The Billionaire's Downfall
Chapter 1
Lunaʼs Point Of View
Handa na ang lahat. Mula sa plan A, plan, B, at C. Dahil hindi namin alam ang mga posibleng mangyari mamaya. Mas minabuti naming magplano nang maigi upang hindi kami pumalpak. Isa pala itong malaking art exhibition sa isang hotel dito sa syudad at maraming mga bantay ang naroroon. Kaya muli kaming nagplano ng mga gagawin. Lahat ay isinaulo ang gagawin.
Balita ko ay maraming mga mayayaman ang dadalo rito, kaya hindi ko maiwasan ang hindi kabahan. Siyempre, ikaw ba naman ang gagawa nang kasamahan talagang kakabahan ka. Kung ito man ang katapusan ng grupo namin, wala na kaming magagawa pa. Pero gagawin ko pa rin ang lahat nang makakaya ko para lang hindi kami mahuli.
Nangako rin ako kagabi sa ilalim ng buwan na ito na ang huling kalokohang gagawin ko. Kasi alam ko, kung nabubuhay lang si Momma ay pagagalitan niya ako. Kung totoo nga lang ay mga multo ay baka nagpakita na ito sa akin.
"Hoy, Luna! Maghanda ka na. Ilang oras na lang at magsisimula na ang main event nila," tawag sa akin ng isa sa mga kasamahan ko.
Tumingin ako sa kanila at lahat sila'y nakasuot na ng mga pang-waiter na damit. Talagang pinagplanuhan nila ito dahil nakapasok sila bilang mga waiter at nakakuha rin sila ng invitation na siyang hawak ko ngayon.
Tumango lang ako bilang sagot at tumayo na mula sa pagkakaupo. Naririto kami ngayon isang abandonadong bodega at nandito lahat ng mga gamit namin. May mga nakahanda ring mga baril.
“Baks, handa ka na bang gumanda?” Tumingin ako sa nagsalita at nakita ang isang bakla na may hawak na brush sa kaniyang kanang kamay.
Inalalayan niya akong maupo sa isang silyang malapit nang masira at hindi ko na nasundan ang bawat galaw niya. Marami siyang iniligay sa mukha ko, maging ang buhok ko'y inayos din niya. At halos isang oras ang itinagal bago siya natapos.
"Pak! Ganda!" bulalas nito nang makita ang nakaayos kong mukha. Idinilat ko naman ang mga mata at kinuha ang iniaabot niyang pabilog na salamin.
Nang makita ang itsura ay masasabi kong ibang-iba ako ngayon. Hindi makapal ang inilagay niyang kolorete sa mukha ko at hindi rin ganoon kasakit sa mga mata ang kulay na napili niya.
"Wow! Luna, ikaw ba iyan?" Tumingin ako kay Tikboy na nanlalaki ang mga matang nakatingin sa akin.
"Shett!"
Lahat ng mga kasama ko, maging si Carding ay nakatingin na ngayon sa akin. Namula ang pisngi ko at umiwas ng tingin. Hindi ko alam kung matutuwa ako o kakabahan. Ito ang kauna-unahang beses na makapagsusuot ako ng make up.
"Isuot mo na ang damit mo dahil malapit na ang oras," sabi ni Carding na seryosong nakatingin sa akin.
Tumango lang ako at sinunod ang kaniyang gusto. Kinuha ko ang iniabot ng bakla. Isa itong pulang dress na kita ang likuran. Pumasok ako sa banyo rito sa bodega na madumi na dahil wala nang gumagamit. Paglabas ko'y lahat sila ay muling natigilan, natatakot na ako sa paraan ng kung papaano nila ako tingnan. Iba pa naman ang takbo ng mga isip nila.
"Pagsusuntukin ko kayo kung ano man iyang iniisip niyo!" pagbabanta ko na hindi ko na napigilan. Nagtawanan lang sila at saka ibinaling ang tingin sa kani-kaniyang ginagawa.
Hindi nagtagal ay dumating na ang takdang oras. Lahat kami ay lumabas na ng bodegang iyon at sumakay sa isang inarkelang van. Sa loob ng van ay nag-uusap ang lahat tungkol sa mga plano at nakikinig lang ako sa kanila. Kabisado ko naman ang gagawin.
"Gumagana ba ang lahat ng earphones ninyo?" tanong ni Carding na siyang nasa tabi ng driver's seat nakaupo.
Lahat kami ay tumango. Kaya hindi nagtagal ay narating namin ang lokasyon. Naunang bumaba ang mga magpapanggap na waiter at ako naman ay naririto pa rin sa loob ng sasakyan dahil wala pa namang bisita ang nakikita kong pumapasok.
"Kinakabahan ka ba?" Napatingin ako sa driver's seat nang magsalita si Jerome, kasamahan ko na siyang maiiwan dito sa sasakyan upang ihanda ito sakaling paalis na kami.
Tumingin ako sa labas at pinakiramdaman ang sarili. Kinakabahan ako dahil malaking gulo itong pinasok ko kung sakaling magkakaroon man kami ng aberya. Ngunit ito lang ang nakikita kong paraan para makakuha ng malaking pera. Dahil kung malaki ang kikitain namin sa mga bagay na mananakaw namin dito, pagkakataon ko na rin iyon upang makapagsimula at makapagbago. Nasabi ko na iyon sa mga kasamahan ko at hindi naman sila tutol sa desisyon ko.
Lahat naman kami ay gustong magbago pero sa tingin ko'y hindi pa pumapasok sa isipan nila iyon. Ngunit alam ko, balang araw ay pipiliin din nilang magbagong buhay.
"Hindi, bakit naman?"
"Naitanong ko lang. Nakikita ko kasi sa 'yo na kinakabahan ka. Basta ba'y mag-ingat ka sa loob, ʼTol. Tawagin mo ako kung kailangan mo nang tulong dahil darating ako," anito na nakatingin sa rear view mirror.
"Si Superman ka ba?" pagbibiro ko dahil hindi ako mapakali sa kinauupuan ko.
"Hindi pero kaya kong maging superhero para sa 'yo," sagot niya.
"M-Mga kalokohan mo,' Tol." Umiwas ako ng tingin. Ayokong mag-isip ng iba. Kaibigan ko si Jerome simula pa lang ng kami'y mga bata pa. Hindi puwede. Lalo na ngayon ang estado ng buhay namin ay walang-wala kami.
Kaya hangga't maaari ay umiiwas ako.
"S-Sige, lalabas na ako. Maglilibot na muna ako sa loob para kung sakali ay mayroon akong madaanan papalabas." Hindi ko na hinintay ang sasabihin niya dahil agad akong lumabas ng sasakyan.
Nahihirapan akong maglakad dahil sa suot kong heels na may tatlong pulgada ang taas. Kung puwede nga lang na magsuot ako ng rubber shoes ay ginawa ko na ngunit makikita iyon sa suot kong dress at baka isipin pa ng mga makakita ay ang corny ko.
Narating ko ang daan papasok sa loob at mayroon dalawang lalaking malalaki ang katawan na nagbabantay. Walang panama si Tikboy sa kanila, baka magkalasog-lasog ang payat na iyon kung ang mga ito makakalaban niya.
"Invitation?" tanong ng isa gamit ang mautoridad na boses, nakakakilabot. Ngunit hindi ko ipinakitang may takot akong naramdaman pansamantala.
Binunot ko ang itim na invitation card mula sa hand bag na hawak-hawak ko at iniabot iyon sa kanila. Pinagmasdan nila iyon na para bang hindi sila makapaniwala.
"Mga boss, puwede na ba akong pumasok?" tanong ko nang ilang segundo ang lumilipas.
"Enjoy the show, ma'am." Tumango lang ako at pumasok na sa loob.
Pagpasok ko sa loob ay namangha ako sa aking mga nakikita. Kakaunti pa lang ang mga nariritong bisita at lahat sila'y abala sa kani-kanilang mga nakakaharap. May mga bagay na natatakpan ng tela at sigurado akong ang mga bagay na ito ay mga importanteng bagay na maaari naming ibenta.
Naglakad ako at naghanap ng puwede kong puwestuhan. Nahihirapan pa rin akong ilakad ang suot kong high heels. Kung bakit pa kasi naimbento ang bagay na ito.
"Miss, are you okay?" Napahawak ako sa braso ng kung sino mang lalaking sumalo sa akin. Mabuti na lang at dumating ito dahil baka masubsob ako sa sahig kung sakaling hindi niya ako nasalo.
Umayos ako ng tayo at hindi agad nakapagsalita nang makita ko ang kaniyang mukha. Nakakunot ang noo niya ngunit hindi nababawasan ang ganda ng kaniyang mukha. Ang matangos niyang ilong at ang napakagandang kulay ng mga mata na tila ba nilalamon ka nito ng buhay.
"Hey?" Napabalik ako sa reyalidad at mabilis na lumayo dahil sobrang lapit namin sa isa't isa.
"A-ah, oo, a-ayos lang ako. M-Maraming salamat," sabi ko't mabilis na umalis at naghanap ng banyo.
Naiihi ako sa kung papaano niya ako tingnan.