Chapter 3: Encounter.

2056 Words
Buong gabi akong binagabag nang nangyare kagabe. Tuloy ay halos hindi ko na nagawa pang makapagpahinga kagabi dahil sa pagiging okupado ng isip ko. Mariin kong ipinikit ang mga mata ko at sinubukang magpahinga. Papasikat na ang araw sa kalangitan at hindi pa rin ako nakakapag-pahinga matapos ang buong gabing pagtakbo sa madilim na kagubatang ito. Inayos ko ang pagkakaupo ko sa sanga ng punong pinili kong pagpahingahan. Dahil hindi ko kabisado ang kagubatang ito ay hindi ako pwedeng basta-basta na lamang matulog sa ilalim ng mga puno. Hindi ko alam kung saan na ako napadpad. Ang tanging alam ko lang sa ngayon ay kailangan kong makapunta sa bayan ng Carran na sakop ng bayan ng Lazica. Napabuntong hininga na lamang ako ng hindi talaga ako makatulog. Kesa pilitin ang sarili kong magpahinga ay mangangaso na lamang ako. Kahit pagod ay pinilit ko ang sarili kong bumaba sa sanga ng punong pinagpwestuhan ko. Huminga ako ng malalim, pinikit ko ang mga mata ko at tahimik na pinakinggan ang paligid ko. Ilang minuto akong naghintay bago ko narinig ang isang pamilyar na yabag ng isang hayop. Agad akong kumilos at gamit ang bilis ko ay sinalubong ko ang mga yabag na narinig ko. Mabilis kong kinuha ang maliit kong kutsilyo at handa na sanang itarak iyon sa usang mabilis na tumatakbo sa direksyon ko ng bigla ko na lamang naramdaman itong lumiko. Muntikan pa akong tumama sa puno dahil sa naging pagliko ng presensya nito, mabuti na lamang at nagawa kong makaiwas doon. Muli kong hinabol ang usang ngayo’y malapit ng makatakas sa akin. Dahil sa bilis nito sa pagtakbo ay halos hindi ko na ito maabutan. Mabilis akong nag-isip ng paraan. Umakyat ako sa mga nagtataasang mga puno at gamit ang mga sanga ng mga ito ay sinubukan kong habulin ang usang target ko. Hindi ko man mapantayan ang bilis ng usang pakay ko ay sapat na ang naging bilis ko upang makalapit kahit papaano sa usang pakay ko. Mariin kong hinawakan ang kutsilyong nasa kamay ko at hinintay na bumagal sa pagtakbo ang usa. At nang maramdaman kong bumagal nga ito sa pagtakbo ay mabilis kong ibinato ang kutsilyong hawak ko na sigurado akong tatama sa katawan nito, ngunit laking gulat ko ng maramdaman kong bigla na lamang muling bumilis ang pagtakbo nito dahilan upang sa lupa bumaon ang kutsilyo ko. Gulong-gulo ako habang naririnig ko ang papalyo ng yabag ng usang pakay ko. Ngunit saglit lang iyon at nanlaki agad ang mga mata ko ng mapansing mayroong isa pang presensya. Sa pagkakataong ito ay alam kong hindi galing sa isang hayop ang presensyang iyon, kundi sa isa pang bampira. Mabilis akong napatingin sa gawi nito ng maramdaman kong malapit lamang ang presensya nito sa akin. Hindi ako makapaniwalang hindi ko man lang napansing mayroon pa palang ibang naririto bukod sa akin. Sa sobrang pokus ko sa usang hinahabol ko ay hindi ko napansin ang presensya nito. Ngunit bakit ganito? Bakit tila kakaiba ang epekto ng presensya nito sa akin? Bakit tila bigla na lamang akong kinabahan nang maramdaman ko ang presensya nito? Ipinilig ko ang ulo ko upang mawala ang mga iniisip ko. Hindi dapat ako mag-isip ng mga ganoong bagay sa mga oras na ito. Bumaba ako sa punong kinalalagyan ko at kinuha ang kutsilyo kong nasa lupa pagkatapos ay muli akong umakyat sa mga puno at mabilis kong sinundan ang usang pakay ko. Napakalayo na nito sa akin at alam kong malapit na itong makawala, kung hindi lang dahil sa pangahas na bampirang tumakot sa usang pakay ko ay edi sana, nakainom na ako ng dugo ngayon. Gamit ang bilis ko bilang bampira ay pinilit kong maabutan ang usang pakay ko. Mabuti na lamang at kahit hindi ko s’ya maabutan ay nagawa ko naming paliitin ang distansya namin. Akma ko na uli sanang ibabato ang kutsilyong hawak ko ng maunahan nanaman ako ng panang galing sa pangahas na bampira. Kumunot ang nuo ko at muling binalingan ang bampirang alam kong malapit lamang sa akin. Hindi ba nito alam na ako ang nauna sa usang ito? Hindi ba pwedeng humanap na lang s’ya ng ibang usang huhulihin at hindi iyong makikipag-agawan pa s’ya sa akin? Dahil sa pangahas na bampirang ito ay mas lalo lamang akong tumatagal sa paghuli ng usang iyon. Kung hindi lamang kase ito pakialamero ay malamang ay kanina pa napatid ang uhaw ko at nakapag-pahinga na. Nang maulit nanaman ang ganoong eksena kagaya kanina ay hindi ko na napigilang sugurin ang pangahas na bampira. Alam kong sinasadya n’yang hindi patamaan ng pana n’ya ang usang pakay ko upang hindi ko rin matamaan ng kutsilyo ko ang usang iyon. Ano bang gustong mangyare ng pangahas na bampirang ito? Naitanong ko sa isip ko ng makaiwas s’ya sa pag-atakeng ginawa ko. Nawala na ang pokus ko sa usang kanina ko pa hinahabol at ang tangi na lamang nasa isip ko ngayon ay kung paano ko matatakot ang pangahas na bampira. Mabilis akong umiwas ng maramdaman ko ang papalapit nitong presens’ya. Nang hindi tumama sa akin ang atake n’ya ay ako naman muli ang umatake, ngunit gaya kanina ay mabilis n’ya lang iyong nailagan. Bumalik ako sa sanga ng punong kinatatayuan ko kanina at pinakiramdaman ang pangahas na bampira. Alam kong nakatingin na rin ito ngayon sa akin at handa ng sumugod upang umatake uli kagaya ko. Hindi nga ako nagkamali dahil sabay kaming muling umatake. Naglaban kami sa itaas ng mga puno at gamit ang mga sanga ng mga ito ay nagagawa naming makalipad sa ere ng walang problema. Gamit ang bilis naming dalawa ay nagpapalitan kami ng mabibilis na atake na pareho naman naming naiiwasang pareho. Mas lalo lamang uminit ang ulo ko at sinubukang mas bilisan pa ang galaw ko upang tumama sa kan’ya ang atake ko. Mariin kong naikuyom ang kamao ko at mabilis na tumalon sa sanga ng puno at gamit ang bilis ko ay nagawa kong mapatama ang kamao ko sa katawan nito. Ramdam ko ang paglayo ng presensya nito sa akin sa naging pag-atake ko. Ginamit ko pagkakataong iyon upang muling bumalik sa punong pinagtayuan ko kanina. Umihip ang malakas na hangin kasabay ng mabilis kong paghinga. Ramdam ko ang bilis ng t***k ng aking puso at ang pagtagak-tak nang pawis sa aking noo. Muli kong hinanda ang sarili ko upang umatake. Hawak ang maliit kong kutsilyo ay mabilis akong tumakbo papunta sa pwesto ng pangahas na bampira.  Inambaan ko s'ya ng saksak sa tagirilan ngunit bago ko pa maibaon ang kutsilyo ay nasipa na n'ya ang kamay kong may hawak sa kutsilyo. Tumilapon sa lupa ang sandatang hawak ko.   Mabilis akong umatras ng maramdaman ko ang papalapit n'yang presensya sa akin. Dahil sa pagtilapon ng kutsilyong hawak ko ay mas lalong naging agresibo ang bawat pag-atake n'ya sa akin. Naikuyom ko na lamang ang mga kamay ko habang pilit na sinasangga ang bawat malalakas n'yang atake. Nang makakuha ng tyempo ay mabilis akong umakyat sa punong nasa likuran ko. Aaminin kong hindi pala ganon kadali ang makipag-laban sa isang bampira ng personal. Samahan pang hindi ko makita ang buong kapaligiran ko dahil sa sumpang ipinataw sa akin ng mangkukulam. Ngunit kahit na wala akong makita, nagpapasalamat pa rin akong kahit papaano ay hindi nawala ang pandinig at pang-amoy ko. Iyon ang ginagamit ko ngayong mga mata ko sa pakikipaglaban sa pangahas na bampirang gustong agawin ang usang dapat sa akin. Napaigik ako sa sakit ng maramdaman kong nadaplisan ako sa kanang braso. Mabilis kong binigyan ng distansya ang pagitan namin ng pangahas na bampira. Sa isang mabilis na galaw ay nagawa kong makalipat ng puno.  Naramdaman ko ang pagsunod sa akin ng pangahas na bampira. Muli kong hinanda ang sarili ko sa muling pagsugod ko. Gamit ang bilis ko ay nagawa kong pasunurin s'ya sa akin habang palipat-lipat ako sa mga puno.  Nang maramdaman ko ang presensya n'yang unti-unti ng lumalapit sa akin ay napangisi ako. Hinayaan kong mas lumapit pa ang distansya n'ya sa akin, at ng mas lalo pa nga itong lumapit ay mabilis akong umikot paharap sa kan'ya upang salubungin s'ya at isang malakas kaagad na sipa ang ibinigay ko sa kan'ya. "f**k!"  Dinig kong sabi n'ya ng tumama ang katawan n'ya sa katawan ng puno. Ginamit ko ang pagkakataong iyon upang makababa ako  sa punong kinatatayuan ko at hinanap ang kutsilyong nabitawan ko kanina. Pinilit kong kinapa ang kutsilyo kong tumama sa isang bato kanina nang mabitawan ko. Nanlaki ang mga mata ko ng bigla ko na lamang naramdaman ang presensya n'ya sa likod ko. Dahil sa pagkabigla ay hindi ko naiwasan ang naging pag-atake n'ya.  Namilipit ako sa sakit ng maramdaman ko ang sipa n'ya sa tiyan ko dahilan upang tumilapon ang katawan ko sa isang puno. Agad akong nagsuka ng dugo sa naging epekto ng pagsipa n'ya sa akin. Nanghina ang katawan ko at halos mamilipit ako sa sakit habang paunti-unting lumalapit ang presens'ya n'ya sa akin. Pinilit kong makatayo, kahit pa na sobrang sakit ng natamo ko sa tiyan ko ay nagawa kong makalayo ulit sa pangahas na bampira.  Malalim ang naging paghinga ko ng isandal ko ang katawan ko sa punong pinagtataguan ko. Napapaigik na lang ako sa tuwing bumubuga ako ng hangin. Ramdam ko ang panghihina ng katawan ko at ang pakiramdam ng pagsusuka.  Mariin kong ipinikit ang mga mata ko habang sinisisi ang sarili ko sa isip ko. Hindi na dapat ako nakipaglaban pa sa pangahas na bampirang iyon ng dahil lamang sa iisang usa. Hindi sapat ang mga natutunan ko sa isa at kalahating taon na pagsasanay ko. Kahit na hindi ko kilala ang pangahas na bampira ay alam kong mas maalam ito sa akin pagdating sa larangan ng pakikipag-laban. Umayos ako sa pagkakasandal sa punong pinagtataguan ko at pinakiramdaman ang presensya ng pangahas na bampira. Malapit na ito sa punong pinagtataguan ko. Sa huling pagkakataon ay malalim akong bumuga na hininga. Tiniis ko ang pagsakit ng tiyan ko dahil sa ginawa ko. Nang maramdaman ko ang presensya ng pangahas na bampira sa likod ng punong kinatataguan ko ay muli kong hinanda ang sarili ko sa pagsugod. Sa pangalawang pagkakataon ay naghintay ulit ako ng pagkakataon upang umatake ulit. Gamit ang natitira kong lakas ay mabilis kong sinugod ang pangahas na bampira. Dahil sa biglaan kong pag-atake ay naramdaman kong napaatras s'ya. Ginamit ko iyong pagkakataon upang patuloy na atakehin ang pangahas na bampira.  Kumuha ako ng tiyempo at malakas s'yang sinipa sa tagiliran. Pagkatapos ay muli akong nagpatuloy sa pag-atake sa kaniya. Akmang kukuha uli ako ng tiyempo upang sipain ulit s'ya sa kabilang tagiliran naman n'ya ng bigla na lamang akong napaluhod sa lupa ng maramdaman kong nanghina ang katawan ko. Mabilis s'yang nakalayo sa akin ng makitang bumagsak ako sa lupa. Sinubukan kong pigilan ang muli kong pagsuka ng dugo ngunit hindi ko nagawa. Dahil sa pagkakaharang ng kamay ko sa maskarang suot ko ay nasalo ng kamay ko ang dugong sinuka ko. Unti-unting nanlabo ang paningin ko at alam kong anumang oras ngayon ay mawawalan na ako ng malay. Napaupo ako sa lupa habang pilit na nilalabanan ang sarili kong mawalan ng malay.  Dahil sa sobrang pokus ko sa sarili ko ay hindi ko na namalayang nakalapit na pala sa akin ang pangahas na bampira. Nanlaki na lamang ang mga mata ko at halos manigas sa kinauupuan ko ng maramdaman ko ang presensya n'ya sa likod ko.  "This must be yours." Bulong n'ya sa kanang tenga ko. Halos mangilabot ako ng maramdaman ko ang hininga n'ya sa leeg ko. Bumilis ang t***k ng puso ko at sinubukan s'yang atakehin mula sa likod ko ng bigla na lamang n'ya akong binuhat at basta na lang inihagis.  Tumama ang likod ko sa malaking bato dahilan kung bakit mas lalo lamang akong sumuka ng dugo. Dahil sa lakas ng pagkakahagis n'ya ay naramdaman ko ang unti-unting paglaglag ng suot kong maskara.  Nilukob ng matinding takot ang buong sistema ko, gustohin ko mang ibalik sa pagkakaayos ang maskara ko ay hindi ko magawa. Hindi ko na maramdaman ang katawan ko at halos mawalan na ako ng malay.  "H-huw... ag!" mahinang naisambit ko nang maramdaman ko ang paglapit ng presensya ng pangahas na bampira sa akin. Nanghihina man ay alam kong balak nitong tanggalin ang maskarang suot ko. "Hu... wag." Iyon na lamang ang huli kong naisambit bago ako unti-unting lamunin ng kadiliman. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD