Chapter 12

1546 Words
Chapter 12 Hindi magkandaugaga ang mga tauhan sa pagkarga ng mga nakakahong kontrabando sa isang container truck. Dumating kasi si Leester at kapag ganitong mainit ang ulo ng kanilang amo ay kailangan maayos ang trabaho dahil kung hindi ay alam na ang kahihinatnan ng mga pobreng tauhan. "Bilis-bilisan ninyo!" sigaw ni Kyle. Maging ito ay nangingilag pa rin sa kapatid dahil sa nangyari noong nakaraang araw. "Naghihintay na ang barko." Tanging tango lang ang isinukli ng mga iyon. Nilagpasan lang sila ni Leester at nagtuloy sa loob kung saan nag-uusap sina Tooffer at Javier. Nagtaka ang mga ito kung bakit dumating ang binata sa warehouse. Ang alam nila ay aasikasuhin nito ang coffee shop. "Sasama ako ngayong gabi," saad nito matapos umupo sa sopa saka masusing tiningnan ang ilang armas na naroon sa mesa. Mayamaya ay nagsalin ito ng alak. Napatingin si Tooffer sa matandang Monteero at muling ibinalik ang paningin kay Leester. "Pinagbabawalan ka ni Isabella uminom ng alak." "Hindi naman niya malalaman kung hindi mo sasabihin." Nilagok nito ang alak sa baso at tumingin sa bintana kung saan natatanaw ang tauhang abala pa rin sa kani-kanilang mga gawain. "Saan ang delivery ng mga 'yan?" "Santa Elena," sagot ni Javier. "Bagong kasapi ng organisasyon." "Napakarami naman niyan, Papa." "Yon nga ang ipinagtataka namin ni Tooffer. Paunang order pa lang 'yan, anak, pero naibigay na nila ang kalahati ng kabuuang bayad." "Pangalan?" "Luz Fernil, anak. Bagong salta sa Santa Elena." Nangunot ang noo ni Leester. Waring naging interesado ito dahil sa pangalang narinig. "Babae? At kailan pa kayo tumanggap ng babaing miyembro?" "Nakilala ko siya dahil kay Anton. Kasosyo ni Anton sa iba pa niyang negosyo." "Background?" muling tanong ni Leester at tumingin nang diretso sa mga mata ng ama. Hindi nakaimik ang huli, tumayo ito at sinilip ang mga tauhan. Bumulong si Tooffer kay Leester. "'Yon din ang sinabi ko kanina, Dude. Basta na lang tumanggap ng miyembro nang hindi man lang inaalam ang background. Malalagay tayo sa alanganin lalo na ngayong nanganganib na bumagsak ang organisasyon." "Shut up, Tooffer!" saad ni Javier at muling naupo. "Kailangan natin ng malaking pera para pondohan ang foundation na itinayo ng mama ninyo. Alam n'yo namang nagsialisan halos lahat ng miyembro. Nagmamay-ari ng malaking security agency ang babaing iyon. Iyon lang ang alam ko." Napailing na lang si Leester. Hindi niya akalain na ganito kadesperado ang ama na basta na lang tatanggap ng miyembro nang hindi man lang inaalam ang background. "Papa." Napatingin sila nang sumungaw ang ulo ni Kyle sa pintuan. "Tapos na po ang trabaho ng mga tauhan natin. Anong oras po tayo aalis?" "Alas siyete ng gabi, anak." "Alas dose ng hatinggabi," sabat ni Leester at tumingin sa suot na relos. Itunuro nito ang katapat ng sopang kinauupuan. "Umupo ka, Kyle." "Kuya...?" "May alam ka sa background ng taong iyon?" Ikinuros niya ang mga kamay sa ibabaw ng dibdib at diretsong tiningnan ang nakababatang kapatid. "Alam mo ba ang mga pasikot-sikot sa lugar na iyon?" "A, e." Napakamot si Kyle sa ulo na tila wala talagang alam sa mga ganoong bagay. Tumalim ang mga mata ni Leester. Sumulak na naman ang galit nito. "Ano! A, e, i, o, u ang isasagot mo sa akin! Damn you, Kyle! Huwag mo akong paaandaran ng katangahan mo." "Kahapon lang kasi tumawag si Mrs. Fernil at minamadali ang pagdi-deliver. Kaya sabi ni papa-" "Kaya sabi ni papa?" nang-iinsultong saad ni Leester. "Don't you have a mind of your own? Paano kung pagdating doon bigla na lang kayong pagpapatayin ng mga tauhan ng babaing iyon? Naisip mo ba iyon, ha, Kyle?" Walang nakaimik ni isa man sa tatlong kaharap niya. Mariin ang pagkakahawak ni Javier sa baso. Nagpabalik-balik ang paningin ni Tooffer sa matandang Monteero na kumupkop sa kaniya at sa dalawang anak nitong lalaki. Si Kyle ay nakatungo lang at iniiwasang salubingin ang galit ng kapatid. "Tawagan mo nga si Vin, Tooffer," utos ni Leester matapos ang ilang minutong katahimikan. Sa mga sumunod na segundo ay tanging buntong-hininga ni Kyle ang maririnig. Tatayo na sana ito para lumabas subalit ipinag-utos ni Leester na manatili sa pagkakaupo. Wala na namang nagawa ang matandang Monteero sa inasal ng panganay na anak. "Dude." Inabot ni Tooffer ang cellphone kay Leester. "Si Vin." "Vin," aniya. "Luz Fernil. Taga Santa Elena at may-ari ng isang security agency. I-background check mo. Kailangan ko ang report bago dumilim." Inilapag nito ang cellphone sa mesa at nagpatuloy sa pag-inom ng alak. "So paano, Dude," ani Tooffer. "Alis na muna ako. Kaya na 'yon ni Vin, maasahan ang taong 'yon." "Saan ang punta mo?" "Sa dating bahay nina Liza. Titingnan ko kung naroon ang mag-ina ko." Akmang lalabas na ito ng silid na iyon nang biglang dumating si Vin. "O, Vin." Ngumiti si Leester nang pumasok ang bodyguard ng kambal. "Kulang pa ba ang impormasyong ibinigay ko sa 'yo?" Ngumiti muna ito at naupo sa tabi ni Kyle na biglang sumimangot. Napangisi na lang si Leester sa inasal ng nakababatang kapatid. "Kahapon ko pa po ito natapos." Inabot ni Vin ang isang folder na naglalaman ng impormasyon tungkol sa taong pinaiimbestigahan niya. "Kahapon?" Nangunot ang noo ng binata. "Paanong...?" "Inutusan ako ni Ma'am Isabella na imbestigahan si Kenneth Braganza at lumalabas na may koneksiyon si Luz Fernil sa doktor na iyon." Sinimulang basahin ni Leester ang bawat pahina ng report na nakapaloob sa folder na iyon. Kunot na kunot ang noo nito habang nakatuon ang mga mata sa binabasa. "Boss Leester," muling saad ni Vin. "Lumalabas sa report na 'yan na dating magkakilala sina Ma'am Monica at Luz Fernil na sinasabi n'yo. Masyadong low profile ang taong 'yan. Ngayon lang lumabas matapos mamatay ang asawa." "Anong kaugnayan niya kay Kenneth?" inis na tanong ni Kyle. "Si Luz Fernil ang nagpalaki kay Kenneth Braganza nang mamatay ang magulang nito. Pero ang hindi ko maintindihan ay kung bakit hindi ko ma-trace ang pangalan ng mga magulang ni Kenneth." "Sigurado ka, Vin?" tanong ni Javier. "Ang mag-asawang Fernil ang kumupkop kay Kenneth?" "Opo, Boss Javier." "Parang hindi sila malapit sa isa't isa." "Bakit siya pinapaimbestigahan ni Isabella?" tanong ni Leester nang hindi inaalis ang mga mata sa binabasa. Pormal na tumingin si Vin sa amo. "Mula nang bumalik siya dito, boss, ay nawalan siya ng tiwala sa bawat taong nakakasalamuha niya. Hindi mawala ang pagdududa niya. Mas naging alerto siya sa mga bagay-bagay kaya lahat ng taong nakikilala niya ay pinaiimbestigahan niya sa akin." Ngumisi si Leester at tumingin sa gawi ng kapatid na kanina pa nakasimangot. "See, Kyle? Kung wala si Vin, makakaya mo kaya ang mga ipinagagawa ko?" "Anong nakasaad sa report na 'yan, anak?" sabat ni Javier. "Masyadong malinis ang record ng Luz na 'yon, papa." Muli siyang tumingin kay Vin. "Paano nagkaroon ng kaugnayan si Tita Monica sa kaniya? Bakit hindi ko man lang nalaman iyon?" "Magkaklase sila no'ng highschool ayon na rin sa yaya ni Luz. Kakaunti lang ang nakakakilala sa kaniya." "At si Kenneth?" "Si Kenneth, bagama't ang mag-asawang Fernil ang kumupkop sa kaniya ay walang nakakaalam ni isa kung ano ang kaugnayan nila sa isa't isa. Tanging yaya lang ang kasa-kasama ni Kenneth hanggang sa dumating siya sa tamang edad." Ngumisi si Kyle. "Walang nakakaalam ni isa? Patawa ka, Vin." "Tama ka, Boss Kyle. Ayon sa source ko, pinalaki itong si Kenneth kagaya ng pagpapalaki kay Ma'am Isabella. Homeschooled hanggang highschool at ni minsan ay hindi pinakilala ng mag-asawang Fernil sa publiko." "Nasaan ang kopya ng report mo tungkol sa doktor na iyon?" "Hindi ko na nadala, boss. Akala ko kasi hindi kayo interesado. Pero may kopya si Ma'am Isabella. Kabibigay ko lang kanina." Tumango-tango lang si Leester. Matapos ilapag sa mesa lang folder at may kinuha itong papel sa ilalim ng mesa. Isa iyong mapa ng Santa Elena. "Blueprint ng warehouse in Luz," saad ni Vin matapos ibigay ang tatlong nakabalumbon na papel. "'Yong isa blueprint ng bahay at ng security agency niya." "Salamat. Maaasahan ka talaga," wika ni Leester saka pinaringgan ang kapatid. "Hindi gaya ng iba diyan." Lihim na napangiti si Vin dahil nakasimangot pa rin si Kyle. "Boss, may palagay ako na nagkakilala na kayo noon ni Kenneth. Wala ka bang naaalala?" Napahawak si Leester sa ulo dahil sa sinabi ng tauhan. Bigla-bigla at nakaramdam siya ng mahinang pagkirot sa bandang kanan ng kaniyang ulo. "Nakausap mo na ang doktor na 'yon, Vin?" sabat ni Tooffer. "Dumalo siya sa annual party kasama si Elinita. Alam mo ba kung ano ang relasyon nila ng tiyahin ni Isabella?" "Nagkakilala sila last year nang mabaril si Elinita. Si Kenneth ang nag-opera sa kaniya. At alam n'yo naman ang ugali ng tiyahin ni Isabella." Ngumisi si Vin pati na si Tooffer. "Ang alam ko nagtatrabaho si Kenneth kay Elinita pero walang alam ang huli sa pagkatao ng doktor na 'yon. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit tila hindi magkakilala sina Luz at Kenneth. Ni magpansinan sila sa publiko ay hindi nila magawa." "May palagay ako na may itinatago sila," bulong ni Leester habang tinitingnan ang picture ni Kenneth Braganza at ng mag-asawang Fernil. "Kung ano man iyon, iyon ang aalamin ko."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD