4

1755 Words
ANG TAGAL na natahimik si Lara. Napatitig lang siya kay Gabriel at hindi nakapagsalita. Hindi siya handang marinig ang ang sinabi nito. Lalong hindi sa mismong birthday niya. Wala siyang naapuhap sabihin kaya hindi siya nakapagsalita. Alam ni Lara na magiging sobrang tahimik ang condo kapag umalis si Gabriel. Hindi niya gusto ng katahimikan. Alam ni Gabriel na mula nang mamatay si Miguel, hindi na niya ginustong mag-isa. "A-Aalis ka na?" Sa wakas ay may nasabi si Lara. "Okay naman sa akin, Gab. Pero kailangan talaga sa birthday ko ang bad news? Puwede naman bukas na 'di ba?" Pinagaan niya ang tono. "Medyo bad." May hindi magandang epekto sa dibdib niya ang bad news. Nawala ang magaan niyang pakiramdam na iniwan ng surprise party kanina lang. "Kaya mo na bang mag-isa?" si Gabriel uli, sa mata niya nakatitig. Nagbawi ng tingin si Lara. Hindi niya alam pero ayaw niyang tingnan ang mga mata nito ngayon. Ayaw rin niyang makita ang kahit anong emosyon sa mukha nito. O baka takot lang siyang makita na walang anuman kay Gabriel ang iwan siya. Pero ano nga naman ang magagawa niya kung babalik na ito sa iniwang buhay? Fifteen months na pansamantalang itinigil ni Gabriel ang mga dating ginagawa para samahan siya. Nabanggit ni Miguel sa kanya na halos hindi na umuuwi sa States si Gabriel noon, laging nasa biyahe. Kung ano-anong extreme sports ang sinusubukan. Nang magbalik Pilipinas ito, sa mga unang buwan sa condo, hindi umalis kahit minsan. Pagkatapos pa ng anim na buwan ang natatandaan niyang biyahe nito na nagtagal ng isang linggo. Naalala rin ni Lara na sa isang linggong iyon, mga apat na beses itong tumatawag sa condo para i-check kung okay siya. Ngayon, pagkatapos ng mahigit isang taon, nagpapaalam na si Gabriel. Okay naman na si Lara. Nakaahon na siya sa sitwasyon niya dati na naisip na talaga niyang mag-suicide para lang matapos na ang sobrang sakit. Kailangan niyang mas maging matatag ngayong babalik na naman siya sa pag-iisa. Kakayanin na niya. Si Gabriel lang naman ang aalis, hindi ang mga kaibigan nila. Mami-miss lang talaga niya na nasa condo ang lalaki. "Oo naman," sagot niya sa tanong ni Gabriel, iniwasan pa rin niyang tumingin sa mga mata nito. "Okay na ako, Gab. 'Wag mo na akong isipin." HINDI alam ni Lara kung ilang oras na ang lumipas na nakahiga lang siya sa kama. Kung nabubutas ng titig ang kisame, kanina pa butas iyon sa tagal na nakapako ang tingin niya. Pagod si Lara kaya kanina pa siya dapat nakatulog. Nawala nga lang ang antok niya pagkatapos ng pag-uusap nila ni Gabriel. Hindi niya maintindihan kung bakit nag-aalala siya. Bago pa sila naging magkaibigan, dangerous sports na ang bumubuhay ng dugo ni Gabriel. Sa pag-alis nito, sigurado si Lara na babalikan nito ang dating mga ginagawa—travel and extreme sports. Hindi na siya magugulat kung mabalitaan na lang niyang kasama ito sa team na aakyat sa kung saan saang bundok, nagma-mountain biking, rock climbing o kaya nagmo-motocross. At kapag nagsawa o na-bored, sa tubig at hangin naman—surfing, wakeboarding, cave diving, cliff jumping, sky jumping, bungee jumping, paragliding at kung ano ano pang may involve na pagbalanse ng katawan o pagtalon. Hindi maintindihan ni Lara kung ano ang nakukuha nito sa mga sports na iyon na para sa kanya ay buwis-buhay. Kumusta naman kapag naaksidente? Kung bakit kasi hindi ito tulad ni Miguel na travel, sulat, tulog at kain lang ang hilig. Hindi niya inaalala kung buhay pa ba o na-paralyze na sa mga susunod na araw. Okay naman na siya mag-isa. Kaya na niya. Ang hindi gusto ni Lara ay ang katotohanang maiiwan na nga siya mag-isa, risky naman ang babalikan nitong buhay. Mas okay sana kung babalik sa States para maging katuwang ng ama sa negosyo, kaso hindi. Malamang, gaya rin noong kasama pa niya si Miguel, walang gagawin ang lalaki kundi maghanap ng panganib. Napailing si Lara. Kung si Miguel sana si Gabriel, madali sa kanyang pigilan at pagalitan. Inabot niya ang unan at sumubsob doon. Ano bang gagawin niya? Hindi naman makikinig sa kanya si Gabriel. Hindi naman magandang mag-drama siya para lang hindi umalis ang lalaki. Kung hindi niya naman pipigilan, handa ba siyang makatanggap ng balita na naaksidente ito sa kung anumang sports na sinubukan at namatay? Biglang bumangon si Lara. Hindi niya gusto ang ideya. Binitiwan na lang niya ang unan at tinungo ang pinto. Kakausapin niya si Gabriel. Paghila sa pinto, nagulat siya nang matagpuan sa labas ang lalaki na parang kakatok. Nakataas ang isang kamay nito. Naunahan lang niya sa pagbubukas. Nagtama ang mga mata nila. Hindi nagsalita si Gabriel, tinitigan lang siya. Sanay na si Lara sa matagal na pagtitig nito pero iba ang gabing iyon. Binawi niya ang tingin. "Naunahan mo ako," sabi nito. Naamoy ni Lara ang alak sa hininga nito. Uminom yata imbes na matulog. "May kukunin ka sa kitchen? Water? Ako na'ng kukuha, Lara—" "Wala," putol niya. "Pupunta talaga ako sa room mo." Hinila niya ang pinto para makapasok ito. "Pasok ka." "May sasabihin ka sa akin?" "Gab..." "What?" Paano ba niya sasabihin ang nasa isip na hindi siya magiging pakialamerang kaibigan? "Babalik ka ba sa States o babalik ka lang sa sports mo?" Tinitigan lang siya nito nang matagal bago umangat ang mga kilay. "Both?" Hindi niya alam pero base sa tingin nito, parang naaliw sa kanya. "Ayoko..." nasabi niya nang wala sa loob. Kung si Miguel lang talaga ito, nakatikim na ng sermon—ipinilig ni Lara ang ulo. Hindi niya na dapat laging iniisip si Miguel. Lalong hindi siya dapat umaasang makita kay Gabriel ang mga traits ni Miguel. Kambal man, magkaibang tao ang dalawa. "Ayaw mo ang ano?" balik ni Gabriel. "A-Ayokong...ayokong umalis ka," at inilayo niya ang tingin. Alam ni Lara na hindi tama na pinipigilan niya ito sa gustong gawin sa sariling buhay. Pinili na nitong samahan siya nang mahigit isang taon. Kalabisan nang hingin niya ang mga susunod pang taon sa buhay nito. Pero kung hindi niya gagawin iyon, baka bangkay na ito sa susunod nilang pagkikita. "Why?" kaswal na tanong ni Gabriel. "Gab, kasi naman..." she paused and sighed. "Kasi naman ano?" "Ayokong makatanggap ng bad news soon na naaksidente ka! Na na-paralyze ka na or worst, patay na!" Pabagsak siyang naupo sa kama. "Kaya ko naman nang mag-isa, eh. Sobrang thankful din ako na nag-stay ka. Kung babalik ka sa States para sa Daddy n'yo, okay sa akin. Ang ayoko ko lang talaga 'yong fact na iniwan mo na nga ako, babalik ka naman sa mga dangerous sports mo. Kung ganoon din lang, dito ka na lang—kasama ko..." Nanahimik si Gabriel. Hindi na rin umimik si Lara. Nasabi na niya ang gusto niyang sabihin. Naghintay siya sa reaction nito pero wala. Pag-angat niya ng tingin, nakatingin lang sa kanya si Gabriel. Hindi pa rin ito nagsalita, sinalubong lang ang tingin niya. "Ano?" si Lara. "Wala kang sasabihin?" Blangko pa rin ang mukha nito, nakatitig lang sa kanya. "Okay," napabuntong-hininga siya. "Minsan talaga pakialamera ako, sorry. Wala naman na dapat akong pakialam sa—" "Sa Mt. Pinatubo na lang ako aakyat," ang sinabi nito at nag-half smile na. "Sa nearby beaches magpapalipas ng oras—na walang sports na hindi mo gusto—at kasama ka. Okay na?" "Parang sarcastic ka, eh. Concern lang naman ako sa safety mo, Gab—" inabot siya nito at hinila palapit para yakapin. "Sarcastic? No!" at mas hinigpitan nito ang yakap. "Gagawin ko ang sinabi ko, Lara—kasama ka. Sabi ko naman dati pa, kung may hindi ka gustong ginagawa ko, sabihin mo lang." Naramdaman ni Lara ang hagod ng kamay nito sa buhok niya bago maingat na dumistansiya. May kung anong kinuha sa bulsa ng polo shirt. "Ang totoong gift ko pala," isang gold necklace ang inilabas nito sa small velvet box. Hindi na siya nagulat. Sa pagiging thoughtful, parehong-pareho si Miguel at Gabriel. Laging may pasalubong sa kanya ang lalaki galing sa mga biyahe nito. Kaya nga okay lang kay Lara na isang nakangising balloon na lang ang gift nito sa kanya. Marami nang naibigay si Gabriel sa kanya—unang-una na ang oras. Hindi na siya naghahangad ng higit pa. Pero ang necklace... Gintong kuwintas na bituin ang pendant ang gift nito. "Star," si Lara nang mapansin ang pendant. Maingat na hinila siya ni Gabriel palapit sa tapat ng full length mirror sa kuwarto niya. Ilang segundong tiningnan muna nito ang repleksiyon niya sa salamin. Parang inisip muna kung babagay sa kanya ang kuwintas. Tumingin na lang si Lara sa salamin nang hinawi nito ang mahabang buhok niya, inipon sa isang side ng balikat saka dahan-dahang isinuot sa kanya ang kuwintas. Sa pagkakalapit ni Gabriel, sentimetro na lang ang distansiya ng mga mukha nila. "Para hindi ka maligaw," mababang sabi nito, humaplos sa side ng mukha niya ang hininga. "This will lead you home." "North star?" magaang balik ni Lara. Sa pendant siya nakatingin sa salamin. "North star," sabi ni Gabriel, maingat na hinawakan ang pendant at inayos sa dibdib niya. "Para maalala mo lagi kung saan ka dapat umuwi." Kasunod ang maingat na halik sa noo niya. "Happy birthday, Lara." Ang tagal na hindi ito kumilos, nakalapat lang sa noo niya ang mga labi habang mahigpit ang hawak ng kamay sa isang balikat niya. Nakasandal siya sa katawan nito. "Happy birthday..." mas mahinang ulit nito, inulit pa ang halik pero sa sentido na niya. Natagpuan ni Lara ang sarili na pumikit. Ramdam na ramdam niya ang warmth na gumapang sa dibdib. Pamilyar siya sa ganoong pakiramdam—na dapat wala kasi ibang tao na ang kasama niya. "T-Thank you..." Naramdaman niya ang haplos ng kamay nito sa buhok niya. "Good morning." Saka siya binitawan. Inilang hakbang lang nito ang pinto at lumabas. Naiwan si Lara na nakaawang ang bibig, nakatingin sa sariling repleksiyon sa salamin. Sa pendant nakatutok ang tingin niya. "Home..." Hindi na niya alam kung saan na ang 'home' niya ngayon o kung makikita pa ba niya. Pumikit siya. Gustong makita sa isip ang mga nakaraang birthday niya kasama si Miguel. Dumilat rin agad si Lara. Hindi niya nabuo sa isip ang mga eksena. Ang titig ni Gabriel ang nakita niya sa isip, ang warmth ng labi nito ang naiwan yata sa utak niya ang pakiramdam, pati na ang solidong dibdib na nasandalan niya kanina. Sinampal-sampal ni Lara nang mahina ang mga pisngi. Hindi yata tama ang tinutungo ng utak niya. Hindi siya dapat makaramdam ng kahit ano kay Gabriel.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD