THE BILLIONAIRE’S DOWNFALL – CHAPTER 3 Luna's Point Of View
Ilang minuto na lang ang hinihintay namin at magsisimula na ang programa. Kababalik ko lang mula sa banyo at heto nga’t parami na nang parami ang mga bisita. Hindi ko maiwasang kabahan dahil kahit saan ako tumingin ay may mga nakabantay na mga guwardiya at ang lalaki pa ng kanilang katawan. Pero nandito na kami, hindi ako puwedeng umatras na lang bigla.
Malaking halaga ang mga bagay na ‘to kung maibebenta namin at kapag nangyari iyon, makakapagsimula ako ng bagong buhay. Huling kasamaan na gagawin ko ito. Nangako ako kay Mamu na ititigil ko na ang kasamaan.
“Hi.”
Muntik na akong mapatalon sa gulat nang may bigla na lang sumulpot sa harapan ko. Iniangat ko ang tingin upang tingnan ang kaniyang mukha ngunit sana’y hindi ko na lang iyon ginawa dahil biglang bumilis ang kabog sa dibdib ko. Naging doble pa nga yata ito nang makita ko kung gaano ka-guwapo itong nasa harapan ko ngayon.
Luna, umayos ka!
“Wanna have some drinks?” tanong niya, may ngiti pa sa kaniyang labi na nakakalaglag panty. At ngayon ko lang din namalayan na siya nga pala iyong lalaking nakabangga ko’t sumalo rin sa akin kanina.
Umiwas ako ng tingin at tumingin-tingin sa paligid. Abala ang mga taong nandirito ngayon sa kani-kanilang kausap. Maging iyong mga kasama ko’y abala rin sa pag-serve sa mga bisita. Mabilis ding lumapit si Jerome sa puwesto namin, bitbit nito ang isang tray na naglalaman ng alak. Kulay pa lang nito’y mukhang mamahalin na.
Sumenyas ito gamit ang ekspresiyon nito sa mukha. Agad ko iyong naitindihan at marahan lang akong tumango. Sa tagal na naming ginagawa ito, naiintindihan na namin ang sinasabi ng bawat isa kahit hindi nila ibuka ang mga bibig nila.
Kailangan ko lang magpanggap. Hindi dapat ako mahalata ng kahit sino man dahil kapag pumalpak ako, lahat kami'y bistado.
“Salamat,” aniko at saka kinuha ang alak sa kaniyang tray. Lumingon naman ako sa lalaking kanina pa nakatayo sa harapan ko. Iniabot ko rito ang alak na agad naman niyang tinanggap. Sumimsim ako nang kaunti sa alak dahil hindi naman ako manginginom. Ginawa ko lang iyon dahil hindi ko alam kung ano’ng sasabihin ko rito.
“How’s the taste?” agad nitong tanong at nakakairita iyong paraan nang pagtingin niya.
“A-Ayos lang,” maikli kong sagot. Nagbago ang ekspresiyon nito sa mukha. Mula sa parang nagliliwanag siya’y napunta sa seryosong mga titig. Ano bang dapat? Kailangan pa bang ipaliwanag sa kaniya kung ano’ng lasa ng alak? Mapait na manamis-namis. Para bang perfect partner ang pait at tamis dito. ‘Yun ba ang gusto niyang marinig?
“What do you mean? I made this and I know it taste good,” anito. Agad kong naintindihan ang sinabi niya. Mukhang naapakan ko yata ang pride nito.
Hindi na lang ako sumagot at tumingin sa entablado kung saan may biglang umakyat doon. “Good evening, Ladies and Gentlemen! Tonight, we wanted you to witness the success of KR’s corporation. And that thing scattered on this place is the evidence of their hard work, especially the CEO. I want you to meet, Khalil Riveirre, the owner and the CEO of KR’s corporation.”
Nagpalakpakan ang mga tao at napansin ko ang pag-alis ng lalaking katabi ko’t lumapit sa entablado. Siya pala ang may-ari. Sinundan ko ito ng tingin at nang makaakyat siya sa itaas ay kaagad na bumalot sa paligid ang bulungan. Hindi dahil sa may mali itong nagawa kundi dahil sa guwapo nitong mukha. Samut-sari ang naririnig kong mga papuri. At nang ngumiti pa ito’y nakarinig ako ng tiliian ng iilang mga babae.
“Good evening, Ladies and Gentlemen…” panimula nito habang inililibot ang paningin at naestatwa ako nang tumigil ang mga mata nito sa dereksiyon ko. Nagkatitigan kaming dalawa ngunit mabilis lang iyon dahil agad siyang umiwas. “I want to thank you for being here tonight. If it weren’t for you, this thing wouldn’t have happened. So at this time, I want you to see the hard work of our company. Enjoy the rest of the night. Thank you!”
“Handa ka na.” Hindi pa man ako nakakalingon sa pinanggalingan ng boses na iyon ay kaagad na namatay ang mga ilaw sa buong lugar. Hindi ako nakagalaw sa kinatatayuan ko dahil naghihintay ako nang susunod na mangyayari. Katulad ko’y tahimik din ang mga bisita at hinihintay kung ano’ng susunod na mangyayari.
“Luna, nasaan ka?” Napahawak ako sa earphones na suot-suot ko.
“Romeo?” tanong ko dahil hindi ko halos mabosesan kung sino ang nasalita.
“Oo. Ako ‘to, umalis ka riyan bago pa magkaroon ng ilaw. Nakuha na namin lahat ng kailangan!” anito. Mabilis akong luminga-linga sa paligid upang maghanap nang mararaanan ngunit halos wala akong makita kung hindi pa pinailaw ng mga nandirito ang kanilang mga cell phone.
Mabilis naman akong kumilos nang makakita ako ng pasilyo malapit sa akin ngunit bago pa man ako makatalikod ay nakaramdam ako ng kamay na humawak sa braso ko’t puwersahan akong hinila upang makaharap dito. At sa gulat ko’y hindi ako nakakilos sa ginawa nitong paghalik sa akin. Nanlalaki ang mga mata ko. Mabilis lang iyon at agad naman niya akong binitiwan.
“Meet me later at room 201,” bulong nito bago ako bitiwan at iwan sa aking kinatatayuan.
Sino iyon? At bakit niya ako hinalikan?!
Hindi pa man ako nakagalaw ay mabilis kong naramdaman ang mga kamay na muling humila sa aking braso.
“Kanina pa ako nagsasalita! Hindi ka nakikinig. Malilintakan tayo sa ginagawa mo, e!” singhal nito habang hila-hila ang kamay ko. Sa emergency exit kami dumaan at mabilis na nakarating sa labas kung saan naghihintay ang sinakyan naming van kanina. Doon ko lang nakita si Romeo na nakabunsangot ang mukha.
“P-Pasensiya na. H-Hindi ko alam na iyon na pala ang hudyat,” sabi ko ngunit hindi na niya ako pinansin at binitiwan ang kamay ko. Pumasok siya sa loob ng sasakyan at sumunod naman ako. Kaagad kaming umalis doon dahil baka matunugan na ng mga guwardiya na nawawala na ang mga mamahaling mga bagay roon sa loob.