"SANTICIDAD..." Mahinang basa ni Hiromi sa karatula na nasa harapan nila. Inilagay lang ang maliit na karatula sa isang mahabang kawayan na nakatusok sa lupa.
Ang pangalan pala ng lugar na nakita ni Nysa sa Google Map ay Santicidad. After a long five hours travel, finally, narating na nila ang lugar na iyon. Medyo nahirapan pa silang hanapin ang Santicidad dahil sa matatas na bato na nakapaligid dito. Mabuti na lang ay may nakita silang makipot na lagusan. Pumasok sila doon at nang marating nila ang dulo ay nakapasok na sila sa maliit na bayan na ito.
Feeling niya ay nag-time travel sila sa panahon kung saan hindi pa uso ang technology sa Pilipinas. Sobrang simple ng lugar na ito. Puro kubo ang bahay pero may isa siyang nakikitang bahay na medyo malaki at konkreto. Nag-iisa lang iyon. Wala ring poste ng kuryente, so, she assumed na walang electricity dito. Wala ring tao sa labas ng bahay kahit na tanghaling-tapat. May palayan ngunit nakaka-bother ang mga patay na pananim doon. Hindi rin niya maramdaman ang spirit ng Christmas sa lugar. Walang Christmas decorations kahit ilang araw na lamang ay Pasko na.
"Safe ba 'yong van doon?" tanong ni Hannah sa kanya.
Iniwan kasi nila iyong van sa gitna ng gubat. Hindi na kasi nito kayang pumasok pa hanggang sa Santicidad or kahit sa labas nito dahil sa siksikan na ang mga puno.
"I think so. Wala namang nagpupunta siguro doon sa pinag-iwanan natin ng van," sagot niya.
Biglang umakbay sa kanya si Jepoy pero agad niyang inalis ang braso nito sa balikat niya. Ipinakita niya na hindi niya gusto ang ginagawa nito.
Sandali siyang nagpaalam sa grupo dahil tatawagan niya ang kanyang mommy parta sabihin na nandito na sila sa pupuntahan nila. Pero hindi niya ito natawagan dahil walang signal. Lahat sila ay medyo nainis dahil doon. Mukhang good bye internet muna sila hanggang Christmas. Balak kasi nilang mag-stay dito hanggang pagkatapos ng Pasko. Gusto nilang itodo ang pagtulong sa Santicidad para naman sulit ang pagpunta nila.
Nakita ni Hiromi tila pinagmamasdan ni Tor nang maigi ang buong lugar. Maya maya nga ay nagsalita ito. "Parang may mali sa lugar na ito..."
"I know! Hindi ko ma-feel ang Christmas spirit! Mabuti na lang may dala tayong Christmas decorations," sabi niya. Humarap siya sa lahat. "Guys, maganda siguro kung magtayo tayo ng Christmas tree sa gitna ng kabahayan dito. For sure, matutuwa ang mga tao kapag nakakita sila ng ganoon. Look, sa tingin ko, mahihirap lahat ng tao dito. At dahil siguro doon ay hindi na sila nakakabili ng Christmas decors, so, tayo na lang ang magdedecorate ng lugar na ito. Okay ba sa inyo?"
"Yes..." Walang buhay na chorus ng lahat.
"Ano ba 'yan? Parang wala naman kayong energy!"
"Wala talaga. Gutom na kaya kami!" ani Andrei.
"Sige. Kumain muna tayo nang mabilis tapos G na tayo sa pagtayo ng Christmas tree," sabi niya.
-----***-----
BINILISAN lang nila ang pagkain at nagtayo na sila ng Christmas tree sa gitna ng kabahayan. Six feet ang taas ng Christmas tree na puno ng palamuti. Iyon nga lang, hindi na nila inilagay ang Christmas lights kasi wala naman yatang kuryente dito. Napakaganda niyon. Parang nagsilbi siyang ilaw sa malungkot na lugar ng Santicidad.
"Sino kayo?! Anong ginagawa niyo dito?!"
Lahat sila ay nagulat nang may isang matandang babae ang nagsalita at lumapit sa kanila. Magsasalita na sana siya para magpakilala pero bigla nitong nilapitan ang Christmas tree at itinumba iyon.
"Alisin niyo 'yan! Umalis na kayo dito!" Galit na sigaw ng matanda.
"Lola, calm down--"
Itinulak ng matanda si Nysa. "Umalis na kayo!"
"Anong nangyayari diyan?" Isang lalaki naman ang dumating.
Isa-isa nang lumabas ang mga tao sa mga bahay. Nakatingin lang ang mga ito sa kanila with their sinister look. Kinilabutan tuloy siya bigla dahil doon.
Nilapitan ng matanda ang lalaki. "Kapitan, nagtayo ang mga kabataang iyan ng simbolo ng Pasko!" Itinuro pa nito ang nakatumbang Christmas tree.
Ngayon, alam na niya na ang lalaking iyon ang kapitan ng lugar na ito. Kaya ito ang nilapitan niya para kausapin. "Magandang hapon po, kapitan. Ako po si Hiromi at sila naman ang mga friends ko. Nandito po kami para tumulong sa inyong lugar. Magbibigay po kami ng mg regalo, magsasagawa rin po kami ng programs para sa mga bata katulad ng feeding program, story telling at--"
"Hindi namin kayo kailangan dito. Umalis na kayo." Kalmado ngunit madiin ang pagkakasabi nito.
"Pero, we are here to help--"
"Hindi ba kayo marunong makaintindi? Aalis ba kayo o kakaladkarin namin kayo palabas?"
Lumapit na sa kanila si Tor. "Sir, tutulong lang po kami sa inyo. Sana hayaan niyo kaming gawin iyon. Gusto lang namin na maging maganda ang Pasko niyo," anito.
Umiling ang kapitan sabay ngisi. "Kahit kailan... hindi naging maganda ang Pasko namin. At hindi ganiyang tulong ang kailangan namin!"
"Anong tulong po ba? Sabihin niyo po sa amin," turan niya.
"Umalis na kayo." Mariin nitong sabi.
Wala na silang nagawa kundi ang sundin na lang ang kapitan. Habang naglalakad sila paalis bitbit ang Christmas tree ay napansin niya ang takot sa mukha ng mga taong naroon. Para bang humihingi ang mga ito ng tulong na hindi niya maintindihan. Lumabas na sila ng Santicidad at bumalik sa van. Doon ay nag-usap sila kung ano ang kasunod na gagawin.
"Siguro, maghanap na lang tayo ng ibang lugar." Suggest ni Hannah.
Umiling siya. "No. Santicidad pa rin tayo. Iyong kapitan lang naman ang ayaw na gawin natin ang outreach program natin sa lugar nila pero iyong mga tao, I think, kailangan nila tayo. Babalik tayo dito before Christmas. Gabi ng twenty-four... Pupuslit tayo. Para sa Pasko natin gagawin ang mga plano natin."
"Paano 'yong kapitan? Nakakatakot kaya siya!" ani Nysa.
"Well, bibilisan lang natin ang pamimigay ng regalo tapos aalis na tayo. Ganoon lang."
"So, saan na tayo muna nito?" tanong ni Tor.
"Mag-hotel muna tayo. Doon muna tayo magpapalipas ng mga araw..."
-----***-----
4 DAYS BEFORE CHRISTMAS...
Kumakain si Lia at Lola Barang ng tanghalian nang may kumatok. Pinabuksan niya agad ng pinto ang kumatok at sumalubong sa kanya si Kapitan Lucas. Yumukod siya dito at binati ito ng magandang tanghali.
Sumilip ito sa loob ng kubo na para bang may hinahanap. "Nasaan ang Lola Barang mo, Lia?" tanong nito sa kanya.
"Nasa loob po, kapitan. Kumakain po ng pananghalian. Kain po kayo..." Magalang niyang tugon.
Hindi niya maiwasang mapansin ang nangyayari sa labas. Nagtitipon-tipon ang lahat ng matatanda doon at ilang buntis. Alam na niya kung bakit hinahanap ni kapitan ang kanyang lola-- ngayong araw ililikas ang mga matatanda at buntis sa ligtas na lugar.
"Pakisabi sa kanya na tapusin niya lamang ang kanyang pagkain at maghanda na siya. Isang oras mula ngayon ay ililikas na sila sa ligtas na lugar."
"Makakarating po. Salamat po!" Yumukod siyang muli bago ito umalis.
Binalikan ni Lia si Lola Barang at nagtanong agad ito kung sino iyon. Sinabi niya dito na si Kapitan Lucas. Sinabi rin niya ang pakay nito.
"Sasama ka na sa akin sa paglikas, Lia. Wala akong tiwala sa iyo. Baka magpaiwan ka dito," anito habang nakatingin sa kanya nang mataman.
Hindi niya magawang makatingin nang diretso sa matanda.
"Lia!" tawag nito. Medyo pasigaw.
Napapitlag si Lia sabay tingin dito. "O-opo, lola. Hindi ko na naman po kailangang sumabay sa inyo. Lilikas po ako sa araw ng paglikas ng mga kabataan sa ligtas na lugar." Labis siyang nakonsensiya sa sinabi niyang iyon dahil alam niya sa sarili na kasinungalingan lahat ng iyon.
Wala siyang balak umalis ng Santicidad ngayong Pasko. Buo na ang loob niya na harapin ang Wakwak at ipaghiganti ang kanyang pamilya!
"Wala akong tiwala sa iyo, Lia. Gumayak ka na at sasama ka na sa akin sa ligtas na lugar."
"Pero, lola--"
"Susunod ka sa akin, Lia!"
Tumayo na si Lola Barang. Kinuha na nito ang lumang sako kung saan nakalagay ang mga gamit nila. Hinila siya nito palabas ng kubo at isinara iyon. Sumama na sila sa kumpol ng matatanda at mga buntis. Gusto niyang kumawala sa pagkakahawak nito ngunit napakahigpit ng hawak nito sa kamay niya.
Dumating na si Kapitan Lucas at tinignan ang lahat ng matatandang naroon. Huminto ang mata nito sa kanya.
"Lola Barang, bakit kasama niyo si Lia? Ang paglikas na ito ay para sa matatanda at buntis muna. Hindi pa ito para sa mga kabataan. Kakailanganin pa namin ang tulong ng kabataan dito bago magising ang Wakwak," ani kapitan.
Bahagya siyang nabuhayan ng loob sa sinabi ni Kapitan Lucas.
"Ngunit, kapitan, baka naman maaaring isama ko na si Lia. Nangangamba kasi ako na baka hindi siya lumikas," pangangatwiran ni Lola Barang.
"Hayaan mo at sisiguruhin kong lilikas si Lia. Sa ngayon, kayo muna ang maaaring lumikas. Pasensiya na po..."
Marahang lumuwag ang kapit ni Lola Barang sa kanya hanggang sa bitawan na siya nito. Wala kasi itong pagpipilian kundi ang sundin si kapitan. Tinignan siya ni Lola Barang sa mga mata.
"Ipangako mo sa akin, Lia... Lilikas ka!"
Tumango siya. "P-pangako po..."
Niyakap siya nito nang mahigpit. Alam niyang umiiyak ito. "Ikaw na lang ang meron ako, Lia. Tuparin mo sana ang iyong pangako!" Nang humiwalay ito ay tigam ng luha ang mata nito.
Hindi na siya umimik dahil sinabi na ni kapitan na lumakad na ang mga matatanda at mga buntis papunta sa ligtas na lugar.
Kumaway siya kay Lola Barang habang papalayo ito. Patawarin niyo po ako, lola, ngunit hindi ko kayang tuparin ang aking pangako... bulong niya sa kanyang sarili.