Prologue
Naupo ako sa sahig sa gilid ng aking kama. Nakadikit sa tainga ko ang cellphone at hinihintay na sagutin ni nanay ang tawag ko. "Hello, nak," napangiti ako nang marinig ang boses nya. Dinig ko sa kabilang linya ang mga kaluskos na tila bumangon sya sa pagkakahiga. Medyo paos pa ang boses nya, tanda na nagising ko sya mula sa kanyang pagkakatulog. "Jusmiyo, alas dos palang ng madaling-araw at tumatawag ka. Ano bang nangyayari sa 'yo?" Tinaas ko ang mga tuhod at niyakap iyon. "Mie, salamat po sa lahat," pinigilan ko ang mga nangingilid na mga luha. "Baka po kasi hindi na tayo magkita," unti-unti ay hindi ko na mapigilang humikbi. Bata pa ako nang mawala ang tatay kaya si nanay na ang umako ng responsibilidad na iniwan niya. "Kayo lang ang tunay na nagmahal sa akin mie. Masayang-masaya po ako na kayo ang naging ina ko." Wala na. Tuluyan na kong umiyak nang malakas. "Ano ka ba namang bata ka! Bakit mo ba sinasabi yan?! Kulang lang yan sa tulog nak. Matulog ka kasi nang maayos baka pinapagod mo masyado ang sarili mo." Napangiti ulit ako. Hindi ko maatim isipin na mauuna ako sa kanya at hindi ko man lang sya maaalagaan sa pagtanda niya. "Mie, isang minuto nalang ang nalalabi ko sa mundong ito. Kaya sa'yo ko nilalaan iyon." "Ano bang pinagsasabi mong bata ka?" Pasigaw ni nanay. Umiiyak na din sya. "Mahal na mahal ko po kayo mie. Sobra."
Isang minuto. Paano kung malaman mong isang minuto nalang ang natitira sa iyo para mabuhay? Anong gagawin mo? Kakayanin mo pa bang gawin lahat ng bagay na gusto mo? YOLO? Pero mukhang... hindi na. Mas magandang ideya ba ang umupo na lang sa isang gilid at antaying matapos ang isang minuto na iyon? O makabubuti na ding mag-iwan ng mensahe sa mga mahal mo sa buhay. Kasi either way, ganun pa rin ang mangyayari: mamamatay ka pa rin. Bago pa ako malagutan ng hininga ay buong-pwersa kong sinubukang magsalita pang muli. "Ma, pakisabi po kay Jann---" mariin kong pinipilit na makahinga pa pero wala nang hangin na kumakawala at pumapasok sa akin, "mahal ko siya..."