Charlotte
Pagdating ko sa bar ay wala naman masyadong tao. Nilibot ko ang tingin ko sa paligid para maghanap ng magandang pwesto. Nakita ko na may bakante na lamesa sa may sulok na hindi pansinin kaya doon ako pumunta. May acoustic band na tumutugtog kaya kahit paano ay nakaka-relax. Maya-maya lang ay may lumapit na waiter at tinanong kung ano ang order ko. Tiningnan ko agad ang mga drinks sa menu. Isang bote ng tequila ang inorder ko at isang platter na binubuo ng fries, calamares at chicken lollipop. Pasimple na tiningnan ako ng waiter at gusto matawa. Pag-alis ng waiter ay kinuha ko ang phone ko sa bag at tinawagan ko si Chester. Nasa bahay ko siya ngayon dahil noong ilang araw na wala ako ay doon muna ang tumuloy sa bahay. Bukas pa siya babalik sa bahay dahil gusto muna raw niya sulitin ang bakasyon niya.
"Yes, Ate," agad na sagot niya sa tawag ko at napangiti naman ako.
"Kumain ka na ba?" tanong ko sa kanya habang nakatingin ako sa stage.
"Kanina pa po Ate pero nagluluto po ako ng pancit canton ngayon nagutom po kasi ako," sagot niya at natawa ako dahil hindi naman siya nabubusog.
"Kapag after two hours at wala pa ako sa bahay ay tawagan mo ako," bilin ko sa kanya.
"Ha? Bakit Ate? May problema po ba Ate? May sumusunod ba sa iyo? Nasaan ka po ba?" sunod-sunod na tanong niya at natawa ako saka umiling.
"Isa lang inutos ko sa iyo ang dami mo naman tanong. Okay lang ako at walang sumusunod sa akin. Hindi naman ako kagandahan para sundan kaya huwag kang mag-alala. Nandito ako ngayon sa bar nagpapalipas lang ako bago umuwi. Gusto ko na tawagan mo ako dahil baka magpapasundo ako sa iyo," paliwanag ko sa kanya.
"Kung sunduin na kaya kita Ate ngayon?" suggest ni Chester at saglit ako napapikit.
"Basta tawagan mo ako after two hours," giit ko at binaba ko na ang phone ko.
Ilang sandali lang ay dumating na ang inorder ko. Binuksan ko na ang bote at nagsimula na maglagay sa baso. Naglagay ako ng asin sa kamay ko saka uminom ng alak saka sumipsip ng lemon. Wala naman ako balak na maglasing gusto ko lang uminom para kahit paano ay gumaan ang loob ko. Hindi naman ako galit sa mga kaibigan ko pero hindi ko maiwasan na mainggit sa mga ito. Pareho silang masaya ngayon dahil may taong nagpapasaya sa kanila at nagmamahal. Pakiramdam ko may problema sa akin kaya ako nagkakaganito. Ako ang may kasalanan kung bakit ganito ang buhay ko. Masyado kong dinibdib ang nangyari sa akin kaya ngayon ay takot na takot ako.
"Ang duwag mo kasi Charlotte, kaya huwag ka na umasa pa," umiiling na sabi ko at uminom ulit ako.
"Pinaglalaruan niya lang ako," bulong ko nang maalala ko ang lalaki na pilit ko iniiwasan pero hindi naman mawala sa isip ko.
Sa loob ng dalawang linggo ay pilit ko siya iniwasan. Natuwa ako nang malaman ko na ako ang napili ni Ms. Jasmine na pumunta ng Bicol para sa training ng mga bagong financial advisor doon. Sa umaga hanggang hapon abala ako sa pagtuturo pero pagdating naman ng gabi imbes na matulog agad ako ay binabasa ko ang message niya. Wala naman siya nabanggit na iba kung hindi gusto niya ako makausap. Sa edad ko na ito kailangan ay maging maingat ako sa pagpili ng tao na makakasama ko. Ayaw ko magaya kay Marjorie na masaya kapag may bagong boyfriend o fling pero sa kalaunan ay umiiyak dahil nasasaktan.
"Gwapo siya, maganda ang katawan, may pera at higit sa lahat bata pa siya. Walang babae ang hindi magkakagusto sa kanya at kahit sinong babae ay madali niya makukuha ng walang kahirap hirap," sabi ko habang nakatingin sa bote ng alak.
"There is no way na gusto niya ako. Walang dahilan para magustuhan niya ako," pangungumbinsi ko sa sarili ko bago uminom.
Napaigtad ako ng biglang tumunog ang phone ko at hindi na ako nag-abala na tingnan ang tumatawag. Napapikit pa ako dahil nalasahan ko ang asim ng lemon. Sinagot ko iyon at tiningnan ko ang relo ko.
"Sunduin mo na ako ngayon," sabi ko at saglit na pumikit dahil unti-unti ko na nararamdaman ang epekto ng alak.
"Ha?" tanong niya at huminga ako ng malalim.
"Dito sa bagong bukas na Bar malapit sa office ko. Break Zone ang name ng Bar pumunta ka na ngayon," tugon ko at pinatay ko na ang phone ko.
Halos kalahati nang laman ng bote ang nainom ko. Kaya ko pa naman imulat ang mga mata ko at aware pa naman ako sa paligid ko kaya masasabi ko na hindi pa ako lasing. Hindi lang ako sigurado kung kaya ko pa maglakad.
"Are you alone?" galit na tanong ng lalaking nasa gilid ko.
Tumingala ako para tingnan kung sino ang lalaking iyon. Napaawang ang bibig ko nang makita ko ang lalaki na pilit ko iniiwasan nakatayo sa gilid ko. Binalik ko ang tingin sa baso na sinalinan ko ng alak at agad ko kinuha. Bago ko pa iyon mainom ay inagaw niya iyon sa akin. Nakagat ko ang ibabang labi ko ng maglagay siya ng asin sa kamay at ininom ang alak na para sa akin saka dinilaan iyon at kumuha ng lemon. Para akong nanonood ng commercial ng alak at kulang na lang ay matanggal ito ng damit. Napalunok ako habang sinisipsip niya ang lemon. Pakiramdam ko tuloy bigla nanuyo ang lalamunan ko dahil sa nakikita ko. Aktong kukunin ko ang baso pero kinuha niya iyon at pati ang bote ay inilayo sa akin.
"Bakit ka ba nandito? At saka alak ko iyan bakit inaagaw mo? Kung gusto mo uminom bumili ka ng sa iyo," inis na sabi ko at ngumiti ito habang nakatingin sa akin.
"You don't remember? Pinapunta mo ako rito at sinabi mo na sunduin kita," nakangiti na sagot niya at nagsalubong ang kilay ko.
"Bakit naman kita papapuntahin dito ay iniiwasan nga kita makita," walang preno na sabi ko at biglang nagseryoso ang mukha niya.
"Bakit mo ako iniiwasan?" tanong niya at umiwas ako ng tingin.
Nakatingin lang siya sa akin at hinihintay ang sagot ko. Naiilang na ako sa tingin niya sa akin pero hindi ko naman pwedeng sabihin sa kanya ang dahilan. Napatingin ako sa phone ko ng biglang mag-ring iyon. Kukunin ko na iyon nang biglang inagaw ni Nathaniel at tiningnan ko siya ng masama. Walang pahintulot na sinagot niya ang tumatawag.
"Hello," sagot ni Nathaniel at pilit ko inaagaw sa kanya ang phone ko pero umiiwas siya.
"Ibigay mo sa akin ang phone ko," pinipigilan ko na huwag sumigaw pero parang wala siyang narinig.
"Don't worry ako na ang maghahatid sa kanya. Huwag ka na mag-alala dahil sisiguraduhin ko na safe siya habang kasama niya ako," narinig ko na sabi niya.
"Nathaniel please lang akin na ang phone ko," pakiusap ko sa kanya at ngumiti pa siya kaya lalo akong naiinis.
"Boyfriend niya ito," nakangiti na sabi ni Nathaniel at nanlaki ang mga mata ko.
"Nice to meet you Chester. Good night. Salamat din," nakangiti na paalam niya saka inabot ang phone ko.
Padabog na kinuba ko iyon habang masama ang tingin ko sa kanya. Sa sobrang inis ko ay gusto ko punitin ang ngiti sa labi niya. Umakto siya na parang walang masamang nangyari at nagsalin pa siya ng alak sa baso saka iyon ininom.
"Ininom mo na nga ang alak ko pati ba naman ang phone ko pinakialaman mo pa. Hindi ka pa nakuntento at nagsinungaling ka pa sa kapatid ko," inis na sabi ko.
Sinubukan ko na tawagan si Chester pero unattended na ang line niya. Huminga ako ng malalim para pakalmahin ang sarili ko. Wala na akong magagawa dahil nangyari na ipapaliwanag ko na lang kay Chester ang lahat bukas.
"Sorry kung pinapunta pa kita rito at naistorbo kita. Pwede ka ng umalis. Sorry talaga at naistorbo kita," sabi ko.
Nilagay niya ang bote at baso sa gitna ng lamesa. Tiningnan ko siya at hinihintay ko siya na tumayo para umalis na. Sinenyasan niya ang waiter at umorder ng sarili niyang inumin. Napapikit lang ako dahil mukhang wala na talaga ito balak na umalis. Naglagay ako ng alak sa baso ko at ininom iyon.
"Tutal nandito na rin naman ako samahan na kita uminom," sabi niya.
"As if naman na aalis ka kapag sinabi ko at kahit siguro makiusap pa ako sa iyo," pilit ang ngiti na tugon ko at uminom na ulit.
"Bakit ka nga pala nandito mag-isa?" tanong niya at napatingin ako sa kanya.
"Gusto ko lang," simpleng sagot ko bago ako uminom.
"Bakit mo nga pala ako iniiwasan?" tanong niya pagkatapos uminom ng beer at tinitigan niya ako.
"Because you are driving me crazy and I need to control myself," sabi ko sa sarili habang nakatingin sa kanyan.
"Gusto ko lang," tugon ko bago uminom ulit.
"May nagawa ba ako na hindi maganda? May nasabi ba ako nakaka-offend?" tanong niya at uminom lang ako.
"Dahil ba hinalikan kita?" alanganin na tanong niya at natigilan ako saglit.
"Sorry kung nagawa ko iyon ng walang pahintulot. Hindi ko kasi napigilan ang sarili ko na halikan ka. Nang makita kita sa office mo ay gusto ko ng gawin iyon pero pinigilan ko lang ang sarili ko," paliwanag niya.
"I like you Charlotte. I want to know you more and I hope you let me," walang paligoy-ligoy na sabi niya.
Natigilan ako dahil hindi ko alam kung ano ang dapat itugon ko sa mga sinabi niya. Hindi ko alam kung dapat ko bang paniwalaan ang sinasabi niya. Sinasabi ng puso ko na sincere ang binata sa sinabi niya pero sinisigaw naman ang isip ko na kailangan ko siya iwasan habang hindi pa huli ang lahat. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sundin. Iba't ibang emosyon ang nararamdaman ko sa mga oras na ito dahil sa mga sinabi niya.
"Do you have any idea how old I am?" tanong ko pagkatapos ko uminom.
"Kailangan ko ba alamin muna ang edad mo bago kita magustuhan? Para ba sa iyo ay batayan ang edad para magustuhan mo ang isang tao? Edad ba ang unang tinitingnan bago mo magustuhan ang isang tao?" tanong niya at napaisip ako.
"Kung ang sagot mo sa mga tanong ko ay hindi. Hindi ko na kailangan malaman kung ilang taon ka na," sabi niya saka uminom at napatingin lang ako sa kanya.
"I am thirty-five years old and I am eight years older than you," paglilinaw ko sa kanya at tumawa lang siya.
"Ang akala ko ay hindi ka interesado sa akin pero mukhang nagkamali ako," nanunukso na sabi niya at ipinikit ko nang mariin ang mga mata ko.
"Seryoso kasi ako Nathaniel!" inis na sabi ko sa kanya.
"At seryoso ako sa iyo Charlotte," seryoso na tugon niya at uminom na lang ako.