A few hours ago…
TULALA si Therese sa puwesto niya sa bandang gitna ng bus. Nasa labas ng bintana ang tingin pero wala namang nagre-register na scenery sa utak niya. Dumadaan lang sa paningin niya lahat. Kung hindi lang mabigat ang pakiramdam, siguradong na-appreciate niya ang paligid, lalo at hindi siya pamilyar sa lugar.
Patungo na ang bus sa Corazon, ang lugar na itinuro ni Mr. Google nang itanong niya ang ‘Where do broken hearts go?’ isang madaling-araw na pakiramdam niya ay zombie na siya sa day five ng kanyang ‘hell week’.
Kung sa ibang kuwento ng mga hindi natuloy na kasal ay bride ang kadalasang nagra-run away, sa kuwento ni Therese ay ang bride ang iniwan ng groom. Kung sa ibang kuwento ng hindi natuloy na kasal ay itinatakas ng best man ang bride, sa kuwento niya ay kasamang nawala ng groom ang best man. Wala siyang ideya kung nasaan ang mga ito at kung magkasama ba. Parehong hindi na niya ma-contact ang mga numbers.
Sabay na nag-run away?
Hindi niya alam.
Hindi magawang umiyak ni Therese. Hindi niya alam kung bakit. Tanda ng dalaga na hindi siya nakagalaw pagkatapos ibulong ng wedding coordinator na hindi darating si Raphael. Maging nang ipinabasa sa kanya ni Miss Aviele ang text ni Raphael—na nagsasabing ipaabot sa kanyang hindi na ito darating ay lutang pa rin siya. Tinawagan niya ang fiancé, nakapatay na ang cell phone nito. Ayaw tanggapin ng isip ni Therese na totoo ang lahat, na isang masamang panaginip lang ang parang paghinto ng oras sa simbahan dahil sa hindi pagdating ng groom. Hinanap ni Therese sa paligid si Rowell—nawawala rin ito.
Tinawagan ni Therese si Rowell. Gaya ni Raphael, nakapatay rin ang cell phone ng dapat ay best man nila. Sabay-sabay ang pagdagsa ng mga tanong sa isip ni Therese, ng mga emosyon sa kanyang dibdib. Ramdam niyang sa kanya na nakatutok ang tingin ng lahat. Sa paglapit ng kanyang ina ay napakapit siya sa bisig nito, nahihilo na.
“`Di na matutuloy ang kasal, Ma…” ang nasabi niya bago inipon ang tatag at lakas na mayroon siya. Patakbo siyang umalis sa simbahan, sumakay sa kanyang bridal car at pinaharurot iyon palayo. Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Halos dalawang oras na nag-drive lang si Therese. At nakita na lang niya ang sariling huminto sa gilid ng kalsada at malakas na sumigaw. Saka lang siya nakahinga nang normal.
Hindi alam ni Therese kung ano ang eksakto niyang nararamdaman noong mga sandaling iyon. Halo-halo. Magulo. Marami siyang tanong kay Raphael. Marami siyang gustong sabihin. Ang mga iyon ang nagpapasikip sa kanyang paghinga.
At habang iniisip niya kung paano at saan mag-uumpisang ayusin ang gumuhong mundo sa mismong araw na dapat ay kasal niya, lalo siyang nahihirapang huminga.
Sa Corazon siya papunta ngayon. Corazon na ang kahulugan ay ‘puso’. Walang mag-iisip na doon niya pipiliing magpunta. Iisipin ng mga iniwan niya na nagpakalayo-layo siya. Literal na sa malayong lugar, hindi sa isang bayan na ilang oras lang ang biyahe mula sa Maynila. Hindi rin alam ni Therese kung bakit doon niya piniling magpunta. Ang alam lang ng dalaga, gusto niyang umalis agad agad. Gusto niya ng bagong kapaligiran, iyong hindi pa niya napupuntahan. Iyong walang taong nakakakilala sa kanya. At gusto niyang magtagal sa lugar na iyon. Gusto niyang ipunin ang lahat ng natitirang positibong emosyon sa kanya nang sa ganoon, sa pagbabalik niya sa iniwang buhay ay magawa niyang harapin ang lahat.
Ni hindi na nga naisip pa ni Therese ang lalaking tumawag sa kanya. Naalala lang niya ang weird na tawag nang umusad na ang bus. Hindi siya interesadong malaman kung sino ang lalaki, liban na lang kung si Raphael iyon.
Nakapako lang sa labas ang mga mata ni Therese, lumilipad ang isip sa iba’t ibang eksena sa kanyang buhay. Mga eksenang bumuhay ng mga emosyon sa dibdib niya. Mga eksenang ngayon ay magiging bahagi na lang ng masasaya at malulungkot na alaala.
Tumigil ng ilang minuto ang bus. Mayamaya ay naramdaman ni Therese na may naupo sa blangkong upuan sa tabi niya. Hindi iyon pinansin ng dalaga. Nagpatuloy siya sa pagtitig sa labas. Pakiramdam niya, habang palayo ang bus ay mas bumibigat ang kanyang dibdib.
Hindi alam ni Therese kung ilang minuto o oras na ang lumipas nang makaramdam siya ng antok. Nagtuloy-tuloy ang pagpikit ng kanyang mga mata.
At nagising siyang nakahilig sa balikat ng taong katabi!
Nagpatay-malisyang umayos ng upo ang dalaga.
“Chocolates?” alok ng katabi niya.
Hindi na naituloy ni Therese ang pagsambit niya ng ‘sorry’. Napatingin siya sa supot ng M & M’s na hawak ng katabi. Base sa mababa at buong-buong boses, lalaki ang nag-aalok ng chocolate candies sa kanya.
Unti-unti, nag-angat siya ng tingin—maiitim na mga mata ang sumalubong sa kanya. Sa kung anong dahilan, hindi agad nagawang tuminag ni Therese. Napatitig lang siya sa pares ng mga mata. At mayamaya ay napakurap-kurap nang bahagyang ngumiti ang mukhang may-ari ng mga matang iyon. May suot na itim na cap ang lalaki. Gusto na naman niyang sumigaw ng pagkalakas-lakas. Bakit hindi? Dahil sa cap ng lalaki, naalala niya si Direk Paul!
Si Direk Paul na may happy ending kay Toni!
Habang siya ay sawi. Brokenhearted na nga, ang pathetic pa yata ng dating niya kaya inaalok na siya ng M & M’s ng katabi niyang estranghero!
“Pampagising,” dugtong ng lalaki sa tonong para bang magkaibigan sila. Sunod sunod ang subo nito ng M & M’s. Sa ibang pagkakataon ay tatango lang siya at magpapasalamat sa alok. Kaya naman, maging siya ay nagulat sa sarili nang kumuha siya ng ilang piraso ng M & M’s na para bang kilala niya ang lalaki.
Hindi nagpasalamat si Therese. Patuloy lang siyang naki-share ng M & M’s sa lalaking nagbukas ng isa pang supot nang wala na siyang nakuha sa hawak nito.
Walang namagitang pag-uusap. Patuloy lang sila sa tahimik na pagsubo at pagnguya ng maliliit na chocolate candies.