KINABUKASAN, panibagong araw muli para sa pagpapatuloy ng pag-ani ng mga tubo. Tig-ani ang buwang ito kaya naman puspusan ang aming pag-aani ng mga tubo upang mai-deliver na iyon sa mga planta at magawang asukal at suka.
Gaya ng nakasanayan, balot na balot muli ako ng aking suot na damit na mahaba ang mangas, lumang pantalon, bota at abakang sobrero. Kinuha ko ang aking itak na ginagamit sa pagtatabas ng tubo’ at isinuksok iyon sa lalagyan nito na nakatali sa beywang ko.
Sinundo pa ako ni Rowena upang sabay kaming magtungo sa aming pwesto.
“Magandang umaga, Gayang!” sinalubong kami ng nakangiting si Anton. Kababata rin namin ito ni Rowena. Katulad namin ay magsasaka rin ito. Hindi lingid sa aking kaalaman na may pagtingin sa akin si Anton, dahil ilang taon narin siyang nanliligaw sa akin. Pero hanggang ngayon ay hindi ko parin ibinibigay sa kanya ang aking oo, dahil malapit na kaibigan lamang ang tingin ko sa kanya.
“Magandang umaga din, Anton.” nakangiti kong tugon.
“Eh ako? Hindi mo man lang ba ako babatiin?” nakataas ang kilay na sabi ni Rowena.
“Oo nga pala, nariyan ka rin pala, Rowena. Magandang umaga din sayo.” nakangising turan ni Anton.
“Tse! Porke si Gayang na lamang ang nakikita ng mata mo. Anong akala mo sakin, hangin?” singhal ni Rowena na tinawanan ko na lang.
Napakamot naman si Anton at makahulugang sumulyap sakin. “Pwede ba akong makisabay? pareho naman ang loteng ating pag-aanihan...”
“Oo naman, Anton.” sagot ko at hinayaan siyang sumabay sa amin sa paglalakad papunta sa tubuhan.
Ilang sandali lang ay nakarating din kami sa aming pwesto. Humiwalay sa amin si Anton upang puntahan ang kanilang pwesto sa unahang bahagi ng tubuhan. Habang kami naman ni Rowena ay sinimulan na ang pagtatabas ng mga tubo’.
Sa paglipas ng oras ay unti unti ring tumataas ang sikat ng araw dahilan para uminit ang lugar. Subalit di alintana iyon sa amin. Matagal na namin iyong ginagawa kaya naman sanay na ang aming katawan sa init na sikat ng araw.
Nang makaramdam ako ng uhaw ay nilapitan ko saglit ang dala kong supot kanina na nakalagay sa malilim na lugar. Nang makita naman ako ni Rowena ay sumunod siya sa akin. Katabi lang ng aking supot ang sa kanya.
Agad naming ininom ang laman niyon.
Hindi pa man ako nangangalahati sa aking iniinumang bote ay nagulat nalang ako sa biglang pagbunga ng tubig ni Rowena.
“Rowena, ano ka ba? Bakit naglalaro ka ng tubig!” singhal ko dahil muntik na niya akong mabasa.
“Hindi, si Avel kasi...”
“Si Avel?” takang tanong ko.
“Oo, si Avel. Ayun oh!” inginuso niya pa ang direksyon nito kaya naman nanlaki ang mata kong nilingon iyon.
Naglalakad si Avel kasama ang dalawang mga pawang mga kliyente nito. Ano mang sandali ay daraanan ng mga ito ang aming pwesto.
“Sir Avel!” nagulat akong nilingon si Rowena nang tawagin niya ito.
Agad ko siyang pinandilatan ng mga mata. “Ano ka ba, Rowena? Nakakahiya.”
Nahihiya akong napalingon kay Avel. Nakangiti itong naglakad palapit sa amin kaya naman hindi mapakali ang katawan ko at nakaramdam ako ng hiya, lalo na para sa suot ko.
“Magandang araw, sir Avel.” magiliw na bati ni Rowena.
“Good morning, Rowena.” nakangiting bati ni Avel. Maya maya ay dumako ang tingin sa akin at nagtagpo ang aming mga paningin. “Good morning, Ligaya.” napakurap kurap ako at nakagat nalang ang aking labi nang makita ang matamis niyang ngiti.
Napalunok muna ako bago nakapagsalita. “M-magandang umaga din po, S-sir Avel...”
Tumango siya at hindi parin inaalis ang ngiti sa akin kaya naman bumilis ang t***k ng aking puso.
“Sige, maiiwan muna namin kayo. Malapit nang magtanghali, magpahinga kayo maya maya ha.”
“Sige po Sir Avel, salamat po.” tugon ni Rowena. Maya maya lang ay iniwan na kami nina Avel.
“Grabe talaga si Sir Avel.” bulalas ni Rowena nang makabalik kami sa trabaho. Habang nagtatabas siya ay walang tigil ang salita niya. “Bukod sa sobrang gwapo, napakabait pa. Saan ka pa?” aniyang sinasang-ayonan ko naman.
Lihim nalang akong napapangiti habang inaalala ang kanina. Napakagwapo niya sa ngiting iyon.
“May nobya na kaya si Sir Avel?” napalingon ako kay Rowena nang sabihin niya iyon.
Saglit akong natigilan. Ewan ko, pero bigla akong nalungkot nang maisip na baka nga may nobya na si Avel.
Napabuntong hininga ako. “Hindi imposibleng iyon, lahat ay nasa kanya na kaya naman maraming babaeng magkakagusto sa kanya. Lalo na’t tumira siya sa Amerika...”
“Eh bakit parang nalungkot ka bigla?”
“H-huh?” saka ko lang napansing tumigil ako sa pagtatabas. “W-wala. Bilisan na nga natin dito para makapagpahinga na tayo...” sabi kong umiwas pa ng tingin sa kanya at nagpatuloy sa pagtatabas ng tubo’.
“Sus, wag ako Ligaya. Gusto mo si Sir Avel ano?”
Tumigil saglit ako at pinandilatan siya dahil napalakas ang boses niya.
“Ano ka ba, Rowena. Baka may makarinig sa iyo.” singhal ko na inismiran niya lang.
“Totoo naman, nagkakagusto ka na kay Sir Avel. Aminin mo na kasi.”
“Tsk! Ang ingay mo...”
“Sinong nagugustuhan ni Ligaya?” nagulat ako sa biglang pagsulpot ni Anton.
“Anton...”
“Tama ba iyong narinig ko? Gusto mo si Sir Avelino?”
Napalunok ako nang makitang salubong ang kilay niya.
“H-Hindi, namali ka lang ng pandinig, Anton. Hindi namin pinag-uusapan si Sir Avel, di ba Rowena?” agad kong nilingon si Rowena at sinamaan ng tingin.
“Ah oo, Anton. Namali ka lang siguro ng pandinig, hehe...”
Napabuntong hininga si Anton.
“Gayang, wag na wag kang iibig sa katulad ni Sir Avelino. Malaki ang agwat ng pamumuhay natin sa kanila. Hindi ka seseryusohin ng tulad niya. Baka paglaruan ka lang niya, Gayang.”
Natigilan ako sa sinabi niya. Bahayang sumama ang loob ko. Parang sinasabi narin niyang wala akong karapatang magustuhan ang tulad ni Avel.
“Grabe ka naman, Anton.” apila ni Rowena. “Sinisiraan mo si Sir Avel.”
Hindi ko siya sinisiraan, Rowena. Iyon naman kasi ang totoo. Ganoon naman talaga ang mayayamang tao.
“Sus, ang sabihin mo. Natatakot ka lang na maunahan ng iba kay Ligaya.”
Hindi naman nakasagot si Anton. Napatingin siya sa akin at makahulugan akong tinitigan.
Umiwas ako ng tingin at napadako sa dinaanan ni Avel kanina.
Natigilan ako nang biglang dumaan muli sina Avel at nakangiting tumingin sa gawi namin. Saglit siyang tumigil at nagtagpo ang aming paningin.
Ngunit napalingon ko kay Anton nang hawakan niya ang kamay ko at ilapit iyon sa kanya.
“Bakit ‘di mo na lang kasi ako sagutin, Gayang. Magiging mabuting nobyo naman ako eh...”
Hindi ko pinansin ang sinabi niya at muling nilingon si Avel. Kitang kita ko ang pagsalubong ng kilay ni Avel habang tutok ang tingin sa pagkahawak naming kamay ni Anton. Nawala ang ngiti niya kanina at napalitan iyon ng seryosong mukha.
Awtomatiko akong binawi ang kamay na hawak ni Anton. Kinagat ko ang ilalim ng labi ko at muling nilingon si Avel. Biglang kumirot ang dibdib ko nang tumalikod na siya at nagpatuloy sa paglalakad palayo roon.
ARAW ng sabado, pahinga namin ang araw na iyon pati ang linggo. Mag-isa akong nilibot ang kalupaan upang maghanap ng gulay na maiuulam namin mamayang gabi.
Mag-isa lamang ako sapagkat inutusan si Rowena ng kanyang magulang na magtungo sa bayan.
Nang makakuha ako ng ilang papaya, puso ng saging at saluyot ay pumunta muna ako sa malaking puno na may kalayuan sa aming bahay.
Iyon ang tambayan ko sa tuwing nais kong mapag-isa at makalanghap ng sariwang hangin. Sapagkat nasa mas mataas na bahagi iyon ng hacienda. Matatanaw mo rin mula doon ang napakalaking mansiyon ng mga Fuentebella.
Inilapag ko sa damuhan ang dala kong basket na may lamang mga gulay at inihiga ang katawan sa pinong damuhan.
Nakangiti akong ipinikit ang mga mata at lumanghap ng hangin. Sa paraang iyon ay nawawala ang aking pagod at isipin sa buhay.
Ngunit sa isang saglit lamang ay napabangon ako nang makarinig ako ng yapak at huni ng kabayo palapit sa gawi ko.
Nanlaki ang mata ko nang makita ang pamilyar na kabayo at ang nakasakay dito.
“S-Si Avel!” mabilis akong tumayo at tumakbo sa likod ng puno at doon nagtago.
Napapikit ako ng mariin nang mapagtanto kong nakalimutan ko ang basket na dala ko. Huli na ang lahat dahil narinig ko na ang pagbaba ni Avel sa kanyang kabayo.
“Stay here...” narinig kong kausap niya sa kanyang kabayo.
Maya maya ay narinig ko na ang paglakad niya palapit sa puno kaya naman napatakip ako sa aking bibig.
“Oh? What’s this?”
Napakagat na lang ako sa aking labi nang marinig iyon. Malamang ay nakita na niya ang basket. Siguradong hinahanap na niya kung sinong naroon.
Pigil ang hininga ko nang maramdaman ko ang paghiga niya sa damuhan. Napabuntong hininga ako. Paano kung magtagal siya doon?
Pero agad din akong pinanlakihan ng mata nang makita ko ang maliit at berdeng ahas na gumagapang palapit sa akin.
Agad akong napatayo at napatili.
“Ahhh! Ahas!” patakbo akong lumabas sa puno.
“Sh*t!”
Nang tuluyan akong makalabas ay natalisod ako sa basket at muntikan nang matumba kung hindi lang dahil sa bisig na sumalo sa akin.
Agad na nagtagpo ang aming mga paningin at parehong gulat na napatitig sa isa’t isa.
“Ligaya?”