CHAPTER TWO
HINDI ko alam kung paano ko naiakyat si Sir sa silid niya. Sana lang ay hindi niya maalala na ilang beses ko siyang nabitawan at naibagsak sa sahig.
Narinig ko ang mahinang ungol niya nang ihiga ko siya sa kama niya. Agad naman akong pumunta sa CR at kumuha ng basin at face towel para ipunas sa katawan niya. Saan niya kaya nakuha `tong mga sugat niya?
Umupo ako sa gilid ng kama at tumabi kay Sir. Pinunasan ko ang mukha niya pababa sa leeg at braso. Walang malisyang hinubad ko ang pantaas niya kahit napapalunok na lang ako sa hantad niyang katawan. Nakita kong may mga dumi ng lupa sa likod ng braso niya kaya maingat ko itong inangat para punasan.
Saan ka ba galing, Sir, at ganito ang ayos mo?
Matapos ko siyang punasan ay kinuha ko ang cotton at betadine sa tabi ng bedside table. Dahan-dahan kong dinampian ang sugat niya nito.
“Ughhh…”
“Sorry po, Sir. Kaunting tiis lang. Medyo masakit talaga `to,”mahina kong sabi.
Nilagyan ko rin ng benda ang dibdib niya hanggang sa tiyan niya dahil alam kong doon nanggagaling ang sakit. Kumuha naman ako ng puting t-shirt sa closet niya at walking shorts at ipinalit ko sa suot niya. I even turn-on the heater dahil masyadong malamig ang katawan niya.
Paalis na sana ako para ibalik ang first aid kit sa CR nang maradaman kong may humigit sa kamay ko. Paglingon ko, si Sir. Nakapikit habang hawak ang kamay ko. May kung ano akong hindi maintindihan sa sarili ko.
“P-please don’t leave me,”nahihirapan niyang sabi.
Para namang may bumara sa lalamunan ko. Hindi ako makapagsalita.
Ano ka ba, Theyn. H’wag mong lagyan ng ibang meaning ang sinabi ng Sir mo! Hindi naman, eh. Nagulat lang.
“I won’t,” tanging sagot ko.
Dahan-dahan niyang binitawan ang kamay ko. Inilapag ko naman ulit ang kit sa bedside table `saka ako umupo sa gilid ng kama. Hinawakan ko noo niya na hanggang ngayon ay malamig pa rin. Parang nagyeyelo sa sobrang lamig ang balat niya.
“Nilalamig po ba kayo, Sir? Gusto niyo ng jacket?” nag-aalala kong sabi. I saw a faint smile on his lip and I couldn’t help but beam.
Dahan-dahan ay nagmulat ang mga mata niya at tumingin sa akin.
“Thank you for taking care of me,” sabi niya at dahan-dahang bumangon.
“W-wala po `yon. Trabaho ko po ang pagsilbihan kayo,” sincere kong sabi. Nakita ko siyang tiningnan ang wallclock sa gilid malapit sa pinto `saka ako tiningnan.
“Puwede ka ng umalis, Miss Torres. Salamat sa lahat,” pinilit niyang tumayo pero mabilis siyang napaupo sa kama. Sapo nito ang kaniyang tiyan at hindi maipinta ang mukha niya.
“Sir, hindi pa kayo maayos. Marami kayong sugat sa katawan. Gusto niyo po ba akong tumawag ng doctor?” nag-aalala kong sabi pero sunod-sunod naman siyang umiling.
“I don’t need a doctor. I’ll be fine,” tanging sagot niya.
“Ipagluluto ko na lang po kayo para bumalik ang lakas niyo. Ano po ang gusto niyong kainin?” nag-aalala kasi talaga ako sa kalagayan niya. Alam ko naman na wala siyang katulong at wala pa siyang lakas para ipagluto ang sarili niya.
“Is your blood available?” sabi niya na ikinakunot noo ko. Ano naman kinalaman ng dugo ko?
Pinilit niyang tumayo habang nakahawak sa tiyan niya. Mabagal siyang naglakad papunta sa closet niya. Nakita ko siyang kumuha ng tuwalya bago ako tiningnan.
“You can leave now, Miss Torres. I appreciate everything you’ve done today,” sabi niya pero hindi agad ako kumilos. Hindi ko siya kayang iwan. Kahit naman sugo ni satanas ang pag-uugali ng boss ko ay hindi ko pa rin siya puwedeng pabayaan.
“Pero hindi pa po kayo magaling. Mag-aalala lang ako kapag iniwan ko kayo rito,” sinsero kong sabi.
“You are my secretary, not my mother,” pagkasabi niya noon ay pumasok siya sa CR kaya naiwan akong mag-isa.
I decided na hintayin siya. Nanatili ako sa living room. Bahala na kung mainis siya sa akin. Ang mahalaga ay ginawa ko ang best ko as his assistant.
Habang naghihintay ay pinagmasdan ko naman ang kabuuhan ng salas. The wall is white with a black molding. Walang gaanong gamit maliban sa gray leather couch, center table, a flat screen installed in the wall, a CD rack, and a magazine near the side table. Malaki at maganda ang bahay. I could even consider it as a mansion. Pero pakiramdam ko ay patay ang buong bahay. Walang kabuhay-buhay.
Sa lalagyan ng DVD player ay may dalawang picture frame. Isang napaka-gandang babae na may kasamang bata, at ang isa ay larawan ni Sir kasama ang babae. It was ma’am Lorelei and his son na kahit kailan ay hindi ko pa nakita sa personal.
Pero bakit kaya hindi na nag-aasawa si Sir? I mean…kasi sa guwapo niyang iyan, imposibleng walang babae na magkakagusto sa kaniya.
Pero masama ang ugali ng boss mo!
“Sabagay,” bulong ko.
“Anong sabagay?”
Halos mapatalon ako sa kinauupuan ko nang bigla na lang lumitaw ang boss ko sa tabi ko. Kailan pa siya bumaba? Ni hindi ko siya napansing dumaan sa hagdan.
“Why are you still here?” he asked. He was already wearing his office attire. Hapon na. Papasok pa siyang office? Eh, ilang oras na lang ay uwian na, eh.
“Akala ko po kasi hindi pa kayo magaling…pero mukhang mas malakas pa kayo sa kalabaw.”
“Being compared to a carabao is not a compliment,” he said with a hiss. Mukhang magaling na magaling na talaga siya. May kakayanan na siyang barabarahin ulit ako.
Pero ang bilis naman `ata niyang maka-recover? Kanina lang ay halos mamatay-matay na siya sa sobrang sakit tapos ngayon biglang ‘poof!’. Fresh na fresh na uli siyang tingnan, ang bango-bango pa. Hindi rin ako sure pero para bang mas lalo siyang gumwapo sa paningin ko.
“Let’s go to office together,” biglang sabi niya dahilan para manlumo ako.
Bakit ba papasok pa siya? Malapit ng matapos ang working hours. Akala ko pa naman makakauwi ako ng deretso sa bahay. Napaka-workaholic talaga ni Sir Kent. Sana talaga magka-love life na siya para hindi lang puro trabaho iniisip niya.
Sabay kaming bumalik sa kumpanya. Gusto kong lagyan ng distansya ang agwat namin habang naglalakad pero may mga ibinibilin din siya sa akin at ayaw kong may makaligtaan ako.
Pinasunod ako ni Sir sa loob ng opisina niya at may inabot siya sa akin mga papel.
“The Crawfords will be here tomorrow. Tell the HR to require everyone to overtime.”
Oh, no. OT na naman.
“Yes, Sir.” I said instead of complaining.
“And one more thing,”
“Yes, Sir?”
“Wear something… pleasing,” he said then turn his back at me. I was left speechless. Ibig sabihin hindi ako pleasing manamit? Okay naman `tong corporate attire ko, ah. Hindi nga siya branded kagaya ng suot nila pero para sa akin, okay na `tong suot ko. Desente at smart tingnan.
Lumabas akong office ni Sir at naupo sa swivel chair ko. Agad kong tinawagan ang HR office at sinabi ang utos ni Sir about overtime.
Wear something pleasing. So kailangan kong bumili ng damit sa paborito kong tyange. Pero paano `yon mangyayari kung mag-o-overtime kami? Minsan talaga hindi ko maintindihan ang boss ko. Haay. Bahala na nga. Maghahanap na lang ako ng damit na magandang iterno.
Bubuksan ko sana uli ang computer ko nang biglang lumabas si Sir galing sa opisina niya.
“Miss Torres,” tawag niya sa akin kaya agad akong napatayo.
“Po?”
“You can go,”
I blinked twice, “Po?”
“I told you to wear something pleasing, right?”
“Yes, Sir.” I said and mentally rolled my eyes at him. Ipamukha ba naman sa akin.
“Then I am giving you your free time to buy clothes,” he said that made me cringe.
Buy. Wow! As if naman marami akong pera para diyan. Imbes na ibili ko ng damit, ipang-tu-tuition ko na lang sa promisorry ng kapatid ko. Mga mayayaman talaga. Hindi sila marunong mag-value ng money. At hindi rin nila naiisip na kaming mga mahihirap ay kailangang tipirin ang pera kasi may umaasa sa amin.
“Here,” napaigtad ako nang itinapon niya sa akin ang isang manipis na wallet at pasalamat akong mabilis ang reflex ko kaya nasalo ko `to.
“A-ano po `to, Sir?” nagtataka kong sabi.
“Open it,” utos niya at masunuring binuksan ko ang wallet.
Isang card lang ang laman. His credit card.
“Aanhin ko po `to, Sir?” mas lalong naguguluhan kong tanong.
“I want you to stare at it the whole night,” he said full of sarcasm. “Stupid!” bulong niya.
Bulong na malakas. Nakakaasar naman. Pakatapos ko siyang alagaan kanina ganiyan siya sa akin?
“Bumili ka ng damit mo bukas. You can use that,” he’s referring to the credit card.
“Iaawas niyo po ba sa sahod ko `to, Sir?” kinakabahan kong tanong. Hindi ako ignorante sa credit card kahit na wala ako no’n. Alam kong maraming hidden charges ang mga ganito.
“No. Consider that as my payment for your hospitality and for taking care of me,”
“Eh, hindi naman po ako humihingi ng kapalit dahil do’n,” I said trying to suppress the disappointment in my voice.
“Is that so? Okay. Then I’ll just deduct it to your salary—”
“Ay, hindi po, Sir. May bayad po pala `yon. Sige po salamat dito,” sabi ko at mabilis na ibinulsa ang wallet.
Magulo si Sir. Napaka unpredictable. One second he’s nice then in just one snap everything will have a twist.
Umalis akong opisina na maliwanag pa. Isang bagay na ikinatutuwa ko dahil bibihira itong mangyari. Sa palagay ko nga ay ako lang ang hindi mag-o-overtime ngayon. Naku, sa dami ba naman ng sakripisyo ko para sa trabaho ko, siguro naman deserve ko `to.
Papunta na sana ako sa sa paborito kong tyange na mura lang ang mga damit nang maalala ko na hindi sila tumatanggap ng credit card. Sana debit card na lang binigay ni Sir para na-withdraw ko na lang ang pera. Nakatipid pa. Hindi ba iyon naisip ng boss ko?
Napagdesisyunan kong pumuntang mall kung saan puwedeng magamit itong credit card. Nakasakay na akong escalator nang makatanggap ako ng text galing kay Sir.
‘Go to Ingrid’s Collection and look for Anne. She’ll accompany you.’
Ingrid’s Collection? Eh, mga pang-mayaman ang boutique na iyon, eh. Halos dinadaanan ko lang nga iyon kapag nagmo-mall kaming magkakapatid dahil pakiramdam ko mas maayos pa magdamit sa akin ang mga saleslady.
Pumasok ako sa boutique at agad naman akong sinalubong ng isang babae na nakangiti. I asked for Anne at agad naman akong iginiya ng babae sa gitna ng boutique.
“You must me Theyn. Don’t worry, ako na ang bahala sa`yo. Mr. Manjon wants a VIP treatment for you,” she said warmly.
Giniya niya ako papasok sa isang spacious room.May isang fitting room at isang couch kung saan puwede kang maupo. Umalis sandali ang si Anne at pagbalik niya ay marami na siyang dalang damit.
Okay? Ang dami naman `ata.
“Try all these. Okay?” she beamed. Halos hindi ako makaangal dahil pakiramdam ko ay isusumbong niya ako kay Sir Kent kapag hindi ako sumunod.
Nakadami akong palit ng damit. Magaganda silang lahat. Kung puwede nga lang na bilhin ko lahat, eh. Kaso syempre isa lang naman ang dapat. Ayaw ko namang isipin ni Sir na abusado ako.
“Nagustuhan mo ba lahat?” nakangiti niyang tanong at nahihiyang tumango ako.
“Oo. Hindi nga ako makapili ng isa, eh,”
“Oh, you don’t have to choose which one. Kasi lahat ng sinukat mo ay sa`yo na,” nakangiti niyang sabi na ikinagulat ko.
“Hala? Magkano na ba `to? Baka magalit sa akin si—”
“Nothing to worry about, Theyn. `Yon ang utos ni Mr. Manjon. Sa shoes naman tayo, tara?”
“May sapatos pa?” hindi ko makapaniwalang sabi.
***
Kinabukasan ay maaga akong pumasok. Isinuot ko ang damit na pinamili ko kahapon at naglagay ng kaunting make-up sa mukha. Tinulungan ako ni Mica na maghanap ng magandang terno sa black pencil cut na skirt. She chose the white sleeveless laced blouse with black baby collar tucked in on my skirt and topped with three-fourth black coat.
I felt expensive, confident, and beautiful. Kaya naman nang pumasok ako sa kumpanya ay hindi ko mapigilan ang hindi mapangiti lalo na nang mapansin kong napapalingon ang iba sa akin. Siguro ay hindi makapaniwala na makikita nila akong ganito ang suot.
“My, my, my! Is that you, Miss Torres?” I heard someone from my back while waiting for the lift.
“Kayo po pala, Sir Migo,” sabi ko nang lingunin ko siya.
“Man, you’re gorgeous!” sabi niya dahilan para mamula ang pisngi ko.
Hindi ko alam ang sasabihin ko and I was thankful that the elevator opened that saved me from embarassment.
“Dapat ganiyan lagi ang ayos mo para mapansin ka ni Kent,” sabi niyang sumunod sa akin sa loob.
Kung mapapansin ako ni Sir in a way na lagi akong mapapagalitan ay h’wag na lang. Mas gusto ko pang maging hangin ako sa paningin niya.
Napansin niya `ata ang pagkunot-noo ko kaya tumawa siya ng mahina.
“You’re really something, you know that?”
“Po?” I asked puzzled.
“How about a lunch later? My treat! Ipagpapaalam kita sa boss mo,”
Hindi ako nakaangal dahil biglang bumukas ang elevator door at pumasok ang ilang empleyado. Napunta ako sa pinaka-likod at si Sir Migo naman ay nasa unahan kausap na ang ibang employees.
He’s always like that. Carefree, kind, and very approachable.
Nang makarating akong 21st floor ay agad kong nakita si Sir na nakatayo sa harap ng table ko. Hawak niya ang notepad ko kung saan naka-lista ang mga schedules niya.
“Good morning, Sir,” I greeted but he just gave me a quick glance bago muling tumingin sa notepad.
Hindi niya ba papansinin ang new look ko? O kahit na kutyain para sabihin na hindi sa akin bagay at trying hard akong tingnan.
Pumunta ako sa table ko at tinalikuran naman niya ako.
“Follow me,” he commanded.
Pinauna ko siyang pumasok sa opisina niya. Dinala ko naman ang notepad at ballpen ko bago pumasok.
“The Crawfords were already in the boardroom. You can give them all these,” ibinigay niya sa akin ang mga pile ng folders.
“Yes, Sir,” sabi ko saka tumalikod habang dala ang mga mabibigat na papeles. Pinagsuot niya ako ng maganda para magbuhat ng folders. How nice!
Bago pa ako makalabas ng opisina niya ay narinig ko siyang tumikhim.
“You look… nice.” mahina niyang sabi.
Nagpanggap na lang akong hindi ko narinig at dumeretso palabas ng opisina saka pumunta sa 5th floor kung saan ang board room.
Hindi nawawala ang ngiti sa labi ko. Err, kinikilig ako nakakainis. Isang improvement na `yon para sa akin ang makakuha ng isang ‘nice’ rating mula kay Sir.
“I look nice,” paalala ko sa sarili ko at wala sa sariling napangiti.