Humahangos akong nagising sa aking pagkakatulog. Malalim ang paghinga ko at ramdam ko ang pagtulo ng namuong pawis sa aking noo. Hanggang ngayon ay binabagabag pa rin ako nang aking nakaraan. Mariin kong naipikit ang mga mata ko nang maalala ang mga pinagdaanan kong hirap noong nasa bayan pa ako ng Terrestria.
Mariin kong naikuyom ang nanginginig kong kamay. Sariwa pa sa akin ang mga masasakit na salita at pangungutyang natanggap ko noon. Unti-unting nilukob ng takot ang buo kong pagkatao. Pinilig ko ang ulo ko at pinilit na kalimutan ang bangungot ng nakaraan. Pinunasan ko ang mga butil ng pawis sa aking noo at napagpasyahang mangaso na ng aking makakain.
Hindi ko man makita ang aking kapaligiran ay alam kong papalitaw pa lang ang araw. Dala ang tungkod na ginawa ko ay sinimulan ko ng maghanap ng makakain ko. Dinig na dinig ko ang huni ng iba’t ibang mga hayop. Diniretso ko ang madilim na kagubatan kung saan ko piniling manirahan. Nang marinig ko ang pamilyar na yabag ng hayop na kanina ko pa hinahanap ay mabilis kong hinanda ang sarili ko.
Tumigil ako sa paglalakad at mas tinalasan pa ang pandinig ko. Base sa mga yabag na narinig ko ay malapit lamang ang usa sa pwesto ko, ngunit kailangan ko pa ring maging maingat dahil malakas ang pandinig ng mga ito. Medyo madilim pa ang kapaligiran ngunit alam ko kung saan nakapwesto ang usang pakay ko. Dahan dahan kong kinuha ang maliit na kutsilyong nakatago sa suot kong itim na balabal. Sa isang mabilis na galaw ay nakapunta kaagad ako sa pwesto ng usang pakay ko. Bago pa ito makatakbo ay naitarak ko na sa lalamunan nito ang maliit na kutsilyong hawak ko. Narinig ko ang tunog ng pagtumba nito sa lupa.
Nakaramdam kaagad ako ng matinding uhaw sa lalamunan ko ng maamoy ang dugo nito. Agad nagsilabasan ang mga pangil ko at sa isang iglap lang ay ramdam ko na ang pagdaloy ng dugo nito sa lalamunan ko. Nang makuntento sa pag-inom ng dugo nito ay kinapa ko ang kutsilyong naka-tarak sa leeg nito. At gamit ang maliit na telang dala ko ay pinunasan ko ang kutsilyong may bahid ng dugo. Naramdaman ko ang mainit na sensasyon sa kanang kamay ko, tumingala ako at kahit wala man akong makita kundi puro kadiliman ay alam kong sumikat na ang araw.
Dala ang katawan ng usa sa balikat ko ay nagpatuloy ako sa aking pangangaso. Mahigit isang taon na rin ang nakararaan ng magising ako sa kagubatang ito. Hindi ko alam kung paano ako nakaligtas sa madilim at masalimuot na karanasan ko sa bayan ng Terrestria. Ang buong akala ko ay iyon na ang katapusan ko, ngunit nagulat na lamang ako ng isang araw ay magising ako sa kagubatang ito na walang anuman iniindang sakit sa aking katawan.
Ngunit kahit ganon pa man ang nangyare, sariwa pa rin sa utak ko ang lahat ng mga masasakit na pinagdaanan ko. Sariwa pa rin sa utak ko ang mga pangungutya, ang masasakit nilang salita patungkol sa akin. Sariwa pa rin sa utak ko ang mga pananakit at nandidiring salita ng mga magulang ko. At kahit gustuhin ko mang magalit sa kanila ay hindi ko magawa, hindi ko kaya. Masakit man ang pinagdaanan ko ay hindi ko pa rin makakalimutan ang kanilang pag-aalaga sa akin simula noong bata ako.
Tumigil ako sa paglalakad, ibinaba ang katawan ng usang napatay ko at gamit ang tungkod na hawak ko ay sinubukan kong hanapin ang isang particular na halamang gamot. Bawat mahahawakang kong halaman ay inaamoy ko. Sa kabila ng pagkawala ng aking paningin, ay nagpapasalamat pa rin akong natuto akong patalasin ang aking pandinig maging ang aking pang-amoy. Iyon ang ginagamit kong mata ko sa araw-araw kong pamumuhay. Nang mahanap ang halamang pakay ko ay nagsimula akong ipunin ang mga iyon at gamit ang dala kong tali ay itinali ko ang mga halaman upang madali kong mabitbit pauwi.
Muli kong pinasan sa balikat ko ang usang nahuli ko, habang ang mga halaman namang kinuha ko ay isinabit ko sa bewang ko. Napagpasyahan kong dumaan muna sa maliit na talon. Wala naman akong iba pang gagawin bukod sa panggagaso. Agad kong narinig ang pagbuhos ng tubig mula sa maliit na talon. Nagdahan-dahan ako sa aking paglalakad dahil mabato ang palibot na bahagi ng maliit na talon at madulas rin.
Inilapag ko ang usang nahuli ko at maging ang halamang nakatali sa bewang ko sa malaking batong nakapa ko kanina. Hinubad ko ang balabal na suot ko at maging ang suot ko sa loob ng balabal. Iniwan ko lang ang maliit na saplot ko sa ibaba, ang kwintas na napulot ko noong isang araw at ang maskarang tumatakip sa mukha ko.
Lumusong ako sa malamig na tubig ng talon. Nagsimula akong languyin ang maliit na talon ng pabalik-balik. Sa mga oras na ito ay hinayaan ko ang sarili kong maglaro sa tubig. Aaminin kong nakakalungkot mamuhay ng mag-isa. Hindi ako sanay nong una ngunit hindi rin kalaunan ay nasanay rin ako. Pinikit ko ang mga mata ko at hinayaan ang sarili kong damhin ang sariwang hangin. Ang mga huni ng iba’t ibang mga hayop, kasabay ng pag-agos ng tubig mula sa talon ang tangi ko lamang naririnig sa mga sandaling iyon.
Payapa at napakatahimik. Ang sarap sigurong mamuhay sa mundong payapa at tahimik. Iyong walang gulo, walang namamatay, walang away, walang digmaan.
Mapait akong napangiti kasabay ng pagmulat nang aking mga mata. Hindi ko man makita ang kalangitan ay alam kong napakapayapa nitong tignan. Gustuhin ko mang mamuhay sa isang mundong payapa at tahimik ngunit alam ko sa sarili kong napaka-imposible non. Pinilig ko ang ulo ko at nag-umpisa uling lumangoy. Inubos ko ang ilang oras ko sa paglangoy ng pabali-balik. Tila hindi ako nagsasawa sa pag-langoy kahit na pabalik-balik lamang ako.
Nang magsawa ako sa kakalangoy ay napagpasyahan ko ng umahon at magbihis. Mamaya ay mayroon pang makakita sa akin habang naliligo ako. Binilisan ko ang pagsuot ng mga saplot ko sa katawan. Gumaan ang pakiramdam ko sa naging pagligo ko sa talon. Buhat-buhat ko uli ang usang nahuli ko kanina habang nasa bewang ko naman nakatali ang mga halamang gagamitin ko sa paggamot.
Mabuti na lamang at hindi naman kalayuan sa kubon ko ang talon na pinaghintuan ko kanina lang. Medyo nakakalayo na ako sa maliit na talon ng mapahinto ako sa aking paglalakad. Mayroon akong narinig na mga boses na wari ko’y nag-uusap. Mahina ang kanilang mga boses ngunit rinig ko pa rin naman. Batid kong malayo ang pwesto nila sa kinatatayuan ko.
Hindi naman lingid sa akin na mayroon ngang iba pang bampira ang pumupunta rito. Ngunit hindi naman iyon madalas. Napakadalang kong makarinig ng mga bampirang nag-uusap sa kagubatang ito. Sinundan ko kung saan nanggagaling ang boses. Hindi malinaw sa akin kung ano ang pinag-uusapan nila. Ngunit habang sinusundan ko kung saang nanggagaling ang mga boses na iyon ay unti-unti ring lumilinaw sa akin ang kanilang pag-uusap.
“--- ng mga sumpa?”
Nangunot ang noo ko ng hindi ko maintindihan ang naunang sinabi ng isang bampira. Ngunit naagaw nito ang atensyon ko ng sambitin n’ya ang patungkol sa sumpa. Humakbang ako ng tatlong beses bago nagtago sa isang malaking puno. Batid kong malayo pa ang kinatatayuan ko ngayon sa pwesto ng dalawang bampira, ngunit mas pinili kong dito na lamang makinig.
“Hindi ko alam kung totoo ang balitang iyon. Narinig ko lamang iyon sa isang matandang bampira sa bayan ng Carran.”
“Carran? Hindi ba ay sakop iyon ng kaharian ng Lazica?”
“Oo, sa Carran nagpasimula ang kwento patungkol sa dyosang kayang magtanggal ng anumang sumpa.”
Nanlaki ang mga mata ko at umawang ang labi ko sa aking narinig. Bumilis ang pagtibok ng aking puso at hindi ako makapaniwalang nakinig pa ng mabuti sa kanilang pinag-uusapan.
“Paano mo naman nalaman na sa Carran nga nag-umpisa at hindi sa ibang bayang ng Lazica?”
“Hindi mo ba nabalitaan na mayroong isinumpang bampira sa bayang iyon?”
“Hindi.”
“Kalat na ang kwento nang lalaking bampirang iyon na nagmula sa Carran. Ayon daw sa mga kasamahan nito ay nangangaso daw sila noon ng bigla silang atakihin ng isang mangkukulam.”
“Isang mangkukulam? Paano nakapasok ang mangkukulam na yon? Hindi ba’y mayroong harang na pumoprotekta sa buong kaharian ng Lazica?”
“Iyon din ang alam ko. Ngunit nagulat na lamang daw sila ng makita ang isang mangkukulam sa kagubatan ng Carran. Balak daw nila itong patayin ngunit bago pa man sila makagalaw ay naunahan na sila ng mangkukulam. Mabuti na lang at nakatakas sila sa mangkukulam na iyon, iyon nga lang ay mayroong naisumpa sa kanila.”
“Mabilis na kumalat ang balita tungkol sa isang mangkukulam sa kagubatan ng Carran at simula noon ay kumonti nalang ang dumadayo doon. Dahil na rin sa mayroong naisumpa sa kanila ay mas lalong natakot ang iba na pumunta sa Carran.”
“Ngunit nagbago ang lahat ng iyon ng mayroon daw silang naramdaman na kakaibang presensya isang gabi matapos kumalat ang balita tungkol sa mangkukulam. Nagulat na lang sila na wala na ang sumpang natanggap ng bampirang iyon. Mabilis na kumalat ang balita patungkol sa dyosang iyon at marami ang naniniwala na totoo s’ya.”
“Hindi kaya ay gawa-gawa lang nila ‘yon upang dumagsa ulit ang mga mangangalakal sa kanila?”
Dahil sa katanungang iyon ay hindi ko rin napigilang itanong iyon sa isip ko. Paano nga ba kung gawa-gawa nga lamang nila ang kwentong ‘yon? Maging ako’y nagdalawang-isip rin kung totoo nga ba ang dyosang sinasabi nila.
“Hindi rin ako sigurado, ngunit kung totoo nga ang kwentong iyon, ibig sabihin lang noon ay anumang oras ay handa ng sumalakay muli ang mga mangkukulam.”
“At kung totoo nga ang d’yosang sinasabi mo, hindi ba’y malaking tulong iyon sa atin sakaling isumpa tayo ng mga mangkukulam.”
“Sana nga ganon lang kadali ‘yon,”
“Anung ibig mong sabihin?”
“Balita ko kase ay hindi na muling nagparamdam sa bayan ng Carran ang d’yosang sinasabi nila. Kaya ngayon ay walang nakakaalam kung saan na ito naglalagi.”
Hindi ko na tinapos pa ang kanilang pinag-uusapan. Tahimik akong umalis doon sa likod ng puno habang dala pa rin sa balikat ko ang usa, habang hawak naman ng isa kong kamay ang tungkod ko. Nakauwi ako sa maliit kong kubon na nasa isip pa rin ang mga narinig.
D’yosang kayang magtanggal ng anumang sumpa.
Hindi ko alam kung maniniwala ako sa balitang iyon o hindi. Napabuntong hininga ako at inilapag sa maliit kong lamesa ang usa. Dahan-dahan akong lumapit sa kamang pinagtutulugan ko. Agad akong nakaramdam ng pagod nang makaupo ako. Dahan-dahan kong inihiga ang katawan ko sa matigas kong higaan. Gawa lamang ito sa kahoy at hindi ganon ka-komportableng higaan ngunit mas pipiliin ko na ito kesa sa lupa ako matulog.
Malalim akong bumuga ng hangin. Hindi dapat ako magtiwala sa mga balitang narinig ko lang. Paano nga kung hindi naman pala totoo ang balita patungkol sa diyosang iyon? Pinilig ko ang ulo ko upang mawala iyon sa isip ko. Bumangon ako at balak ng katayin ang usang nahuli ko, ngunit natagpuan ko na lamang ang sarili kong hinahanda ang maliit kong bag na ako mismo ang gumawa gamit ang tela.
Mariin kong naikuyom ang mga kamay ko at hindi na nagdalawang-isip na ilagay ang mga bagay na kailangan kong dalhin. Inilagay ko rin ang mas maliit kong balabal sa loob kasama ng maliit kong kutsilyo, maliit na tela para sa kutsilyo ko at ang ilang halamang gamot.
Hindi naman siguro masamang maniwala sa balitang iyon diba?
Muli akong umupo sa kama ko. Buo na ang desisyon ko, bukas ng umaga ako magsisimula. Kung saan ako pupunta at magsisimula ay hindi ko pa alam, ngunit alam ko sa sarili kong hindi ako susuko. Alam kong maaari kong ikapahamak ang magiging paglalakbay ko sa paghahanap sa diyosang iyon, ngunit alam ko rin sa sarili kong hindi ako mapapanatag kung wala akong gagawin.
Inaamin kong natatakot ako, ngunit kung hindi ko haharapin ang takot ko ay mawawalan ng saysay ang lahat nang mga pinaghirapan kong matutunan sa loob ng isa at kalahating taon.
***