“HOY, Gayang. Nalaman kong pumunta sa inyo si Sir Avel noong isang araw. Bakit ‘di mo man lang ako tinawag?” nakasimangot na tanong ni Rowena.
Napailing lang ako saka ipinagpatuloy ang pagtatabas ng tubo.
“Pero bakit nga pala siya pumunta sa inyo? Anong ginawa niya doon?”
“Wala naman, gusto daw niyang makita ang kalagayan natin.” kibit balikat na sagot ko.
Tumigil muna siya saglit at tumingin sa’kin ng may pagdududa. Kaya naman nahinto rin ako at kunot-noo siyang tiningnan.
“Natin? Pero sa inyo lang pumunta?”
Napabuntong hininga ako. “Eh kasi madilim na kaya hindi na niya nagawang libutin ang buong lugar natin...” rason ko. Totoo naman iyon. Pero hindi ko muna sasabihin sa kanya ang buong nangyari nung sabado dahil siguradong hindi niya ako titigilang asarin.
Nakita kong tumango tango na lang siya pero hindi parin naalis ang pagdududa sa mga mata kaya naman nag-asta akong ipinagpatuloy ang aking trabaho.
Maganda ang panahon at hindi pa mainit ang sikat ng araw kaya naman mabilis ang aking pagtatabas. Ginaganahan din ako sa aking trabaho dahil hindi mawala sa isip ko ang ginawa ni Avel nung gabing iyon. Hindi parin ako makapaniwalang hinalikan niya ako sa pisngi. Tuloy ay mas lalo akong nahulog sa kanya.
“O, anong ngini-ngiti-ngiti mo diyan?” natigilan ako at napatingin kay Rowena.
“A-ako? Nakangiti?” Hindi ko rin alam na nakangiti na pala ako.
“Oo, at ang tamis tamis pa.” singhal niya. “May hindi ka sinasabi sa’kin, Gayang.”
“W-wala ah...”
“Sus, matagal na kitang kaibigan, Gayang. Sabay tayong lumaki kaya kilala na kita, alam kong may inililihim ka sa’kin.” Maya maya ay nagdadabog siyang magtabas kaya naman umikot ang mga mata ko.
“Hoy, bakit ka ba nagagalit?” tanong ko.
“Hmp! Wag mo ‘kong kakausapin.” Napabuntong hininga ako sa pagsusungit niya. “Hindi mo man lang ako pinagkakatiwalaan. Hindi ko naman ipagsasabi ang malalaman ko eh...”
“Oo na, sige na.” nasabi ko nalang. “Sasabihin ko sa’yo mamaya...”
“Talaga?” Bigla na lang lumiwanag ang mukha niya kaya umikot muli ang mga mata ko.
“Oo nga, para matahimik kana...”
“Sabi mo yan ha...” aniya saka ipinagpatuloy ang pagtatabas.
Magpapatuloy na sana ako sa pagtatabas nang makita ko ang pares ng mga paa palapit sa amin kaya napatingala ako.
“A-Avel...” nasambit ko na lang at biglang nahiya sa sariling itsura.
“Magandang umaga, sir Avel.” nakangiting bati ni Rowena.
“Hi Rowena.” Agad na dumapo ang paningin ni Avel sa akin at mas tumamis ang ngiti. “Hi Ligaya...”
Saglit kong nakagat ang ibabang labi dahil sa kilig na nararamdaman matapos marinig ang aking pangalan mula sa kanyang bibig. At hindi ko rin matagalan ang pagtitig ko sa kanya dahil parati kong naaabutan ang sarili kong nakatingin sa mga labi niya kaya naman naaalala ko iyong gabing hinalikan niya ako sa pisngi.
“Magandang umaga, Sir Avel. Ano pong sadya niyo?”
“I want to try harvesting canes. Can you teach me?”
“G-gusto mong subukan mag-tabas ng tubo?” gulat na tanong ko at agad naman siyang tumango. “S-sige, sundan mo lamang ang ginagawa ko.”
Ipinakita ko sa kanya kung paano ang pagtatabas. Pagkatapos ay iniabot ko sa kanya ang itak.
“Ikaw naman, sir Avel.” sabi ko at tumabi sa gilid niya.
Sinimulan niyang gayahin ang ginawa ko at nagtabas ng tubo. Nagawa naman niya iyon ngunit mali ang pagkakahawak niya ng itak.
“Ahm, Avel, hindi ganyan ang tamang paghawak ng itak...” lumapit ako at kinuha ang itak at ang kanyang kamay saka inilagay sa tamang hawakan ng itak. “Ganitong angulo ang pagtapyas mo ng tubo para marami kang maputol.”
“Ahh, thank you, Ligaya...” napatingin na lang ako sa kanya nang maramdaman ko ang isang kamay niya sa kamay kong nakahawak din sa kamay niya.
Nailapat ko ang mga labi ko at pasimpleng inalis ang kamay sa kanya. Bahagya akong lumayo sa kanya at nilingon si Rowena. Nakangisi lang ito at muling bumalik sa kanyang trabaho.
“Tama na ba itong ginagawa ko, Ligaya?” ani Avel na naka tatlong lipon na ng mga tubo.
“Oo, Sir Avel, ganyan nga...” natutuwang sabi ko at nakasunod lang sa kanya.
Ngunit ‘di naglaon ay nakaramdam ako ng hiya nang ilang minuto pa siyang nagpatuloy sa pagtatabas at ako naman ay nakatingin lamang. Malapit na siyang mangalahati sa sakop ko.
“Ahm, Sir Avel...” tawag ko sa kanya. “Ako na po ang tatapos niyan, wala po kayong protesyon sa balat niyo. Baka mangati po kayo mamaya.”
“Ganon ba, sige. Pasensya na, masyado akong nawiling magtabas.” aniya saka lumapit sakin. Marahan niyang iniabot ang itak sa akin. “Salamat Ligaya...”
“Walang anuman, Avel.”
“By the way, I want you to know that later tonight is my birthday party. Makakapunta ka ba?”
“Uhm, naku, nakakahiya sa mga bisita mo, Avel. Hindi ako nababagay sa mga ganoong selibrasyon...”
“Don’t say that. Everyone can go there.” aniya. “So, pupunta ka ba?”
Napabuntong hininga ako. “Hindi ko pa alam, Avel. Magpapaalam pa ako kina inay at itay kung papayagan nila ako.”
“Sige, I’ll wait for you there.” aniyang nakangiti. Mamaya ay nagpaalam na siya.
“HAY naku, simula kanina, hindi parin nawawala iyang ngiti mo...” sabi ni Rowena nang naglalakad na kami pauwi.
Nailapat ko na lang ng aking labi para itago ang sayang nararamdaman ko.
“Pupunta ka ba sa party ni sir Avel?”
“N-narinig mo?” gulat na tanong ko.
“Tsk, ako pa.” aniya saka naunang maglakad at humarap sa akin. “O ano? Iki-kwento mo na ba ang nangyari nung sabado?” pangungulit niya.
Napabuntong hininga ako at tumigil saglit sa paglalakad at tumingin sa paligid kung may mga tao roon. Nang wala namang mga tao roon maliban sa’min ay nagpasya akong ikwento sa kanya ang buong nangyari nung sabado.
“Hinalikan ka ni sir Avel?” bulalas niya agad kong sinaway dahil baka may makarinig.
“Sa pisngi lang naman...” sabi ko na pinandilatan niya lang ng mata.
“Kahit sa pisngi lang iyon, halik parin iyon, Ligaya. Kaloka ka. Kung ako iyon ay baka nahimatay na ako.”
Kasabay ng pagkibit ng balikat ko ang pagbuntong hininga ko. “Kahit naman ako ay nagulat. Ilang minuto yata akong natulala noon. Wala sa hinagap ko ang halikan niya ako.”
Bigla siyang parang kinilig sa reaksyon niya. “Gayang, baka may gusto na si Avel sayo!” aniyang napahawak pa sa balikat ko.
Saglit mang bumilis ang t***k ng puso ko pero agad ko din iyong pinawi at pinalitan ng kaunting pagdududa.
Umiling ako. “Imposibleng magkagusto sa’kin si Avel...”
“Bakit mo naman nasabi yan?”
Napatingin ako sa sarili ko. “Tingnan mo naman ang itsura ko. Mukha akong basahan dahil sa suot ko. Hinding hindi magkakagusto sa akin si Avel.”
“Eh para saan yung halik sa pisngi mo?” tanong niya na ikinatigil ko naman. Nag-isip ako ng magiging rason para doon para lang alisin ang sa isipan ko ang kaisipang may gusto sa akin si Avel.
“Baka natuwa lang siya sa’kin kaya ganoon. Nasarapan kasi siya sa niluto namin ni Inay nung gabing ‘yon.”
Napabuntong hininga siya at saglit akong tinitigan. “Sabi mo ‘yan eh...”
Naglakad na kami pauwi sa aming mga bahay.
Balak kong ipaalam kay Inay na in-imbitahan ako ni Avel sa party nito at gusto kong pumunta.
Bago pa man ako makapasok sa aming bakuran ay nakasalubong ko si Aling Solidad na kakagaling lang sa amin. Si Aling Solidad ay ang nakatataas na kasambahay ng mga Fuentebella.
“Nay, ano pong ginawa ni Aling Solidad dito?” takang tanong ko.
“Kailangan nila ng mga tagahugas ng pinggan at katulong sa kusina. Kailangan nating pumunta doon anak, sayang din ang isang libong peso.”
Saglit akong natahimik. Gusto kong pumunta sa party ni Avel suot ang malinis na bistida pero hindi ko naman pwedeng hayaan si Inay mag-isang magtrabaho sa kusina ng mga Fuentebella.
Napabuntong hininga ako.
“O, may problema ba?” Napansin niya ang itsura ko.
“W-wala po Inay. Sige po, magbibihis lang po ako.”
Dumeretso ako sa aking kwarto at nagbihis. Napaupo ako sa aking papag at nakaramdam ng lungkot. Pagkakataon ko na sanang makapunta sa isang engrandeng handaan at maranasan ang magarbong selibrasyon pero hindi naman ako maaaring maging makasarili. Kailangan kong tulungan si Inay upang may dagdag kita kami.
Sabagay, hindi rin naman ako bagay sa ganoong okasyon. Baka pagtawanan lang nila at itaboy ang tulad ko pag nakita nila ako doon.
“TAYO na, Gayang.” tawag sa’kin ni Inay at agad din akong lumabas suot ang simpleng damit na puting blusa at mahabang palda.
Inihatid kami ni Itay sakay ng balsa na hila ng aming alagang kalabaw.
Nang makarating kami sa mansyon ay agad kong nakita ang magarbong desenyo ng party. May nagsisidatingan naring mga bisita na magagara ang mga suot.
Hinila ako ni Inay papunta sa likod ng bahay.
“Pwede na kayong magsimula.” anang si Aling Solidad. “Ikaw Mirasol, tulungan mo sila Edna sa paghihiwa ng mga sangkap at iyang anak mo naman ang bahala sa mga hugasan. Maiwan ko na kayo riyan at aasikasuhin ko pa ang labas.”
Mabilis naman akong kumilos at nagtungo sa lababo. Mayroon nang mga hugasing plato at mga kaldero’t mga kawali. Agad ko iyong hinugasan.
Di naglaon ay nadadagdagan ang aking mga hinuhugasan. Hindi iyon nauubos lalo na’t rinig kong nagsisimula na ang party.
Ilang minuto ang lumipas, nakakaramdam na ako ng pagod dahil sa walang tigil na paghuhugas. Nangangalay na ang mga kamay ko pero hindi ko magawang tumigil dahil mapapagalitan ako ni Aling Solidad.
Ilang minuto pa, tagaktak na ang aking pawis kaya naman huminto muna ako para punasan iyon ng aking dalang tuwalya.
“Ako na muna diyan, anak.” napalingon ako sa likod. Si Inay.
Nakangiti akong umiling. “Hindi na po Inay, ayos lang po ako.”
“Hindi, anak. Ako na muna ang magpapatuloy niyan. Wala na akong ginagawa dahil tapos nang magluto ang cook. Magpahinga ka na muna doon. Tatawagin na lang kita kapag kailangan ko ang tulong mo.”
Wala na akong nagawa nang kunin niya sa akin ang platong sinasabunan ko at siya na ang nagpatuloy niyon.
“Sige po, Inay. Doon lang po muna ako sa likod.”
Nagpunas ako ng aking mga kamay at naglakad patungo sa likurang bahagi ng bahay. Madilim na roon kaya walang makakapansing mga bisita sa’kin doon.
Sinalubong ako nang malamig na simoy ng hangin kaya napapikit ako at napangiti. Tinanaw ko ang kinaroroonan ng party at nakita kong nagsasayawan na ang mga tao doon.
Napaisip tuloy ako kung anong ginagawa ni Avel. Baka nagsasaya ito kasama ang mga kaibigan nito lalo na ang mga babae.
Napabuntong hininga ako. Kahit papano ay nakaramdam ako ng inggit sa tulad nina Avel. Pinanganak silang mayaman kaya nabibigyan sila ng ganito kagarbong kaarawan. Samantalang ako noong nag-debu ako, iyon ang mahalagang araw ng isang babaeng tumutungtong ng desi otso pero hindi ko naranasan iyon dahil wala kaming kakayahan sa ganoong okasyon.
Napakunot-noo ako nang makalanghap ako ng usok ng sigarilyo. Kaya naman napalingon ako sa unahang bahagi ng kaliwa ko.
Natigilan akong maaninagan ang nakatalikod na lalaki habang naninigarilyo at hawak ang isang kopitang may alak.
Aatras na sana ako nang bigla siyang lumingon sa kanyang likuran at makita ako. Madilim kaya naman hindi ko makita ang mukha niya.
Natigilan na lang ako at kinabahan nang lumapit siya sa akin.
“Who are you?” bahagya akong nagulat nang makilala ang boses niya. Huli na para makapagsalita ako dahil nakalapit na siya sa akin at siguradong nakilala na niya ako.
“Ligaya?” gulat niyang usal.
“A-Avel...” nasambit ko. Kahit madilim ay alam kong napakagwapo niya sa suot niya. At ang bango bango pa niya sa gabing iyon. Mas lalo kong ikinaliit ang sarili ko.
“You’re here. Bakit hindi kita nakita doon sa party?”
“Ahm, hindi kasi, pumunta lang kami ni Inay para tumulong sa paghuhugas ng pinggan.”
“Ah, I see...” aniya.
“M-maligayang kaarawan nga pala Avel...” nahihiyang bati ko. “Pasensya ka na, wala akong maibibigay na regalo sa’yo.”
“It’s fine. Hindi ko rin naman kailangan ng mga regalo. Masaya ako’t nakita kita ngayon dito.”
Hindi ko napigilang mapangiti.
“Bakit ka pala nandito, Avel? Nagsasayawan na doon sa party mo.”
“It’s so noisy there. At umalis ako doon dahil pinipilit ako ni Mommy na isayaw ang lahat ng babae doon, nakakapagod kaya yun.” reklamo niya na ikinatawa ko.
Hindi ko sinasadyang marinig niya iyon at huli na ang lahat. Nahihiya akong tumingin sa kanya. Kita ko ang mga mata niyang nakatitig sa akin kaya naman biglang bumilis ang t***k ng puso ko.
“Ikaw ang gusto kong makasayaw, Ligaya...”
Natigilan ako sa sinabi niya. “H-ha?”
“I want to dance with you here, in the dark. No one will gonna see us here so don’t worry.”
“P-pero hindi ako marunong sumayaw, Avel.”
“It’s fine, you’ll just have to follow my movement.”
Mas lalo akong kinabahan nang lumapit na siya sa akin at kunin niya ang mga kamay ko at ipatong iyon sa aking mga balikat.
Bahagya rin akong napalunok nang maramdaman ko ang isang kamay niya sa beywang ko.
Maya maya ay nagsimula siyang gumalaw kasabay ng saliw ng romantikong musika.
Hindi ko na maintindihan ang sarili ko dahil sa sobrang lakas ng tahip ng dibdib ko gayong magkalapit ang aming mga mukha at parehong nakatitig sa isa’t isa.
Ilang segundong para akong lumulutang at hindi alam ang ginagawa. Nagpapatangay lamang ako sa bawat hakbang ni Avel habang ninanamnam ang sandali.
Habang patuloy sa mabagal na pagsayaw, umiinom ng alak si Avel kaya napapatingin ako roon.
“Do you want to drink?”
“H-hindi, hindi ako umiinom, Avel.”
“You should try then...” aniya’t inilapit pa ang kopeta sa akin. “Tikman mo lang.”
Wala akong nagawa nang ilapit na niya iyon sa bibig ko. Uminom ako ng kaunti roon at agad kong nalasahan ang alak. Lasang ubas, matamis na mapait at matapang sa lalamunan...
“How’s it?” tanong niya.
“Medyo matamis...” nasagot ko na lang.
“How about this?”
Hindi ko agad nahulaan ang tanong niya. Huli na para magreact ako dahil sinakop na ng labi niya ang mga labi ko.
Bahagyang nanlaki ang mata ko sa gulat pero ‘di naglaon ay napapikit ako at tinugon ang masuyo niyang halik.
Naghalo ang lasa ng alak at tamis ng halik niya na mas pinapaganda naman ang aking pakiramdam ng saliw ng musikang iyon. Hindi ko akalaing magiging espesyal ang gabing ito para sa akin.