Chapter 6
"Hindi mo dapat ginawa 'yon kay Kyle," wika ni Isabella matapos magbihis. "Kawawa naman ang kapatid mo, parang ginagawa mo ng pamalit sa punching bag." Nilapitan ng dalaga si Leester na wala pa ring imik. Nakaupo ito sa gilid ng kama at panay ang himas sa kanang kamao na animo'y naghahanda na naman para manuntok. Nakatungo lang ito at tila nahulog na sa malalim na pag-iisip. Kanina pa nagsasalita ang dalaga pero parang wala itong naririnig.
"Raine...?" Tinapik ni Isabella ang balikat ng nobyo dahilan para mabaling sa kaniya ang atensiyon nito.
Madilim na mukha ang sumalubong sa dalaga. Nakakunot din ang noo ni Leester at magkasalubong ang dalawang kilay kaya kinabahan ang dalaga. Kapag ganito na hitsura ng kaniyang nobyo, alam na niya na iniisip na naman nito ang tungkol sa organisasyon.
Kahit kinakabahan ay unti-unting niyang itinaas ang kanang kamay at hinaplos ang pisngi ng nobyo. Malaki na talaga ang ipinagbago ng mukha ni Leester. Hindi niya lubos na maintindihan kung bakit mabilis na tumanda ang hitsura ng mukha nito na mas lalong pinatanda dahil laging nakakunot ang noo, dagdagan pa ng mahaba nitong bigote na tila walang balak tanggalin.
"Palagi na lang nakakunot ang noo mo, Raine." Gamit ang dalawang kamay ay hinilot niya ang noo ng nobyo kaya bumalik sa normal ang kilay nito.
"I'm sorry, Babe," wika ni Leester sa paos na boses. "Marami lang akong iniisip." Pilit itong ngumiti at ikinulong ang kanang palad ng dalaga sa sariling mga kamay.
Ngumiti na rin ang dalaga. "'Yan ang gusto ko," pansin nito sa pagngiti ng nobyo. "Bawas-bawasan mo ang pagkunot ng noo lalo na kapag kaharap mo ang kambal. Baka akalain nila na nagagalit ka."
Tumango lang si Leester pinipisil-pisil ang kamay ng dalaga. Parang may nais itong sabihin pero hindi maisatinig. Nakatitig lang sa mukha ng nobya pero tila napakalayo ng iniisip.
"You want to say something, Babe?" tanong ng dalaga. Kilala na niya ang nobyo kapag ganitong nakatitig sa kaniya.
"I'm...I'm sorry, Isabella." Panay ang buntonghininga ni Leester at hindi na magawa pang magsalitang muli. Nagkasya na lang ito sa pagpisil sa kamay ng dalaga at pagtitig sa mukha nito na para bang maiiyak na.
"Sorry for what?" pabulong na tanong ng dalaga dahil hindi niya maintindihan kung bakit ito nagso-sorry.
"Hindi dapat kita isinama kanina. Patawarin mo ako, Babe." Tuluyan na itong napaiyak at sinapo ang ulo gamit ang sariling mga kamay. "Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung may masamang nangyari sa 'yo. Hindi dapat kita isinasama sa mga ganoong lakaran."
"Raine, you don't have to say sorry. Ako ang may kagustuhan na sumama sa 'yo. It's my choice."
"Pero—" Hindi naituloy ni Leester ang sasabihin dahil may narinig silang katok sa pinto. Segundo lang ang dumaan, iniluwa niyon ang nakangising si Tooffer.
"Dude, kausapin ka raw ni Tito."
"Bakit daw?"
Sumeryoso ang mukha ni Tooffer. "Tungkol sa meeting bukas. Unti-unti na silang kumakalas."
"Kumakalas?" nagugulahang tanong ni Rose subalit nanatiling nakatikom ang bibig ng bagong dating.
Kumuyom naman ang kamao ni Leester kasabay ng malutong nitong pagmura. "Damn!"
"Sige, Dude. Sumunod ka na lang. Naghihintay si tito. Baba na ako, Isabella."
"Teka, Tooffer." Akmang tatayo na ang dalaga pero mabilis na isinara ni Tooffer ang pinto. Wala itong nagawa kundi magtanong sa nobyo. "Raine, 'yong organisasyon ba ang tinutukoy ni Tooffer?"
Tango lang ang isinagot ni Leester saka hinilot ang sentido. Panay lang ang buntong-hininga nito at tila nahulog na naman sa malalim na pag-iisip.
"Raine," wika ni Isabella nang ilang minuto na ang lumipas ay wala pa ring imik ang nobyo. "Baka hinihintay ka na ni Tito Javier. Bumaba ka muna at kausapin siya."
Napatitig si Leester kay Isabella. Nakahawak sa baba ang kanan nitong kamay at nakaawang ang labi na tila ba nagulat sa narinig. Nag-aalala ang dalaga sa kalagayan ng nobyo. May kutob siya na hindi pa ito tuluyang nakakarekober mula sa trahedyang kinasangkutan nito pitong taon na ang nakakaraan.
"Gusto mo samahan kita sa baba, Babe?" Pilit na pinapasigla ni Isabella ang boses nang sa gayon ay mabawasan kahit papaano ang problemang dinadala ng nobyo. Iniangkla pa niya ang sariling braso sa braso nito saka ginawaran ng halik sa kanang pisngi. "I love you," bulong ng dalaga.
Napangiti si Leester sa narinig pero naroon pa rin ang lungkot sa mga mata. "I love you more, Isabella," mahinang bulong nito saka hinaplos ang pisngi ng dalaga. "Stay here, Babe. Bababa lang ako para kausapin si Papa."
"Pero, Raine—"
"Just stay here, okay?"
Walang nagawa si Isabella kundi manatili sa kwarto. Kahit anong pakiusap niya ay ayaw siyang payagan ni Leester na makinig sa pakikipag-usap nito sa ama. Humiga na lang siya sa kama para matulog ngunit kalahating oras na ang dumaan, ay hindi pa rin siya dinadalaw ng antok. Ipinasya na lang niyang lumabas ng kwarto para i-check ang kambal. Nakasalubong niya si Charlotte sa pasilyo, malungkot ang mukha nito at tila maiiyak na.
"Tita?"
"Rose hija." Mabilis nitong hinawakan ang braso ng dalaga.
"Bakit po? Ano pong nang—" Hindi naituloy ni Isabella ang susunod na sasabihin dahil narinig niya ang sigawan na nagmumula sa living room.
"Kung inayos n'yo sana ang pamamalakad ninyo, hindi ito mangyayari!" Dinig niyang sigaw ni Leester.
"Kuya, ginawa namin ang lahat!" sigaw naman ni Kyle. "Sadya lang talagang mga bobo ang mga 'yon. Hindi nila alam na mas malakas tayo kaysa sa kanila."
Mabilis na bumaba ng hagdanan si Isabella dahil nag-aalala siya na baka mag-away na naman ang magkapatid. Nakasunod naman si Charlotte na panay ang punas ng luha sa pisngi.
"Kung makapagsalita ka, akala mo ang galing-galing mo!" Kitang-kita ni dalaga nang hablutin ni Leester ang kuwelyo ng suot na polo ng kapatid. "Puro ka naman kapalpakan!"
"Leester," saway naman ni Javier pero tila walang narinig ang binata kaya tumayo na ang matandang Monteero para awatin ito. "That's enough! Narito tayo para bigyan ng solusyon ang problema, hindi para insultuhin ang kapatid mo!"
"I'm not insulting him, Papa!" muling sigaw ni Leester sabay turo sa kapatid na ngayon ay nasa likod ng ama sa takot na baka dumapo na naman ang kamao ng panganay na kapatid. "I'm just telling the truth!"
"Leester—"
"Papa! Kaya hindi nagtatanda 'yang anak n'yo dahil palagi ninyong kinukunsinti. Palagi n'yo na lang pinapaboran." Akma na naman nitong lalapitan si Kyle kaya nagmamadaling lumapit si Isabella sa nobyo para pigilan ito.
"Raine!" saway ni Isabella sabay hablot sa braso nito para ilayo sa kapatid. Wala kasing nagawa ang matandang Monteero dahil bukod sa matanda na ito ay hindi nito kayang sawayin ang panganay na anak.
"No! Kanina pa ako nagpipigil sa lintik na 'yan! Palaging palpak kung tumrabaho!"
"Raine, ano ba!" Niyakap na si Isabella ang nobyo. "Pwede ba tigilan mo na 'to? Baka magising ang mga bata."
Laking pasasalamat ng dalaga nang humupa ang galit ng nobyo sa kapatid. Kumalas na siya mula sa pagkakayakap dito pero nagulat siya nang duruin nito ang kapatid. "Hindi mo alam kung ano ang dinanas namin ni Isabella dahil sa kapalpakan mo, Kyle! Napupundi na ako sa mga pinaggagagawa mo!" Matalim nitong tinitigan ang ama. "Kung hindi ninyo kayang disiplinahin 'yang anak n'yo, ako ang didisiplina diyan hanggang sa magtanda ang g*gong 'yan!" Kinalas nito ang kamay ni Isabella at dali-daling naglakad paakyat ng hagdan. Tinawag pa ito ng dalaga, pero tila wala itong narinig.
"May nangyari na naman ba, Kyle?" tanong ni Isabella nang makaupo na sila sa sopa. Dumating na rin si Tooffer na nakangisi habang nakatingin kay Kyle. "Ano bang ikinagagalit ni Raine?"
"Pumalpak ang transaksiyon kanina dahil naroon ang chics ni Kyle," kaagad na sagot ng nakangising si Tooffer. Isang matalim na tingin ang iginawad dito ni Kyle.
"Sabi ko naman kasi sa 'yo, Kyle, kikilalanin mo ang mga babaing pagkakatiwalan mo," wika ni Charlotte.
"Mama, bigla na lang sumulpot ang babaing 'yon. Hindi ko naman alam na kasama pala siya ng mga g*gong iyon at pinagplanuhan talaga ang pag-atake sa amin," pangangatwiran nito sa ina.
"Pero, anak—"
"That's enough," biglang saad ni Javier. "Malalim na ang gabi. Magsitulog na tayo. Kailangan maaga kang pumunta sa warehouse bukas, Kyle. May mga doktor na darating bukas doon. Ikaw, Tooffer samahan mo bukas si Leester sa—"
"Wait, tito," kaagad na sagot nito. "Hindi ba mas mabuti kung si Isabella na lang ang sasama kay Leester? Isa pa, mas maganda kung makikita silang magkasama."
"Saan, Tooffer?" sabat ng dalaga.
Ngumisi si Tooffer nang tumingin sa dalaga. Napailing-iling ito bago nagsalita, "kung hindi ka sana itinago ni Leester noon, hindi ito mangyayari, Isabella."
"Ang alin?" puno ng kuryusidad na tanong ng dalaga. Tila hindi na ito makapaghintay sa isasagot ng kaharap.
"Noon pa man, Isabella, takot na ang mga miyembro ng organisasyon na magkasundo ang ama mo at si Tito Javier, kaya ginawa nila ang lahat para lalo pa silang sirain."
"Bakit sila matatakot?"
"Hindi mo ba alam na kayo ang nagmamay-ari ng pinakamalaking lupain sa kabilang probinsiya, Isabella? Kayo rin ang may kontrol ng lahat ng illegal na droga na pumapasok doon."
"Hindi ko alam 'yon," mahinang bulong ng dalaga. "Walang sinasabi sa akin si Daddy."
"'Yon mismo ang dahilan kung bakit ayaw ng mga walang kwentang kalaban ni Tito Al na magkasundo ang dalawang pamilya. Palibhasa alam nila," tumigil sa pagsasalita si Tooffer para uminom ng alak," alam nila na kapag nagkasundo sina Tito Al at Tito Javier, mawawala ang negosyo nila dahil lalamunin lamang iyon ng pinagsamang pwersa ng mga Monteero at del Mundo." Muli na naman itong uminom ng alak. "Ngayon, Isabella kapag nalaman nila ang plano ninyong pagpapakasal ni Leester," ngumisi na naman ito. "Mabilis pa sa alas kwatro ang pagbabalik sa organisasyon ng mga grupong nagsipagkalas. Ipupusta ko ang mag-ina ko." Lalong lumuwang ang pagkakangisi nito nang banggitin ang huling dalawang salita.
"Hanggang ngayon, wala ka pa ring ipinagbago, Tooffer. Mas lalo ka pang lumala." Tumawa ang dalaga pati na ang mag-amang Monteero.
"Pati mag-ina mo, ipupusta mo, hijo?" hindi makapaniwalang tanong ni Charlotte.
"Of course, tita. Hindi ko ipupusta ang mag-ina ko kung alam kong hindi naman ako mananalo," pangangatwiran nito at sinaid ang laman ng baso.
"Ikaw, Kyle anong ipupusta mo? 'Yong strip club na lang kaya tutal pinag-iinitan naman iyon ni Leester. Kapag napunta sa akin 'yon, wala na siyang karapatang ipasara iyon."
"Kapag napunta 'yon sa 'yo, pauuwiin ko ng Pilipinas sina Liza at Cris," saad ni Isabella.
"Fine," natatawang sagot ni Tooffer. "Mas maigi na iyon para makasama ko ang mag-ina ko."
"Ipasasara ko na bukas ang strip club na iyon!" Dumagundong ang boses ni Leester kaya napalingon ang apat na naroon sa living room.