ILANG segundong tinitigan si Therese ni Benj nang deretso sa mga mata na para bang inaalam kung nagsasabi siya ng totoo. Mayamaya ay naglagay ito ng dalawang chocolate candies sa palad at sabay na isinubo iyon. Ngumuya muna bago nagsalita uli. “Naiintindihan kita,” sabi nito. “Kung hindi, wala ako ngayon dito.” Natigilan si Therese, nakaawang ang bibig na tinitigan si Benj. Magsasalita sana pero wala siyang naisip sabihin. Itinaas na lang niya ang sana ay isusubong ice cream. “Cheers!” Bahagyang ngumiti si Benj, sumubo uli ng M & M’s. “Nandito ka ba bukas?” “Siguro,” sagot ni Therese. “Hindi ko alam. Wala akong sinusunod na itinerary, eh.” “Nandito ako,” sabi ni Benj. Hindi niya alam kung ipinapaalam sa kanya o wala na lang

