Halliyah's P.O.V.
"Salamat ulit at pasensya na sa nangyari kanina," sabi ko pagkababa ko sa motor niya.
Nandito na kami sa harap ng bahay. Pagkatapos kong tanggalin ang helmet ay tiningnan ko ang motor niya. Inikutan ko ito at naghanap ng gasgas, kung meron man.
"Ma'am, ano pong ginagawa mo?" tanong niya sabay tawa nang mahina.
Huminto ako sa harapan niya at itinuro ang gasgas na nakita ko sa gilid ng motorsiklo. "Pasensya na talaga. Nagasgasan ang motor mo dahil sa pagkahulog natin kanina," bulong ko sa mahinhing boses.
Bigla akong nahiya dahil kasalanan ko kung bakit kami nahulog kanina at nagasgasan ang motor niya.
Umiling siya at tipid na ngumiti. "Ayun ba? Ayos lang, maliit na bagay lang. Mabuti pang mahulog tayo sa motorsiklo kaysa makuha ka ng lalaking iyon," sagot niya at tumango.
Hindi ko mapigilang ngumiti sa kaniya nang sinsero dahil gusto ko ring malaman niya na nagpapasalamat talaga ako sa ginawa niya. I think, hindi ko na siya dapat pag-isipan ulit ng masama kasi mabait naman siya. Nararamdaman ko rin na mabait nga siya. Dapat itigil ko na ang panghuhusga sa kaniya simula ngayon.
Hindi siya nagsalita at nakatitig lang sa akin. Nakatingin siya sa nakangiti kong labi kaya unti-unting nawala ang ngiti ko kasabay ng pagkagat niya sa labi niya.
"A-Ah..." Umiwas siya ng tingin at napakamot sa batok. "Y-You're welcome, ma'am. Sige, mauna na ako," paalam niya bago ako tinalikuran at sumakay sa kanyang motor.
Akala ko hindi na siya titingin sa akin, pero hanggang sa maisuot niya ang helmet niya, nakatitig siya sa akin. Sinubukan kong labanan ang tingin niya sa akin kaya sa huli ay nagkatitigan kami nang ilang minuto.
Dinilaan niya ang kaniyang labi at ngumiti nang malawak. "Goodnight, ma'am. Bago ako umalis, gusto ko lang sabihin na napakaganda mo. See you tomorrow," paalam niya na may halong papuri.
Hindi ko inaasahan na sasabihin niyang maganda ako kaya hindi na ako sumagot at naiwan lang dito na tulala pagkatapos niyang paandarin ang motor niya para umalis. Napahawak ako sa mukha ko at sinampal ito nang mahina. Pakiramdam ko namumula na ang pisngi ko.
Pumasok ako sa bahay na nakatulala pa rin. Naririnig ko sa isip ko ang sinabi niya na maganda ako.
Gumising ka, Halliyah. Baka inuuto ka lang at nambobola.
Sana hindi.
"Ate, ayos ka lang ba? Bakit parang wala ka sa sarili habang naglalakad diyan?" tanong ni Nath nang nakasalubong niya ako pagpasok ko.
Bumuntong hininga ako at naghilamos ng mukha gamit ang sarili kong kamay. Gusto kong sabihin na hindi ako okay at pagod talaga ako ngayong araw pero ayokong mag-alala siya sa akin.
Pinilit ko nalang ngumiti at tumango sa kaniya. "Syempre naman, okay lang ako. Ikaw, bakit hindi ka pa natutulog? Oras na para matulog at kailangan mong pumasok nang maaga bukas," sabi ko bago umupo sa upuang kahoy.
Tinanggal ko ang medyas ko at nag-unat ng katawan. Napahikab ako dahil sa antok at pagod.
"Kasi hinihintay kita kaya hindi pa ako natutulog. Matutulog na rin ako, good night!" sagot ni Nath at lumapit sa akin. Yumuko siya para halikan ako sa pisngi.
"Good night, Nath. Sleep well. Susunod ako mamaya." Ngumiti ako sa kaniya at tinapik siya sa balikat.
Nanatili akong nakaupo sa upuan nang ilang minuto. Iniisip ko pa rin 'yung nangyari kanina. Ngayon, hindi ko alam kung paano ko haharapin ang manager ko bukas. Kung kanina ang awkward, mas magiging awkward pa ngayon dahil sa mga kilos na ipinakita niya.
Hindi ko alam kung bakit ito nangyayari.
Maaga akong nagising kinabukasan. Buti na lang at hindi ako na-late ng gising dahil gusto ko talagang ako ang magluluto ng almusal namin. Ayoko nang abalahin pa ang nanay ko.
Nang lingunin ko si Nath, tulog pa rin siya. Niyakap niya ang paborito niyang unan na may disenyong barbie. Nakangiti lang ako habang pinagmamasdan siya. Hindi ko muna siya ginising. Lumabas ako ng kwarto at dumiretso sa open kitchen namin.
Naggisa lang ako ng sardinas at naghalo ng suka sa sibuyas para maging sawsawan. Pagkatapos ay bumalik na ako sa room namin para gisingin si Nath.
Hinagod ko ang braso niya at idinikit ang pisngi ko sa ulo niya. “Nathaniel, gising na...” mahinahong sabi ko sa tapat ng tenga niya. Pinisil ko naman ang pisngi niyang hindi malaman kun'di puro balat lang.
Ayaw niyang gumising pero nakita ko ang paa niyang gumalaw. Kapag gumagalaw na ang mga daliri sa paa niya, ibig sabihin niyon ay gising na siya.
Napangisi ako sa naisip ko. “Ay, ayaw ng Nathaniel?” natatawang tanong ko. “Okay, Nathalie, gising na. Kakain na tayo.”
Napausog ako nang bigla na lang siyang umunat at dumilat. “Good morning—” tinakpan ko agad ang bibig niya dahil nagulat ako sa pagsigaw niya. Pinanlakihan ko siya ng mata. Tinanggal niya ang kamay ko mula sa pagkakatakip sa bibig niya at nag-peace sign. “Sorry po, napalakas.”
Ngumiti lang ako at tumayo na. Siya naman ay umupo at ngumiti rin sa akin. “Ano pong almusal natin?” tanong niya.
“Naggisa ako ng sardinas. Mag-ayos ka na diyan at gigisingin ko lang si mama,” sagot ko na ikinatango niya naman.
Nang tumayo na siya para maglipat ng higaan, lumabas na rin ako ng kuwarto namin at sunod na pumasok sa kuwarto nina mama. Inaasahan ko nang wala si papa sa tabi niya dahil doon na 'yon natutulog sa construction site nila.
Umupo ako sa tabi niya at hinawi ang buhok niyang tumatabon sa mukha niya. Gusto kong ngumiti nang nakita ko na ang mukha niya pero habang tinititigan ko siya ay halatang halata ko ang lungkot dito.
Nangingitim ang ilalim ng mga mata niya, gawa ang pagod at puyat. Ang labi niya ay nakasimangot kahit na tulog siya. Nararamdaman ko rin ang malalalim na paghinga niya.
Nakakapagod maging mahirap.
“Mama, gising na. Nagluto po ako ng pagkain natin,” panggigising ko sa kaniya habang tinatapik ang braso niya. “Maganda kong mama, gising na po.”
Pagkahalik ko sa pisngi niya ay dumilat na rin siya. Sumilay ang munting ngiti sa labi niya. Umayos siya ng higa paharap sa akin.
“Gising ka na pala, Halliyah. Pasensya na at nauna ka pa sa 'kin. Ako dapat ang maghahanda ng agahan natin—”
“Shh, hindi po. Hayaan mo na akong gumawa nito, okay?” agad kong sabi at inalalayan siya sa pag-upo. “Tara na po, kumain na tayo.”
Tumango na lang siya at hindi na sumagot pa. Sabay kaming lumabas ng kuwarto. Si Nathan naman ay nakaupo na sa isa sa mga upuan at hinihintay na lang kami.
“Kain na po! Ang bango ng luto ni ate, nagugutom na po ako!” ngiting ngiting aya sa amin ni Nathan kaya napangiti na rin kami.
Nagdasal muna kami bago kumain. Nagkukwentuhan naman kami habang kumakain. Si Mama ay kinukwento na mababait daw ang mga nagpapalaba sa kaniya dahil binibigyan daw siya ng tip bukod sa bayad sa kaniya. Malapit lang din daw ang construction site nina papa sa pinaglabhan niya kahapon kaya nagkita sila ro'n.
Si Nath naman ay nagkuwento rin na sinabihan niya na lang daw ang classmates niyang kumuha ng pictures ng mga pupuntahan nila sa field trip at ipakita sa kaniya. Alam kong naiinggit pa rin siya sa mga kaklase niyang makakasama sa field trip nila pero alam ko rin naman na hindi sasama ang loob niya dahil hindi naman gano'n ang ugali niya.
Pagkatapos naming kumain ay ako na rin ang naghugas ng plato. Heto at naghahanda na ulit ako sa pagpasok ko sa trabaho. Nag-book ulit ako ng byahe sa FlashRide.
Habang naghihintay nga, tumayo ako sa harap ng salamin. Huminga ako nang malalim at pumikit nang mariin. Sa pagpikit kong iyon ay naalala ko na naman ang nangyari kagabi.
Napatampal ako nang mahina sa noo ko matapos kong ma-realize na haharap na naman pala ako kay Sir Winston mamaya. Nakagat ko nang madiin ang labi ko habang iniisip kung paano ko siya pakikitunguhan mamaya.
Hays, nakakainis naman!
“Ate, nandiyan na FlashRide!” narinig kong sigaw ni Nath mula sa labas ng kuwarto kaya dali-dali kong kinuha ang bag ko at isinukbit iyon sa balikat ko.
“Bye, ingat kayo rito, ha?” paalam ko sa kanila at humalik muna sa noo ni Nath at sa pisngi ni mama.
“Mag-iingat ka rin.”
Ngumiti lang ako bago tuluyang lumabas. Naabutan ko ang rider kong nakatayo sa tabi ng motor niya.
Kahit nakasuot pa siya ng helment, kilala ko na agad kung sino siya. Paano ba namang hindi ko siya makikilala e sa lahat ng naging rider ko, siya lang ang may malalaking biceps. Kahit nakasuot siya ng longsleeve na uniform ng FlashRide ay bakat na bakat ang biceps niya.
Napapikit ako at mabilis na umiling. Bakit ko ba iniisip ang biceps niya? Bakit ko ba siya dini-describe? Gumising ka, Halliyah!
“Bakit ikaw na naman ang rider ko?” mahinahong tanong ko habang naglalakad papalapit sa kaniya.
Tinanggal niya ang helmet niya kaya nakita kong muli ang guwapo— mali, hindi, wala akong sinasabi! Ngiti niya ang nakita kong muli.
“Maganda ka pa sa umaga, ma'am,” nakangiting bati niya na ikinaawang ng labi ko.
Trip ba 'ko nito?
“Ano bang sinasabi mo?” tanong ko matapos maka-recover sa sinabi niya at sumimangot.
“Bakit? May mali ba sa sinabi ko na maganda ka? E totoo naman 'yon, ah?” natatawa pang tanong niya pabalik.
Pasimple akong umiwas ng tingin at nagkuwaring may tinitingnan lang ako sa malayo. Nakakainis kasi! Nag-iinit ang pisngi ko, pakiramdam ko ay namumula ito.
Hindi ko alam kung bakit biglang naging ganito ang epekto ng mga sinasabi niya sa 'kin. Mali 'to... mali 'to.
Ang babaw ko naman siguro kung magpapadala agad ako sa mga salita niya. Ni hindi ko alam kung seryoso ba siya.
“Alam mo, umalis na lang tayo,” pairap kong sabi at pumunta na sa gilid ng motor niya. “Required ba na daldalin mo ang pasahero mo?” nagsusungit kong tanong habang nakataas ang kilay.
Hindi naman talaga ako ganito pero mukhang kailangan kong ipakita 'yung ganitong side ko para tigilan niya na 'ko.
Hindi siya sumagot pero ngumiti na naman siya. Ano ba kasing meron at ngiti siya nang ngiti? Wala nang ibang ginawa kun'di ngumiti nang ngumiti e.
“Mauna ka na sumakay,” sabi niya.
Sumunod agad ako pero dahil may kataasan ang motor niya at hindi ko alam kung saan ako kakapit, muntik na akong matumba!
Mabuti na lamang at alerto itong si Mon, nasalo niya agad ako. Ang isang kamay niya ay nakahawak sa bewang ko habang ang isa naman ay humawak sa kamay ko, sapat lang para makuha ko ang tamang balanse at makaupo nang maayos.
Nahihiya man, nagsabi pa rin ako ng, ”Thank you.”
“Mag-iingat ka kasi,” sambit niya.
Saglit kong napigilan ang paghinga ko nang humawak siya sa likod o dulo ng motor habang ang isang kamay ay nasa handle, lumiyad ang katawan at mukha niya palapit sa akin. Napalunok ako.
“Pero ayos lang naman, nandito lang ako para saluhin ka kapag nahulog ka.”
Please, ang corny niya talaga!