Hindi pa man sumisikat ang araw sa kalangitan ay opisyal ko ng sinimulan ang paglalakbay ko. Hindi ko man kita ang kapaligiran ko’y alam kong madilim pa rin sa buong kagubatan na kinaroroonan ko. Sa isa’t kalahating taon ng paninirahan ko sa kagubatang ito ay memoryado ko na ang bawat daraanan ng mga bampirang kagaya kong nangangaso rin dito.
Hindi kagaya ng mga nakagawian kong pagdaan sa kanang bahagi ng kagubatan kung saan madalas akong nangangaso, mas pinili kong sa kaliwang dako na dumaan. Mas maiksi ang lalakarin ko upang makalabas sa kagubatang ito. Sa dilim na bumabalot sa buong kagubatan ay rinig na rinig ko ang huni ng iba’t ibang hayop. Mas humigpit ang kapit ko sa sulong hawak ko.
Kahit naman matagal na akong nakatira sa loob ng kagubatang ito’y hindi ko pa rin maialis ang takot sa sistema ko sa tuwing mayroon akong makakasalubong na mabangis na hayop. Iyon ang pinaka naging dahilan ko kung bakit madalang lang akong nagpupunta sa bahaging ito ng kagubatan.
Bigla akong napahinto sa paglalakad ng maramdaman ko ang presensya ng isang lobo. Malapit lamang ito sa akin at alam kong nakatitig na ito ngayon sa akin. Kinalma ko ang sarili ko at piniling manatili sa kinatatayuan ko. Kung susugurin man ako nito ay nakahanda ang maliit kong kutsilyo.
Ramdam ko ang matiim nitong pagtitig sa akin. Napahakbang na lamang ako ng isang beses patalikod nang bigla na lamang itong umalulong. Dahan-dahan kong hinawakan ang kutsilyong nakatali sa bewang ko at hinanda ang sarili ko sa maaaring pagsugod nito. Ngunit nagulat na lamang ako nang matapos nitong umalulong ay bigla na lamang itong tumakbo palayo. Nangunot ang noo ko sa naging kilos ng lobo.
Hawak pa rin ang sulo ay mabilis kong sinundan ang lobo. Gamit ang matalas kong pandinig at pang-amoy ay nagagawa kong masundan ang lobong papalayo na sa akin. Nang mamatay ang apoy sa sulong hawak ko ay mabilis kong inilagay ang sulo sa dala kong maliit na bag at mas lalong nag-pokus pa sa pagsunod sa lobo. Napatigil lamang ako sa mabilis na pagtakbo ng hindi ko na marinig ang mga yabag nito. Sinubukan kong sundan ang amoy ng lobong iyon ngunit nangunot na lamang ang noo ko ng biglang mawala ang amoy nito sa hangin.
Akmang didiretso ako sa aking pagtakbo ng bigla na lamang mayroong dumamba sa akin sa likod. Napadaing na lamang ako nang sa isang iglap ay tumama ang katawan ko sa isang bato. Ramdam ko ang pagkawasak nang batong tumama sa katawan ko. Mabilis kong nabunot ang kutsilyo sa bewang ko at itinutok iyon sa direksyon ng lobo.
Muling bumalik ang amoy ng lobo sa hangin, maging ang presensya n’ya ay naramdaman ko uli. Ngunit sa pagkakataong ito ay nasa harapan ko na s’ya. Muli itong umalulong tanda ng pagsugod. Sa pagkakataong ito’y nagawa ko ng sanggain ang atake nito sa akin. Sa unti-unting pagdaloy ng liwanag sa buong kagubatan ay mas lalong uminit ang palitan namin ng atake.
Sinabayan ko ang bilis ng kanyang mga galaw. Sumugod ako at umambang sisipain ito ngunit mabilis s’yang nakaiwas sa akin. Mas lalong humigpit ang hawak ko sa kutsilyo at sinundan ang kanyang mga yabag. Muli kaming nagpalitan ng mabibilis na atake. Walang gustong magpatalo sa amin ng lobo. Tinangka ako nitong kagatin sa paa ngunit mabilis akong tumalon sa ere at sinipa ang lobo mula sa taas.
Narinig ko ang mahina nitong ungol dahil sa naging atake ko, ngunit saglit lamang iyon at mabilis din itong umatake sa akin. Hindi ko iyon nasangga at napaatras ako ng maramdaman ko ang sakit sa kanang braso ko. Napaatras ako habang pinapakiramdaman pa rin ang presensya ng lobo. Hindi ito gumalaw sa pwesto nito ng makitang napaatras ako.
Akmang susugurin ko na ito nang hindi ito gumalaw, ngunit bigla na lamang itong tumakbo palayo sa akin. Mabilis ko itong sinundan. Hindi ko alam kung bakit hindi ako nito inatake kanina nang makita ako nitong napaatras. Akala ko’y balak ako nitong patayin dahil sa inabangan n’ya ako kanina, ngunit hindi ko inaasahang tatakbo ito ulit paalis.
Halos ilang minuto ko ring hinabol ang presensya ng lobo bago muling nawala ang presensya nito. Maging ang amoy nito’y muli nanamang nawala sa hangin. Sa pagkakataong ito’y hindi ako nanatili sa posisyon ko. Sinubukan kong hanapin ang presensya maging ang amoy nito ngunit nabigo lamang ako.
Huminga ako ng malalim at huminto muna upang sumilong sa malaking puno. Kinuha ko ang mga halamang gamot na dala-dala ko at sinimulang gamutin ang sarili ko. Sa loob ng isa at kalahating taon nang pamumuhay ko mag-isa ay hindi lang tanging pakikipaglaban ang s’yang natutunan ko. Natutunan ko rin kung paano gamutin ang sarili ko. Marami rin akong natuklasang mga halaman na mainam na panggamot sa mga sugat na kagaya ng natamo ko.
Matapos magamot ang sugat na nakuha ko kanina sa pakikipaglaban sa lobo ay kinuha ko ang pahabang bote na mayroong laman ng dugo ng usa na nahuli ko kahapon. Agad na nanuot sa ilong ko ang amoy ng dugo at sa isang iglap lang ay nabuhay ang uhaw sa lalamunan ko. Hindi na ako nagsayang pa ng oras at mabilis na uminom sa dala kong dugo. Nagpalipas pa muna ako nang ilang minuto sa ilalim ng malaking puno bago ko napag-pasyahang magpatuloy na.
Nakakailang-hakbang pa lamang ako mula sa punong pinag-pahingahan ko kanina ng makarinig ako ng mga boses di kalayuan sa pwesto ko. Gamit ang bilis ko bilang bampira ay sinundan ko kung saan nanggagaling ang mga boses na narinig ko.Unti-unti kong naramdaman ang pagdami ng presensya sa bawat paghakbang ko pasulong. At nang huminto ako ay halos umawang ang labi ko nang mapagtantong nakalabas na ako ng kagubatan at ngayo’y nakarating na sa isang bayan. Dinig na dinig ko ang ingay na nagmumula sa mga karwaheng nagsisidatingan. Hindi ko alam kung saang bayan ako napadpad. Muli akong nagtago sa likod ng isang puno. Kinuha ko ang balabal ko sa maliit kong bag na dala-dala at sinuot iyon.
Huminga ako ng malalim at mariing ipinikit ang aking mga mata. Hindi ko man gustong alalahanin ngunit hindi ko mapagsabihan ang sarili ko. Hindi ko maiwasang alalahanin ang bayan ng Terrestria kung saan ako lumaki at nagka-isip. Ipinilig ko ang ulo ko. Hindi ko na dapat pang ihambing ang bayang ito sa bayan ng Terrestria.
Bago ako umalis sa pinagtataguan kong puno ay siniguro ko munang maayos ang pagkakatali ng maskarang suot ko. Sumabay ako sa grupo ng mga bampirang papasok din sa bayan. Maingay ang buong bayan dahil sa dami rin ng mga pumapasok na bampira at mga karwaheng may lamang iba't ibang mga produkto.
Diniretso ko ang bayan hanggang sa mapadpad ako sa mga grupo ng mga bampirang nagtitinda ng mga armas at iba pang mga sandata. Napag-pasyahan kong tumigil na muna doon at magmasid-masid.
“Lapira! Dumating naba ang karwaheng galing sa Carran?” Dinig kong tanong ng isang bampirang babae. Agad bumaling ang pansin ko sa direksyon ng dalawang bampirang babae na malapit lamang sa akin.
“Kahapon pa Ada, hindi mo ba nabalitaan?”
“Pasensy na. Wala ako kahapon at walang nagsabi sa aking kahapon pa dumating ang karwaheng galing sa Carran.”
“Nakahinto ang mga karwaheng dumating kahapon malapit sa unibersidad.”
“Cge, maraming salamat.”
Nang maramdaman kong umalis na ang babaeng nangngangalang Ada ay mabilis ko itong sinundan. Dahil sa dami ng tao at sa ingay ay halos nahirapan pa akong masundan s’ya ng mabuti. Mabuti na lamang ay kumonti na rin ang mga tao at nabawasan na rin ang ingay ng sa tingin ko’y nakarating na kami sa lugar kung saan tinuro ng babae kanina. Mula doon ay dinig na dinig ko ang ilang mga bampirang naroroon.
“Ada, nahuli ka ata ngayon?” Dinig kong tanong ng bampirang lalaki.
“Marami lamang akong inasikaso kaya wala ako kahapon.” Sagot naman nito. Pinili kong huminto hindi kalayuan mula sa karwahe kung saan tumigil ang babaeng sinusundan ko.
“Kailan ang balik n’yo sa Carran?” Dinig kong tanong ni Ada.
“Mamayang gabe, hinihintay lang namin ang isa pang karwaheng galing doon.”
“Mabuti naman kung ganon, balita ko’y mayroon daw lumitaw na grupo ng mga bampirang nananambang ng mga karwahe malapit sa bayan ng Carran ah?”
“Oo, muntik na rin kaming manakawan ng mga produktong iaangkat namin sa Hanais nong isang araw.”
“Hindi ba delikadong mag-angkat ngayon lalo na’t narinig kong marami na daw nananakaw ang mga tulisang ‘yon.”
“Iyon nga den ang inaalala ko,”
Nakinig lamang ako sa pinag-uusapan nilang dalawa hanggang sa mag-paalam na ang babaeng sinusundan ko. Nanatili ako sa pwesto ko at hinintay na sumapit ang gabi. Nang sumapit ang gabi ay muli kong sinipat ang karwaheng galing Carran. Dinig na dinig kong nagaangkat nanaman ito ng mga karga. Mabilis akong kumilos ng umalis ang dalawang bampirang naglalagay ng mga bagong produkto sa karwahe.
Nang makalapit ako sa karwahe ay muli kong pinakiramdaman kung mayroon bang padating. Mabilis kong inakyat ang karwahe at maingat na pumili ng pwestong pwede kong mapagtaguan. Mabuti na lamang at hindi naman ganon karami ang laman ng karwahe kaya madali akong nakahanap ng mapupwestuhan.
Habang naghihintay sa pag-alis ng karwaheng kinalalagyan ko ay naisipan kong inumin na ang natitirang dugong baon ko. Kulang ang natirang dugong ininom ko para mapatid ang uhaw ko, ngunit kailangan kong tiisin ang uhaw ko. Mabuti na lang at ilang saglit pa ay naramdaman ko na ang pag-andar ng karwahe. Mas lalo kong tinago ang sarili ko habang pabilis na ng pabilis ang pag-andar nito.
Dahil sa pagod kanina sa pakikipaglaban ay unti-unting pumikit ang mga mata ko sa pagod. Nagising ako ng maramdaman ko ang paghinto ng karwaheng sinasakyan ko. Kunot ang noo kong pilit na pinapakiramdaman ang paligid. Dahan-dahan kong inayos ang pag-upo ko ng makarinig ako ng ingay sa labas. Dahil sa kuryosidad ay sinubukan kong pakiramdaman kung anong nangyayare, at halos manigas ako sa pinagtataguan ko ng maramdaman ko ang hindi kumulang sa labing isang presensya ng mga bagong bampirang ngayo’y nakapalibot na sa buong karwahe. Bumalik ako sa aking pinagtataguan habang dinig na dinig ko ang pagmamaka-awa nang dalawang bampirang sakay ng karwahe.
Mariin kong naikuyom ang kamay ko habang naririnig ang pagtawa ng mga bampirang humarang sa karwaheng sinasakyan ko. Gustohin ko mang lumaban ngunit alam kong hindi ko rin kakayanin. Masyado silang marami at hindi ko kayang patumbahin silang lahat gamit ang mga natutunan ko. Muli kong pinakinggan ang ingay sa labas.
Nanlaki kaagad ang mga mata ko ng maramdaman ko ang dalawang presensy’ang palapit sa kinaroroonan ko. Muli akong bumalik sa pwesto ko kanina at gamit ang itim kong balabal ay sinubukan kong itago ang sarili ko kasabay ng pag-angat nang telang tumatakip sa mga produkto.
“Ayos, marami-rami ang produktong makukuha natin ngayon.” Dinig kong sambit ng isa sa kanila.
Muli nilang ibinalik sa pagkakatakip ang mga produkto at ramdam kong lumalayo na ang presensya nila. Nakahinga ako ng maluwag at inayos ang balabal na pinagtakip ko sa sarili ko. Dahan-dahan akong gumapang papunta sa dulo ng karwahe. Kailangan kong makaalis dito habang hindi pa ako napapansin ng mga bampirang humarang sa karwahe.
Maingat ang naging pagbaba ko sa karwahe habang pinapakiramdaman ang buong paligid. Hindi ko alam kung nasaan kami, ngunit base sa tunog ng iba’t ibang mga hayop na naririnig ko’y nasa isang kagubatan kami. Gamit ang bilis ko’y nagawa kong makalayo sa karwahe. Naikuyom ko na lamang ang kamay ko ng maalala ang dalawang bampirang sakay din ng karwahe.
Hindi ko alam kung anung mangyayare sa kanila. Gusto ko man silang tulungan ngunit alam kong ikakapahamak ko lang rin iyon. Hindi ko sila kaya lalo na at mag-isa lamang ako. At kahit na alam ko namang makipag-laban ay hindi pa rin sapat iyon upang matalo sila. Hindi sapat ang kakayahan ko upang mailigtas ang dalawang iyon. Naikuyom ko uli ang mga kamay ko.
Kung sana ay malakas lamang ako… Kung sana ay may kakayahan lamang akong pabagsakin ang mga tulisang iyon…
Pinikit ko ang mga mata ko. Hindi ko namalayang huminto na pala ako. Tumingala ako sa kalangitan, alam kong nakasilip ngayon ang buwan sa mga pangyayareng nagaganap. Mapait akong napangiti at nagsimula uling tumakbo.
Pinilit kong ignorahin ang lungkot at pagsisising nararamdaman ko habang papalayo sa karwaheng sinakyan ko.
***