6

2155 Words
NAPATINGIN si Gabriel sa pinto nang bumukas iyon at walang warning na pumasok si Lara. Nasa sahig siya, careless na nakasalampak at hawak ang gitara. Paisa-isa niyang kinakalabit ang strings. Nagpapaantok lang talaga siya. Lampas alas kuwatro na ng madaling araw pero parang ang layo pa ng antok. Pagkakita kay Lara, nagpigil siyang ngumiti. Dalawa pala silang hindi makatulog. Kung siya ay ang magulong emosyon ang dahilan kaya dilat na dilat, si Lara ay nahuhulaan na niyang ang pinanood nilang pelikula. Yakap ni Lara ang nag-iisang stuffed toy sa kuwarto nito—na sigurado siyang kung magkaka-emergency sa building, mas uunahin nitong i-save kaysa sa kanya. Galing talaga kay Miguel ang ideya pero siya na ang bumili ng bear pati na ng rose na ibinigay niya kay Lara bago siya umalis. Isa iyon sa mga hindi na nagawa ng kapatid para kay Lara. "Kailangan mo ba ng sperm?" tanong niya sa kaswal na tonong sanay si Lara. Hindi rin siya ngumiti. Nag-eenjoy siyang titigan si Lara na laging hinuhulaan ang mood niya. Bumusangot lang ang babae, naupo sa gilid ng kama niya. Mas niyakap ang stuffed toy. "Pahiram ng comforter, Gab," sabi nito. "Dito muna ako sa room mo," umikot sa paligid ang tingin nito. Wala siyang binago sa kuwarto ni Miguel. Hindi na siya nagulat na alam ni Lara kung nasaan ang kailangan nitong extra comforter. Kumilos ang babae para kunin sa itaas ng closet pero hindi nito naabot. Hinayaan lang muna niya si Lara na pagpipilit na abutin ang comforter. Alam ni Gabriel na hindi nanonood ng horror film si Lara. Maraming kuwento ang kapatid tungkol sa babae. Ang mga panahong hindi nito masabi ang totoong damdamin, siya ang laging nakikinig sa pagda-drama ni Miguel. Hindi pa man niya nakakaharap ng personal si Lara, parang kilala na niya ang babae sa dami ng kuwento ng kakambal. Natatandaan ni Gabriel na umiinit ang phone sa haba ng pag-uusap nila. Ang duwag ko, bro! Yakap ko na siya pero hindi ko pa rin masabi... Paulit-ulit lang naman ang pagda-drama ni Miguel noon. Listener lang siya. Minsan naman, adviser. Mas madalas, tagatawa sa kadramahan nito. Kapag gusto na niyang ibaba ni Miguel ang telepono, kakanta lang siya ng Find Me. Mapapamura ang kakambal at tatapusin na ang tawag. Nami-miss na naman niya si Miguel. Kumilos na si Gabriel, iniwan sa sahig ang gitara at lumapit kay Lara. Nag-a-attempt pa rin ang babae na abutin ang comforter. Napasandal ito sa kanya nang nasa likuran na siya. Kaswal niyang inabot ang comforter at iniwan kay Lara. Bumalik siya sa tabi ng gitara. "Ba't dito ka matutulog?" tanong niya nang nakaupo na uli sa sahig. Itinuloy niya ang pagkalabit sa string ng gitara. "Miss mo ako?" dagdag na biro niya. Ganoon siya magbiro kay Lara, walang clue na biro lang. Sa tingin niya, sanay na ang babae. Hindi pinapansin ang mga ganoong linya niya. "Letseng Sukob 'yan," ang sinabi nito kasunod ang parang naiinis na pag-ungol. "Sabi ko naman kasi ayokong manood no'n, eh! Ang kukulit n'yo!" Nag-ayos na ng latag si Lara na nakabusangot. Nagpigil ng ngiti si Gabriel. Hindi niya alam kung bakit kahit anong mood ni Lara, ang ganda ganda pa rin. Pero pinakamaganda si Lara kapag bagong gising, magulo pa ang buhok at ngumiti sa kanya sa umaga. Lagi niyang kailangang dumiretso sa shower at lunurin ang sarili sa malamig na malamig na tubig. Hinila na lang ng mga kabanda niya ang babae sa sinehan. Hindi nakapalag si Lara. Hindi talaga binitawan ng mga kabanda nila. Napilitang manood rin. Napag-trip-an ng mga loko ang Sukob at si Lara. Siya naman, nag-enjoy hindi sa pelikula, sa higpit ng kapit sa kanya ni Lara. May ilang beses pang sumubsob ang babae sa may balikat niya. Tahimik lang siya, hinagod hagod ang likod nito. Pagkalabas nila, tadtad ng bad words ang mga nagtatawanan nilang kabanda. Unang beses niyang narinig na nagmura si Lara. "Parang nasa tabi ng lampshade 'yong naka-wedding dress na chaka doll," dagdag nito. "Kainis talaga!" Ibinagsak nito ang sarili sa latag sa sahig at niyakap ang stuffed toy. "May araw din sa akin ang mga lokong iyon!" Nagpigil ng tawa si Gabriel. Nagsimula na siyang bumuo ng tunog sa gitara. Paminsan-minsan niyang sinusulyapan si Lara. Yakap-yakap lang nito ang life size bear na para bang iyon ang nag-iisa nitong kakampi laban sa mundo. Inilayo na ni Gabriel ang tingin o matutukso na siyang hablutin palayo kay Lara ang stuffed toy. Malala na talaga ang tama niya. Pati ba naman ang pobreng mabalahibong bear ay gusto na niyang patulan? Hindi napigilan ni Gabriel ang pagngiti. Naalalang sinasaktan niya ang bear kapag naiwan ni Lara sa sofa. Pagtatawanan niya ang sarili pagkatapos. Hindi niya naisip dati na ang naiwang girlfriend ni Miguel ang magpaparamdam sa kanya ng iba't ibang emosyon na mahirap ipaliwanag. Akala niya, namanhid na ang puso niya sa paulit-ulit na sakit—ang magkakasunod na pagkamatay ni Tita Mel, ng Mommy niya at ni Keira. Si Lara lang pala ang kailangan para muli siyang makaramdam. Pagkatapos saktan, yayakapin din niya ang bear at mapapangiti kapag naamoy niya ang naiwang scent ni Lara. Si Miguel na naman ang maalala niya. Kakausapin na niya ang kakambal na parang nasa paligid lang. Habang nagsasalita mag-isa, babalik na sa isip niya lahat ng nangyari sa pamilya nila, ang strong bond nilang magkakambal at ang malaki rin na kaibahan nila. Matatag si Miguel at may paninindigan. Malinaw ang mga goals at may mga plano kung paano aabutin iyon at ilang taon ang kailangan. Hindi na nga siya nagulat nang mas piliin nitong mamuhay sa Pilipinas mag-isa. Hindi nito gusto sa Amerika. Ang ama na lagi namang nakasuporta lang sa mga gusto nilang magkakambal, pinayagan si Miguel. Kung si Miguel abala na sa pagtupad sa mga plano para sa sarili, siya ay abala sa mga sports niya. At twenty-one, wala siyang pakialam sa mundo. Nagsimula lang siyang mag-evaluate sa tinutungo ng buhay niya nang mamatay ang Mommy nila. Nagsimula siyang mag-seryoso. Nag-shift ng focus. Nag-stay siya sa States at inalalayan ang ama. Siguro nga, nasa dugo na Gabriel ang tapang na dala niya sa mga mapanganib na sports—kaya ang risk sa mga investments ay balewala na lang sa kanya. Naging maayos ang mga sumunod na taon sa negosyo. Si Mig na nasa Pilipinas man, naging parte pa rin ng malalaking desisyon na kailangan niyang gawin. At nakilala niya si Keira, ang babaeng ang bilis nakapasok sa puso niya. Nag-iba ang pananaw ni Gabriel sa buhay dahil sa dalaga—nasa States kasi ito para itaguyod ang pamilyang nasa Pilipinas. Nurse ang babae at breadwinner ng pamilya. Sa nakita niyang kahanga-hangang katangian nito, na-realize naman ni Gabriel kung gaano siya ka-worthless Nag-iba ang tingin niya sa buhay at sa mundo. Naging responsable siya at nagkaroon ng direksiyon. Sa ospital niya unang nakilala si Keira. Nagkaroon siya ng minor accident noon at kailangan ng stitches. Nagkita sila uli ng babae sa Café Primero, isa sa chain of Café na nasa ilalim ng korporasyon ng pamilya nila. Ang great great grandfather pa nilang Spanish-American ang founder. Pareho silang sa Amerika ipinanganak ni Miguel pero sa Pilipinas sila nagkaisip at lumaki, sa poder ni Lola Soledad na minana sa mga ninuno ang pagiging strict. Si Keira ang naging 'resting place' na laging inuuwian ni Gabriel pagkagaling niya sa magulong mundo. Sa maliit na apartment nito, nagiging masaya at tahimik ang buhay niya. Hanggang dumating ang isang umagang iyon... Hindi na niya gustong balikan ang alaala nang umagang iyon na naabutan niyang nasa kama si Keira, may mga patak ng dugo sa tapat ng pulso at wala nang buhay. Ang araw na iyon ang nagsadlak sa kanya sa iniwan niyang buhay. Gaya ng ama, nagmistula rin siyang buhay na patay. Hindi makaalis sa madilim na mundo. Bumalik siya sa walang kapagurang pagbiyahe at sa extreme sports. Kung dati ay ang thrill lang talaga ang binabalik-balikan niya, pagkamatay ni Keira, naghahanap na talaga siya ng kapahamakan. Salamat kay Tito Carlos, ang bestfriend ng ama na sumalo sa mga responsibilidad na hindi na nito magawa, matatag pa rin ang negosyo ng pamilya. Nagpatuloy si Gabriel sa walang direksiyong buhay nang ilang taon pa. Kung saan saang bansa niya nagpupunta. Hanggang tinanggap niya ang tawag na iyon ni Miguel. Gusto nitong bumalik siya ng Pilipinas. Ang mga kasunod na tawag ay nayanig ang mundo niya. Sinasabi ng kapatid na may paliwanag na ito sa misteryosong mga patak ng dugo na nakita sa mommy nila at kay Keira. Naging napakasakit lang na hindi na niya naabutang buhay si Miguel. "Ano'ng problema mo, uy?" boses ni Lara na pumukaw kay Gabriel. Kinakalabit lang pala niya ang gitara at nakatitig lang siya sa sahig. Nag-angat siya ng tingin, nagtama ang mga mata nila. Nakasubsob pa rin si Lara sa stuffed toy habang nakatingin sa kanya. "Ayaw mong nandito ako?" "Lumipat ka sa bed, Lara." Ngumiti agad ang babae. "Talaga?" Parang kumislap pa ang mga mata nito. Bumangon agad, yakap ang bear na lumipat sa kama ni Miguel—na kama na niya. Inilayo agad ni Gabriel ang tingin nang inabot nito ang unan at mahigpit na niyakap. Pagpikit pa lang ni Lara, alam na niyang si Miguel na naman ang naalala nito. "Mabait lang talaga ako," sabi niya. "Kahit sa housemate na masama ang ugali—" "Uy, ha? Hindi masama ang ugali ko, Gabriel!" protesta ni Lara, dumilat na tumingin sa kanya. "Ang bait-bait ko kaya! Ang patient ko rin! Napagpapasensiyahan nga kita, eh!" Napangiti si Gabriel. "Ako pa pa pala ang 'napagpasensiyahan' mo?" balik niya. "Ikaw na nga ang nang-aagaw ng kama ng may kama." "In-offer mo, 'di ba?" "Tinanggap mo naman agad?" "Mas comfortable sa bed, eh. Na-miss ko 'tong bed..." Nawala agad ang ngiti ni Gabriel. Ramdam niyang parang may bumundol na naman nang malakas sa puso niya. Inilayo niya kay Lara ang tingin. Sa gitara na niya itinutok ang atensiyon. Iba't ibang piece na natatandaan ang sinubukan niya. Paulit-ulit siyang nagkamali. "Find Me na lang, Gab." Si Lara, napansin na yata na pabago bago siya ng piyesa at walang natapos. Naghalo-halo ang nararamdaman ni Gabriel. Gusto niyang ibalibag ang gitara, gusto niyang sumigaw, gusto niyang hampasin ang pader pero gusto rin niyang kumanta para kay Lara—para makatulog na ito at makapagpahinga na. You're f****d up, man! Nahampas niya ang gitara. Mariing pumikit at tumingala sa kisame. Gusto niyang sumigaw, o kahit pumalo lang nang marahas sa drums. "Gab?" Nagmulat siya ng mga mata. Nagtama ang mga mata nila ni Lara. Matagal. Nakita niya ang paglunok nito bago ang marahang pagbangon. Kumalat sa mukha nito ang mga hibla ng buhok. "Galit ka ba?" sabi ng babae. "Sa sahig na lang nga ako—" "Matulog ka na," agaw niya. Ramdam ni Gabriel ang pagbaba ng emosyon niya pagkatapos ng ilang segundong pagtatama lang ng mga mata nila. "Wala ka na sa kamang 'yan kung galit ako," dagdag niya at nagsimulang bumuo ng tunog sa gitara. "'Tinapon na kita sa bintana." "Grabe ka!" malakas na sabi nito at ngumiti na. "Naisip mo talagang itapon ako sa bintana?" "Ngayon lang." Pumikit na ito. Pagkalipas ng ilang segundo ay... "Gab?" "Yeah?" "Pautang?" "Pautang ng sperm?" "Baliw. Pera! May gusto akong shoes, wala na pala akong extra cash." Huminga ito nang malalim. "Ang hirap ng broke. Hindi ako makabalik sa pagsusulat. Ayoko naman mag-call center. 'Di ko kaya ang work schedule. Paubos na ang savings ko. Hay, nasa'n na ba ang mga muse ko?" "'Yong shoes na nadaanan natin kahapon ang gusto mo?" Napansin niyang naiwan ang mga mata nito sa isang shoe store sa Mall. "Oo..." "May gusto ka pang iba?" "Voice mo," sabi nito. "Kanta ka, Gab. Inaantok na ako..." Pumikit na nga ito, mas hinigpitan ang yakap sa stuffed toy. Hindi na niya inalis sa mukha ni Lara ang mga mata. Hindi rin niya kinanta ang gusto nitong kanta. Kahit ngayon lang, gusto niyang siya naman at hindi si Miguel ang huling nasa isip ni Lara bago ito makatulog. "Love me, forget about tomorrow now and love me. There's time enough to borrow from another day..." Pinanood ni Gabriel ang unti-unting pagpayapa ng mukha ni Lara pagkalipas ng ilang minuto. Base sa mabagal na paghinga nito, alam niyang nakatulog na. Hindi siya tumigil sa pagkanta at pagtugtog. Hindi rin niya inalis ni isang segundo ang titig kay Lara. Ramdam na ramdam niya ang init sa dibdib. Hanggang nagliwanag na ay nakasandal lang siya sa dingding, yakap ang gitara at tulala sa kisame. Malinaw na ngayon ang nakikigulong emosyon sa dibdib niya. Pumikit siya nang mariin. Lara... Mukha ni Miguel ang nakita niya sa isip. Mga eksenang magkasama sila, at mga eksenang magkasama ang kapatid at si Lara—naka-save sa laptop niya lahat ng pictures galing kay Miguel. Papabigat nang papabigat ang dibdib niya. Bawat segundo, parang mas nadadagdagan ang dala-dalang emosyon ng puso niya, mas bumibigat pa. I'm sorry, bro...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD