din ito kaagad at pumasok sa entrance ng Unibersidad. Sabi ng iba ay may kayabangan daw ang mga estudyante rito dahil mayaman at may sinasabi ang pamilya. Ano naman ang pake ko doon? Basta ako ay mag-aaral ng maayos dahil hindi ko palalampasin na nakapasok ako sa ganitong magandang University. Mabuti na lang at napabilang ako sa nabigyan ng scholar ng mga Quisedas sa probinsya namin. "I hate that f*****g bastard," anas ng lalaking nagligtas sa akin. Sinulyapan ko ang nagsalita. Nakatingin din ito sa sasakyan na pumasok sa entrance. Base sa pananalita nito ay kilala na nito ang nagmamaneho ng sasakyan. "Salamat nga pala," sabi ko sa kan'ya dahilan para balingan niya ako. "You're welcome," sabi nito na titig na titig sa akin. "Ah, sige. Salamat ulit," sambit ko at tinalikuran na ito. Huminto ako sandali dahil parang pamilyar sa akin ang mukha ng lalaking iyon. Parang nakita ko na siya kung saan. Ngunit pinagsawalang-bahala ko na lamang iyon. Nakita ko rin ang sasakyan na muntik na akong masagasaan pagpasok ko ng entrance. Hindi pa iyon naka-park ng maayos. "Tsk! Mayaman nga naman," mahina kong turan. Mabilis kong tinungo ang building ng Department of Education. Kumuha ako ng kurso na Bachelor of Secondary Education major in Filipino. Gusto ko sumunod sa yapak ng aking ina. Mabuti na lamang at matataas ang mga grades ko at pumasa sa grade standard ng University. Nagtanong-tanong ako sa mga nakakasalubong kong estudyante kung saan iyon matatagpuan. Nakita ko naman agad ang building. Sa bandang dulo pa iyon. Pinagitnaan iyon ng dalawang building na hindi ko alam kung anong Department. Mabilis akong pumasok sa room. May mga estudyante na rin doon. Pinili ko ang maupo sa unahan para matutukan ko ang lecture ng professor namin. Pero sa tingin ko kapag mga ganitong nagsisimula palang ang klase ay nagpapakilala muna isa-isa ang mga estudyante pagkatapos niyon ay sa susunod na araw na magsisimula ang klase. Ganoon nga ang nangyari. Halos lahat ng subjects namin ay pagpapakilala lang ang ginawa. Minabuti ko na lang na umuwi na dahil wala naman na akong gagawin dito. Gusto ko sana pumunta ng library pero baka hindi pa pwede dahil nagsisimula palang ang klase. Nakaramdam ako ng gutom at napahawak ako sa aking tiyan. Hindi ko na kasi nakain ang pagkain na hinanda sa akin ni nanay dahil nagmamadali akong umalis ng dorm. Ang dormitory na aking tinutuluyan ay pagmamay-ari ng Quisedas. Lahat ng scholar nila ay magkakasama sa isang building. Tamang-tama lang para sa tatlong-daan na mapalad na nakakuha ng scholarship. Pansamantala akong sinamahan muna ng aking ina. Isang linggo itong naka-leave sa paaralang pinapasukan nito. Malapit na rin itong umuwi. Teacher kasi ito sa grade school sa probinsya namin. Hindi ito pwede mawala ng matagal dahil nagsisimula pa lamang ang klase sa amin. Nauna kasi ang pasukan ng grades school sa amin sa probinsya. Mas pinili ko rin na secondary ang kunin na kurso dahil pakiramdam ko kapag grade school ang kinuha ko ay maaga akong tatanda. Hinanap ko ang canteen ng School. Nang makita ay tinungo ko iyon at pumasok sa loob. May mga estudyante na rin sa canteen. Ngunit umatras din ako kalaunan. Baka mahal ang pagkain nila kaya hindi na ako tumuloy. Sa dorm na lang ako kakain. Nang makakita ako ng bench sa ilalim ng puno na malapit sa apat na nakapark na sasakyan ay umupo muna ako. Medyo mainit pa kasi. Hindi ko rin nadala ang payong ko dahil na rin sa king pagmamadali. Mamaya na lang siguro ako uuwi kapag hindi na ganoon kainitan. Kinuha ko ang cellphone at earphone sa aking shoulder bag. Naghanap ako ng kanta sa music player application at nakapamili naman ako kaagad. Kinuha ko ang librong hindi ko pa tapos basahin. The Notebook ang title ng binabasa ko. Sobra akong na-curious dito dahil ginawan din ito ng movie. Mas pinili ko na lamang na basahin iyon kaysa ang panoorin. Itinutok ko na ang atensyon sa pagbabasa. Hindi ko na alintana ang mga nagtitilian na mga kababaihan. Naririnig ko iyon ngunit mas naka-focus ako sa pagbabasa. Mahina lang din ang volume ng sounds na aking pinapakinggan. Nagsalubong ang kilay ko ng mapansin ko sa gilid ng aking mata na tila may nagtatakbuhan. Nag-angat ako ng mukha. May mga estudyante na tila kinikilig pa na parang nakakita ng artista sa loob ng campus. Nagtaka naman ako dahil ang atensyon ng mga ito ay sa apat na lalaking naglalakad papalapit sa aking kinaroroonan. Hindi ko rin masyado makita ang mukha ng mga ito dahil sa sikat ng araw. Base sa nakikita ko kung paano ito pagkaguluhan lalo ng mga kababaihan ay popular ang mga ito sa University. Napapailing na lamang ako. Mukhang hindi rin ako makakapag-concentrate rito kaya tumayo ako. Sa dorm na lang siguro ako magbabasa. Isa pa, gutom na talaga ako. Nagsimula na akong maglakad. Kung ang mga kababaihan sa campus ay nakasunod sa kanilang apat, ako naman ay nilagpasan ko lamang ang mga ito. Nanuot sa aking ilong ang amoy mayaman nitong mga perfume nang mapadaan ako sa gilid nila. In my peripheral vision, isa sa kanila ay lumingon sa pag-daan ko. Hindi ko na rin inalam kung sino iyon. Hindi ko naman sila kilala. Nilakad ko lang ang dormitory dahil malapit lang iyon sa University. Pagdating ko ay dumiretso agad ako sa kusina. Nakita ko roon si nanay na nagluluto. Pinikit ko pa ang aking mga mata. Inaamoy ko ang mabangong niluto ni nanay. "Wow! Mukhang mapaparami ako ng kakainin nay ah," bulalas ko. "O, anak. Napa-aga yata ang dating mo. Tapos na ba ang klase mo?" tanong nito habang hinahalo ang niluluto. Lumapit ako sa kan'ya. Nagmanong ako at sinilip ko ang niluluto nito. Adobong baboy iyon. "Kapag ikaw na lang ang nandito huwag ka masyado mag-aaksaya ng pagkain ha. H'wag ka rin naman magpagutom. Baka sa susunod na linggo pa pumunta ang tatay mo. 'Yung free allowance mo, kapag hindi naman importante ang bibilhin h'wag na bumili, magtipid." Sa sinabi ni nanay na magtipid ay sinabayan ko siya. Paulit-ulit ko na lang kasi naririnig iyon sa kan'ya. Malapit na rin itong umuwi kaya nababahala ito na maiiwan ako mag-isa. "Nay, h'wag po kayo mag-alala, kaya ko na po ang sarili ko. Dalaga na kaya ako. Seventeen na ako," ngumiti ako sa kan'ya. "Anong Seventeen? Magsi-siventeen pa lang. Nagmamadali?" pagpapaalala sa akin ni nanay. "Baka lang po makalusot," sambit ko at mahinang tumawa. Sa susunod na buwan ay magsi-seventeen na ako. Nakakalungkot lang at mag-isa ko pa yata masi-celebrate iyon. Hininaan ni nanay ang apoy. Iginiya nito ako sa upuan. "Kapag may problema ka rito anak, tumawag ka kaagad sa amin ng tatay mo ha. Araw-araw kami tatawag sayo o kaya magti-text. H'wag mo pababayaan ang sarili mo," nangilid ang luha ni nanay habang nagbibilin sa akin. "May isip ka na. Alam mo na ang tama at mali. Kapag may nanligaw sayo, sige lang. H'wag lang pababayaan ang pag-aaral ha," dagdag pa nito. Sa unang pagkakataon mawawalay ako sa aking magulang. Mag-isa ko susuungin ang buhay ko rito sa Maynila na wala sila. Pero ipinangako ko sa sarili na hindi ko sila bibiguin. Magsisikap ako at mag-aaral ako ng mabuti para sa ginagawa nilang sakripisyo sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD