Chapter One

1264 Words
Main Characters: Kristin Escala "Trisha Ann Fuentes" Michael Jann Gueco Lucila Jimenez "Jann! Saglit lang matatapos na ako," nakasigaw kong tugon kay Jann nang sumilip ako sa bintana at makita syang nakatayo sa labas ng gate habang hinihintay ako. Nakangiti akong kumaway sa kanya, ganun din ang ginawa nya bilang sagot. Bumalik na ako sa kwarto at humarap sa salamin. Kinuha ko ang pulbos at naglagay nang kaunti sa mukha ko. Wala naman akong masyadong hilig sa mga makeup kaya madalang lang akong mag-aplay nito sa mukha. Mas gusto ko pa ring nakikita ang natural kong hitsura at matanggap ng mga tao ang totoong ako. Hindi ko maiwasang kiligin nang maalalang muli si Jann na naghihintay sa akin. Madalas niyang gawin iyon pero hanggang ngayon, iba pa rin ang epekto nun sa akin. Parang may mahika sya na napapaibig ako sa tuwing may gagawin syang nakapagpapasaya ng araw ko. Hindi pa naman kami opisyal dahil nanliligaw pa lang siya. Pero halos lahat ng taong nakakakilala sa amin ay nakakaalam na duon na rin ang tuloy nun - ang maging magsyota kami. Natauhan ako sa pananaginip ng gising nang marinig ang mga busina at ingay ng sasakyan na nanggaling sa labas ng kalsada. Kinuha ko na ang bag at isinukbit sa balikat ko. Tumingin akong muli sa salamin sa huling pagkakataon at tuluyan nang lumabas ng dorm ko. "Tara," masiglang wika ko sa kanya pagkalabas ko ng gate. Tiningnan ko ang porma nya. Ang tikas nya talagang tingnan. Nakasabit ang isang strap ng backpack nya sa kanang balikat at may dala syang libro sa kaliwang kamay. Nahinto kami sa paglalakad nang makitang mag-green ang traffic light. Mabuti na ang mag-ingat lalo na't pareho kaming graduating ni Jann. Kunting tiis nalang ay magiging Engineers na kaming dalawa. Pareho kaming nagdadasal na makuha agad ang titulo namin. "Gusto mo bang gumala tayo mamaya?" Natuwa naman ako sa tanong niya ngunit hindi agad nakasagot nang makasagap ng kakaibang awra sa paligid. Napahawak ako sa aking ulo. "Ayos ka lang? Tin." Hindi. Bakit ngayon pa? "May nararamdaman ka naman?" Kumakalabog sa kaba ang puso ko. Gumilid ako para makita ang tao sa likod ni Jann. Dun nanggagaling ang hindi magandang pangitain ko. Sa likod ni Jann ay isang matandang lalaki na nasa 60 anyos ang edad. Masaya itong nakikipagkwentuhan sa bata na mukhang apo nya. "Jann," maluha-luha kong tawag sa kanya. Ayokong may masaksihang kamatayan na naman. "Shhhh," hinila niya ko para yakapin naging dahilan para mas makita ko ang matanda sa likod nya. Nakagat ang ibabang labi at pumikit nang mariin. Nagtagal ay may narinig na akong mga nagsisigawan. Yung iba humihingi ng tulong at nakikiusap na tumawag ng ambulansya. Dumilat ako, bumungad sa akin ang nakahandusay na matanda. Ang batang kasama nya ay nagsisigaw na umiiyak habang tinatawag ang kanyang "lolo". Tuluyan na akong umiyak. Naramdaman kong hinila ako ni Jann para magpalit kami ng pwesto at hindi ko na makita ang mga nangyari. "It's okay Tin. I'm here." Mas hinigpitan nya ang pagkakayakap sa akin. Matagal na itong abilidad sa akin, ang makaramdam ng kamatayan. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako nasasanay. Pero para sa akin, hindi ito abilidad; isa itong sumpa. "Tin ito oh. Uminom ka muna," inilapag nya sa mesa ang kapeng dala sa harapan ko. Nakatulala lang ako habang inaalala pa rin ang insidente kanina. Naupo siya sa silya na nasa tapat ko. Napansin kong niyakap niya ang sarili habang hinahagod ang mga kamay sa mga braso nya. Tama, malamig nga dahil na din sa aircon sa coffee shop na ito pero sa akin, wala lang iyon. "Tin, please." Naramdaman ko ang mainit na paghaplos sa kamay ko. Tumingin ako sa kanya at halata ang pag-aalala sa kanya. Pati sya ay naaabala ko na. "Sorry Jann." Alam nya ang "sense" na meron ako. Simula't sapul nakukwento ko lahat sa kanya. Ganoon din naman sya sa akin kaya siguro nagkapagpalagayan kami ng loob. Umiling si Jann. "Okay ka na ba? Nag-aalala na ako." Hinigpitan nya ang pagkakahawak sa akin. Hindi pa ko nakakasagot nang may kakaiba na naman akong nararamdaman. Nanlaki ang mata ko sa bilang ng awrang nasasagap. Napatayo ako at naikalampag ang mga kamay sa mesa nang pagkalakas-lakas. Nagtinginan ang mga tao sa akin. "Tin, bakit?" natataranta nyang tanong. Napahawak ako sa ulo sa sobrang sakit. Damang-dama ko ang pagtibok ng utak ko na parang lalabasan na ako ng dugo anumang oras. Inikot ko ang paligid. Hindi. Lahat sila. Bakit lahat sila!? Ang waiters, ang teacher na may kausap sa telepono, ang magkasintahang nagtutuksuhan, ang grupo ng estudyante na masayang nagkukwentuhan. Hindi. "Jann!! Jann umalis na tayo dito! Please!" Binibilang ko sa mga daliri ko ang mga segundong natitira bago mangyari ulit ang kinatatakutan ko. 60. 59. 58. 57. 56. Lumapit sa akin si Jann at inakbayan ako sa balikat. Walang alinlangan nya akong hinila papalayo sa lugar na iyon. 5. 4. 3. 2. 1. 0. Nakalayo na kami. Pero gumulat sa amin ang pagbuga ng napakalaking apoy na dahilan ng malakas na pagsabog na nagmula sa coffee shop. Nanghina ang buo kong katawan. I lost it. Napaluhod ako at umiyak. *********************** "Miss, kaya namin kayo pinapunta dito para magtanong lang naman ng iilang bagay." Matamlay ko lang siyang tinitigan. Gusto ko sanang makasama si Jann dito pero sabi nila magkahiwalay daw dapat ang interogasyon sa amin. "Base sa cctv footage na nakuha namin, isang minuto bago mangyari ang pagsabog ay nagtatakbo kayong umalis sa coffee shop." Pagpapaliwanag nya na mas diniinan ang 'isang minuto.' "Maaari nyo po bang sabihin ang nangyari kung bakit nagmamadali kayong umalis ng coffee shop na iyon?" Dinig ko sa tono ng boses nya ang pagdududa. Tiningnan ko siya nang madilim at walang ngiti-ngiting sinagot. "Sinisisi nyo ba kami sa nangyari?" "Hindi naman sa ganun miss. Kayo lang kasi ang natirang buhay nung mangyari ang insidente. Ibig sabihin nun kayo ng kasama mo ang natitirang witnesses sa maaaring nangyari dun sa loob ng coffee shop." Walang ganang sinalampak ko ang likod sa upuan. "Kahit na sabihin ko sa inyo, hindi naman kayo maniniwala." Tumango-tango siyang sinuri ang sagot ko. "Subukan po natin." Bumuntong-hininga muna ako. "May sense of death ako. Parang antenna na nakakasagap ako ng kakaibang pwersa kapag may mamamatay na taong nakapaligid sa akin." Umalingawngaw sa loob ng office ang mga halakhak ng mga opisyal na nakarinig sa sinabi ko. Yung iba impit na tumawa pero alam kong isa lang ang ibig sabihin nun. "T-teka lang--," tumawa uli siya bago magsalita. Nang tumahimik ang lahat saka sya nagpatuloy. "Sinasabi mo miss na naramdaman mo na mamamatay ang mga tao dun sa café na yun?" Hindi ko na gusto ang nangyayari. Iniinsulto na nila ako. Gusto ko nalang lumabas sa office na ito at makita si Jann. "Oo." "Kung ganun miss, bakit hindi mo binalaan ang mga tao dun? Bakit hindi nyo sila pinaalis bago mangyari ang pagsabog?" Marahas kong kinalampag ang mesa at pasigaw na nagpaliwanag. "Dahil hindi ko alam ang mangyayari! Nakakaramdam lang ako ng mga taong mamamatay pero hindi ko nalalaman kung paano!" Nag-iinit na ang mukha ko sa ngitngit. Biglang bumukas ang pinto at huminahon ako ng makita si "Jann." "Tin, bakit? Anong ginawa nila?" Tumayo ako para lapitan sya. Hinawakan nya ang mga kamay ko at hinaplos ang aking mukha. Mas panatag na ako ngayon. Umiling lang ako. "Umuwi na tayo, Jann." "Sige. Lumabas ka na. Kakausapin ko lang sila at uuwi na tayo." Sinundan ko sya ng tingin habang pumapalapit sa mga opisyal. Umalis na ko ng office na iyon dahil hindi ko na maatim ang mapanghusga nilang mga tinginan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD