Chapter 4
"Si Rose?" tanong ni Charlotte sa panganay na anak na kapapasok lang sa study room.
"Pinapatulog ang kambal, Mama." Inukopa ni Leester ang bakanteng upuan sa harap ng desk. Kinuha nito ang baso sa ibabaw niyon at sinalinan ng alak.
"Sabi ni Kyle," saad ni Javier. "Nagpaplano ka raw na bumukod? Alam na ba ito ni Rose?"
"Bakit ka pa bubukod, Dude?" sabat ni Tooffer. "Malaki naman itong mansiyon."
"Tama si Tooffer, anak." Bumalatay sa mukha ni Charlotte ang pag-aalala nang magsalitang muli, "Dumito na lang kayo. Gusto kong makasama ang mga apo ko. At saka hindi natin masisiguro ang kaligtasan ng mga apo ko sa bahay na lilipatan ninyo."
Bumuntong-hininga si Leester at pilit na ngumiti. "Magiging ligtas sila, Mama."
"Bakit ba kasi kailangan mo n'yo pang bumukod?" muling tanong ni Tooffer.
Hawak ang baso na may lamang alak, tumayo si Leester at lumapit sa bintana. Tanaw niya ang ilang tauhan na nagbabantay sa labas ng mansiyon. May mga hawak itong baril na animo'y handang-handa sakaling may lumusob na kaaway.
"Gusto ko lang ilayo ang mag-iina ko sa ganitong buhay," wika ni Leester mayamaya. Nakatalikod pa rin ito kaya hindi makita ng tatlo ang pagtagis ng bagang nito. "Ayokong maulit ang nangyari pitong taon na ang nakararaan. Gusto ko silang protektahan-"
"Pero, Dude," kaagad na wika ni Tooffer kahit nagsasalita pa si Leester. "Iba na ngayon ang sitwasyon. Kaya na ni Isabella na ipagtanggol ang sarili niya at alam mo 'yan. Kaya niyang pumatay-"
"'Yon mismo ang iniiwasan kong mangyari, Tooffer. Masakit makita na ang babaing pinakamamahal ko ay natututo ng pumatay. Ayokong makagawian niya ang ganitong buhay."
"Pero, Dude-"
"Ayos lang sa akin kung pumatay siya dahil kailangan niyang ipagtanggol ang sarili." Humarap si Leester at malungkot ang mga mata nito nang magsalita, "Pero ang makitang nakikipagsabayan siya sa pakikipagbarilan sa mga kaaway, hindi ko kaya. Hindi mo alam kung ano ang naramdaman ko nang makita ko siyang naroon sa abandondadong building na iyon, may hawak na baril at nakatutok sa paparating na barko." Nilagok nito ang alak at tumingin sa mga mukha ng mga kaharap. "Hindi ko mapigilang sisihin ang sarili ko. Wala na ang Isabella na minahal ko. Wala na ang inosenteng Isabella." Matiim nitong tinitigan ang hawak na baso.
"Ayaw mo no'n, Dude, hindi ka na mahihirapan, hindi ka na mag-aalala na baka may manakit kay Isabella gaya ng dati," sagot ni Tooffer. "Kaya niyang ipagtanggol ang sarili niya."
Mapait na ngumiti si Leester. "Hindi mo ba alam na iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit ayaw na ayaw sa akin ni Tito Al? At ano na lang ang sasabihin niya kapag umabot sa kaalaman niya na ang kaisa-isa niyang anak na babae ay sangkot sa tangkang pagpatay kay Drago?"
"At baka paghiwalayin na naman kayo ni Isabella?" Ngumisi si Tooffer. "Naku, Dude may dalawa na kayong anak. Hindi na 'yon magagawa pa ni Tito Al."
"Nagawa na niya minsan, magagawa niya ulit." Tumalikod si Leester at muling pinagmasdan ang mga tauhang nagbabantay sa labas ng mansiyon.
"Pauwi ng bansa si Al sa susunod na linggo," wika ni Javier matapos ang ilang minutong katahimikan. Makahulugan nitong tiningnan ang anak na nakatalikod. "Magkikita na rin kami ng matalik kong kaibigan." Sumimsim ito ng alak saka tiningnan ang asawa. "This time kailangan mangyari na ang matagal ko ng pinapangarap."
"Javier," kaagad na wika ni Charlotte. "Huwag mong pangunahan ang mga desisyon ni Leester."
"Anuman ang mangyari matutuloy ang kasal namin ni Isabella," saad ni Leester na nakatalikod pa rin. "Kaya dapat ko ng madaliin ang paghahanap kay Tita Monica."
"Anong ibig mong sabihin, Dude? Bakit kailangan mong hanapin si Tita Monica?"
Muling humarap si Leester at matalim na tinitigan si Tooffer. "Si Tita Monica ang tunay na ina ni Isabella."
"Ano?!" Hindi makapaniwalang saad ni Tooffer. Nilingon nito ang mag-asawang Monteero. "Totoo ba ito, tito, tita?"
"'Yon ang totoo, Tooffer," sagot ni Javier. "Matagal na panahon na ang sikretong 'yon na pilit naming itinatago alang-alang sa pagkakaibigan namin ni Al."
"I can't believe this." Sumimsim ng alak si Tooffer at muling sinalinan ang sariling baso. "Kaya pala iba ang pakikitungo ni Tita Monica kay Isabella sa tuwing dadalaw siya sa bahay n'yo noon."
Napakunot ang noo ni Charlotte. "Ang ibig mong sabihin nagkita na ang mag-ina? Paano nangyari 'yon, Leester?"
"Umuwi ng bansa si Tita Monica pitong taon na ang nakararaan, Mama," paliwanag nito. Umalis ito sa tabi ng bintana at umupo sa tabi ng ina. Nagsalin muna ito ng alak saka nagsalita, "Magkasama kami ni Isabella sa coffee shop noon nang dumating si Tita Monica at unang tingin ko pa lang sa kanila, alam kong may kakaiba. Pero natakot si Tita Monica kaya pinili niyang huwag sabihin kay Isabella ang katotohanan."
"Nagkita na pala ang mag-ina," napapaluhang saad ni Charlotte.
"Kahit anong pilit ko kay Tita Monica ay ayaw niyang sabihin ang totoo. Nagkasya na lang siya sa pagdalaw sa bahay para magkasama sila ni Isabella."
"Kung gano'n si Monica ang tinutukoy ni Rose noon?"
Tumango si Leester at napangiti. "Halos hindi mapaghiwalay ang dalawang iyon kapag nagkikita. Sabi ko nga kay Tita Monica sa bahay na tumira kung gusto niyang makasama ang anak niya." Bumuntong-hininga ito. "Pero nag-aalangan siya dahil baka biglang dumalaw sina Tita Emilia at Tito Al."
"Kung gano'n nasaan si Monica?" tanong ni Javier.
Napalingon si Leester sa gawi ng ama. "'Yon din ang tanong ko, Papa. Papunta kami ni Isabella sa Isla de Majika dahil napag-usapan namin ni Tita Monica na sa islang iyon sabihin kay Isabella ang totoo. Pero hindi kami nakarating dahil pinasabog ang yate na sinakyan namin."
"Iba na ang namamahala sa Isla de Majika, anak," saad ni Javier. "Napakahigpit ng seguridad ngayon sa isla."
"Damn!" mura ni Leester. "Ako ang pupunta sa isla bukas na bukas din."
"May mahalagang meeting ang organisasyon bukas, anak. Kailangan mong dumalo sa meeting na iyon. Isama mo si Rose para ipakita sa mga lintik na iyon ang mawawala sa kanila sakaling kumalas sila sa organisasyon," gigil na saad ng matandang Monteero. "Ipagpaliban mo na muna ang pagpunta sa Isla de Majika."
"Huling dumalo ako sa meeting ng organisasyon, galit na galit sa akin si Tito Al." Muling sumimsim ng alak si Leester. Napangiti ito nang mapait. "Kung nakakamatay lang ang tingin, nalamang humandusay na ako sa harapan ng mga miyembro ng organisasyon."
"Naiintindihan ko si Al." Lumagok ng alak si Javier. Malungkot naman ang ginang at niyapos ang braso ng anak.
"Pasensiya ka na, anak," wika ni Charlotte. "Nadamay ka sa galit sa amin ng Tito Al mo."
"Wala 'yon, Mama. Ang importante nagkaayos kami ni Isabella." Bumuntong-hininga ito. "Sana...sana magkaayos din kami ni Tito Al dahil gusto kong matuloy ang kasal namin ni Isabella."
"Ang akala ko, Dude okay na kayo ni Tito Al?"
"Siguro?" nag-aalangang sagot ni Leester. "Hindi ko alam. Huli naming pagkikita noong magpunta ako sa mansiyon nila, pero hindi niya ako pinayagang makapasok."
"No'ng mahuli ka ni Isabella na nakikipaghalikan kay Aurora." Ngumisi si Tooffer.
Tinitigan ito nang matalim ni Leester. "Damn! Hindi ako nakipaghalikan sa babaing iyon at alam 'yon ni Tita Monica."
"Pero nagalit si Isabella at alam ko, Dude, ang nangyaring iyon ang dahilan kung bakit pinutol ni Tito Anton ang ugnayan sa pamilya natin."
Napaisip si Javier sa sinabi ni Tooffer. Ngayon lang napagtanto matandang Monteero ang pagkalas ni Anton sa organisasyon.
"Nang gabing 'yon," patuloy pa ni Tooffer. "P-in-ull out ni Tito Anton ang lahat ng existing order niya. Katwiran niya, may nakuha siyang supplier na mas mababa ang presyo pero alam ko, gumaganti lang siya. Of course wala kang alam sa nangyari dahil lasing na lasing ka nang araw na iyon."
"Dati-rati hindi nangingialam si Anton sa iringan naming dalawa ni Al," mahinang wika ni Javier na tila kinakausap ang sarili.
"Kakausapin ko bukas si Tito Anton," saad ni Leester. "Sana bumalik siya sa organisasyon. Malaking kawalan siya sa arsenal business natin."
"I agree with you, Dude. Malaking kawalan si Tito Anton." Napabuntong-hininga si Tooffer saka tumayo na.
"May pupuntahan ka?" tanong ni Leester.
"Sa club," tugon nito. "May kliyenteng naghihintay. Isasama ko si Kyle." Naglakad ito patungo sa pintuan pero tumigil din at nilingon si Leester. "Sumama ka kaya, Dude? Mahirap ang kliyenteng katransaksiyon ko ngayon. Masyadong mabusisi pagdating sa produkto."
"Ibigay mo kung ano ang gusto," tugon ni Lester. "Basta sa tamang presyo. Kung ayaw nila, e 'di huwag." Tuluyan na nitong sinaid ang laman ng baso.
"Bait hindi mo sila samahan, anak?" wika ni Javier. "Mas mapapanatag ako kung kasama ka." Napailing ito nang muling magsalita, "Si Kyle hindi pa nasasanay sa kalakaran ng negosyo natin."
"Puro kasi pambababae ang inatupag ng gagong 'yon! Bakit ba kasi hindi n'yo pa ipasara ang strip club, Papa? Para matigil na sa kalokohan si Kyle."
"Kuya naman!" reklamo ni Kyle. Hindi namalayan ni Leester na nakapasok na pala ito sa study room. "'Yon na nga ang tanging kaligayahan ko, ipapasara mo pa?"
"Damn you, Kyle!" mura nito. "Kapag hindi ka nagtino, ako na mismo ang magpapasara n'on!"
Hindi nakasagot si Kyle. Akma na itong lalabas nang muling magsalita ang nakatatandang kapatid, "Sasama ako sa club. Baka kung ano na namang kapalpakan ang gawin mo."
"'Yon, o!" sabat ni Tooffer saka tumayo. "May palagay akong mapapadali ang transaksiyong ito." Tumingin ito sa gawi ni Kyle at ngumisi. "Wala, e. Kasama natin si superman."
Matalim na tinitigan ni Leester si Tooffer. "Umayos ka, Tooffer. Ayokong may kasamang duwag. Kyle, kumusta 'yong pinapaayos sa 'yo ni Papa? Ilang kilo ba 'yon?"
"Limang kilo, Kuya," tugon ni Kyle. "Maayos na, naroon na sa kotse. Pinapasama ko si Vin tutal pinagkakatiwalaan mo naman 'yon."
"Si Vin." Napalingon ang apat nang magsalita si Javier. "Magaling rin ang taong 'yon. Pero ang hindi ko alam ay kung bakit nahuli ni Drago at kung hindi kay Rose, malamang patay na ang taong 'yon."
"Tama ba ang dinig ko, tito? Si Vin niligtas ni Isabella? Papaano nangyari 'yon?"
"Hindi mo rin alam." Napaisip si Leester sa sinabing iyon ng ama.
"Tawagin mo nga si Vin, Kyle."
"Bakit, Kuya?"
"Tang*na, Kyle! Ang dami mong tanong. Hindi ba pwedeng sundin mo na lang ang iniuutos ko sa 'yo!"
"Oo, Kuya." Nagmadaling lumabas si Kyle dahil biglang uminit ang ulo ni Leester sa binalita ng ama.
"Tang*inang Vin na ito," gigil na anas ni Leester. Nakakuyom ang mga kamao nito. "Bakit nagpahuli siya kay Drago? Kung may masamang nangyari kay Isabella, papatayin ko talaga siya."
"Huminahon ka, anak." Hinaplos ni Charlotte ang braso ng anak. "Kagagaling mo lang sa sakit, baka sumama na naman ang pakiramdam mo."
"Ayos lang ako, Mama. Lintik talagang Vin na 'to! Babae pa ang nagligtas sa kaniya."
"Boss, pinapatawag n'yo raw ako?" bungad ni Vin. Pormal ang mukha nito at tila alam kaagad na masama ang timpla ng amo."
"Upo ka," turo ni Leester sa bakanteng upuan sa tabi ni Tooffer. Matalim nitong tinitigan ang tauhan. "Anong nangyari at nahuli ka ni Drago? Nasaan ang Vin na kilala ko? Ang Vin na handang makipagpatayan huwag lang mahuli ng kalaban?"
"Boss?" Nilingon ni Vin si Javier dahil ito ang pinaghihinalaan na nagsabi ng lahat kay Leester. Matamang nakatingin si Charlotte sa anak na kanina pa gigil na gigil. Si Tooffer ay prenteng-prente sa pagkakaupo samantalang si Kyle naman ay nakangisi habang sinesermunan ni Lester si Vin.
"Vin naman! Paano kung may masamang nangyari kay Isabella? Mapapatay ako ni Tito Al! Sinabi ko naman sa 'yo noon pa, ang kapakanan ni Isabella ang laging uunahin mo!" Mahigpit ang pagkakahawak nito sa baso at akmang ibabato kay Vin pero pinigilan ng ginang. Tumayo na lang si Leester at tinungo ang likurang bahagi ng sopang kinauupuan ni Vin. Yumuko ito at mahigpit na hinawakan ang kanang balikat ng tauhan saka gigil na bumulong, "Kaibigan ang turing ko sa 'yo, Vin. Sa lahat ng tauhan ko, sa 'yo lang ako nagtiwala nang husto. Pati ang buhay ni Isabella ipinagkatiwala ko sa 'yo. Anong nangyari?"
"Sabi ko sa 'yo, Kuya," sabat ni Kyle na nakangisi pa rin habang nakatingin kay Vin. "Kagaya rin 'yan ng iba mo pang tau-"
"Hindi kita kinakausap, Kyle!" bulyaw ni Leester na ikinagulat ng mag-asawang Monteero.
"Cool ka lang, Dude," wika ni Tooffer na sanay na sanay sa mga kilos ni Leester. "Bakit hindi mo hayaang magpaliwanag si Vin?"
"Anong nangyari?" tanong ni Leester at nang hindi umimik si Vin ay ipinalibot nito ang kanang braso sa leeg ng huli para sakalin.
"Dude, ano ba!" bulyaw ni Tooffer at biglang tumayo para pigilan si Leester sa pagsakal sa tauhan. Rumehistro ang takot sa mukha ni Vin. "Magpasalamat ka na lang na walang nangyaring masama sa mag-iina mo kahit nawala ka ng pitong taon! Ginawa naman ni Vin ang makakaya niya para protektahan ang mag-iina mo! Samantalang ikaw? Nasaan ka!?" Naging pormal ang reaksiyon ng mukha nito. "Hindi si Vin ang dapat sisihin dito kundi ang mga kalaban natin."
"Damn!" Napasuntok na lang si Leester sa pader nang matagumpay na matanggal ni Tooffer ang braso nito sa pagkakasakal kay Vin.