6 DAYS BEFORE CHRISTMAS...
Inilagay ni Tor sa kanyang tenga ang earphones na nakakabit sa kanyang cellphone. Nagpatugtog siya ng music habang pinapanood ang mga kaibigan niya na hindi na magkanda-ugaga. Kasalukuyan silang nasa bahay ni Hannah, sa salas to be exact. Pinag-uusapan nila ang tungkol sa charity project na gagawin nila. Ayaw niyang makinig sa mga ito, ayaw niyang makadagdag sa ingay. Ang totoo nga niyan, hindi naman niya gusto itong ginagawa nila. Nakikisama lang talaga siya. Mas okay pa sa kanya na matulog na lamang sa bahay. Christmas break na... Dapat nakakapagpahinga siya pero hindi dahil sa charity project na ito.
Sumandal siya sa upuan at pumikit.
Sabay ng pagsara ng mata ay para siyang nakatulog bigla at nanaginip.
May nakikita siya... Isang babaeng maganda. Nasa harapan niya ito tapos... tapos... biglang nagbago ang anyo. Naging magaspang ang balat ng babae. Naging isang halimaw na may malaking pakpak!
"Tor!"
Napabalikwas si Tor ng bangon nang may biglang mag-alis ng earphone sa tenga niya. Balisa siyang tumingin sa kaliwa at nakita niya si Hiromi na hawak ang earphone niya.
"You're not cooperating! Kailangan namin ng suggestion mo..." anito.
Bahagya niyang ipinilig ang ulo sabay kuha ng earphone. Isinilid niya iyon sa bulsa ng suot na shorts. "Ano kaya kung 'wag na natin itong ituloy?" seryosong sabi niya.
Napatingin ang lahat sa kanya.
Hindi niya sinabi iyon dahil sa ayaw na niya ng gagawin nila kundi dahil sa pangitain na nakita niya. Meron kasi siyang kakaibang kakayahan na nakikita niya ang mangyayari at nangyari na sa mga pagkakataon na hindi niya inaasahan. Or minsan, signs. At iyong babaeng halimaw na nakita niyao nang ipikit niya ang kanyang mata? Pakiramdam niya ay isa iyong bad sign.
"Good idea!" Itinuro pa siya ni Jepoy. "Tutal, marami na tayong na-save na pera, ipang-Boracay na lang natin iyon. Mas masaya pa!"
"I agree! I second the motion!" Hirit naman ni Andrei.
"Alam niyo, guys, hindi kayo nakakatulong. Kailangan na nating i-push ito dahil nasimulan na natin ito." Tumayo na nga si Hiromi.
Malalim naman na huminga si Hannah. "Paano natin ito mapu-push kung we have the budget pero wala naman tayong place na pupuntahan para isagawa ang charity project natin." Tumayo na rin ito at nagpaalam na kukuha lang ng meryenda sa kusina.
"Guys, maghanap naman kayo sa phone niyo. Any small town na kaya ng budget natin." Parang nawawalan na ng pag-asa si Hiromi.
Iyon ang kanina pa nila pinagtatalunan at pinag-uusapan. Wala kasi silang makitang lugar na pwede nilang puntahan para sa charity project. Tapos kapos na rin sila sa oras dahil anim na araw na lang at Pasko na. Ang balak kasi nila ay sa mismong Pasko gawin ang project.
Maya maya ay biglang tumayo si Nysa habang hawak ang phone nito. "Nakakita na ako!" Masayang turan nito.
"Not now, Nysa--"
"Trust me, Hiromi. Look!"
Ibinigay nito kay Hiromi ang phone at tinignan naman iyon ni Hiromi. Dahil katabi niya si Hiromi ay nakita niya ang tinitignan nito sa Google Map. Zi-noom in nito ang lugar at nakita niya na walang pangalan ang naturang lugar.
"Anong lugar ito? Walang name..."
"Perfect for our project!" Dumating na si Hannah dala ang meryenda. Pizza at juice. "Patingin nga." Kinuha nito kay Hiromi ang phone. "Wow... Ang liit lang ng town na ito, ha. Iyon nga lang parang mahirap puntahan."
"Walang mahirap puntahan lalo na kung may Google Map!" singit naman ni Beatrice na nauna na sa pagkain ng pizza.
"Okay. So, ito na ang pupuntahan natin. Mag-ready na tayo, guys. Kailangan na nating mamili tapos bukas na bukas ay pupuntahan na natin ang lugar na ito." Nakangiting sabi ni Hiromi sa kanilang lahat.
-----***-----
5 DAYS BEFORE CHRISTMAS...
Paglabas ni Lia ng kubo ng umagang iyon ay nakita niya ang mga tao sa labas na nagtitipon. Nasa harapan ng mga ito si Kapitan Lucas at nagsasalita. Pumunta siya sa kumpol ng mga tao at hinanap si Lola Barang. Tumabi siya dito nang makita niya ito.
Limang araw na lang at Pasko na. Dama niya ang mas tumitinding takot sa bawat isa na naroon. Lahat ay may pangamba sa nalalapit na pagkabuhay ng Wakwak. Tuluyan nang namatay ang lahat ng pananim sa palayan na nasa gitna ng bayan. Ang lamig ng hangin ay may kakaibang hatid. Lamig na nakakapagpatindig ng balahibo. Nagbibitak-bitak na rin ang lupa. Ang lahat ng iyon ay senyales na muling babangon ang Wakwak para manalasa sa Santicidad.
Ito na pala ang araw na ang iba sa kanila ay lilikas na sa ligtas na lugar-- ang kweba sa labas ng Santicidad. "Nandito na ba ang lahat?" tanong ni Kapitan Lucas.
"Opo, kapitan!" sigaw nilang lahat.
"Mabuti naman kung ganoon. Nandito tayo upang planuhin nang mabuti ang paglikas na ating gagawin. Inuutusan ko ang lahat ng kalalakihan na dalhin sa kweba ang lahat ng kakailanganin natin. Mga pagkain, gamit sa pagluto at kung anu-ano pa. Iyon lang ang gagawin natin ngayong araw. Para bukas ay hindi na tayo mahirapan sa paghahakot ng mga gamit. Lilikas na lamang tayo. Gaya ng ating nakasanayan, uunahin na ilikas ang mga matatanda at buntis. Tatlong araw bago ang Pasko naman ang kababaihan at mga bata. Sa sunod na araw ay ang mga kabataan at sa bisperas ng Pasko ay ang mga kalalakihan naman na siyang magsasara ng lagusan papasok ng ating bayan. Hinihiling ko na sana ay maging ligtas tayong lahat sa darating na pagkabuhay ng Wakwak." Matapos magsalita ni kapitan ay kumilos na ang lahat ng kalalakihan.
Sila naman ni Lola Barang ay magkasamang nagbalik sa kubo. Agad itong kumuha ng lumang sako at nagsilid ng mga gamit nila doon. Pinapanood niya lamang ito.
Napahinto ito nang maramdamang pinapanood niya ito. "Lia, ano ba? Ako ay tulungan mo dito!"
"Lola, hindi po ako sasama sa inyo sa kweba..."
"Ano?!" gulat na bulalas ng matanda. "Anong pinagsasabi mo, Lia?!" Ibinaba nito ang sako at nilapitan siya. Hindi siya nakasagot at iniwasan niya ang tingin nito. "Sagutin mo ako, Lia!"
Bumuntung-hininga si Lia sabay punta sa bintana at tumalikod dito. "Ang sabi ko po, hindi ako lilikas. Dito lang ako. Hihintayin ko ang pagbabalik ng Wakwak. G-gusto kong ipaghiganti ang pamilya ko."
"Nababaliw ka na! Imposible ang sinasabi mo! Walang kahit na sino ang kayang pumatay sa Wakwak. Marami na nag sumubok ngunit silang lahat ay nabigo. Isang kahibangan ang naiisip mo. At hindi ako makakapayag sa naiisip mong iyan! Tandaan mo, walang kamatayan ang halimaw na iyon!"
Humarap siya. "Paano kung meron, lola? Paano kung magawa ko?"
"Hindi mo gagawin! Ipapahamak mo lamang ang iyong sarili! Huwag matigas ang ulo mo, Lia. Sasama ka sa paglikas sa kweba at hindi ka magpapaiwan. Naiintindihan mo ba?"
"O-opo..."
Sinabi lang niya iyon upang matapos na ang kanilang diskusyon ngunit iba ang nasa utak niya. Itutuloy pa rin niya ang kanyang plano. Hindi siya lilikas kahit anong mangyari. Matagal niyang hinintay ang pagkabuhay ng Wakwak at hinding-hindi niya papalampasin ang pagkakataong iyon para maipaghiganti ang kanyang pamilya. Kung mapaslang man siya ng Wakwak ay wala siyang pakialam. Ang importante ay sinubukan niya kesa hindi.
"Mabuti naman kung ganoon. Huwag mong ipipilit ang gusto mong iyan, Lia. Halika at tulungan mo na lamang ako sa pag-e-empake ng ating mga gamit." Sumunod na lamang siya kay Lola Barang.
-----***-----
NAKATINGIN lang si Hiromi sa Google Map. Nasa loob na sila ng van na inarkila nilaupang puntahan ang lugar na nakita ni Nysa. Kahit pala minsan ay nakakapag-isip din ng maganda si Nysa. Iyon nga lang mas madalas itong tatanga-tanga.
Balik sa lugar na pupuntahan nila...
Base sa hitsura nito sa map ay masyadong liblib nag naturang lugar. Ngayon lang siya nakakita ng bayan na nasa gitna ng gubat at napapalibutan pa ng bato or bundok, hindi siya sigurado. Pero this is the perfect place para sa charity project nila. Mukha kasing hindi pa ito napupuntahan ng kahit na sino. For sure maa-appreciate ng mga tao doon ang ibibigay nila.
Nasa unahan siya katabi ng driver's seat. Maya maya ay sumakay na si Tor sa tabi niya. Ito kasi ang marunong mag-drive sa grupo. Medyo nakatipid sila kasi hindi na nila kailangang magbayad para sa driver.
"Alis na ba tayo?" tanong sa kanya ni Tor.
"Wait. Okay na ba? Naisakay na ba lahat ng gamit?"
"Okay na, madam!" Nagulat siya nang mula sa likuran ay biglang dumukwang si Jepoy at ninakawan siya ng halik sa pisngi. Sasampalin sana niya ito pero mabilis itongg nakalayo. Hindi naman niya ito maabot dahil sa sandalan ng upuan na nakaharang.
"Jepoy! Nakakadiri ka!"
"Kung makakadiri ka naman, Hiromi, parang wala kayong past ni Jepoy!" singit ni Andrei na tumatawa.
"Hindi kayo nakakatuwa. Promise!" Nakasimangot niyang sagot sabay irap sa dalawang bwisit.
Yes. May nakaraan nga sila ni Jepoy. Naging sila noon pero that was before siyang umalis papuntang Japan. Nakipag-break siya dito dahil hindi siya naniniwala sa long distance relationship. And besides, mga bata pa sila noon. For sure, hindi sila masu-survive ang ganoong klase ng relationship.
Bigla siyang napatingin sa rearview mirror at nakita niya si Hannah na parang masama ang tingin sa kanya. Nang mapansin nitong nakikita niya ito ay bigla itong ngumiti.
Kumpleto na silang lahat sa loob ng van. Inilagay niya sa dashboard ang kanyang phone kung saan naka-open ang Google Map para makita ni Tor ang tamang way papunta sa pupuntahan nila.
"Okay! Lets go!" Pagkasabi niyon ni Tor ay in-start na nito ang makina ng sasakyan at pinaandar na iyon.
Agad naman siyang nag-sign of the cross at taimtim na nagdasal na sana ay maging ligtas ang kanilang biyahe...