HULING tugtog na lang at tapos na ang gabi. Kung posibleng pigilan ang oras, matagal nang ginawa ni Benjamin ‘Benj’ Apolinario. Pero hindi, lilipas at lilipas ang mga oras at ihahatid pa rin siya sa pag-iisa.
Sa bahaging iyon ay hindi na siya kumakanta. Tunog ng gitara na lang ang maririnig sa paligid. Sa huling galaw ng daliri niya sa strings ng paborito niyang gitara, sa paglayo niya sa mic—lahat ay patunay na tapos na ang gabi. Na tapos na ang mga oras na binubuhay siya ng tunog ng musika at palakpakan. Sa pagtatapos ng mga oras na buhay siya, muli siyang babalik sa parehong pakiramdam kung saan siya nakakulong—parang paulit-ulit na kamatayan.
Nagsimulang tumugtog ng gitara si Benj. Ang mga daliri niya ay kumilos sa pamilyar na galaw. Pumupuno sa tainga niya ang tunog… sinasakop siya hanggang sa maramdaman niya ang pamilyar na haplos sa kanyang puso.
Narinig niya ang tunog ng palakpak, na unti-unting nawala nang dahan-dahan niyang ipikit ang mga mata. Sa pagsakop ng dilim sa kanyang diwa, bumalik ang pamilyar na lamig na nagmumula sa loob niya. Wala na siyang naririnig kundi malungkot na katahimikan… at ang kanyang musika.
Sa isip ay sinimulan niyang sabayan ang boses ng isang babae.
“There's a place for us… somewhere a place for us. Peace and quiet and open air, wait for us somewhere…”
Nagpatuloy ang malungkot na katahimikan. Tanging ang tunog na patunay na may buhay ang mundong kinaroroonan niya ang nagbibigay ng dahilan kay Benj para magpatuloy.
Sa dilim ay nakita niya ang maliit na liwanag na naglantad sa isang magandang babaeng puting-puti ang suot, tinatangay ng hangin ang magandang bestida, gaya ng buhok nito. Unti-unting ngumiti ang babae… napakagandang ngiti. Ngiting naging araw niya…
“There's a time for us, someday a time for us. Time together with time to spare, time to learn, time to care…Someday, somewhere…We'll find a new way of living. We'll find a way of forgiving, somewhere…”
Naglahad ang babae ng kamay, na unti-unti niyang inabot pero bago pa man naglapat ang mga palad nila ay naglalaho na ang babae. Ang luhaang mukha nito ang huli niyang nakita bago nagdilim muli ang mundong iyon—ang mundong paulit-ulit niyang binabalikan. Ang mundong hindi niya magawang takasan dahil sa mundong iyon, hindi niya maiwan ang magagandang alaala.
Naramdaman ni Benj ang luha sa gilid ng kanyang mga mata.
KUSANG huminto ang mga paa ni Therese. Tunog ng gitara ang umagaw sa kanyang atensiyon. Pumasok siya ng Muzzica para aliwin ang sarili at magpalipas ng oras. Oras na pakiramdam niya ay hindi gumagalaw kapag nasa loob lang siya ng kuwarto. Kinakailangan pa niyang uminom ng sleeping tablet para makatulog. Pagod siya pero hindi niya mapilit ang sariling matulog. At habang gising siya, maraming naiisip si Therese. Nagbabalik sa kanya ang mga eksenang ayaw na niyang maalala. In denial pa rin siya. Hindi gustong tanggapin na nangyari ang mga nangyari.
Pero paulit-ulit man niyang itanggi sa sarili, muli’t muli siyang sasampalin ng realidad na hindi natuloy ang kasal niya, na iniwan siya ni Raphael sa mismong araw na dapat ay simula ng buhay nilang dalawa.
Sinundan ng mga mata ni Therese ang pinagmumulan ng tunog—ang lalaking nakayuko at abala sa gitara. Puting T-shirt at faded jeans lang ang suot. Kung masasalubong niya ang lalaki sa daan, iisipin ng dalaga na napakaordinaryo lang. Ordinaryong long haired man na may kakayahan palang tumugtog ng gitara na nagpatahimik sa audience nito.
Ang lalaki siguro ang tinutukoy ni Lolo Dolf na acoustic singer.
Marahang nag-angat ng mukha ang lalaki, gumalaw ang ulo na naging dahilan para mapunta sa likuran ang sa tingin niya ay napakalambot na buhok; shoulder length at medyo messy, parang hinangin lang.
Kasabay nang pagkawala ng tunog ng gitara ang malakas na palakpakan.
Hindi na nakagalaw pa sa kinatatayuan si Therese. Nakaawang ang bibig na nakatitig sa singer na bumuhay sa malakas na ingay sa lugar.
Si Benj?
LAMPAS twelve midnight na ay nasa labas pa rin si Therese. Mula sa Muzzica ay naglakad pa rin siya. Mangilan-ilan na lang ang gaya niyang naglalakad sa kalye ng Corazon. Hindi pa niya gustong umuwi kaya naglakad pa rin siya—nang walang pupuntahan.
Nang mapagod, naisip niyang pumasok sa kahit anong food establishment na bukas twenty-four hours. Isang ice cream house ang una niyang nadaanan. Tiyak ni Therese na wala nang tao sa ganoong oras. Okay lang. Mas gusto nga niyang mag-isa. Tahimik ang lugar. Gusto niya ng mesa sa tabi ng glass wall—magmamasid siya sa labas habang kumakain ng ice cream.
Ang totoo, hindi siya mahilig sa ice cream. Lalong hindi niya ugaling kumain ng ice cream mag-isa at midnight pa. Noon. Noong maayos ang lahat sa buhay niya. Pero ngayong tinatanong na ni Therese ang sarili kung saang bahagi niya ang naiwang buo—kung mayroon pa nga ba—may kutob ang dalaga na kahit dalawang galon ng ice cream ay mauubos niya.
Hindi na siya pumili ng kung anumang espesyal na flavor na bestseller ng ice cream house.
Chocolate ice cream na lang. At habang naghihintay, nakatitig siya sa labas—nagmamasid sa tahimik view.
May isang kotseng dumating. Hindi naman pala siya mag-iisa sa lugar. Binawi ni Therese mula sa labas ang tingin nang dumating na ang kanyang orders.
Nagsimula na siyang sumubo nang maupo sa katapat niyang mesa ang isang lalaking nakaitim na jacket. Halos hindi niya makita ang mukha sa suot na cap na sinadyang ibaba sa bahagi ng noo, parang gustong protektahan ang sarili sa mga matang nasa paligid. Hindi alam ni Therese pero may kung ano sa lalaki na nag-iimbita ng atensiyon—ang kabuuang dating yata nito, hindi niya alam. Wala naman kasing kakaiba rito para mapatitig siya.
Nakaramdam yata ang lalaki na nakatingin si Therese, lumipat sa kanya ang atensiyon nito kasabay ang pagsubo ng kung ano. Eksaktong ngumunguya ang lalaki nang magtama ang mga mata nila.
Tumigil ito sa pagnguya, si Therese naman ay umawang ang mga labi, hindi na itinuloy ang pagsubo ng ice cream.