Nakaupo ngayon sa labas ng bahay ni Sheena si Edyssa kaharap ang binatang si Pektong. Nakatitig ito sa kaniya at nakangisi. Napalunok si Edyssa nang makita ang apat na ngipin nito sa harap. Sa ilalim ay may lima pa. Sa gilid puro gilagid na ang makikita.
"Hi, I'm Pektong. How are you?" ani nito sa matigas na ingles. Hindi man lang nito inabot ang kamay para makipagkamayan sa kaniya.
"Sertipayd guwapo, resh, cute, at seksi. 10 intses long 3 intses wide," nakangiting saad nito at kinindatan siya. Kaagad na nakagat ng dalaga ang labi niya. Pilit niyang pinipigilan ang tawang pilit umaalpas. Inayos nito ang buhok ng binata at napasandal sa upuan.
"I herd you seeing sam singol," ani nito at kumindat ulit. Mukhang hindi iyon simpleng kindat lang. Mukhang natuloyan na ang binata.
"Ahm, oo eh pero baka hindi ito ang tamang panahon," saad ng dalaga. Kaagad na natigilan si Pektong.
"Sori, but I hertbrek you," saad nito. Kaagad na napataas ang kilay ng dalaga.
"Huh?" tanong niya. Hindi niya ito maintindihan.
"I am singol and no redi por dobol. Sori you see sam singol much best than her," saad nito at tumayo. Naiwan naman ang dalaga na naguguluhan.
"Hindi kita maintindihan puwede pakitagalog?" ani niya rito. Kaagad na napailing si Pektong.
"Hindi talaga tayo bagay dahil ingles speking ako. We no understand together. Makakakita ka pa ng para sa'yo. I no debelop eh," saad nito at umalis na. Naiwan naman ang dalaga at napailing.
Ilang sandali pa ay may bagong pumasok na naman. May nakapila sa labas dahil sa kagagawang blind date ng kaibigan niya na mga kaibigan ni Betong.
"Hi," bati nito. Kaagad na napaayos sa pag-upo ang dalaga nang makitang mukhang maayos ito. May mukha at parang reliable at responsible.
"Hello," nakangiting bati niya rito.
"Ako nga pala si, Tony," ani nito. Kaagad na napangiti ang dalaga.
"Edyssa," sagot niya rito. Kaagad na tinanggap niya ang kamay nito. Natigilan siya nang maamoy niya ito.
Kaagad na ngumisi si Tony at kumuha ng sigarilyo. Sinindihan niya iyon at hinithit pagkatapos ay ibinuga sa mukha ng dalaga. Kaagad na napaubo siya sa baho at usok. Tinakpan niya ang ilong niya.
"Balita ko naghahanap ka raw ng magiging nobyo mo," saad nito at humithit na naman.
"Hindi naman nobyo iyong maging kaibigan lang," saad niya rito. Kaagad na napatango ito.
"Puwede ako," saad nito. Alanganing napangiti ang dalaga.
"Haha p-pag-iisipan ko muna," ani niya rito. Kaagad na tumayo ito at itinaas ang kaliwang braso.
"Malaki ang muscles ko," ani nito na parang lasing at hinalikan ang malaking braso nito. Kaagad na napatakip ng mata ang dalaga nang itinaas nito ang damit na suot.
"May abs din," dagdag pa nito. Napatayo si Edyssa at nginitian ito nang malapad.
"Hindi pa ako handa s-sige ha," saad niya rito. Napatango-tango ito at nagsindi ulit ng sigarilyo.
"May singko ka riyan?" tanong niya rito. Mabikis na bumunot ng pera ang dalaga at ibinigay rito.
"Salamat," sagot nito at lumabas na. Pagod na napaub-ob siya sa lamesa at napahinga nang malalim. Kung hindi mataas ang tingin sa sarili mukhang adik naman.
"Girl," saad ni Sheena.
"Wala ka pa rin bang napipili?" tanong ni Sheena sa kaniya. Kaagad na napabusangot siya.
"Ano ba naman iyong mga kaibigan ni, Betong. Parang mga sabog," saad niya. Napangiti naman agad si Sheena.
"No problem, dahil na-contact ko ang suki ko," nakangiting saad niya.
"Suki? Bahala ka riyan, Sheena. Uuwi na ako," saad niya sa kaibigan. Kaagad na pinigilan siya ng kaibigan.
"Hindi hindi, suki ko siya kasi may business siyang 5x6 doon ako nangungutang. Hindi ka lugi rito girl. Mayaman ito, matangkad, mabalbas, at siyempre madiskarte sa buhay. Ayaw mo nu'n may lahing Indiano ang magiging anak mo," ani ni Sheena. Kaagad na tinaasan niya ito ng kulay.
"Promise girl, kaedad mo lang din. Matured na ito. Gusto ka niyang makita," saad ni Sheena.
"Last na 'to girl," dagdag pa nito. Huminga siya nang malalim at tumango.
"Sige na nga, siguradohin mo lang ha," ani niya sa kaibigan. Kaagad na napapalakpak ito.
"Let's go, sabi niya sa'kin ite-treat niya tayo sa restaurant eh," eksayted na saad ni Sheena. Siya rin ay excited na, baka iyon na ang hinahanap niya. Hindi siya sinuwerte sa Pinoy baka sa mga hey darling meron.
Kaagad na sumakay sila sa traysikel papuntang bayan. Huminto sila sa isang sikat na restaurant.
"Mahal dito ah. Sigurado ka bang ililibre niya tayo?" tanong niya sa kaibigan. Kaagad na ngumisi ito at tumango.
"Oo naman no," sagot nito at hinila na siya papasok. Binati sila ng guwardiya at pumasok na sa loob. Pinili nila ang sa gilid para hindi masiyadong distracting.
"Ano pala ang pangalan niya?" tanong niya sa kaibigan.
"Ranveer Singh, 'yan ang pangalan niya," sagot ni Sheena. Kaagad na napatango ang dalaga.
"P-puwede bang ilagay ko muna 'tong wallet ko sa bag mo? Nakakahiya eh. Baka akalain ng mga tao rito sobrang ano ko. Eh dalawang libo lang naman ang laman," natatawa niyang saad.
"Sureness girl," sagot ni Sheena.
"Wait, CR muna ako ha. Pakibantay ng bag ko," ani ni Sheena. Tumango lamang siya bilang pagsang-ayon. Tiningnan niya ang itim na bag sa gilid ng lamesa. Nandoon lang naman. May laman kasi iyong mga paninda ni Sheena. Hindi na siya nagtanong kung ano ang mga iyon.
Nakatingin lamang ang dalaga sa baba nang mapaangat siya ng tingin nu'ng may pumasok. Napaka-guwapong binata. Matangkad at halatang mamahalin ang suot na Armani suit. Napaka-kinis ng mukha at para itong runway model. Napalunok siya at napakurap. Halos lahat ng mga tao sa loob ay napatingin sa binata. Lumakas ang kabog ng dibdib niya nang umupo ito sa katabing table nila. Mukhang may hinihintay ito. Napatingin ito sa gawi niya kaya nanlaki ang kaniyang mga mata. His eyes were cold and strict. Tinaasan lamang siya ng kilay nito. Napalunok ulit siya at itinuon na lang ang pansin sa menu.
Nakailang balik na rin ang waiter hindi pa rin dumarating ang ka-date niya. Bagot na napatingin si Edyssa sa kaibigan.
"Sure ka bang darating 'yon? Sobrang init na ng upuan. Tingin ko nalusaw na ang taba ko sa puwet kahihintay sa kaibigan mo," reklamo niya kay Sheena. Napakamot naman ito sa ulo niya.
"Oo nga eh, mauupakan ko talaga iyon mamaya," saad ni Sheena. Ilang saglit pa ay tumunog ang cellphone nito.
"Wait lang girl sagutin ko muna 'to," ani ni Sheena. Napatango lamang siya. Napatingin siya sa katabing lamesa nang tumayo na ang guwapong lalaki kasama ang ka-meet nitong lalaking guwapo rin. Nagkamayan ang mga ito at walang lingong likod na umalis dala ang bag na kagaya nu'ng kay Sheena. Mabilis na napatingin siya roon at napahinga nang maluwag. Nandoon lang ang bag pero baka nasipa ng kaibigan niya kanina kaya nausog.
Tbc
zerenette