CHAPTER1
NAGTATAKA si Lianna dahil tatlong araw na mula nang dumating sila sa Maynila ay hindi pa rin sinasabi ng kanyang employer kung ano ang magiging trabaho niya. Baguhan lamang siya at wala siyang kaalam-alam sa buhay sa Maynila. Ang kaibigan niyang si Lena na kasabay niyang lumuwas ay iniwan na siya kay Mrs. Chavez na magiging amo niya. Napabuntong-hininga siya at naglakad papuntang glass window pagkuwa’y tinanaw ang ibabang bahagi ng gusali. Wala siyang makita kundi ang mataas na pader ng isang mas mataas na gusaling katabi nito. Nagtataka man siya sa tila espesyal na pagtrato sa kanya ni Mrs. Chavez pero ‘ni minsan ay hindi sa kanya binanggit nito kung ano ang magiging trabaho niya. Ayon dito ay ngayong gabi na raw siya isasama nito para mag-umpisa. Biglang siyang nakaramdam ng kaba. Hinihiling na sana makayanan niya ang trabahong ibibigay nito. Ayon kasi sa kanyang napag-alaman, ang mga trabaho sa mayayaman ay mahirap dahil sa mga high-tech nitong mga kagamitan bagay na bahagya niyang ikinabahala.
Humigit siya ng malalim na hininga sabay napatingin sa bumukas na pintuan.
“Mrs. Chavez, kayo po pala. Mag-uumpisa na po ba ako sa trabaho?” tanong niya. Isinarado ni Mrs. Chavez ang pintuan sabay napatingin sa kanya mula ulo hanggang paa na tila kinikilatis siya.
“Oo, ngayon na, kaya magbihis ka na at pupunta na tayo ro’n,” anitong nakataas pa ang isang kilay.
“O-opo, Mrs. Chavez,” nauutal pa na sabi niya. Agad niyang kinuha ang kanyang backpack na halos mapunit na sa sobrang sikip dahil sa pagsiksik niya sa mga damit na inilagay niya roon. Wala kasi siyang malaking bag kung kaya’t pinagkasya na lamang niya iyon sa backpack na ginamit niya noong third year high school siya.
“Ngapala, Lianna, maligo ka muna bago tayo umalis?” paalala ni Mrs. Chavez sa kanya.
“Po?” takang tanong niya. Nagtaka siya kung bakit pa siya maliligo samantalang naligo na siya kaninang umaga. Pero para makaalis na sila ay nagmadali siyang naligo sa katabing shower room. Natuwa siya dahil kompleto na agad siya sa mga personal na gamit. Naisip niyang galante lang talaga siguro si Mrs. Chavez.
Nang matapos siyang maligo ay agad na nagbihis siya at lumabas ng kuwarto.
“Tara na po?” ang sabi niya kay Mrs. Chavez na nakaupo sa sofa ‘di kalayuan. Napalingon ito sa kanya sabay tumayo.
“Sige, tara na,” anito.
Sumunod siya sukbit ang kanyang backpack. Nang lumabas sila sa nasabing gusali ay nakita niya ang nakaparadang sasakyan na binuksan ng isang driver ang pintuan. Naunang sumakay si Mrs. Chavez at pinasunod naman siya. Napatakip siya ng ilong nang maamoy niya ang air freshener ng kotse. Nahihilo kasi siya kapag nakakaamoy siya niyon. Kung hindi nga lang sa kagustuhan niyang makarating sa Maynila ay hindi siya sasakay ng aircon bus.
Sandali lang na binagtas nila ang kalsada at nakarating na agad sila sa nasabing establisyemento na pagtatrabahuan niya. Halos mag-aalas sais na ng gabi nang makarating sila roon. Pumasok sila sa gusali at agad na may sumalubong sa kanila na ilang kababaihan.
“Hi, Madam! Siya na ba ‘yong bago nating performer?” tanong ng isang babae kay Mrs. Chavez.
“Oo, siya nga. Turuan mo siyang mabuti, okay? Ayokong mapahiya sa mga parokyano natin,” habilin nito sa babae. Biglang gumuhit ang gitla sa kanyang noo dahil hindi niya maunawaan ang ibig sabihin ni Mrs. Chavez. Napapaisip siya kung bakit may sinabi itong mga parokyano. Ang alam kasi niya ay sa bahay lang ang trabaho niya dahil hindi naman siya nakapagtapos ng pag-aaral. Naisip niyang baka tindera siya o kaya naman ay waitress, dahil mukhang isang restobar ang lugar na pinuntahan nila.
“Ano’ng pangalan mo?” tanong sa kanya ng babae na sa tantiya niya ay nasa early thirties.
“Lianna po,” tugon niya.
“Lianna, tayo na, kailangan mo na magpraktis. Ikaw kasi ang unang magpe-perform mamaya,” anito.
“H-ha? M-magpi-perform ba kamo?” tanong niya.
“Oo. Bakit hindi ba nabanggit sa’yo ni Madam?” iritang tanong nito sa kanya.
“H-hindi, eh. Ano ba’ng trabaho ko?” tanong niya.
“Aba’y tatanga-tanga naman pala ‘tong nakuha ni Madam,” narinig pa niyang usal nito. Pero kinabahan siya. Parang kaparehas kasi itong nang napanood niya minsan sa telebisyon.
“Ako nga pala si Charmaine. Tara, sumunod ka sa akin,” anang babae na nauna sa kanya maglakad. Sumunod siya kay Charmaine. Iginala niya ang kanyang paningin nang makapasok na sila sa isang silid na halos puro salamin ang dingding. Inutusan siya ni Charmaine na ilapag muna ang bag dahil kailangan na niyang magpraktis.
“Hindi mo pa po sinasabi sa akin kung ano ang magiging trabaho ko,” aniya kay Charmaine.
“Lianna, hindi pa ba malinaw sa’yo? Dancer ang pinasukan mong trabaho,” anito habang binubuksan ang malaking screen na gagayahin niyang sayaw.
“Ha? Da-dancer?” napaanga na tanong niya.
“Oo.”
“P-pero hindi ako marunong sumayaw. A-ayoko! Hindi ko kayang sumayaw!” mariing tanggi niya.
“Ano’ng hindi kaya? Napakadali lang, susundan mo lang ang sayaw na ‘yan.” Napatingin siya sa babaeng sumasayaw sa malaking screen ng telebisyon. Tila kinilabutan siya dahil nalaswaan siya sa sayaw. Hinding-hindi niya iyon kayang gawin kahit kailan.
“Ayoko! Hindi ‘yan ang trabahong gusto kong pasukin,” sabi niya.
Biglang napahalakhak si Charmaine sa narinig mula sa kanya.
“Ano kamo? Hindi ito ang gusto mo? At ano naman ang inaasahan mong trabaho, manager?” muli itong humalakhak, “kung ako sa’yo, Lianna, hindi ko na tatanggihan ang trabahong ito, malaki mag-tip ang mga parokyano. Masuwerte ka nga ikaw ang pinili ni Madam.” Hindi na siya nito pinansin pa.
“Sige na, pag-aralan mo na ang sayaw at may kakausapin lang ako sa labas. Babalikan kita mamaya, ah,” ani Charmaine. Nagmadali itong lumabas ng silid nang makatanggap ng tawag sa cellphone. Napatingin muli siya sa malaking screen. Nabalot siya ng takot. Hindi niya kayang gawin ang trabahong ito kung kaya’t nag-isip siya kung paano makaaalis. Tumingin siya sa labas ng salaming bintana medyo dumidilim na ang paligid. Lumapit siya sa pintuan at sinilip sa labas kung may tao. Mukha namang abala ang lahat ng mga tauhan. Kahit natatakot siya ay kailangan niyang makatakas. Wala siyang kakilala sa Maynila pero saka na lang niya iyon iisipin. Ang importante makalabas siya sa trabahong ito, pakiramdam kasi niya mas mapapahamak siya kapag nagtagal pa siya rito.
Lumabas siya ng pintuan ngunit nakita siya ng isang tauhan at nilapitan siya.
“’Di ba ikaw ‘yong kasama kanina ni Madam?” tanong ng isang babae.
“Oo, a-ako nga,” nauutal na sabi niya ngunit hindi siya nagpahalatang natatakot.
“Saan ka pupunta?” tanong nito.
“Sa…sa banyo, tama sa banyo nga naiihi na kasi ako kanina pa,” palusot niya. Itinuro siya nito sa banyo pero mukhang mahihirapan siya makatakas dahil may nakabantay pa sa may pintuan. Pumunta siya sa banyo at saglit na nag-isip. Mayamaya ay lumabas na siya at sakto namang nakatalikod ang bantay sa may pintuan palabas. Dali-dali siyang tumakbo pero agad naman siyang nakita ng bantay. Narinig niyang sumigaw ito at tinatawag siya pero hindi niya ito nilingon bagkus ay mas binilisan pa niya ang pagtakbo.
Hindi niya alam kung saan siya pupunta basta ang alam lang niya ay kailangan niyang makalayo sa lugar na iyon. Mayamaya pa ay nakalayo na siya kaya medyo binagalan niya ang pagtakbo dahil tila kinakapos na siya sa paghinga sa sobrang pagod.
“Hoy! Bumalik ka rito!” narinig niya ang boses ng isang lalaki. Nilingon niya ito at siya nga ang hinahabol nito. Muli siyang kumaripas ng tumakbo at ang naisip niya ay tumawid kahit walang pedestrian lane.
Napatili siya sa malakas na busina na narinig niya. Napatakip na lang siya ng tainga at tila nanigas siya sa kanyang kinatatayuan habang nakapikit.
“Hey! Are you insane? Magpapakamatay ka ba?” bulyaw sa kanya ng lalaking nagbukas ng bintana. Iminulat niya ang kanyang mga mata at kinapa ang sarili kung buhay pa siya.
“Buhay pa ako?” Agad na lumabas ng kotse ang lalaki at magkasalubong ang mga kilay nito.
“Kaya mo bang bayaran ang kotse ko kung sakaling nabangga ako dahil sa pag-iwas sa’yo, huh?!” galit na sabi ng lalaki.
“Pa-pasensya na,” nanginginig na sabi niya. Sobrang kinabahan siya dahil muntik na siyang mabangga. Napailing ang lalaki na tila napamura. Napalunok siya dahil sa talim ng mga tingin nito sa kanya. Wala siyang masabi sa sobrang pagkabigla kundi ang titigan lamang ang lalaking kaharap. Napabuga ng hangin ang lalaki at tinalikuran na siya para sumakay na muli sa kotse nito.
“Kuya, tulungan mo ako, please!” napahawak siya sa braso ng lalaki nang tumalikod na ito. Mabilis na tinanggal nito ang kamay niyang nakahawak sa braso nito.
“What the hell are you doing and who are you? Bakit kita tutulungan?” galit na sabi nito na tila lalong umiwas sa kanya.
“Kuya, may humahabol sa akin, please tulungan mo ako!” pakiusap niya habang palinga-linga sa paligid pagkuwa’y nakita niya ang lalaking humahabol sa kanya.
“’Ayan na siya!” tarantang turo niya sa lalaking humahabol sa kanya.
“Hoy, bumalik ka rito!” sigaw ng lalaking papalapit sa kinaroroonan nila.
“Ayoko!” sambit niya.
Nang makalapit ang lalaki sa kanya ay bigla siya nitong hinatak ngunit nagpumiglas siya.
“Kuya, tulungan mo ako!” sigaw niya habang nakatingin sa lalaking may-ari ng kotse.
“Bitiwan mo siya!” Mabilis na lumapit ito at malakas na tinulak nito ang lalaking humahatak sa kanya. Natumba ang lalaki ngunit nang makabangon ito ay sinunggaban nito ng suntok ng lalaking may-ari ng kotse pero mas magaling sumuntok ang lalaking muntik nang makasagasa sa kanya. Natumba ulit ang lalaking humahabol sa kanya kaya mabilis siya nitong pinapasok sa kotse sabay umikot ito sa driver’s seat.