Prologue:
Umihip ang malakas na hangin kasabay ng mabilis kong paghinga. Ramdam ko ang bilis ng t***k ng aking puso at ang pagtagak-tak nang pawis sa aking noo.
Muli kong hinanda ang sarili ko upang umatake. Hawak ang maliit kong kutsilyo ay mabilis akong tumakbo papunta sa pwesto ng pangahas na bampira.
Inambaan ko s'ya ng saksak sa tagirilan ngunit bago ko pa maibaon ang kutsilyo ay nasipa na n'ya ang kamay kong may hawak sa kutsilyo. Tumilapon sa lupa ang sandatang hawak ko.
Mabilis akong umatras ng maramdaman ko ang papalapit n'yang presensya sa akin. Dahil sa pagtilapon ng kutsilyong hawak ko ay mas lalong naging agresibo ang bawat pag-atake n'ya sa akin.
Naikuyom ko na lamang ang mga kamay ko habang pilit na sinasangga ang bawat malalakas n'yang atake. Nang makakuha ng tyempo ay mabilis akong umakyat sa punong nasa likuran ko. Aaminin kong hindi pala ganon kadali ang makipag-laban sa isang bampira ng personal. Samahan pang hindi ko makita ang buong kapaligiran ko dahil sa sumpang ipinataw sa akin ng mangkukulam.
Ngunit kahit na wala akong makita, nagpapasalamat pa rin akong kahit papaano ay hindi nawala ang pandinig at pang-amoy ko. Iyon ang ginagamit ko ngayong mga mata ko sa pakikipaglaban sa pangahas na bampirang gustong agawin ang usang dapat sa akin.
Napaigik ako sa sakit ng maramdaman kong nadaplisan ako sa kanang braso. Mabilis kong binigyan ng distansya ang pagitan namin ng pangahas na bampira. Sa isang mabilis na galaw ay nagawa kong makalipat ng puno.
Naramdaman ko ang pagsunod sa akin ng pangahas na bampira. Muli kong hinanda ang sarili ko sa muling pagsugod ko. Gamit ang bilis ko ay nagawa kong pasunurin s'ya sa akin habang palipat-lipat ako sa mga puno.
Nang maramdaman ko ang presensya n'yang unti-unti ng lumalapit sa akin ay napangisi ako. Hinayaan kong mas lumapit pa ang distansya n'ya sa akin, at ng mas lalo pa nga itong lumapit ay mabilis akong umikot paharap sa kan'ya upang salubungin s'ya at isang malakas kaagad na sipa ang ibinigay ko sa kan'ya.
"f**k!"
Dinig kong sabi n'ya ng tumama ang katawan n'ya sa katawan ng puno. Ginamit ko ang pagkakataong iyon upang makababa ako sa punong kinatatayuan ko at hinanap ang kutsilyong nabitawan ko kanina.
Pinilit kong kinapa ang kutsilyo kong tumama sa isang bato kanina nang mabitawan ko. Nanlaki ang mga mata ko ng bigla ko na lamang naramdaman ang presensya n'ya sa likod ko. Dahil sa pagkabigla ay hindi ko naiwasan ang naging pag-atake n'ya.
Namilipit ako sa sakit ng maramdaman ko ang sipa n'ya sa tiyan ko dahilan upang tumilapon ang katawan ko sa isang puno. Agad akong nagsuka ng dugo sa naging epekto ng pagsipa n'ya sa akin.
Nanghina ang katawan ko at halos mamilipit ako sa sakit habang paunti-unting lumalapit ang presens'ya n'ya sa akin. Pinilit kong makatayo, kahit pa na sobrang sakit ng natamo ko sa tiyan ko ay nagawa kong makalayo ulit sa pangahas na bampira.
Malalim ang naging paghinga ko ng isandal ko ang katawan ko sa punong pinagtataguan ko. Napapaigik na lang ako sa tuwing bumubuga ako ng hangin. Ramdam ko ang panghihina ng katawan ko at ang pakiramdam ng pagsusuka.
Mariin kong ipinikit ang mga mata ko habang sinisisi ang sarili ko sa isip ko. Hindi na dapat ako nakipaglaban pa sa pangahas na bampirang iyon ng dahil lamang sa iisang usa. Hindi sapat ang mga natutunan ko sa isa at kalahating taon na pagsasanay ko. Kahit na hindi ko kilala ang pangahas na bampira ay alam kong mas maalam ito sa akin pagdating sa larangan ng pakikipag-laban.
Umayos ako sa pagkakasandal sa punong pinagtataguan ko at pinakiramdaman ang presensya ng pangahas na bampira. Malapit na ito sa punong pinagtataguan ko. Sa huling pagkakataon ay malalim akong bumuga na hininga. Tiniis ko ang pagsakit ng tiyan ko dahil sa ginawa ko.
Nang maramdaman ko ang presensya ng pangahas na bampira sa likod ng punong kinatataguan ko ay muli kong hinanda ang sarili ko sa pagsugod. Sa pangalawang pagkakataon ay naghintay ulit ako ng pagkakataon upang umatake ulit.
Gamit ang natitira kong lakas ay mabilis kong sinugod ang pangahas na bampira. Dahil sa biglaan kong pag-atake ay naramdaman kong napaatras s'ya. Ginamit ko iyong pagkakataon upang patuloy na atakehin ang pangahas na bampira.
Kumuha ako ng tiyempo at malakas s'yang sinipa sa tagiliran. Pagkatapos ay muli akong nagpatuloy sa pag-atake sa kaniya. Akmang kukuha uli ako ng tiyempo upang sipain ulit s'ya sa kabilang tagiliran naman n'ya ng bigla na lamang akong napaluhod sa lupa ng maramdaman kong nanghina ang katawan ko.
Mabilis s'yang nakalayo sa akin ng makitang bumagsak ako sa lupa. Sinubukan kong pigilan ang muli kong pagsuka ng dugo ngunit hindi ko nagawa. Dahil sa pagkakaharang ng kamay ko sa maskarang suot ko ay nasalo ng kamay ko ang dugong sinuka ko.
Unti-unting nanlabo ang paningin ko at alam kong anumang oras ngayon ay mawawalan na ako ng malay. Napaupo ako sa lupa habang pilit na nilalabanan ang sarili kong mawalan ng malay.
Dahil sa sobrang pokus ko sa sarili ko ay hindi ko na namalayang nakalapit na pala sa akin ang pangahas na bampira.
Nanlaki na lamang ang mga mata ko at halos manigas sa kinauupuan ko ng maramdaman ko ang presensya n'ya sa likod ko.
"This must be yours." Bulong n'ya sa kanang tenga ko.
Halos mangilabot ako ng maramdaman ko ang hininga n'ya sa leeg ko. Bumilis ang t***k ng puso ko at sinubukan s'yang atakehin mula sa likod ko ng bigla na lamang n'ya akong binuhat at basta na lang inihagis.
Tumama ang likod ko sa malaking bato dahilan kung bakit mas lalo lamang akong sumuka ng dugo. Dahil sa lakas ng pagkakahagis n'ya ay naramdaman ko ang unti-unting paglaglag ng suot kong maskara.
Nilukob ng matinding takot ang buong sistema ko, gustohin ko mang ibalik sa pagkakaayos ang maskara ko ay hindi ko magawa. Hindi ko na maramdaman ang katawan ko at halos mawalan na ako ng malay.
"H-huw... ag!" Mahinang naisambit ko nang maramdaman ko ang paglapit ng presensya ng pangahas na bampira. Nanghihina man ay alam kong balak nitong tanggalin ang suot kong maskara.
"Hu... wag." Iyon na lamang ang huli kong naisambit bago ako unti-unting lamunin ng kadiliman.