“Oh my god! Ang tattoo!” Naibulalas ko, sabay takip sa aking bibig. Walang pagdadalawang-isip na sinundan ko ang lalaking naka topless na may nakasampay na puting tuwalya sa kanang balikat nito.
Mabilis akong nagkubli sa isang haligi ng pumihit siya paharap sa aking direksyon. Marahil ay naramdaman ng lalaki ang presensya ko. Halos mabingi ako sa lakas ng kabôg ng dibdib ko.
This time ay hindi ako pwedeng mag padalos-dalos. Kailangan kong mag-ingat. Ang tattoo na ‘yun ang susi para malaman ko kung sino ang ama ng aking si Chiyo.
Naalarma ako ng biglang nawala mula sa kahabaan ng pasilyo ang lalaking sinusundan ko. Subalit, nang marinig ko ang pagsarado ng pinto malapit sa kinatatayuan nito ay naghinala ako na ang silid na ‘yun ang okupado ng lalaki.
“Nandito ka lang pa lang maarte ka- hmp!” Si kuya Harold na bigla na lang sumulpot sa likuran ko. Hindi na niya na ituloy ang sasabihin dahil mabilis kong tinakpan ang bibig nito.
“Yucks! Ang laway mo!” Nanadidiri kong saad sabay pahid ng palad ko sa parteng dibdib nito.
“Hoy, tumigil ka, nag to-toothbrush ako three times a day. Tayo na.” Napipikon na sabi nito sabay hawak sa braso ko. Kaagad akong tumutol at binawi ang braso ko mula sa kanya.
“Ano na naman!?” Naaasar na tanong nito sa akin, nag mukha talaga kaming magkapatid dahil nagpapaka-kuya siya sa akin. Nagsimula ng magluha ang mga mata ko at isang nakikiusap na tingin ang binigay ko kay kuya Harold.
“Huwag mo akong tingnan ng ganyan, Maurine, umalis na tayo!” Ani nito na parang akala mo ay nakikipag-usap sa isang bata.
“Kuya, pagbigyan mo na ako kahit ngayon lang, kailangan kong makausap ang lalaking ‘yun.” Pagsusumamo ko dito, subalit nanlaki ang mga mata nito na parang gusto na niya akong batukan.
“Aba’t! Ano na naman ‘yang tumatakbo sa utak mo?” Nanenermon niyang saad, mabilis kong kinuha ang kanyang mga kamay.
“Kuya, nakita ko na kung sino ang ama ni Chiyo, pakiusap hayaan mo akong makalapit sa lalaking ‘yun para kay Chiyo. Ayaw mo bang maging masaya si Chiyo?” Ani ko na may halong pakiusap at bahagya ko pa siyang kinunsensya.
Lihim na nagdiwang ang kalooban ko ng makita ko na lumambot ang ekspresyon ng mukha ni kuya Harold.
Bilisan mo ha, kapag nagtagal ka, may batok ka sa ‘kin!” Pasinghal niyang sabi pero wala akong maramdaman na galit mula dito.
“Thank you, kuya.” Ani ko sabay abot ng bag ko dito bago mabilis na lumabas mula sa pinagkukublihan namin. Napangiti ako ng makita ko ang isang chambermaid na may tulak-tulak na cleaning cart. Kasalukuyan itong nag hahalungkat mula sa bulsa ng suot niyang apron. Mukhang may nakalimutan yata ang babae.
Ilang sandali pa ay nagmamadali na itong umalis at pumasok sa loob ng elevator. Sinamantala ko ang pagkakataon at kaagad na lumapit sa push cart. Aware naman ako sa trabaho ng Chambermaid dahil Hotel and Restaurant Management naman ang pinag-aralan ko. ‘Yun nga lang isa akong undergraduate.
Pagkatapos ng tatlong katok ay saka ko sinabi ang salitang “room service!” Bago pinihit ang door knob ng pinto. Tahimik na pumasok ako sa loob ng silid.
Mula sa loob ay nadatnan ko ang isang lalaki na nakatayo patalikod sa akin habang nakatanaw na salaming pader ng hotel. May kausap siya mula sa cellphone kaya wala itong panahon na lingunin ako. Nagsimula na akong maglinis sa paligid. Una kong ginawa ay pinunasan ko ang ibabaw ng mga kabinet habang manaka-nakang sumusulyap sa lalaking nakatalikod sa akin, pilit na sinisilip ang mukha nito.
“I told you, Babe, ikaw na ang bahalang magdesisyon. Oh, come on! Bukas na ang kasal natin pero, puro ka pa rin selos.” Tila napipikon na wika ng lalaki sa kausap nito.
Napatda ako sa aking kinatatayuan, hindi ko alam kung bakit, pero tila tinusok ng libong karayom ang puso ko. Sa tagal kong nakatulala ay hindi ko na namalayan na tapos na palang makipag-usap ang lalaki.
Bigla akong nataranta ng makita ko na kumilos siya, subalit, sa katangahan ko ay natabig ko ang isang babasaging florera. Nalaglag ito sa sahig at nabasag na siyang lumikha ng malakas na ingay.
Bigla ang ginawang paglingon ng lalaki sa aking direksyon. Ganun na lang ang labis na pagkagimbal ko ng tuluyan siyang humarap sa akin at nag tama ang aming mga mata.
“M-Mr. Blue eyes!?” Nagugulumihanan kong sambit maging siya ay natulala sa mukha ko. Halatang maging ito ay nagulat ng makita ako.
“Oh my God! Si Mr. Blue eyes ang ama ni Chiyo ko!?”