MAY kalahating oras nang nakatingin si Gabriel kay Lara nang hindi alam ng babae. Tahimik lang ito sa isang sulok ng music room, kinakalabit ang electric guitar. Sa music room ang rehearsal place ng Heart's Limit. Nasa bahay iyon ni Hugh, kaibigan at kabanda. Sina Louie at Paige ang dalawa pa nilang kasama ni Lara sa banda.
Oras ng break. Nagkape sila kanina bago nagkanya-kanyang pahinga ang mga kasama. May nanigarilyo sa labas, may nagte-text, may busy sa kausap sa cell phone. Naiwan silang dalawa ni Lara sa loob. Drums ang kaharap niya kanina. Tumigil lang siya nang mapansing parang malalim ang iniisip ni Lara. Gumagawa nga ng tunog sa gitara pero ang layo naman ng lipad ng isip.
Tumigil din ang dalaga sa ginagawa sa gitara. Tumitig na lang nang tagusan sa dingding. Isa lang ang laging iniisip ni Lara kapag ganoon ito, ang kakambal niya. Ilang taon pa ba ang kailangan bago matanggap ni Lara na wala na si Miguel at hindi na babalik?
Malungkot na napailing si Gabriel. Bumalik sa isip ang mga eksena sa pagitan nila ni Lara pagkamatay ni Miguel. Hindi naging madali sa kanya ang mga sumunod na buwan. Saksi siya kung gaano naging mahirap kay Lara ang pagkawala ni Miguel. Araw araw na natatakot siyang iwanan ang babae. Lagi siyang nagigising noon sa boses ni Miguel—na later on, na-realize ni Gabriel na binuo lang siguro ng utak niya dahil sa nakita niyang paghihirap ni Lara. Hindi nagpaparamdam sa kanya si Miguel. Nasa isip lang niya ang boses ng kapatid. Paalala na kailangan niyang tulungan ang naiwan nitong girlfriend. Tingin niya kay Lara noon, maglalaslas na lang ng sariling pulso kapag napag-isa.
Hiniling man ni Miguel o hindi na huwag niyang pababayaan si Lara, pipiliin pa rin niyang hindi na muna bumalik ng Amerika. Wala siyang pinagsisisihan sa ginawang desisyon. Hindi rin niya pinanghihinayangan ang mahigit isang taong lumipas na nanatili siya sa Manila. Masaya siya sa condo. Masaya siyang kasama si Lara. Kung may hindi man siya gusto, ang parang torture na laging pagtitig ni Lara sa kanya bago nagiging misty ng luha ang mga mata. Nakikita ng babae sa kanya si Miguel. At kung may paraan lang na pabalikin si Miguel at mabuhay sa katawan niya, ginawa na siguro ni Lara.
Hindi rin iisang beses lang na natawag siyang Miguel ni Lara. Madalas din niyang makitang napapatitig ito sa kanya sa paminsan-minsan niyang pagtawa. Naisip nga niya, kung posible lang na maibalik si Miguel kapalit niya, ginawa na sana ni Gabriel. Hindi na sana niya nakikitang nasasaktan si Lara. Galing siya sa parehong sitwasyon kaya naiintindihan niya ang babae. Ang lungkot at sakit sa mga mata nito, nasa mga mata rin niya. Ang bigat sa dibdib na nagpapahirap sa babae, pinagdaanan na rin niya.
Hindi madali at hindi magiging madali kahit kailan. Nasaan man si Miguel ngayon, alam niyang wala na itong maisusumbat sa kanya. Ginawa niya ang lahat maibalik lang ang dating Lara na nakita niya sa pictures—ang babaeng kapag ngumiti, buhay na buhay ang glow sa mga mata. Senend sa kanya ni Miguel ang picture na iyon kasama ang message na humihingi ng pabor—ang kumanta siya para kay Lara, nahihirapan daw ang babaeng makatulog dahil sa mga bangungot. Tandang-tanda pa niya ang mahabang minutong napatitig siya sa natutulog na picture ni Lara na senend rin agad sa kanya ni Miguel.
Napahagod si Gabriel sa batok. Gaya nang maraming pagkakataon na hindi niya matiis makita si Lara na malungkot, lumapit siya. Tahimik siyang umupo sa tabi nito. Wala pa ring kibo si Lara.
"What's wrong, beautiful?"
Walang reaksiyon si Lara, parang tulala na.
"Lara!"
"Mag-drums ka lang," ang sinabi nito. "May iniisip ako, Gab."
Gusto nang magalit ni Gabriel na si Miguel na naman ang iniisip nito. Nate-tempt na siyang alugin ang dalaga para matauhan. Para tanggapin na sa sariling wala na ang kambal niya. Hindi nakakatulong ang ginagawa nito sa sarili.
"Ano'ng iniisip mo?"
"Twenty-six na pala ako..."
"So?"
"Malapit na akong mag-thirty, Gab."
Napatingin siya rito. Nalito kung anong problema ni Lara.
"Ang gusto ko no'n, bago ako mag-thirty, dapat magka-baby na ako."
Muntik na siyang maubo. Napamaang kay Lara. Kung hindi niya napigil ang dila inirekomenda na niya ang sariling maging ama ng anak nito. Sinaktan niya ang sarili sa isip. Babangon si Miguel sa tinatakbo ng utak niya!
Huminga nang malalim si Lara. "Kung...kung hindi ako iniwan ni Mig, baka ngayon..." hindi na nito tinapos ang sinasabi. Tumingala at nag-exhale uli. Para na naman siyang na-uppercut nang maging misty ng luha ang mga mata ni Lara. Hindi na nakontentong pahirapan siya, nag-angat pa ng tingin na maiiyak na. Hindi na naawa sa puso niyang nababasag tuwing umiiyak ito. "Bakit kasi ang unfair ng mundo?" Saka biglang inilayo ang tingin.
Gusto niyang bumalik sa harap ng drum set at paluin nang paluin ang drums hanggang lumabas lahat ng pawis niya. Hindi nga lang iyon ang kailangan ni Lara. Wala siyang ibang naisip para pagaanin ang loob nito kundi magbiro na lang.
"Sperm lang naman pala ang problema," parang balewalang sabi niya. "'Punta tayo sa fertility clinic. Marami ako."
Suminghap si Lara. Namimilog ang mga mata ng babae nang bumaling sa kanya. Nakaawang na ang bibig nito, parang hindi makapaniwala na nasabi niya ang sinabi kanina. Muntik nang humalakhak si Gabriel.
"Kung makatingin ka naman parang unggoy akong na nag-o-offer ng sperm? Healthy ang sperm ko, Miss!"
Natawa na si Lara. "Tinanong ko ba?" balik nito. "Tinanong ko ba?"
"Gusto mo ng baby. Marami akong sperm—" nauwi sa tawa ang sinasabi ni Gabriel. "Wala tayong problema—ah!" Hinampas siya ni Lara. "Kung gusto mo lang naman," dagdag niya. "Nag-o-offer din pala ako ng traditional method na paglilipat ng sperm. For free, Miss."
Pagbaling nito ay nagpanggap siyang seryoso. "Masarap ako—"
"Baliw!"
"Masarap ako'ng magluto ng adobo at fried chicken. Ano'ng iniisip mo?"
"Seryoso ako, Gab!" malakas na sabi nito. "Tumatanda na talaga ako..."
"Wala na tayong magagawa kung menopause ka na—"
"Gabriel!" kasunod ang fake na paghikbi. Natawa na siya nang tuluyan. Pinaghahampas na siya ni Lara. Nagtapos silang nahawa na ito sa tawa niya. Nawala na ang lungkot sa mga mata ng babae. Pinigil lang niya ang sarili. Gustong-gusto niyang abutin ang mukha nito at maingat na padaanan ng mga daliri.
Kinuha na lang ni Gabriel ang electric guitar. Kung hindi niya idi-distract ang sarili, baka anong magawa niya kay Lara. Sa gitara na lang niya inilipat ang atensiyon. "Sing with me, baby!" masiglang sabi niya kasunod ang paglikha ng tunog sa gitara. Nahuli niya ang pagngiti ni Lara nang mabuo niya ang paborito nitong kanta.
"Ano'ng meron sa song na 'to?" magaan niyang usisa, tuloy-tuloy ang mga daliri sa gitara. Hindi siya kumanta, si Lara ang hinihintay niyang kumanta. "Bakit favorite mo?" Ang parang pambansang kanta na sa pandinig niya dahil kay Lara—Find Me.
"Ni Mig," mahinang pagtatama ni Lara. "Sa kanya ko lang narinig 'yan. Pampatulog..."
"Si Mig ba ang iniisip mo 'pag kinakanta ko 'to?"
Hindi umimik si Lara.
"Si Mig lagi?"
"'Pag kumanta ka, hindi na. Wala sa tono si Mig, eh."
"Sa mga yakap?" nagtatanungan sila na background ang tunog ng gitara. "Si Mig pa rin?"
Napatingin sa kanya si Lara.
"Si Mig ang iniisip mong kasama o ako, Lara?"
Hindi na siya naghintay ng sagot ni Lara. Sinabayan na lang niya ang tunog ng gitara. Kumanta siya nang hindi inaalis kay Lara ang mga mata. Nakinig na lang si Lara, mas sumandal sa dingding. Diretso lang sa harap nila ang titig. Pagkalipas nang ilang minuto, pumikit na ang dalaga.
Sinadya ni Gabriel na hindi na tapusin ang kanta. Nagbago siya ng piyesa. David Gates song na ilang buwan rin niyang pinag-aralang tugtugin sa gitara. Isang araw, gusto niyang tugtugin na si Lara ang nasa tabi niya.
Nangyari na ngayon. Hindi niya inalis kay Lara ang tingin habang tumutugtog.
"Love me, forget about tomorrow now and love me. There's time enough to borrow from another day..." sinadya niyang huminto sa pagkanta at tumugtog na lang. Naghihintay siya ng kahit anong reaksiyon kay Lara pero wala. Nakapikit lang ito at nakikinig.
"Hold me, forget the world outside tonight and hold me...And by the flickering candle light our love will glow..." huminto uli siya at hinayaang tunog na lang ng gitara pumuno sa paligid. Tumugtog lang siya, umasang magmumulat ng mga mata si Lara bago siya kumanta uli.
Nagmulat nga ng mga mata si Lara at bumaling sa kanya. Hindi na niya iniwan ng tingin ang mga mata nito.
"Just kiss me, and tell me when I'm gone how much you miss me. Forget the lonely in between and then someday, we'll open up our eyes and see the world we thought so far away...someday, someday..."
Nag-skip ng beat ang puso ni Gabriel nang marahang ngumiti si Lara bago ang huling galaw ng daliri niya sa gitara.