Kadarating lamang ni Iska sa kanilang tinitirhan na bahay, dumiretso na siya agad paakyat sa kanyang silid. Nakasalubong niya na pababa si Henry ng second floor, “Oh? Kumusta? Mukhang masama na naman timpla mo ah?” tanong nito. “Wala na naman ako diskarte e kaya mas pagod pakiramdam ko at itutulog ko na lang. Haha!” nakatawa ngunit malungkot na tugon niya, “E, kumain ka na ba?” muling usisa ni Henry. “Oo.” tanging sagot niya na ikina-tango na lamang nito, agad na siyang dumiretso sa kanyang silid. Tatlo ang silid roon, ang isa ay sa kanya lang dahil siya lang ang babae roon, si Henry at Roly sa ikalawang kwarto at sa unahan naman ng hagdan ay kina Paolo at Dino kung kaya’t sa pinaka dulo at pinaka loob ang kanyang silid.
Pagpasok na pagpasok niya sa kanyang silid ay agad na siyang nagtungo sa banyo, sa kanyang silid lamang ang may sariling banyo at sa first floor lang nagbabanyo ang mga kasama niya sa bahay. Silang lima lang ang nakatira dito, nag-ambagan lang sila ng kanilang sari-sariling ipon upang mabili ang apartment na yaon. Bilang siya nga lang ang babae kaya’t syempre ay may pagka-special treatment sila sa kanya na hindi naman na nakapagtataka. Ilang minuto lang ay tapos na siya maglinis ng katawan at magbihis, nagsuot siya ng pajama at oversized na T-shirt. Agad rin siyang humiga padapa sa kanyang kama, ilang segundo lang ay humiga na siya ng maayos paharap at napatitig na lamang sa kisame.
-”Bakit kaya para akong nakokonsensiya sa asal ko kay Analyn?”- tanong ni Iska sa isip niya habang nakatulala, -”Tama lang naman na iwasan ko siya dahil malayong malayo ang pagkatao namin sa isa’t isa, hindi ko rin maintindihan kung bakit siya ganoon. Gusto ko rin makipagkaibigan dahil unang beses na may babaeng nagustuhan ako maging kaibigan kahit na ang akala nga lang niya noong una ay lalaki ako, madalas sa mga babae noong bata pa ako na sinusubukan ko na kaibiganin ay inaaway lang ako at iniiwasan.”- napabuntong hininga siya nang malalim. -”Pero bukod doon ay bakit parang may iba pa akong pakiramdam kay Analyn? Nagiging urong sulong ako sa ilang beses na pagkikita namin na nakausap ko siya, naaaliw ako sa kanya pero may halong pangamba na ayoko na mapalapit rin ako sa kanya sa hindi ko malaman na dahilan.”- sobrang lalim ng kanyang iniisip, hanggang sa dalawin na siya ng antok at tuluyang nakatulog.
Umaga na nang magising si Iska, nagtungo siya sa banyo at naghilamos. Bumaba na siya sa kainan at naabutan niya roon ang mga kaibigan niya na kasama niya sa bahay na nag-aalmusal na, “Magandang umaga, kamahalan.” pagbibiro na bati ni Paolo. Ngumisi lamang siya rito, “Magandang umaga rin at mukhang maganda gising niyo?” tugon niya rito habang natatawa at nagtataka. “Syempre, ngayon lang namin naunahan at naabutan na magising ang prinsesa namin. Hahaha!” natatawang sagot ni Dino, “Prinsesa mo mukha mo!” natatawang sagot ni Iska. “Totoo naman ah, mukha ka nga lang mas lalaki sa amin.” singit ni Roly na ikinatawa nila. “Nako, tigilan niyo muna si Iska dahil kagigising lang. Mamaya e bumuga pa ng apoy ‘yan matusta itong mga prinito kong almusal.” sambit ni Henry dala ang almusal nilang bacon, sausage, itlog, nasa lamesa na ang sinangag niya na kanin at mga tinimplang kape. “Wow naman! May pa ganyan ka pala Henry?” gulat na tinuran ni Iska, “Oo nga e bago lang ‘yan e porket kasabay ka namin ngayon. Hahaha!” tumatawang sabi ni Roly na nauna pang sumagot kay Henry. “Maganda delihensya ko kasi kahapon.” sagot ni Henry kay Iska sabay batok kay Roly habang tumatawa, “Ohhh? Ganon pala, sana all.” tanging nasagot ni Iska. “Sana mas madalas ka na namin kasabay kumain kamahalan, para laging maganda delihensya ni Henry. Hahaha!” nakakalokong singit ni Paolo, napa-kunot noo nalang at hampas sa braso ni Paolo si Iska. Pinandilatan naman bahagya ni Henry si Paolo, “Kumain na nga lang tayo bago pa magbago isip ni Henry at hindi tayo pakainin na tatlo. Hahaha!” natatawa na singit ni Dino pagtukoy sa sarili at kina Roly at Paolo pagkatapos ay sabay sabay na silang kumain.
Nang matapos na sila kumain ay nagligpit na sila ng kinainan, “Oh! Paolo, ikaw pinaka maraming naubos na ulam kaya ikaw ang maghuhugas.” maawtoridad na tinuran ni Henry kay Paolo ngunit nakatawa. “Ano ba ‘yan? Si Dino kaya nakaubos ng bacon!” naiinis ngunit nakatawa na tugon nito, “Oh! Edi dalawa kayo.” muling tugon ni Henry. “Dinamay mo na naman ako e halos tumikim nga lang ako!” kamot ulo na pagkakasabi ni Dino habang tumatawa kay Paolo. “Kaysa dinaldal niyo e maghugas na kayo.” muling utos ni Henry at tumawa na lang sila at diretso sa may kusina, “Mauuna na ako umakyat ah, magbibihis na ako. Salamat sa pa-almusal.” magiliw na wika ni Iska. Tumango na lang si Henry na may matamis na ngiti. “Tamis naman non!” biglang bulong ni Roly kay Henry nang nakaayat na si Iska at naabutan si Henry, “Tumahimik ka nga diyan!” tugon ni Henry kay Roly ngunit nakangisi.