Isang malaking pagsabog ang gumimbal sa tahimik at mapayapang gabi ng halos limang libong tao sa buong bayan ng Bordok. Hindi na magkamayaw sa sigaw, hiyaw, iyak at takot ang buong taong-bayan.
Nagsisimula ng magkaroon ng tumpok ng apoy. Ang lawa na malapit lamang sa kanila ay unti-unti ng tumataas ang lupa na kanilang tinatapakan ay nagsisimula ng gumalaw at ang hangin na nilalanghap ay parang unti-unti silang pinapatay.
Ang mga dayami na nasa bukid ang siyang mas lumilikha ng sunog at mas pinapabilis ang pagkalat ng mga apoy. Pati ang mga hayop na nasa kagubatan na nabulahaw sa pagsabog ay dali-dali ring umalis sa kinaroroonan at tumungo sa iba't ibang direksyon. Makikita ang ilang mga taong may kakayahan na pilit inililigtas ang mga kasamahan sa loob ng bayan.
Isang dilubyo ang nararanasan nila ngayon na kahit kailan ay hindi nila naisip na magaganap. Pinuno nito ng takot at pangamba ang mga inang babae na hawak ang kanilang mga anak. Kawalan ng pag-asa sa mga kalalakihan habang pinapatay ang mga apoy sa buong kabahayan at lungkot sa mga batang nakakasaksi sa buong pangyayari.
Ang iba'y nagsilikas na gamit ang kani-kanilang mahika. Subalit ang iba ay nanatili at piniling pagmasdan ang kagimbal-gimbal na eksena.
Wala kang ibang maririnig sa buong lugar kung hindi ang sakit ng sigawan ng mga tao habang unti-unting tinutupok ng apoy. Mga pagsusumamong tulungan sila na kahit gusto mong tulungan ay hindi mo magawa dahil sa takot na ikaw din ay mawalan ng buhay.
Sa kabilang bayan naman na tinatawag na Guden ay ganoon din ang eksena. Tinutupok ng apoy ang buong kabahayan at hindi nila ito maubos-ubos kahit ilang dami ng tubig ang pinalalabas nila gayong halos lahat ng tao sa Guden ay may kakayahang magpalabas ng tubig gamit ang sariling katawan. Ngunit tila ba may sariling buhay ang mga apoy na ito at kusang nagliliyab gayundin ang lupang kanina pa gumagalaw na para bang may lindol. Ang mga puno na sumasabay sa sayaw ng hangin ay hindi apektado ng kakaibang apoy na lumalamon sa kanila ngayon.
Ang bayan ng Lartig ay walang pinagkaiba sa pangyayaring nagaganap sa Guden at Bordok. Ngunit di tulad ng dalawang bayan ay mas handa sila. Ang mga taong nasa tatlong talampakan lamang ay mabilis nagsisi-suutan sa loob ng malalaking kweba at sa mga punong may butas sabay takip gamit ang pinaghalong katas ng malasong puno at dagta.
Gustong isipin ng mga taong nakatakas sa bayan na panaganip lamang ito. Isang panaganip na sa paggising ay babalik ulit sa dati ang normal. Pero hindi. Hindi ito panaginip. Kahit kailan hindi Ito magiging isang panaginip.
Ito ay bangungot. Isang kagimbal gimbal na
.
Bangungot.
*****
Samanatala....
"Ano ng gagawin natin Favros? Hindi na tayo maaari pang magtagal dito. Hindi na kaya ng baga ng anak natin" iyak na wika ng isang babae habang karga-karga ang sanggol.
Halata mo dito ang pagod sa kabila ng maganda at maamo nitong mukha. Punit-punit ang mahaban nitong damit at makikita pa ang ilang galos sa braso at ilang parte sa mukha. Mapupungay ang mata nito habang nakatingin lamang sa sanggol na nasa bisig niya at marahang hinawak ang pisngi ng sanggol na kahit papaano ay nakakatulong upang mabawasan ang sakit na kaniyang nararamdaman.
Ayaw niyang isipin na dito magtatapos ang buhay nilang mag-iina. Ayaw niyang isipin iyon.
"Konting tiis na lang Mahal ko. Konting tiis na lang" sagot ng kanyang asawa habang nakaupo di kalayuan sa kanya.
Katulad niya ay puno din ito ng galos at gasgas. May ilan pang natuyong dugo mula sa noo nito papuntang leeg at dibdib. Nakapikit ito. Nakahawak ang apat na daliri sa noo. At waring nagsasalita ng hindi maintindihan na lenggwahe.
Habang ang asawa naman nitong babae ay nakayakap parin sa anak at takot na bitawan ito.
Gamit ang isang kamay ay unti-unti niyang inabot ang kwintas na nakalagay sa leeg niya at marahang kinuha para matanggal. Ang kwintas na ito ay may pitong ibat ibang kulay sa gilid. Sa gitna ay makikita ang isang tao na parang may dagdag dalawang paa at kamay. Hindi ito ganoong kalakihan pero sapat na para maliwanagan at kuminang ng dahil sa bilog na buwan. Nilagay niya ito sa gilid ng damit ng sanggol na tahimik na natutulog at walang kamuwang-muwang sa mga nangyari.
"Anak ko!!" Iyak na wika ng ginang at niyakap ng mahigpit ang anak. Batid niyang magigising ang sanggol kapag nagsalita siya ng malakas kaya hangga't maaari ay pinipigalan niya ito.
Nararamdaman niyang sumisikip ang hininga ng kaniyang anak kaya taranta itong lumingon sa asawa.
"FAVROS! ANG ANAK NATIN!!" Ngunit hindi ito pinansin ng lalaki bagkus ay nagpatuloy ito sa ginagawa.
Sa harap niya ay may unti-unting lumalabas na bilog. Isang bilog na magdadala sa kanila sa ibang dimensiyon. Ngunit hindi sapat ang laki nito para magkasya silang lahat kaya kinakailangan pang maghintay ng ilan pang sandali.
Alam nilang ito lang ang tanging paraan para mailigtas ang kaisa-isa nilang anak.
"NASAN NA ANG MAHAL NA REYNA? HANAPIN NINYO AT DALHIN MISMO SA HARAPAN KO" nagulantang ang mag-asawa sa narinig. Kahit isa't kilometro pa ang layo ng nagsalita ay rinig na rinig nila ang ma-awtoridad na sigaw ng lalaki.
Hindi na makapag-hihintay ang ilan pang minuto gayong alam nilang palapit na sa kanila ang mabibilis na takbo ng naglalaking aso at mga lobo sakay ang libo-libong tauhan ni Haring Cartemis.
'Iligtas niyo po ang anak ko' mahinang usal ng babae at mas hinigpitan pa ang pagkakayakap sa anak at tahimik na umiyak.
"Pumasok na kayo sa Portal"
Nabigla ang babae sa biglaang pagsulpot ng asawa sa harapan.
Nagtataka niyang nilingon ang lalaki gayong batid niyang hindi pa tapos ang pagsasagawa nito ng ritwal. Nilingon niya ang lumiliwanag na bilog sa harapan at nakitang nasa kalhati pa lang ang daan papuntang ibang dimensiyon.
"A-anong ibig mong s-sabihin F-Favros?" Nagtatakang tanong niya sa asawa.
"Mauna na kayo sa lo----"
"TUMIGIL KA FAVROS! ALAM KO ANG NASA ISIP MO" Galit na singhal ng babae.
Alam niya ang tumatakbo sa isipan nito. Nababasa niya sa mga mata ang binabalak gawin at kahit hindi niya pasukin ang isip ng asawa ay may ideya na siya sa mangyayari.
"Bilisan mo na Mahal ko. Pumasok na kayo ng anak natin. Pakiusap" nakiki-usap na lintanya ng lalaki.
Hindi makapaniwalang nilingon siya ng kanyang asawa at napatayong umiyak sa harapan niya, "H-huwag mong gawin ito M-mahal. P-pakiusap. Papatayin k-ka ni H-haring C-cartemis"
"Pumasok ka na sa loob"
"FAVROS! HINDI MO BA NARINIG AN----"
"Vixra" mahinang bigkas niya sa pangalan ng asawa.
Marahan niyang hinawakan sa pisngi ang babae at matamlay na pinagmasdan siya.
"Iligtas mo ang anak natin Vixra"
Napa-iyak siya sa sinabi ng asawa. Hindi niya gusto ang mga binibitawan nitong salita. Pero wala silang magagawa kung hindi iligtas ang kaisa-isang diyamante ng buong Glaskerlendh.
Pinagdikit nila ang kanilang noo kahit may iilang natuyo pa ng dugo sa parteng iyon. Banayad na hinalikan ng nagngangalang Favros sa labi ang asawang si Vixra.
"Babalik ako Favros. Hintayin mo ko pakiusap" mahinang usal niya at pumasok na sa portal na ginawa ng kaniyang asawa.
Bumalik ang pagiging seryoso ng lalaki. Nawala na ang malamyang mata nito kapag kausap ang asawa at napalitan ng matatalim na tingin. Ang sugat na natamo ng sila'y tumakbo palabas ng Bordok ay mabilis na gumaling. Ang labi nito ay naka-tikom ng mabuti na parang pinipigalang maglabas ng kahit na anong salita. At ang kamay nito ay parang naghahanda sa matinding bakbakan.
'Walong daang metro'
Iyon ang lokasyon ng mga humahabol sa kanila. Naririnig niya ang mabibigat at mabibilis na takbo ng mga ito papunta sa kaniyang direksyon. Napakabibilis nito na daig pa ang pinakamabilis na hayop na alam niya.
'Pitong Daang Metro'
Nagsisimula ng magbago ang kulay ng kaniyang mata. Kung kanina ay itim ngayon ay unti-unti ng nagiging pula. Umiinit ang kalamnan niya na parang may gustong kumawala.
'Anim na Daang Metro'
Ang mga malilinis nitong kuko ay bigla-ang naging itim, humaba at tumulis. Na sa tingin mo'y kayang pumaslang ng isang daang katao. Gayundin ang nangyari sa kanyang mga ngipin. Na parang lahat ay naging pangil.
'Limang Daang Metro'
Ang tenga nito ay naging mahaba din. Unti-unti na niyang nararamdaman ang pagbabago sa katawan niya. Binabalot na ngayon ng buong katawan niya ng itim na mahika.
Mas lumaki.
Mas lumakas.
Mas makapangyarihan.
Mas mapanganib.
'Apat na Daang Metro'
Hindi niya hahayaang makuha ng mga demonyong ito ang asawa't anak niya. Kung kailangan palabasin ang nasa saloob niya para pigilan ang mga ito ay hindi na siya magdadalawang isip mapaslang lang ang mga ito.
'Tatlong Daang Metro'
Sa ikatlong daang metro rinig na rinig na niya ang nagkukumahog na sigaw ng mga lobo, malalaking aso pati na ang mga kawal ng Hari. Dalawang minuto pa at tuluyan ng lalamunin ng demonyong nasa loob niya ang sarili niyang katawan. Pero wala na siyang paki-alam maprotektahan lang ang ginawa niyang dimensyon sa mag-ina.
'Dalawang Daang Metro'
Ang katawang tao niya ay tuluyan ng nagbago. Mabalahibo. Malaki. Mapanganib.
Nakakatakot.
Wala na siya sa mismong pag-iisip. Sa oras na dumating ang humahabol sa kanila. Alam niyang hindi na niya kontrolado pa ang pag-iisip na meron siya.
Alam niyang pabalik na ang kaniyang asawa dahil nararamdaman niya ang t***k ng kaniyang puso. Nilingon niyang muli ang ginawa niyang portal.
'Isang Daang Metro'
'Limampung Metro'
Kasabay ng paglingon niya ay tumambad sa kaniyang harapan ang libo-libong kawal sakay ng naglalakihang mga lobo at sa pinaka-gitnang bahagi ay nakita niya ang kanina niya pa hinhintay.
"Dugo" Isang nakakatakot at nakakapangilabot na boses ang narinig niya mula sa kaniyang utak.
At doon.
Alam niya.
Hindi na niya hawak pa ang kaniyang katawan.
*****
A/N:
Cliche'
ᕙ༼◕ ᴥ ◕༽ᕗ