LIGAYA
“LIGAYA?” agad na bulalas ni Avel habang hawak parin ang aking bewang.
Ilang segundo muna akong natulala at hindi nakakilos dahil sa sobrang lapit ng aming mukha.
Napakakinis ng mukha niya. Mas maganda pa ang kutis niya kaysa sakin. Ang makapal na kilay niya ang una kung napansin sapagkat nakipagsalubong ang mga ito sa isa’t isa, tanda ng pagkunot ng kanyang noo.
Napakaganda ng mga mata niyang kulay kape. Nakikita ko pa ang repleksiyon ko sa mga iyon. Napakatangos din ng kanyang ilong at nasa tamang hugis ang mga labi, sa makatuwid, napakaperpekto ng itsura niya. Nanahan naman ang paningin ko sa labi niya nang bahagya iyong umawang. Bahagya tuloy akong napalunok sa lihim kong naramdamang kasabikang matikman ang mga iyon.
“Are you alright?” nagising ako sa aking pagpapantasya at agad na umayos ng tayo at humiwalay sa kanya.
“A-ahm, oo. P-pasensya na po kayo, sir Avel. Naisturbo ko tuloy kayo. Natakot po kasi ako sa ahas.”
“It’s okay. Speaking of that snake, don’t worry, tumakbo na siya palayo. By the way, what are you doing there behind the tree? Are those yours?” itinuro pa niya ang basket ng gulay.
Napakamot na lang ako sa aking labi at nahihiyang napatango.
“Pagkatapos ko pong manguha ng mga gulay ay dumeretso ako dito para sana magpahinga sandali. Pero nakita ko po kayong paparating kaya...”
“Oh, sorry. Inagawan pa kita ng place.”
Agad akong umiling at nahihiyang napangiti. “Ah, h-hindi po sir Avel, ayos lang naman po iyon. Tsaka pag-aari niyo naman po itong lugar na ‘to.”
“Ligaya, you can go and stay here anytime you want. Saka ‘di ba sabi ko, don’t call me sir kapag tayo lang naman ang nag-uusap.” muntik na akong matunaw nang bigla siyang ngumiti.
Nailapat ko na lang ang aking mga labi para pigilang mangiti ng sobra.
“S-sige...”
“Tara, share nalang tayo sa pwesto.” aya niya at naunang umupo sa damuhan.
Nahihiya man ay napasunod ako sa kanya at umupo narin na may isang metro ang layo sa kanya.
Sandali kaming natahimik at hindi nagsasalita kaya naman nakagat ko ang aking mga labi at nakatingin lang sa ibaba habang pinalalaruan ang laylayan ng sariling palda.
“What vegetable are those again?” maya maya ay tanong niya na ikinalingon ko sa kanya. Napatingin ako sa basket na nasa tabi ko.
“Uhm, papaya, saluyot at puso ng saging ang mga ito. Lulutuin ko mamaya para sa aming hapunan.
Tumango tango naman siya. Saka lumapit sakin para abutin ang basket kaya naman nahigit ko ang aking hininga nang magkalapit ang aming mga katawan.
Tila wala lang iyon sa kanya at abala sa pagtingin ng laman ng aking basket.
“May I know what recipe are you going to cook these?” aniyang doon parin ang tingin. Halatang hindi siya makapaniwalang inuulam ang mga iyon lalo na ang saluyot na nagkalat lang sa paligid.
“A-ah, laswa na may puso ng saging at pritong isda...” nailapat ko ang aking mga labi at sinubukang pigilan ang aking paghinga dahil ayukong maramdaman niya ang hininga ko.
“Ah...” tugon niya saka napalingon sa akin.
Pareho kaming natigilan nang magtama ang paningin namin. Napalunok ako nang bumaba ang tingin niya sa labi ko. Matagal niyang tinitigan iyon at kumakalabog nang mabilis ang puso ko dahil doon.
Tumikhim ako dahilan para mapakurap siya at bumalik sa aking mga mata ang paningin niya. Maya maya lang ay lumayo siya sa’kin at napatikhim din.
Nagpasya akong tumayo na pero nagulat ako nang maramdaman ko ang paghawak niya sa kamay ko.
“Where are you going?” takang tanong niya.
“U-uhm, u-uuwi na ako, A-Avel...” utal na sagot ko dahil mas lalong bumilis ang t***k ng puso ko ngayong magkahawak ang aming kamay.
“That’s too fast...”
“I-ihahanda ko pa kasi ang mga gulay para mamaya.”
Napabuntong hininga siya saka napatayo. “Okay sige. But can I go with you?”
“H-ha?” gulat na usal ko. “Sa bahay namin?”
“Yeah, I want to taste your recipe...”
Namilog bigla ang mga mata ko. “Gusto mong tikman ang luto ko?” Ewan ko ba, pero bigla akong nakaramdam ng saya nang sabihin niya iyon. Pero lumubo ang isang pisngi ko nang may maisip.
“P-pero baka hindi mo magustuhan...” saglit akong tumingin sa kanya at nahuling nakatitig sa akin, napayuko ako. “S-simpleng luto lamang iyon, Avel. Iyon ang pagkain ng tulad naming mahihirap.”
“That’s why I want to taste it...”
Nang muli ko siyang tingnan ay nakangiti siya. Nailapat ko ang aking mga labi at napabuntong hininga.
“I want to know what your foods taste like. I want to know if you are comfortable of what you eat.” dagdag pa niya.
“Siyempre naman, Avel. Para sa amin, napakasarap na ng mga kinakain namin. Ang mapunan ang mga kumakalam naming sikmura ay malaking bagay na sa amin.” nakangiti kong sabi.
Saglit siyang natahimik at napatitig muli sa akin. Para naman akong na-magnet dahil hindi na ako makaiwas sa mga tingin niya.
Napansin kong nakagat niya ang kanyang ibabang labi subalit nakalusot parin ang kanyang ngiti.
“U-uhm, s-sige na nga. Ipapatikim ko na sa iyo ang aking luto.” nahihiyang sabi ko.
“Nice, tara?” Nagulat na lang ako nang hilahin niya ako at naglakad bitbit ang basket ng gulay.
Unti unti naman akong nakaramdam ng kaba at hiya nang malapit na kami sa bahay at nadadaanan na namin ang mga kapit bahay.
Pasimple kong inalis ang aking kamay na hawak niya kaya naman nilingon niya ako.
Nailapat ko na lamang ang aking mga labi at nagpatiunang maglakad papunta sa aming bahay.
“Sir Avelino!” agad na lumabas ng aming bahay sina Itay at Inay at sinalubong si Avel. “Naparito po kayo. May problema po ba?”
Pati ang aming mga kapit bahay ay nagsilapitan at halatang nasorpresa sa pagdating ni Avel.
“Magandang hapon, Mang Cesar. Gusto ko lang makita ang inyong lugar.”
“Masaya po kaming naparito kayo Sir Avelino, sa buong mag-anak, kayo lamang ang naglaan ng oras para puntahan ang aming lugar.” natutuwang turan ni Itay at napatingin sa akin.
“O andyan ka na pala, Gayang.” Saka napatingin sa basket na hawak ni Avel. “Magkasama kayo ni Sir Avelino?”
Bahagya akong napalunok at napatingin kay Avel.
“Ahm, s-sinamahan ko lang po siya papunta rito dahil hindi pa niya kabisado ang lugar natin.” Lumapit ako kay Avel. “S-Sir Avel, akina po ang mga gulay at nang amin nang mailuto para sa ating hapunan.”
“Okay, see you later.” aniyang nakangiting nakatingin sa akin. Tuloy ay naiilang akong pumanhik sa loob ng aming bahay dahil nahuli kong nagbubulungan ang mga babae naming kapit bahay.
Dumeretso ako sa kusina at agad na inihanda ang mga inani kong gulay. Naramdaman ko naman ang paglapit sa akin ni Inay.
“Anak, bakit kaya naparito si sir Avelino?”
Napatingin ako kay Inay. Nasa basket ang tingin habang tinutulungan akong ilabas ang mga gulay.
“Gusto daw po niyang makita ang tirahan natin ‘nay.” Agad naman akong napangiti nang may maalala. “Alam niyo ba inay, gusto niyang tikman ang luto ko.”
“Ha? Itong gulay?” gulat niyang tanong at agad kong tinanguan nang hindi inaalis ang ngiting iyon.
Saglit siyang napatitig sa akin kaya naman nawala ang ngiti ko at umiwas ng tingin. Pasimple kong inabala ang sarili sa pagbabalat ng papaya.
“Tapatin mo nga ako anak...”
“A-ano po iyon, inay?” sabi ko nang hindi tumitingin sa kanya. Kinabahan ako bigla. Mukhang alam ko na ang itatanong niya.
“May namamagitan ba sa inyo ni sir Avelino?”
Lihim akong napalunok at napatingin sa kanya. “N-Naku wala po ‘nay. Ano ba kayo, imposible pong maging kami.” Saka muling umiwas ng tingin.
“Kung gayon, may gusto ka ba sa kanya?”
“P-Po?” gulat kong sambit. “W-wala po inay.”
Muli niya akong tinitigan. Maya maya ay napabuntong hininga siya. “Sige, paniniwalaan ko iyang sinabi mo. Pero Gayang, huwag sanang dumating ang araw na iibig ka sa tulad niya.”
Natigilan ako sa sinabing iyon ni Inay.
“Hindi makabubuti sa’yo o sa atin ang umibig ka sa amo natin, Gayang. Malaki ang agwat ng kanilang pamumuhay sa atin. Ayukong magdusa ka lang sa huli.”
Natahimik naman ako at maya maya ay napabuntong hininga. Ngumiti ako at itinago ang nararamdaman ko.
“Grabe ka naman, ‘nay. Bakit mo naman naisip na gusto ko si sir Avelino. Mabait siyang tao hindi lang sakin kundi sa ating lahat kaya natutuwa ako sa kanya.”
“Kung gayon ay mabuti...” pabuntong hiningang sabi ni Inay. “O sige na, bilisan na natin at nang mailuto na ang mga ito.”
Tumango ako at binilisan na ang ginagawa.
Habang nagpiprito ako ng isda ay naghihiwa na ng mga gulay si Inay. Ilang minuto lang ay natapos na ako sa pagpi-prito kaya isinalang na ni Inay ang kaserolang may tubig at hinintay iyong kumulo.
Dumidilim na kaya naman sinindihan ko na ang mga gasera sa loob ng aming bahay at naglagay ng para sa beranda.
Nang kumulo ay inilagay na niya ang mga gulay at tinimplahan at pinakuluan hanggang maluto. Saka inilagay bang hinimay kong pritong isda.
Ilang sandali lang ay naluto na iyon kaya naman naghanda na ako ng mga plato at kubyertos at dinala iyon sa lamesa naming gawa sa kawayan na nakapwesto sa aming beranda na kung saan naroon sina Itay at Avel na nagkukwentuhan.
Naghain ako ng kanin sa malaking pinggan at inilagay sa gitna ng mesa. Lumabas narin si inay at inilagay ang malaking mangkok na may lamang laswang gulay. Inilapag ko rin ang platong may mga pritong isda.
“Kain na po tayo Itay, Av—sir Avel...” sabi ko.
“Tayo na’t maghapunan sir Avelino. Sana lang ay magustuhan mo ang niluto ng asawa at anak ko.”
Hindi ganon kaliwanag ngunit ang paglitaw ng ngipin ni Avel ay patunay na siya’y nakangiti habang nakatingin sa akin.
Hindi ko naman napigilan ang aking sariling mahawa roon.
Hinintay ko munang magsi-upo silang lahat. Si Inay at si Itay ay magkatabi kaya naman doon na ako naupo sa tabi ni Avel na nasa tapat naman ng mga magulang ko.
Kinabahan ako nang kunin na ni Avel ang kanyang kutsara at magsandok ng sabaw. Bahagya akong napalunok nang tikman niya iyon. Pati sila inay at itay ay nakatingin sa kanya.
Umangat ang kilay ni Avel at maya maya ay tumingin sakin saka ngumiti. “This is so good...” puri niya na ikinatuwa ko. “You’re a great cook, Ligaya.”
“S-Salamat, tinulungan din ako ni Inay para mas sumarap ang luto ko.”
Nagsimula na siyang kumain at namamangha akong marami siyang nakain kahit na ganoon kasimple ang aming ulam. Masasabi kong hindi siya maarteng lalaki. Mas lalo ko tuloy siyang hinahangaan.
“Thank you for the food, Ligaya...” sabi ni Avel nang ihatid ko siya palabas ng aming bakuran.
“Wala po iyon, ako nga ‘tong dapat magpasalamat sa iyo dahil nagustuha niyo po ang pagkain namin.”
“Why not? It may be different to what I’ve tasted but your food is actually great.” Humarap siya sa’kin at nakapamulsang tumingin sa akin. Mabuti na lamang at maliwanag ang buwan kaya naman kitang kita ko ang gwapong mukha niya lalo pa’t nakaharap siya sa liwanag ng buwan.
“Bye, Ligaya...” aniya na akala kung aalis na. Pero nanigas nalang ako sa aking kinatatayuan nang lumapit ang mukha niya at maramdaman ang labi niya sa pisngi ko. “See you tomorrow...”
Naglakad na siya palayo at naiwan akong tulala. Dahan dahan akong napahaplos sa pisngi kong hinalikan niya. Nakagat ko nalang ang labi ko para pigilan ang malapad na ngiti sa labi ko.