Halliyah's P.O.V
“Ate, gising na! Tinanghali ka na!”
Tumaas ang kilay ko habang nakapikit pa rin. Merong umaalog sa katawan ko kasabay ng pagkarinig ko sa matinis na boses ng taong gumigising sa ‘kin. Tumalikod ako mula sa kaniya dahil pakiramdam ko antok na antok pa ako at kailangan ko ng maraming tulog.
“Ate, huy! 8 na po.”
Sa isang iglap ay napadilat ako at lumingon kay Nath. Tinaasan niya ako ng isang kilay at kapag sinabi kong tinaasan— as in mataas talaga, muntik na umabot sa hibla ng buhok niya.
“8 na?” paninigurado ko na ikinatango-tango niya. “Hay…” Umupo na ako at tumingin sa alarm clock na nasa gilid lang ng kama ko. “Hindi ba tumunog ang alarm ko? Nakakainis naman.”
Nag-alarm pa naman ako ng 7 A.M. para ako na ang magluluto ng almusal namin dahil sigurado akong parehong napagod sina mama at papa sa trabaho nila.
“Ay, ‘te, gigisingin ba kita kung tumunog ‘yarn?” hindi pa rin nakababa ang kilay na tanong ni Nath. “Baka akala mo lang na-set mo ang alarm.”
Natawa na lang ako nang mahina at ginulo ang buhok niyang medyo humahaba na.
“Ate naman! Bumangon ka na lang, handa na ang pagkain,” kunwaring inis na sabi niya at tumayo na. “Ginulo pa ang hairlalu ko, e.”
“Sige na, susunod ako,” sagot ko at maliit na ngumiti.
“Okay, babush.” Tinalikuran niya ako at nagsimulang maglakad.
Hindi ko maiwasang mapatingin sa bewang at pwetan niyang pumipitik-pitik pa dahil sa pagkembot. Grabe rin ang pagka-cross ng legs kapag naglalakad.
Natatawang napailing na lang ako bago bumaba mula sa kama. Itinupi ko ang kumot namin ni Nath at inayos ang pagkakapatong ng mga unan, binanat ko rin ang bedsheet para mawala ang pagkalukot nito.
Pagkatapos ay tumayo ako sa harap ng full body-sized mirror namin para tingnan ang sarili. Ang gulo ng buhok ko at mukhang nagkabuhol pa. Hindi ko rin maitatangging maganda ang katawan ko at kitang kita ito sa suot kong sando at shorts.
Ang sarap talagang sabihin sa sarili na ang ganda ko.
“Anak, kakain na!”
Tumalima agad ako sa pagtawag sa akin ni mama kaya dali-dali akong lumabas ng kuwarto. Bumungad sa akin ang hapag-kainan na may nakahanda nang itlog at sinangag. Nasa tapat lang ito ng kuwarto namin dahil wala na rin ibang pupuwestuhan ang lamesa gawa ng maliit lang ang bahay namin.
“Sorry, ma, late ako nagising. Ako dapat maghahanda ng breakfast natin e,” sabi ko at nahikab pa.
Ako na rin ang kumuha ng mga baso at pitcher at saka inilapag ang mga ‘yon sa lamesa.
“Ano ka ba, ‘nak, okay lang ‘yon. Alam ko rin naman na pagod ka,” sagot ni mama at ngumiti sa akin.
“Mas pagod ka, ‘ma. Mahirap kayang maglaba ng sandamakmak na labahin. Kung ako ‘yan at nakakapagsalita lang ang mga kamay, baka nagrereklamo na ‘to,” umiiling na sambit ko bago umupo sa tabi niya. “Nasaan po pala si papa? Hindi ba siya sasabay sa ‘ting kumain?” tanong ko nang napansin kong tatlo lang kami rito.
“Pumasok na dahil maaga raw kailangang gawin trabaho nila ro’n sa construction site. Baka nga raw sa mga susunod na araw ay doon na rin sila matulog pagkatapos nilang magawa ang tulugan nila ro’n.”
Napatango-tango na lang ako. Todo kayod na naman pala si papa ngayon.
Si Nath naman ay sumusubo na agad, hindi pa nga nakakapagdasal.
“Hoy, Nathaniel Jay Bernabe, nakapagdasal na ba tayo at sumusubo ka na diyan?” sita ko sa kaniya na ikinatigil niya sa akmang pagkain ng ikalawang subo niya.
“Sorry po.” Ibinaba niya na ang kubyertos.
Pumikit kaming lahat at nanalangin saglit. Pagkatapos niyon ay sabay-sabay na kaming kumain. Nagpresinta pa si mama na siya na ang maghuhugas kahit na sinabi kong ako na. Makulit talaga.
Pumasok na lang ako sa kuwarto para kumuha ng mga damit na susuotin ko at ang uniform ko sa trabaho. Sunod ngang pumasok si Nath at kinalabit ako.
“Ate, may field trip po kami. Gusto ko pong sumama,” sabi niya na ikinatigil ko sa pagkuha ng damit.
Nakagat ko ang labi ko bago lumingon sa kaniya. Ngumiti pa siya sa ‘kin kaya mas lalo akong nalungkot dahil iisa lang naman ang magiging sagot ko sa sinabi niya.
“Nath, ano kasi…” Nilapag ko muna sa kama ang mga hawak ko at hinawakan siya sa magkabilang balikat. “Wala pang pera si ate. Kakasahod ko lang noong nakaraang linggo at naubos agad dahil sa dami nating bayarin.”
Nawala ang ngiti niya.
Ang hirap naman nito. Siguradong nalulungkot siya dahil sa ikalimang pagkakataon ay hindi na naman siya makakasama sa field trip ng school nila.
“Sorry, bebe. Alam mo namang maliit lang ang kinikita namin nina mama at papa, ‘di ba? Tsaka kung may pera man tayo, hindi pa rin kita mapapasama diyan kasi mas kailangan nating unahin ang mga bayarin natin sa bahay,” mahabang paliwanag ko at kinurot ang pisngi niya. “Naiintindihan mo ba ‘yon?”
Dahan-dahan siyang tumango. “Opo, ate. Sorry po kung nagsabi pa ako, alam ko rin naman po na hindi natin kaya,” mahinang sagot niya at napayuko.
Ang hirap maging mahirap.
Umupo muna ako sa kama para mapantayan ko siya. “Huwag kang mag-alala, mararanasan mo ring makapunta sa malalayong lugar pero hindi pa ngayon. Basta mag-aaral ka nang maigi, ha? Tapusin mo ang pag-aaral mo para kapag naging successful ka, kung saan-saang lupalop ng mundo ka pa puwedeng pumunta,” nakangiting sambit ko para mapagaan kahit papaano ang loob niya.
Bumalik ang ngiti sa labi niya at sunod-sunod na tumango sa akin. Hinimas ko ang ulo niya bago ako tumayo at kinuha muli ang mga damit ko. Nauna na ‘kong lumabas dahil siya naman ang umupo sa kama.
“Sayang, hindi ako makakakita ng pogi, huhu.”
Nasa pinto ako at palabas na sana nang narinig ko ‘yon. Nilingon ko siya at pinanliitan ng mata.
“Ayun naman pala, si Nathalie ang gustong sumama sa field trip at hindi si Nathaniel para makakita ng pogi,” sabi ko at natawa. Sinabayan niya rin ng pagtawa kaya nauwi kami sa hagikgikan. “Sige na, maliligo na ‘ko at magtatrabaho pa si ate.”
“Okay po.”
Pagkatapos kong maligo ay nag-book agad ako sa FlashRide para mapabilis ang byahe ko. Mas mura din kasi kapag FlashRide plus less hustle pa at isang sakayan lang.
Mabilis lang din naman akong nakapag-ayos ng sarili dahil hindi ako nagm-make up, sakto lang sa dating ng rider.
“FlashRide po!” Ayan na nga ang sigaw ng rider mula sa labas ng bahay.
“Ma, Nath, pasok na ‘ko!” paalam ko at binuksan na ang pinto.
“Ingat, ate!”
“Ingat, anak.”
Paglabas ko ay nakatingin na agad sa ‘kin ang rider. Hindi ko siya kilala dahil araw-araw namang iba-iba ang kumukuha sa booking ko.
“Iingatan ko po talaga ang anak n’yo.”
Muntik na tumaas ang kilay ko dahil sa narinig ko mula sa rider. Kinunotan ko siya ng noo pero isang malapad na ngiti ang isinukli niya sa ‘kin. Kitang kita ko na tuloy ang mapuputi niyang ngipin. Maging ang mga mata niyang hindi kalakihan ay nakangiti habang hindi inaalis ang tingin sa ‘kin.
Mukhang hindi pa lagpas sa kalendaryo ang edad niya, fresh pa rin. Madalas kasi may edad na ang mga nagiging rider ko, mga manong.
“Ano ‘yon, kuya? May sinasabi ka ba?” kunot noo pa ring tanong ko at naglakad palapit.
Natawa siya nang mahina. “Good morning po, ma’am.” Hindi ko siya binati pabalik. “Sungit natin, ma’am, ha?”
Feeling close?
Nang hindi pa rin ako sumagot, iniabot niya na lang sa ‘kin ang helmet na nakasabit lang sa kamay niya. Kukunin ko na sana iyon pero napaatras na lang ako nang isang hakbang matapos niyang iangat ‘yon at isuot sa ulo ko.
Ano ba’ng ginagawa niya? Bakit siya ang nagsusuot sa ‘kin? Kaya ko namang gawin mag-isa ‘yon.
“A-Ako na, kuya,” sabi ko at mabilis na tinanggal ang kamay niya. Ako na ang nag-lock nito at pilit na ngumiti sa kaniya dahil nakangiti na naman siya sa ‘kin.
“Sakay ka na po, ma’am.”
Tumango ako at sumampa sa motor. Humawak lang ako saglit sa balikat niya para kumuha ng bwelo. Tinanggal ko rin agad ang pagkakahawak ko nang nakaupo na ‘ko.
“Hawak ka, ma’am.” Hindi ako kumilos. “Puwede rin pong yakap para sure na hindi ka mahuhulog, sa ‘kin lang.”
Napanganga na lang ako sa mga pinagsasabi niya. “Kuya, ang corny mo. Alis na tayo at baka ma-late pa ‘ko.”
Narinig ko ang pagtawa niya nang mahina bago ini-start ang motor. Muntik na akong mapamura nang bigla na lang humarurot ito, as in ang bilis agad. Tumama pa ang dibdib ko sa likod niya dahil sa pagkabigla.
Muntik nang humiwalay sa ‘kin ang kaluluwa ko.
Mabuti na lamang at hindi masikip ang lugar dito sa barangay kaya nakakapagpatakbo siya nang mabilis pero mali pa rin ang ginawa niya! Aatakihin ako sa puso e.
Sa isang iglap nga lang ay nakalabas na kami ng barangay. Kumapit na ‘ko sa balikat niya dahil hindi nagbago ang bilis ng takbo namin. Hindi ko alam kung sinasadya niya ba o ano.
Wala pang 20 minutes ay nakarating na kami sa tapat ng DaFood. Nauna akong bumaba at nagtanggal ng helmet. Ibinalik ko agad sa kaniya na siya namang tinanggap niya. Naglabas ako ng pambayad at inabot na rin ’yon sa kaniya.
“Ingat ka sa trabaho, ma’am. Huwag magpapapagod masyado,” hirit na naman ni kuyang rider. Tumikhim na lang ako at hindi sumagot. “Sa susunod na booking po ulit, ma’am.”
Nakita ko pa ang pagngiti niya sa ‘kin bago ko siya tinalikuran. Napailing na lang ako dahil mukhang nagpapapansin talaga siya sa ‘kin.
Medyo creepy, ha.