“Crossing na! Crossing ng Victoria! Dito na lang tayo. Bawal sa dating babaan!” boses ng konduktor kasabay ng paghinto ng bus. Naramdaman ni Therese ang pagtayo ng lalaking katabi. Napabaling siya—napansin niyang lalaking mahaba ang buhok pala ang kanyang katabi, nakatali lang. Tahimik na kumilos ang lalaki para bumaba. Hindi siya pamilyar sa lugar na binanggit ng konduktor.
Bumalik si Therese sa tahimik na pagmamasid sa labas ng bintana.
Sa tantiya niya ay walang isang oras ang lumipas, huminto na ang bus sa terminal. Nasa Corazon na sila. Nagpahuli si Therese sa pagbaba.
“Miss?” napalingon siya sa konduktor. May hawak ito na parang maliit na papel. “Ipinapaabot ng isang pasahero.”
Napakunot-noo siya. “Sa akin ho?”
Tumango ang konduktor. Wala sa loob na inabot niya ang note at itinuloy ang pagbaba. Nang umusad na ang bus patungo sa isang bahagi ng malawak na terminal ay saka binuklat ni Therese ang nakatiklop na maliit na papel.
You came.
Ang dalawang salitang nakasulat na nagpaawang sa mga labi ng dalaga. Bigla ay parang tumayo ang balahibo niya sa batok. Hindi niya naisip ang posibilidad na walang kinalaman si Raphael sa tawag pero nang sandaling iyon ay parang gusto niyang mag-isip.
Puno ang bus. Wala ni isa sa mga iyon ang nakakakilala sa kanya. Sino ang posibleng mag-abot ng note na iyon sa konduktor? Isa sa mga pasahero ay kilala siya!
Pero sino sa mga iyon?
May sundo na van si Therese; service vehicle ng guesthouse kaya nawala na ang kakaibang pakiramdam na binuhay sa kanya ng note. Ang mismong driver ng van ay si Lolo Dolf, nagpakilalang landlord ng guesthouse. Isang mainit na ‘Welcome to Corazon’ ang salubong sa kanya ni Lolo Dolf.
Corazon
Guesthouse. 7:00PM
“THERESE?”
Napalingon ang dalaga. Nasa porch siya nang sandaling iyon, nagmamasid sa labas ng bahay. Masarap ang katahimikan sa lugar. Maging ang haplos ng hangin ay masarap sa balat—ang eksaktong lugar na kailangan niya pero hindi rin alam ni Therese kung ano ang gagawin sa mga susunod na oras, sa mga susunod na araw, sa mga susunod na linggo. Ah, hindi niya alam talaga.
Walang plano si Therese. Hindi rin niya gustong mag-isip. Ang gusto lang niya ay mag-isa at manahimik. Gusto niyang kalimutan ang lahat pero imposible. Nasa ibang lugar man siya, may mga bagay—hindi, maraming bagay sa paligid ang nagpapaalala sa kanya kay Raphael. At hindi rin niya gustong isipin ang hindi rin pagsipot sa kasal ni Rowell. Nasaan na kaya iyon? At bakit pinutol na lang ang connection nila? Nagpalit bigla ng number?
Pakiramdam tuloy ni Therese ay iniiwan siya ng mga taong dapat ay nasa tabi niya nang mga sandaling iyon. Pinili siyang iwan ni Raphael, at pinili naman ni Rowell na samahan ang kaibigan sa kung anumang mga plano nito kaysa samahan siya.
Destiny ba niya ang maiwan?
“Lolo Dolf,” hinintay ni Therese ang paglapit ng sa hula niya ay malapit nang mag-sixty na landlord ng guesthouse.
“Tara at maghapunan, hija,” sabi nito. “Free dinner,” kasunod ang may warmth na ngiti. “Para sa mga bisitang unang beses sa Corazon.”
Sa ibang pagkakataon ay tatanggi si Therese lalo at wala siyang gana. Hindi rin niya gusto ng kausap. Pero ang sincere na imbitasyon ni Lolo Dolf at ang warmth na mababakas sa ngiti at mga mata ay hindi niya kayang tanggihan. Siguro ay likas na mabait si Lolo Dolf sa mga guest nito. Base sa nabasa niya sa website, isang pribadong resthouse ang bahay na iyon na binubuksan sa mga piling buwan ng taon para sa mga bakasyunista. Nagkataon na bukas iyon sa publiko nang mapadpad siya sa website.
At isang bahay-bakasyunan nga ang dinatnan ni Therese. Walang mga staff na pakalat-kalat. Tahimik ang bahay. Private. Si Lolo Dolf lang ang naroon sa ganoong oras. Naihanda na raw ang kuwarto niya. Ang anumang kailangan niya ay ipaalam lang sa matanda. Pakiramdam ni Therese ay nagbakasyon lang siya sa bahay ng isang kamag-anak. Kung hindi lang siya nasa sitwasyong pinagdadaanan ngayon, siguradong mae-enjoy niya nang husto ang bakasyong iyon.
Hindi nga lang ngayon na ang gusto niya ay magkulong sa kuwarto at tumitig lang sa dingding, o kaya ay sa terrace at tumanaw sa kawalan.
Sa dinner, maraming kuwento si Lolo Dolf. Sa mga unang minuto ay tungkol sa Corazon at sa mga naging guest nito. Bawat isa raw sa mga iyon ay nag-iwan ng alaala. Umabot ang kuwento ng matanda sa mga hula raw nitong dahilan kung bakit nagbabakasyon ang mga guests. Nakinig lang si Therese. Wala siyang ganang makipagkuwentuhan. Pinilit lang din niya ang sariling kumain ng niluto nitong kare-kare, pritong lapu-lapu at nilasing na hipon.
Ang inaasahan ni Therese, mabo-bored siya sa mga susunod na oras. Mali siya. Nag-enjoy siyang makinig kay Lolo Dolf. At nang magtanong ang matanda ng dahilan niya sa ‘bakasyong’ iyon, maging si Therese ay nagulat na nagawa niyang magkuwento nang tuloy-tuloy.
Si Lolo Dolf naman ang nakinig kay Therese.
Pagkatapos ng dinner, isinama siya ni Lolo Dolf sa isang kuwarto. Nakita niya ang hilera ng photo frames—iba’t ibang mukha ang kasama ni Lolo Dolf sa bawat picture.
“Bukod sa alaala, bawat naging bisita ko ay nag-iwan ng isang litrato,” sabi ni Lolo Dolf. Mabilis na dinaanan ng mga mata ni Therese ang mga nakangiting mukha sa bawat picture. Mga babae at lalaki, iba’t ibang edad. Napansin niya ang parehong ngiti ni Lolo Dolf at ang kakaibang kabaitan sa mga mata. At ang mga kasama nito sa bawat picture…
Sa isang photo frame huminto ang tingin niya.
“Pagmasdan mo, hija,” si Lolo Dolf, bumalik rito ang tingin niya. “Karamihan sa kanila ay nakangiti ngunit bawat pares ng mga mata ay may iba’t ibang emosyong ipinapahayag.” Itinuro nito ang partikular na picture kung saan tumigil ang mga mata niya kanina. “Si Benj,” dagdag ni Lolo Dolf, nahalata yata kung saan siya nakatingin.
“Pamilyar siya, Lolo Dolf,” sigurado siyang ang lalaki sa bus ang lalaking nasa picture.
“Nakita mo na siya?”
“Kamukha siya ng lalaking katabi ko sa bus…”
“Siya nga `yon. Narito siya.”
“D-Dito ho?” ulit niya. “Dito sa… sa guesthouse?”
“Mag-iisang buwan na siyang guest ko.”
Napatango na lang si Therese bilang tugon. Kung ganoon, iisang lalaki nga ang pinag-uusapan nila. Ang lalaking nakasabay niya sa bus na nag-alok ng M & M’s.
“Hindi siya gaya mong unang beses sa bahay ko,” anang matanda. “Dalawang taon na ang nakaraan nang una siyang pumunta ng Corazon. Isa siya sa mga paborito kong naging bisita.”
Kaya pala wala sa bandang hulihan ang picture ni Benj. Isa ito sa mga dati nang bumibisita sa Corazon.
“Pero sa ibang lugar siya bumaba, `Lo, sa…” inalala niya ang binanggit ng konduktor. “Crossing ho. Victoria.”
“Karatig-bayan lang ng Corazon ang Victoria, hija. Mahigit treinta minutos na biyahe lang. Dito uuwi `yon ng madaling-araw.”
Tumango-tango lang si Therese. Pagkatapos ng mahaba nilang pag-uusap sa dinner ay lumabas siya. Bago umalis ay nagtanong siya kay Lolo Dolf ng lugar na maaaring puntahan para malibang siya.
Muzzica, ang ibinigay na pangalan ng matanda. Hinanap niya ang lugar habang pinipilit iwaglit ang masamang pakiramdam. Pinili niyang maglakad lang gaya ng maraming bakasyunistang nasa kalye rin at nag-e-enjoy maglakad sa gabi. Hinanap niya ang kakaibang pakiramdam. Calm naman ang heartbeat niya. Wala siyang pakiramdam na may sumusunod o nakatingin sa kanya kaya itinuloy niya ang paglalakad. Naging sobra lang siguro ang pag-iisip ni Therese tungkol sa note. Wala naman talaga siyang dapat ipag-alala.
Si Raphael pa rin ang naiisip niyang naghihintay sa kanya sa Corazon. Maghihintay pa rin siya ng text o tawag nito.
Mayamaya pa, nahanap na niya ang Muzzica.