One

1218 Words
Corazon Two days later…   SA MALIWANAG na pangalan ng music bar tumutok ang mga mata ni Therese. Nakatayo siya sa tapat ng Muzzica, isang kilalang music bar sa Corazon na itinuro ni Lolo Dolf. Ayon sa mabait na landlord ng guesthouse kung saan siya tumutuloy, kung gusto niyang mag-relax, doon siya pumunta. May bandang tumutugtog at may acoustic singer daw na dinadayo roon ng ganoong araw. Wala sa plano ang pagpunta ni Therese sa Muzzica. Ilang oras na siyang nasa labas at walang maisip puntahan sa hindi pamilyar na lugar na iyon. Hindi niya halos matandaan ang mga inirekomendang pangalan ni Lolo Dolf na dinarayo raw ng mga turistang nagiging guest nito sa bahay. Magulo pa rin ang kanyang isip. Hindi rin niya alam kung ano ang talagang gusto niya sa Corazon—ingay ba o katahimikan? Ang sigurado lang ni Therese, gusto niyang magpakalayo-layo. Gusto niyang takasan ang sakit. Huminga siya nang malalim. Tumingala sa maaliwalas na kalangitan. Tahimik ang lugar maliban sa tunog ng mga sasakyan sa kalsada. Sa guesthouse na tinutuluyan ay tiniyak ni Lolo Dolf na wala ang mga tunog na iyon sa hatinggabi. Ang guesthouse na napili niya ang paboritong tuluyan ng mga turistang katahimikan ang hanap sa pagpunta ng Corazon, ayon sa landlord. Hindi muna tumawid ng kalsada si Therese. Nanatili siyang nakatitig sa maliwanag na pangalan ng music bar. Hindi niya gustong itanong sa sarili kung tama ba ang ginagawang iyon—na mag-isang gumagala sa lugar na hindi siya pamilyar. Mula sa bahay nila sa Cavite, nag-alsa balutan siya papuntang Corazon—lugar na sa ibang pagkakataon ay hindi  niya pipiliing puntahan. Bigla ay hindi na siya ang twenty-one years old na si Teresa Vermillo—isang fresh graduate sa kursong Education—na kahit minsan ay hindi nag-out of town nang mag-isa. Pinangarap ba niya ang magturo? Hindi. Gusto lang niya ng sa tingin niya ay mas madaling course. At nang makilala si Raphael noong nineteen siya, naging pangarap na ni Therese ang maging bride ng lalaki. Si Raphael… Mas naramdaman ni Therese ang parang batong nakadagan sa kanyang dibdib at hindi naaalis. Paulit-ulit na siguro niyang itatanong sa sarili kung bakit sa kanya nangyari ang masakit na karanasang iyon. Si Raphael Savierino, ang soon-to-be-husband niya na iniwan siya sa mismong araw ng kanilang kasal. Hindi sumipot sa simbahan si Raphael. Walang paliwanag. Wala na rin siyang narinig mula sa lalaki pagkatapos ng araw na iyon. Hindi na niya ma-contact at walang tao sa condo unit nito.             Sa ikalimang araw pagkatapos siyang iwan ni Raphael sa altar, naisip ni Therese na takasan ang lahat—sa Corazon niya naisip magpunta. Isang hindi pamilyar na lugar. At sa mismong araw din na iyon na nagpasya siyang umalis, isang misteryosong tawag ang kanyang natanggap.             Isang lalaki ang caller. Lalaking nagsabing hihintayin siya sa Corazon. Sa normal na pagkakataon ay hindi itutuloy ni Therese ang pag-alis. Masama ang maiisip niya sa weird na tawag na iyon. Mag-iiba siya ng lugar. Pero hindi normal ang sitwasyon niya. Magulo ang kanyang isip na hindi pa gumagana nang maayos. Si Raphael ang naisip ni Therese na nag-utos sa caller na tawagan siya. Umaasa siyang makikipagkita sa kanya ang tumakas na groom. Gusto niyang malaman kung ano ang nangyari sa dalawang taon nilang relasyon at dinala siya ni Raphael sa ganoon kasakit na sitwasyon. Paliwanag. Igi-give up ni Therese lahat kapalit ng paliwanag na maririnig mula kay Raphael. Umalis siya sa bahay nila sa Cavite at biglaang nagbiyahe papuntang Corazon. Maayos siyang nagpaalam sa mga magulang na ayaw sanang pumayag pero walang nagawa. Hindi gusto ng mga ito na mag-isa siya sa biyahe. Mahigpit ang pagtutol ni Therese sa gusto ng ina na isang kamag-anak o kaibigan niya ang tatawagan nito para samahan siya. Nakiusap ang dalaga sa mga magulang na hayaan siyang mag-isa.             Napilitang pumayag na lang ang mga magulang.             Umalis siyang mag-isa—iniwan ang lahat. Kung posible lang na iwan rin sa bahay nila ang isip at puso, ginawa na ni Therese. Pero imposible iyon. Ang magagawa lang niya ay umalis at takasan ang kahihiyang naranasan. Hindi niya alam kung hanggang kailan siya sa Corazon. Walang plano si Therese. Wala siyang naiisip gawin na kahit ano. Sumakay siya ng bus na ang nasa isip lang ay takasan ang masakit na sitwasyong iyon. Itinapon niya ang sarili sa Corazon. At sa unang gabi sa lugar, hayun si Therese, naglalakad—walang direksiyon. Walang balak puntahan pero gustong maglakad. Salamat na lang at ayon kay Lolo Dolf, ligtas ang lugar kahit midnight na. Hindi na niya idadagdag pa sa magulong isip ang issue ng safety. Pilit na inaalis ni Therese sa utak ang tungkol kay Raphael pero iyon naman ang pabalik-balik lagi. Malapit na yata siyang mabaliw. Bakit nga ba hindi? Kung si Raphael si Mr. Right—boto ang mga mga magulang, mga kamag-anak at mga kaibigan niya. Perfect gentleman—ihaharap daw siya sa altar na kasing pure ng puting-puti niyang wedding gown. Tagapagmana ng mayamang mga magulang na pumanaw na,  mabait at generous. Ang mukha, tindig at porma ay pang-heartthrob. Ngiti lang nito, nawawala na siya sa huwisyo. Dalawang bagay lang ang dahilan ng pagtatampo niya kay Raphael noon—ang napakahirap i-clear na schedule nito at ang pinagseselosan na niyang stock market. Mas gusto ng lalaking titigan ang figures na hindi niya maintindihan kaysa sa kanya na naglalambing.             Sa wedding preparation, si Raphael ang kumilos. Sa bulsa rin nito galing ang lahat ng gastos—salamat na lang, dahil kung nagkataon na nagpalabas ng malaking amount ang mga magulang ni Therese, lalo na ang kuripot niyang ama na may sa-Instik pagdating sa pera, malamang ay naospital iyon. Hindi dahil sa kahihiyang sinapit niya kundi sa perang nabawas sa bank account nito.             Sa wedding preparation, natatandaan ni Therese na masaya naman sila ni Raphael. Magkasama silang nakipag-meeting sa mga taong kausap nito para sa kasal. Hindi alam ni Therese kung ano ang nangyari at sa araw ng kasal ay hindi dumating ang kanyang groom. Naisip ng dalaga na may nangyaring masama, na naaksidente ito sa daan o baka nakidnap. At ang best man nila na si Rowell—kaibigan nilang pareho—ay nawawala rin. Hindi na rin ma-contact ni Therese. Ang kutob niya ay sinadya ni Rowell na magpalit ng numero para hindi niya matawagan.             Umalis si Therese na walang sagot ang lahat ng tanong.             Habang nag-uusap sila ng mga magulang, sinabi ng mga ito na bumalik siya nang ligtas sa bahay nila at ang mga ito na raw ang bahala sa lahat; na-realize ni Therese ang halaga ng pamilya. Na hindi man perfect, sa mga ganoong pagkakataon ay dadamayan siya. Na-imagine niya na naka-costume a la superhero ang mga magulang at dalawang mas batang kapatid na parehong lalaki—sinasangga ang lahat ng atake ng kalaban na dapat ay sa kanya nakatuon. Gaano man naging masakit ang karanasan niya, may pamilya siyang masasandalan. Ipinagpapasalamat na lang ni Therese na hindi sila hinayaan ni Raphael na maglabas ng pera para sa kasal. Pisikal na pagod at emosyon lang niya ang nasaid sa preparations na nawalan ng saysay.              Ngayon, naroon si Therese sa Corazon, dinala ng mga paa sa music bar. Hindi niya gustong umuwi sa guesthouse at mabingi lang sa katahimikan.                      Itinuloy niya ang mga hakbang patungo sa Muzzica.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD