Chapter 5
"Boss," wika ni Vin kay Leester. "Napasok na ng mga kalaban ninyo ang grupo ni Boss Anton at Boss Al. Noong isang buwan ko lang nalaman kaya pinakiusapan ko si Ma'am Isabella na dumito na muna dahil hindi ko talaga kaya na bantayan ang kambal nang mag-isa. Masyado silang malakas dahil nagsanib na ang dalawang grupo laban sa inyo."
Umupo si Leester sa sopa na katapat ng kinauupuan ni Vin. Mataman namang nakikinig ang mag-asawang Monteero pati na sina Tooffer at Kyle.
"Gusto nilang kidnapin ang kambal para mapabagsak si Boss Al at mahawakan ang negosyo niya sa Santa Isabel," patuloy pa ni Vin.
"Alam nila na may anak kami ni Isabella?" Titig na titig si Leester sa tauhan.
"Malamang, Boss kay Ma'am Elinita nila nalaman. Kumikilos na rin ang babaing iyon at nitong huli ko lang nalaman na siya ang may pakana ng pagkakabaril kay Boss Kyle." Napahilamos na lang sa mukha si Leester nang marinig iyon.
"Sh*t talaga!" mura ni Leester at tiningnan ang nakababatang kapatid. Napakuyom ang kamao nito at nagsalitang muli, "Kaya ikaw, Kyle tigil-tigilan mo ang pambababae. Baka 'yan pa ang magpabagsak sa 'yo. Hindi mo kilala ang mga kalaban."
"Pero, Kuya," angal nito.
"Kapag hindi mo ako sinunod, ako mismo ang magpapasara ng strip club na iyon!" Natameme si Kyle sa sinabi ng kapatid. Napangiti naman si Tooffer, alam kasi nito na si Leester ang nasusunod pagdating sa pamilya at maging sa negosyo.
"Umalis na tayo." Tumayo na si Leester at nagpaalam sa mga magulang. "O, Vin hindi ka pa ba tatayo? Alis na tayo. Tooffer, huwag ka ng sumama."
"Dude, naman!" reklamo nito.
Atubiling tumayo si Vin at lumabas na ng silid kasunod ni Kyle. Panay pa rin ang reklamo ni Tooffer dahil gusto nitong sumama papunta sa club kung saan mangyayari ang transaksiyon.
"Lil' sis!" saad ni Kyle dahilan para mapalingon sina Leester at Tooffer sa pintuan ganoon din ang mag-asawang Monteero. "Saan ang punta? Bihis na bihis ka 'ata?"
"Sa bar, Kuya Ky-"
"Hindi ka pwedeng pumunta sa bar, Cathy!" sigaw ni Leester at pinasadahan ang suot ng kapatid na babae. Napailing ito sa suot na spaghetti strap dress na sobrang iksi. "Magbihis ka, hindi ka pwedeng umalis ngayong gabi."
"Pero, Kuya Le-"
"I said no! Can't, you understand?!" Sumigaw na ito dahilan para pumasok si Rose sa silid.
"What's happening here?" Nilapitan nito si Leester at hinawakan sa braso. "Why are you shouting at her?"
"Rose, galit si Kuya Leester," sumbong ni Cathy. "Hindi niya ako pinayagan na magpunta sa bar." Sumimangot ito.
"Raine," saad ni Isabella sa nobyo. "Pupunta kami ni Cathy sa bar, okay? Don't be too harsh on your sister. Isa pa kanina pa kami nagpaalam kina tito at tita. If you want," tumigil ito sa pagsasalita at iminuwestra ang hawak na jacket, "you can go with us."
Lihim na napangiti sina Tooffer at Kyle. Dito nila malalaman kung hanggang saan ang pagmamatigas ni Leester pagdating sa nobya.
"Pero hindi kayo pwede magpunta roon. Not now."
"And why?" Inosenteng tanong ni Isabella pero hindi iyon sinagot ni Leester. Nahihiya siyang malaman ng nobya ang magaganap na transaksiyon mamaya sa club. "Well, kung ayaw mo okay lang. Nariyan sa labas ang mga tauhan ni daddy kaya may makakasama kami ni Cathy papunta sa bar." Tinalikuran na nito ang nobyo at lumabas na ng silid.
"Okay," saad ni Leester. "Sasamahan ko kayo." Napapailing ito habang isinusuot na ang jacket na binigay ni Rose at tumalim ang mga mata nang mahagip na nakangisi sina Tooffer at Kyle.
"Labas!" sigaw nito sa dalawa.
"Oo na." Nakangisi pa rin si Kyle.
"Ikaw, Tooffer sumama ka na rin. Walang magbabantay sa dalawang 'yan."
"Pagdating kay Rose, hindi makapalag," bulong ni Kyle.
"What did you say, Kyle?"
"Wala, Kuya." Tumalikod na ito saka lumabas ng silid.
"Mag-iingat kayo, anak," wika ni Charlotte nang makalabas na si Leester.
"Ang mga bata, Mama."
"Huwag kang mag-alala, kami na ng papa mo ang bahala sa kambal."
Papalabas na ng mansiyon si Leester nang makasalubong sina Vin at Tooffer. Ang kaninang masayang ngiti ng huli ay napalitan ng galit dahilan para mag-alala si Charlotte.
Matalim na tinitigan ni Leester ang kapapasok pa lang na kapatid, subalit natigilan ito nang makitang paparating si Rose. Kitang-kita ang duguang kamay at braso ng dalaga habang papasok sa mansiyon kaya napatakbo si Leester papalapit sa nobya.
"Damn! What happened to you?!" Hinawakan nito ang duguang braso at sinigawan ang kapatid. "Kyle, call the doctor! Now!"
"Calm down, Raine," wika ni Isabella. "Wala akong tama." Lumapit na rin ang mag-asawang Monteero.
"Anong nangyari, hija?" Magkapanabay na tanong ng mag-asawa.
"'Yong mga tauhan na nasa labas," sagot ni Rose habang inaalalayan ni Lester na makaupo sa sopa. "Hindi sila ang mga tauhan na ipinadala ni Tito Anton."
"Damn!" sigaw ni Leester at napasuntok sa pader. "Vin!"
"Boss," humahangos na wika ni Vin.
"Bakit hindi mo siniguro kung tauhan nga ni Tito Anton 'yong mga taong dumating?"
"Walang alam si Kuya Vin na may dumating na mga tauhan ni Tito Anton," sagot ni Rose habang pinupunasan ang duguang braso. "Pasensiya na po, tito, tita, kaumuntikan ng mabaril ng mga 'yon si Cathy."
"Bakit wala man lang kaming narinig na putok ng baril?" sabat ni Javier.
"Mukhang pinagplanuhan ang paglusob nila, Boss Javier," sagot ni Vin. "May mga silencer 'yong mga nakuha naming baril. Wala ni isa man sa mga tauhan ninyo ang nakatunog."
"Mga walanghiya!" saad ng matandang Monteero.
"Ito ang sinasabi ko sa inyo, Boss Leester," wika ni Vin. "Sinasamantala nila ang pagkawala ninyo. Kung hindi natin palalakasin ang grupo, ang organisasyon, baka ito pa ang ikabagsak ninyo."
"Hindi iyon pwedeng mangyari." Palakad-lakad lang si Leester at mayamaya ay bigla na namang sinuntok ang pader. "Walang kumalaban sa akin na hindi ko pinabagsak," bulong nito at napatingin sa nanginginig pang kapatid na babae. "Umakyat ka na sa kuwarto mo, Kat-kat."
"Kuya?" Mangiyak-ngiyak ito na lumapit sa kapatid. Sa ilang taong nakalipas ngayon na naman siya tinawag na nito sa pangalang iyon. "Kuya, I'm afraid." Yumakap na ito sa kapatid at humagulgol.
"It's okay, Kat-kat. I'm here. No one will harm my sister." Hinaplos nito ang likod ng bunsong kapatid. Napaiyak na rin si Charlotte sa nakikitang takot sa nag-iisang anak na babae.
"Mama," saad ni Leester. "Pakisamahan si Kat-kat sa kuwarto niya."
Napailing na lang si Leester habang pinagmamasdan ang ina at bunsong kapatid na papaakyat sa hagdan. "Ayoko ng maulit ito," saad nito at umupo sa tabi ni Rose. "Tooffer, ikaw na ang bahala sa club. Isama mo sina Vin at Kyle." Nakakuyom na naman ang kamao nito at tila pinipigilan ang galit.
"Sigurado ka, dude?"
Matalim nitong tinitigan si Tooffer nang ilang segundo saka kinuha ang baril sa tagiliran at itinutok sa gawi nito. "Aalis kayo o aalis kayo?"
"Aalis siyempre," kaagad na saad ni Kyle. "Let's go, Tooffeer, Vin."
"Paalala lang, Kyle. Huwag na huwag kang uuwi kung palpak rin naman ang trabaho ninyo ngayong gabi."
"Oo naman, Kuya." Ngumisi ito.
"Kapag pumalag, todasin n'yo agad at dalhin sa warehouse. Maraming kliyenteng nag-aantay doon."
"Yes, Boss." Sumaludo pa ito at inaasar ang kapatid dahilan para kalabitin ni Lester ang gatilyo ng baril. "Kuya naman! Muntik na ako do'n, ah."
"Ang susunod na bala, sa ulo mo na tatama. Ang dami mong satsat!"
Kumaripas si Kyle ng takbo palabas ng mansiyon sa takot na baka barilin nga siya ng kapatid. Humalakhak naman sina Tooffer at Vin.
"Raine," wika ni Isabella nang makaalis na ang tatlo. "Naalala mo pa ba 'yong pinakita mong tattoo sa akin noon?"
"Why?"
"Ganoon 'yong tattoo no'ng mga lalaki napatay ko kanina." Halos mapangiwi si Leester sa sinabing iyon ng nobya. Hangga't maaari ayaw niyang pumapatay ng tao si Isabella. Nakokonsensiya si Leester na ang babaing mahal niya ay unti-unti ng nagiging mamamatay-tao. Hindi niya iyon matanggap.
"Tattoo?" tanong ni Javier. Nakakunot ang noo nito.
"Tito." Tumayo na si Isabella, pero muli ring umupo nang mapansing interesado ang matandang Monteero saka nagpatuloy magsalita, "'Yong mga taong bumaril sa inyo noon ay may tattoo sa kamay kagaya ng mga taong napatay ko kanina." Hindi makapagsalita si Javier, hinilot nito ang sentido at tila inaalala ang nangyaring barilan pitong taon na ang nakararaan.
"Can't believe naaalala mo pa iyon, Babe." Pinunasan ni Lester ang natirang dugo sa braso ng dalaga. "Matagal na rin 'yon."
"Pinilit kong mag-imbestiga sa grupong iyon dahil gusto kong patunayan na hindi si Dad ang nag-utos na ipapatay si tito. Pinagbintangan lang nila si daddy at-"
"I know," maagap na sagot ni Leester at tumingin sa gawi ng ama na nakakunot pa rin ang noo. "Papa, may lead na ba kayo kung sino ang nagtangka sa buhay ninyo?"
Huminga nang malalim si Javier. "Hanggang ngayon ay hindi ko pa alam kung sino. Pero sinisiguro kong hindi 'yon magagawa sa akin ni Al. Oo, nagkaroon kami ng pagtatalo bago nangyari ang pamamaril pero hindi iyon dahilan para pagtangkaan ni Al ang buhay ko."
"Tito, kung hindi n'yo po mamasamain, maaari ko bang malaman kung ano ang pinagtalunan ninyo ni Dad?"
Hindi na nakuha pang sumagot ni Javier dahil tumunog ang cellphone nito at dali-dali iyong sinagot. "Ano?! Mga walang utak! Nasaan si Kyle?...Papunta ako riyan!" Tumayo na ito saka tinapunan ng tingin si Leester. "Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa kapatid mo. Pumalpak na naman."
"Pupunta ako sa club." Tumayo na si Leester.
"Sasama ako," wika ni Isabella at nagpatiuna ng lumabas sa mansiyon. Sumakay ito sa kotse at nang masigurong nasa tabi na ang nobyo ay pinaharurot nito ang sasakyan palabas ng mansiyon.
"Damn you, Kyle," pabulong ngunit may diin ang pagkakasabi ng binata. Napakuyom na rin ang kamao nito kasabay ng pagtagis ng mga bagang.
"Ganyan ba talaga ang kapatid mo, Babe?" tanong ni Isabella habang nakatutok ang mga mata sa daan.
"Puro babae kasi ang inatupag." Palingon-lingon si Leester sa highway at tila may inaabangan.
"Babe, iliko mo ang sasakyan," utos nito kay Isabella mayamaya. Hawak nito ang cellphone at tila may binabasa roon. "Puting van na may plate number-" Tumigil si Leester sa pagbabasa at muntik ng mapamura nang makita ang puting van na akma sa plate number na naroon sa cellphone. "Dikitan mo ang puting van na 'yan, Babe."
Hindi na nagtanong pa si Isabella, dinikitan nito ang van na nasa kabilang linya at may kinuhang baril mula sa dashboard ng kotse. Matapos buksan ang salamin ay inasinta ng dalaga ang gulong ng sasakyan. Segundo lang ang dumaan, gumewang-gewang ang sasakyan dahil bumigay ang dalawang gulong.
"Damn, Babe!" nakangising bulalas ni Leester. "Masyado kang mabilis."
Ngumisi na rin si Isabella nang mapansing tumigil ang puting van sa medyo madilim na parte ng highway. "I've learned from the expert."
"Perfect!" saad ni Leester nang itigil ng nobya ang kotse sa harap ng puting van. Bumaba ang binata dala ang baril na may silencer at walang habas na pinaputukan ang mga sakay niyon. Nang masigurong patay na ang mga sakay niyon, ay walang pag-aalinlangang pinasok ang van at may kinuhang isang hindi kalakihang bag at isang attache case. Umalis din agad ito at mabilis na sumakay sa kotse papalayo sa lugar na iyon.
"I'm sorry, Babe," pormal sa saad ni Lester sa nagmananehong dalaga. "Hindi ka dapat nadadamay sa mga ganitong lakaran." Napasabunot ito sa buhok at tila sising-sisi na isinama pa ang nobya. "Hindi ito ang buhay na ipinangako ko sa 'yo."
Ngumiti ang dalaga. "I know. But still, you have no choice. Gano'n din ako, Babe."
"It's my fault."
"No, Raine. It's not your fault." Pinaharurot na ng dalaga ang sasakyan pauwi at hindi na nagsalita pa dahil kanina pa nito nararamdaman ang kinikimkim na galit ng nobyo.
"Damn you, Kyle!" Boses ni Leester ang umalingawngaw sa mansiyon na iyon nang makababa na ito sa kotse. Pumasok ito sa mansiyon kung saan nag-uusap sina Tooffer, Kyle at Javier saka itinapon sa mukha ng nakababatang kapatid ang dalang itim na bag at attache case. "Kahit kailan talaga wala kang silbi!"
"Raine, ang boses mo," saway ni Isabella. "Baka magising ang kambal."
Nilapitan ni Leester ang kapatid at hinablot ang kwelyo. "Hindi ba sinabi ko naman sa 'yo, na kung hindi mo kaya magsabi ka lang at ako ang gagawa."
"Kuya, masyado silang malakas."
"Malakas?!" Tinitigan ni Leester si Tooffer. "Napakasimple ng pinapagawa sa inyo. Ikaw, Tooffer alam mo ang kalakaran sa negosyong ito pero sa dami n'yo, hindi n'yo pa nagawa."
"Naunahan nila kami, dude. Si Kyle, kamuntikan ng makipagkita kay kamatayan."
"Si Vin?"
"Hayun, may tama sa binti."
"Gago kasi ang Vin na 'yon," bulong ni Kyle pero hindi nakatakas sa pandinig ni Leester. Napailing-iling na lang ang matandang Monteero sa mga kilos ng mga anak. Hindi naman nito magawang sawayin ang panganay na anak.
Matalim na tinitigan ni Tooffer si Kyle. "Alalahanin mo, Kyle kung hindi dahil kay Vin, malamang sa malamang-"
Hindi na narinig pa ni Leester ang sumunod na sinabi ni Tooffer dahil dumapo na ang kamao nito sa panga ng nakababatang kapatid.
"Ano, Kyle!?" sigaw ni Leester
habang nakahawak sa kwelyo ng damit na suot ng kapatid. "Kailan ka ba masasanay sa ganitong trabaho? Hindi tayo narito para magpakasaya. May dahilan tayo kung bakit natin ito ginagawa."
"Kuya?"
Isinalya nito ang kapatid malapit sa kinauupuan ng ama. "Kung hindi ninyo kayang ipasara ang strip club na iyon, papa," saad nito sa ama, "Ako mismo ang gagawa para magtanda 'yang si Kyle!"
"Kuya-" tanging nasabi ni Kyle nang akma na namang susuntukin ng kapatid.